You are on page 1of 4

Mga Tala Ukol sa Kalikasan ng Wika

ni Jan Henry M. Choa Jr.

Isa ang wika sa pinakamahalagang imbensyon ng tao. Sa pamamagitan ng wika, umunlad ang
sibilisasyon dahil higit na naunawaan ng tao ang kaniyang sarili at pakikipag-ugnayan sa kaniyang
kapuwa na naging dahil upang makabuo pinagsaluhang ng karunungan mula sa pang-araw-araw
na karanasan sa buhay. Wika ang naging nagsilbing tagatala ng kasaysayan at karunungan kung
kaya patuloy na umuunlad ang lipunan sa kasalukuyan.

Walang tiyak na makapagsasabi kung paano nagkaroon ng wika sa daigdig. Maraming teorya na
buo ang mga paham upang bigyan ng paliwanag ang pinagmulan ng wika. Nariyan ang Teoryang
Bow-wow na naniniwalang ang wika ay nagmula sa tunog ng kalikasan at siyang ginagad ng tao
upang ipakahulgan sa mga bagay. Ang teoryang Ding-Dong na naniniwalang, lahat ng bagay sa
daigdig ay may kaakibat natunog at ang tunog naiyon ang siyang ipinanturing ng tao sa mga
bagay. Ang teoryang Pooh-pooh naman ang nagbigay paliwanag na ang wika ay nagmula sa
siklabo ng damdamin ng tao. Maging ang mga relihiyon ay nagkaroon ng paliwanag tungkol sa
pinagmulan ng wika, halimbawa sa mga Kristiyano, mababasa sa Genesis ang pinagmulan ng wika
sa daigdig. Marami pang teorya ang magpapaliwanag sa posibleng pinagmulan ng wika subalit
ang tanging nababatid natin na natatamo at natututuhan ang wika sa pamamagitan ng pakikinig
at paggaya sa nagsasalita.

Ano ng aba ang wika? Maraming dalubwika at paham ang nagbigay ng kani-kanyang kahulugan
upang ipaliwanag ang katuturan ng wika. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mahuhusay na
pagpapakahulugan sa wika.

Ayon kay Webster…

“Ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga
pasulat o pasalitang simbulo.”

Ayon kay Archibald A. Hill…

“Ang wika ang pangunahin at pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong gawaing pantao.”

Ayon kay Henry Gleason…

“Ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang


arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura.”

Ayon kay Zeus Salazar…

“Naipapahayag sa wika ang mga kaugalian, isip at damdamin ng bawat grupo ng mga
tao at maging sa larangan ng kaisipan, ang wika rin ang impukan-kuhanan ng isang kultura.
Ayon kay Conrado de Quiros…

“Ang wika ay isang buhay na bagay. Tumutubo ang wika mula sa puso ng isang bayan at
sumususo ito mula sa pambansang kasaysayan at karanasan.”

Ayon kina Pamela Constantino at Galileo Zafra…

“Ang wika ay isang kalipunan ng mga salita at ang pamamaraan ng pagsasama-sama ng


mga ito para magkakaunawaan o makapagkokomyunikeyt ang isang groupo ng mga tao.”

Sa mga nabanggit na kahulugan ng wika, mauunawaan natin ang pangunahing katangian nito, na
ang wika ang binubuo ng mga tunog. Upang higit na maunawaan natin ang kalikasan ng wika,
talakayin natin ang katangian nito.

Tulad ng ibang bagay sa daigdig, nakikilala ang wika sa mga unibersal na katangian nito. Ang mga
katangiang ito ay matatagpuan sa lahat ng wika sa daigdig.

Ang wika ay pantao lamang. Ang wika ay bagay na pag-aari lamang ng tao sapagkat ito ay
imbensyon ng tao. Ayon kay Sapir (1961), tanging tao lamang ang nakagagawa ng wika sa paraang
hindi katutubo o likas. Naipapahayag ng tao ang kanyang isip damdamin at mga naisin sa
pamamagitan ng mga sadyang isinasagawang simbulo. Matatagpuan sa wika ang mga simbulo na
nagkakaroon ng kahulugan ayon sa gumagamit nito.

Ayon kay Choa (2016), ang wika ay bagay na ipinagkaiba ng tao sa ibang nilalang partikular sa
hayop. Ang mga hayop ay walang wika bagkus ang mga tunog na kanilang nililikha ay instinct o
likas na tunog para sa hayop. Ang tahol ng aso ay likas sa aso at ang ngiyaw ng pusa ay para sa
pusa. Kung bakit sinasabi ng iba na ang mga tunog ng hayop ay wika dahil tao ang nagbibigay-
kahulugan sa mga ito. Isa pang kaibahan sa tunog ng hayop sa tunong ng tao ay may kaakibat
itong set ng mga simbulo, sa anyong alpabeto na ginagamit ng tao upang mapanatili ang
karunungan.

Ang wika ay masistemang balangkas. Lahat ng wika ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak
na estruktura. Walang wika sa daigdig na walang estruktura sapagkat kung magkagayon ay
paanong makabubuo ang tao ng mga pahayag?

Nagsisimula ang anumang pahayag sa pamamagitan ng mga tunog. Sa linggwistika, ang


makabuluhang tunog ay tinatawag na ponema. Ang mga ponema ay pinagsama-sama ay upang
makabuo ng maliliit na yunit ng salita na tinatawag na morpema. Kapag ang mga salita ay
pinagsama-sama at pinag-ugnay-ugnay, nakabubuo ang isang makahulugang pahayag na
tinatawag na pangungusap. Ang pangungusap ay ginagamit ng tao sa anumang diskurso o
pagpapahayag. Sa madaling salita, lahat ng wika ay may sistematikong estruktura ng mga tunog
at salita upang makabuo ng isang pahayag.
Ang wika ay sinasalitang tunog. Maraming tunog sa daigdig subalit hindi mito maituturing na
wika. Ang tunog na nililikha ng tao ay isang wika kung ito ay may kahulugan. Tulad ng nasabi, ang
wika ay binubuo ng mga tunog. Subalit sa katotohanan, hindi lahat ng tunog sa isang wika ay
makabuluhan o nagtataglay ng kahulugan. Kailan nagiging makahulugan ng isang tunog? Tignan
ang sumusunod na halimbawa:
/b/ /a/ /t/ /a/ = bata /t/ /k/ a/ /s/ = tkas

Batay sa halimbawa, matatanto na nagiging makahulugan lamang ang isang tunog o mga tunog
kapag pinagsama-sama ang mga ito at nakabuo ng kataga na may kahulugan. Bawat wika sa
daigdig, ay may kani-kanyang set ng mga tunog na kaiba sa ibang wika.

Ang wika ay arbitraryo. Kapag sinabing arbirtaryo, ang mga tunog ay pinipili ayon sa
pangangailangan ng tao gumagamit ng wika na nakapaloob sa isang pangkat o lipunan. Ibig
sabihin may iba’t ibang paraan ang bawat ng lipunan sa pagpili ng mga tunog na pinagsasama-
sama o pinag-uugnay-ugnay ayon sa kanilang pangangailangan. Samakatuwid, ang tunog
pinagsama ng mga Filipino ay nauunawaan lamang ng mga Pilipino gayundin sa Ingles at iba pang
wika sa daigdig.

Ang wika ay nakabatay sa kultura. Ang wika ay nakabatay sa pamumuhay ng gumagamit nito.
Sapamamagitan ng wika, nakikilala natin ang ugali, tradisyon, pamahiin, paniniwala at kultura sa
pangkalahatan ng wikang ginagamit sa/ng isang lipunan. Samakatuwid ang isang kaisipan,
konsepto o bagay halimbawa sa lipunang Pilipino ay hindi makikita sa kulturang Ingles.
Halimbawa sa Ingles, rice ang tawag sa kanin subalit sa kulturang Pilipino ang rice ay maaaring
katumbas ng kanin, bigas o palay. May mga konsepto sa Filipino na walang katumbas sa Ingles
tulad ng bayanihan, po at opo, usog, bati, kuwan, namatanda, at marami pang iba.

Ang wika ay buhay at nagbabago (dinamiko). Ang wika ay nagbabago sapagkat ang wika ay
buhay. Nagbabago ang wika sa pamamagitan ng tatlong paraan: paglikha, panghihiram at
pagsasalin. Hangga’t ang tao ay nakikipag-ugnayan sa ibang kultura, patuloy na nadaragdagan ng
iba’t ibang salita ang isang wika mula sa ibang kultura.

Kapag ang wika ay hindi nagbabago ito ay wikang stagnant. Gayundin maaaring itong mamatay
sapagkat may mga wikang unti-unting nawawala sa paglipas ng panahon dahil wala ang
nagsasalita nito. Tulad ng mga salitang hindi na gamitin sa kasalukuyan kung kaya naging archaic
o patay na salita. Ang wikang di nagbabagong-anyo sa pagdaan ng panahon ay maituturing na
wikang patay.

Ang wika ay isang ugaling panilipunan. Sinasabing ang wika ay kinakailangang pag-aralan at ang
pagkatutong ito ay magagampanan lamang saloob ng isang lipunan. Natututuhan ng isang
indibidwal ang kanyang wika sa lipunang kanyang kinabibilingan. Sa tahanan unang natututuhan
ng tao ang wika. Sa madaling salita, ito ay naglalarawan ng damdamin at saloobin ng kanyang
pamilyang kinabibilangan. Sa lipunan naman ganap na humuhubog ng kasanayang pangwika.
Kung ano ang wika ng isang lipunan ay siyang refeksyon ng pagkatao ng mga mamamayan
gumagamit nito.
Ang wika ay makapangyarihan. Ang wika ay may kakayahang magpakilos ng tao. Nagagawa nito
na makaimpluwensya at baguhin ang kaisipan, damdamin o paniniwala ng isang indibidwal sa
kanyang kapwa. Halimbawa, paanong nagising ang makabayang damdamin ng mga Pilipino na
mag-alsa laban sa mga Kastila? Hindi ba sa tulong ng mga isinulat ni Rizal unti-unting nakita ng
mga Pilipino ang tunay na kalagayan ng Pilipinas kung kaya natutuhan nilang humawak ng armas
at mag-aklas.

May kapangyarihan din ang wika lumikha ng konsepto at kaalaman. Sa pamamagitan ng wika
nagkakaroon ng katawagan o label ang mga bagong tuklas na karunungan kung kaya may iba’t
ibang katawagan tayo sa mga bagay-bagay sa ating paligid.

Ang sinumang may kakayahang gumamit ng wika ay may kapangyarihan sa lipunang


kinabibilangan. Kung bakit nasa kulturang Pilipino na ang sinumang may kakayahan sa paggamit
ng wika ay pinaniniwalaang maalam sa lahat ng bagay. Isang manipestasyon ng talino ang
paggamit ng wika na siyang lumilikha ng gahum sa sinumang nasasangkot sa talastasan.

Ang wika ay may antas. Dahil ang wika ay ginagamit ng tao mula sa iba’t ibang kalakaran, natural
lamang na magkaroon ito ng antas o lebel depende sa gumagamit nito. Madaling matatanto ang
antas ng wika sa uri ng tao o pangkat sapagkat iba-iba ang paraan ng paggamit ng wika sa iba’t
ibang konteksto. Sa madaling sabi, ang wika ay nagagamit sa iba’t ibang panahon at pagkakataon
at nakabatay sa kalagayang panlipunan. Halimbawa, iba ang wikang gamit sa paaralan at sa
tahanan. Iba ang wikang ng mga bakla sa wika ng mga dalubhasa.

Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon. Ang tunay na wika ay wikang sinasalita; ang wikang
pasulat ay paglalawaran ng wikang sinasalita. Kinakasangkapan ng tao ang wika sa paraang
pasalita at pasulat. Ito ang behikulo ng kaisipan, damdamin at saloobin ng tao upang ihatid ang
mga ito bilang mensahe sa kanyang kapwa. Ginagamit ng tao ang mga tunog at salita sa pagbuo
ng pangungusap kung kaya walang pangungusap na walang salita.

Sa mga nabanggit na katangian, matutukoy ang kahalagahan nito sa buhay ng tao. Ang pagiging
instrumento nito sa komunikasyon ng tao ang isa halagang hindi mapasusubalian. Sa
pamamagitan ng wika, napapanatili nito ang mabuting uganayan ng tao sa isang lipunan. Sa
pamamagitan ng wika, napapanatili nito ang karunungan at pagkamalikhain ng tao sa ikauunlad
at ikatatagal ng sibilisasyon ng tao. Kaakibat ng tao ang wika, Refleksiyon ng tao ang wika. Kaya
nga alisin mo ang wika sa tao. Ikaw ay mawawala sapagkat ang wika ay ikaw.

You might also like