You are on page 1of 2

IKAPITONG ARAW NG KATESISMO TUNGKOL KAY SANTIAGO APOSTOL: SI

SANTIAGO AT ANG MAHAL NA BIRHEN NG DEL PILAR


Sa kapistahan ni Santiago dito sa ating bayan ng Paombong ay tuwing ika-28 at ika-29 ng
Disyembre, laging kasama ng imahen ng Banal na Apostol sa maringal na prusisyon. Pero ano nga
ba talaga ang kaugnayan ni Santiago kay Maria sa taguring Birhen del Pilar?

Kaugnay ng kasaysayan ni Santiago ang pakikitagpo sa kanya ng Ina ng Diyos, ang Mahal na
Birheng Maria, sa pampang ng Ilog Ebro sa Zaragoza, Espanya. Nang panghinaan ng loob si
Santiago dahil sa katigasan ng puso ng mga tao at hindi pagtanggap sa Mabuting Balitang kanyang
ipinangaral, ninais na niyang sumuko at bumalik na lamang sa Jerusalem. Noong ika-2 ng Enero, 40
AD, habang nagdarasal siya at ang kanyang mga alagad, nakipagtagpo kay Santiago si Maria na
nakatayo sa isang haliging bato at napalilibutan ng mga anghel.

Sinabi sa kanya ng Mahal na Ina: “Iago, lingkod ng Kataas-taasan, pagpalain ka nawa ng Kanyang
Kamay. Iniligtas Niya kayo at ipinamalas ang kagalakan ng Kanyang Mukha.” Matapos nito ay
sabay-sabay na sumagot ang mga anghel: “Amen!”

Muling nagwika ang Mahal na Birhen sa kanya: “Iago na aking anak, ang lugar na ito tinakda ng
Kataas-taasang Diyos ng kalangitan upang inyong maipalaganap ang Kanyang kabanalan sa lupa at
makapagtalaga kayo ng isang templo at bahay-dalanginan kung saan ang Kanyang Ngalan ay
mapararangalan at mapupurihan: nang ang Banal na Biyaya ay makarating sa lahat ng
mananampalataya, at sa aking pamamagitan ay inyong makamit kung hihilingin ninyo nang may
tunay na pananampalataya at debosyon. Sa Ngalan ng Makapangyarihang Diyos, ipinangangako ko
ang mga dakilang kaloob at pagpapala, at ang aking pag-iingat at pag-aampon sapagkat ito ay aking
magiging templo at tahanan at siyang aking magiging pag-aari. At bilang patunay ng katotohanang ito
at ng aking pangako, mananatili ang haliging ito at sa ibabaw nito’y ilalagay ang aking larawan. Ang
templong ito’y mananatili at magiging matatag, taglay ang matibay na pananalig, hanggang sa
katapusan ng mundo. Itatalaga ninyo sa mula’t mula pa bilang tahanan ng Panginoon; at mula sa
Jerusalem pagtitibayin ninyo ang paglilingkod na ito, kung saan kagigiliwan ng aking Banal na Anak
ang sakripisyo ng pag-aalay ng inyong buhay, sa lugar kung saan kanyang ibinigay ang Kanyang
buhay para sa katubusan ng sangkatauhan”.

Dahil dito, bumalik sila nang may panibagong lakas at diwa at ipinagpatuloy ang kanilang misyon na
ipahayag ang Mabuting Balita ni Hesus. Ang lugar ng pagtatagpo ni Santiago at ng Mahal na Birhen
ay ang kasalukuyang kinatatayuan ng Basilica ng Nuestra Señora del Pilar sa Zaragoza, Espanya.
Ngunit ang pangyayaring ito ay hindi maituturing na apparition o pagpapakita dahil noong
panahong iyon, ang Mahal na Birheng Maria ay kasama pa ng apostol na si Juan, na kapatid na
bunso ni Santiago, sa Jerusalem.

May tatlong kapistahan ang mahal na Birhen ng del Pilar:


1. Ika-2 ng Enero, ang paggunita sa kanyang pakikitagpo kay Santiago;
2. Ika-20 ng Mayo, ang paggunita sa koronasyong kanonikal ng imahen, at
3. Ika-12 ng Oktubre, ang kanyang mismong kapistahan at paggunita na rin sa pagkakatalaga ng
Basilica.

You might also like