You are on page 1of 1

Ano ang kahalagahan ng Wikang Filipino sa buhay natin bilang Filipino?

. May malaking papel na ginagampanan ang wika sa bawat tao at maging sa lipunan. Sa
pamamagitan ng wika, nabubuo ang mabuting relasyon sa kapwa, napapaunlad ng tao ang kanyang
sarili at nakatutulong din siya sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng iba. Dahil sa wika nakatatanggap at
nakikibahagi siya sa kapwa ng bisang dala ng pagbabago sa kultura at kabihasnan. Ang realisasyon
ng kanyang mga pangarap bilang tao at ang pagtupad ng kanyang tungkulin bilang makabuluhang
kasapi ng lipunan ay nakasalalay sa kanyang kakayahan sa paggamit ng wika. Samakatwid, ang
kahusayan ng tao sa paggamit ng wika na ipinakikita sa kanyang kasanayan sa pakikinig, pagsasalita,
pagbasa at pagsulat ay maituturing na isang mahalagang katuparan at instrumento sa pansariling
pag-unlad. Nagbubuklod ng Bansa. Sa panahon ng mga katipunero, wikang Tagalog ang naging
daan upang mapag-isa ang kanilang mga hinaing. Tagalog ang kanilang wikang opisyal, sa
kanilang pakikipaglaban sa mga Kastila, samantalang ang mga Propagandista naman ay ng
wikang Kastila, na naging wika nila sa pagpapahayag ng mga makabayang diwa sa la
Solidaridad. Ano mang wika, kung gayon, ay maaaring maging wika ng pang-aalipin, ngunit
maaari rin itong gamitin upang pagbuklurin ang isang bansa sa layuning pagpapalaya. Tulad na
lamang ng sa Edsa I at II, wika ang daan upang magtipon ang mga Pilipino sa monumento ng
EDSA upang isigaw ang nag-iisang mithiin ang pagtuldok sa pamahalaang diktadorya at
mandarambong.
Lumilinang ng Malikhaing Pag-iisip. Kapag tayo ay nagbabasa ng maikling kwento o nobela o di
kaya’y kapag tayo’y nanonood ng pelikula, parang nagiging totoo sa ating harapan ang mga
tagpo niyon. Maaaring tayo’y napahalakhak o napapangiti, natatakot o kinikilabutan, nagagalit o
naiinis, naaawa o naninibugho. Ito ang nagpapagaan ng ating imahinasyon. Sa ating isipan,
nalilikha natin ang bawat larawan ng mga tagpo sa kwento o nobelang ating binabasa o
pelikulang ating pinapanood. Ang wikang nakasulat na ating nababasa o wikang sinasalita ng
mga tauhan sa pelikula na ating naririnig ang nagdidikta sa ating isipan upang gumana at
lumikha ng imahinasyon, at kung gayo’y nalilinang ang ating malikhaing pag-iisip.

You might also like