You are on page 1of 6

REPUBLIKA NG PILIPINAS

KOMISYON NG LALONG MATAAS NA EDUKASYON


SAMAR COLLEGES, INC.
Lungsod ng Catbalogan, Samar
KOLEHIYO NG EDUKASYON

Tagapagsalita : Keiron Ray H. Gelin, LPT


Ispeyalisasyon : Filipino 1
Pamagat ng Kurso : Komunikasyon sa Akademikong Filipino

I. LAYUNIN

Inaasahang pagkatapos ng modyul na ito, ang mga mag-aaral ay:

Pangkalahatang Layunin

Nagamit ang wika bilan kasangkapan sa mabisang komunikasyon

Mga Tiyak Na Layunin:

1. Naibibigay ang kahulugan, universal na katangian at gamit ng wika sa mabisang


pakikipagtalastasan
2. Nakapagbibigay-reaksyon sa mga teorya at paniniwalang pinagmulan ng wika
3. Nakapagbabahagi ng mga kaalaman sa pamamagitan ng mga pangkatang gawain sa
klase.

II. KONSEPTO NG PAG-AARAL

Ang kursong ito ay isang metalinggwistik na pag-aaral ng Wikang Filipino sa


Akademikong larangan. Sa lapit ng multidisiplinaryo at paraang interaktibo, inaasahang
matutukoy at matatalakay ang mga pangunahing kaalaman sa wikang ito. Malilinang dito ang
mga kasanayan sa paggamit ng Wikang Filipino tungo sa lalong mataas na komunikasyon at sa
kritikal na pagdidiskurso.

Paksang Aralin:

Para sa ikatatamo ng mga kasanayang pagkatuto sa modyul na ito, ang mga nilalaman ng
mga paksa ay:

KABANATA 2 – ANG WIKA

Aralin 1: Kahulugan ng Wika


Universal na Katangian ng Wika
Teorya ng Wika
Definisyon at Simulain ng Filipino Bilang Akademik na Wika
Elaborasyon at Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino

III. TALAKAYAN

ARALIN 1 Kahulugan, Katangian at Teorya ng Wika


1|Page
Alamin Natin

Ang wika ay mahalagang sangkap sa verbal na komunikasyon pasulat man o pasalita. Ito
ang pinakamabilis na instrumento sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa at lipunang
ginagalawan. Katuwang ng tao ang wika sa paglutas ng kanyang mga suliranin at mga
pangangailangan upang mahuhay. Napakalaki ng naiambag ng wika sa pagtatamo ng kalayaan,
kabihasnan, karunungan, pag-iingat ng kasaysayan at pag-aangkin ng isang lahi ng
maipagmamalaking pagkakakilanlan. Kaya naman, hindi mabilang ang pagpapakahulugang
ibinibigay sa wika. Tunghayan natin ang ilan sa mga kahulugang ito mula sa mga kilalang
sikologo at mga dalubwika.

Depinisyon

Ano ba ang wika?


 Ang wika ang pangunahin at pinakakomplikadong anyo ng simbolikong gawaing pantao
(Archibal A. Hill)
 Ang wika ay sistematikong balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa
paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. (Henry
Gleason)
 Ang wika ang tulay na ginagamit para maipahayag at mangyari ang anumang mga
minimithi o pangangailangan ng tao (Paz, et. AL. 2003)

UNIVERSAL NA KATANGIAN NG WIKA


Bagamat ang bawat wika ay may kanya-kanyang katangian; ang katangian ng wika
sapagkat taglay nito ang pagkakaroon ng mga tunog, morpema, pangngalan o ng pagtataglay ng
iba pang sangkap upang mabuo ang isang istruktura ng pangungusap. Batay sa
pagpapakahulugan ng mga kilalang awtor, ang universal na katangian ng wika ay ang mga
sumusunod:

1. Ang wika ay sistematiko.

Lahat ng wika ay sistematikong nakaayos sa isang tiyak na balangkas. Ang sistemang ito
ay nahahati sa tatlo: ang palatunugan o ponolohiya, ang palabuuan o morpolohiya at ang
palaugnayan o sintaksis.

2. Ang wika ay binubuo ng mga sinasalitang tunog.

Hindi lahat ng tunog ay may kahulugan kaya hindi lahat ng tunog na naririnig sa paligid
ay wika. Ang mga tunog na nalilikha ng mga aparato sa pagsasalita ay siya lamang matatawag na
wika. Ang wika ay may set ng makahulugang tunog o fonema. Ang mga letra sa alfabeto ay
pasulat na representasyon ng wika.

2|Page
3. Ang wika ay arbitraryo.

Kaya nga ba may varyasyon at varayti ang wika dahil sa pagkaarbitraryo nito. Ang wika
ay arbitraryo sapagkat may iba't ibang gamit ang wika ng iba't ibang komunidad.

4. Ang wika ay ginagamit sa komunikasyon.

Ang wika ang humuhulma sa kaisipan at ideya ng mga tao sa loob ng lipunan. Bagama't
maraming paraan ang ginagamit ng tao sa komunikasyon tulad ng senyas, ekspresyon ng mukha,
pagkumpas at marami pang iba. Ang wika pa rin ang pinakaimportanteng kasangkapan sa
komunikasyon na ginagamit ng isang individwal.

Dahil sa wika ang tao ay maaaring magsalin o magpasa ng mga kaisipan at ideya
hanggang sa susunod niyang salinlahi, mapreserv ng kaalaman at maaaring ipamana, ang mga ito
sa mga susunod pang henerasyon.

5. Ang wika ay nakabatay sa kultura.

May mga kaisipan sa isang wika na walang katumbas sa ibang wika sapagkat wala sa
kultura ng ibang wika ang mga kaisipang iyon ng isang wika. Dahil sa pagkakaiba-iba ng mga
kultura ng mga bansa at sapagkat nagkakaiba-iba rin ang wika sa daigdig.

6. Ang wika ay nagbabago.

Ang wika ay daynamiko kaya hindi ito maaaring tumangging magbago. Nadaragdagan ng mga
bokabularyo at may mga nalilikhang mga bagong salita alinsunod sa pagbabago ng panahon.
Kailangang lapatan ng mga katawagan ang mga produkto ng pag-unlad ng teknolohiya at agham.

MGA TEORYA NG WIKA


May mga haka-haka, paniniwala at pananaw na nabuo tungkol sa pinagmulan ng wika.
Alamin natin ang pinagbatayan at kung paano nga ba nabuo ang mga paniniwalang ito tungkol sa
wika. Sapagkat teorya, hindi tuwirang mapananaligan ang mga ito. Magkagayunman, ang mga
teoryang ito ay makatutulong sa ating sumuri, magpasya, magsaliksik at makabuo ng sariling
teorya tungkol sa pinagmulan ng wikang ating ginagamit.

1. Teoryang Bow-wow

Ayon sa teoryang ito, ginaya ng tao ang mga tunog na likha ng kalikasan. Ang kahinaan
ng teoryang ito ang pagkakaiba-iba ng dinig ng iba't ibang tao sa isang likas na tunog tulad ng sa
Ingles, ang tunog ng aso ay "arf, arf," samantalang sa Filipino ay “aw-aw."

2. Teoryang Dingdong

Ayon sa teorya ni Max Muller, ang bawat bagay sa mundo ay may kasama o kaugnay na
tunog. Kampana-dingdong o klang-klang. Ang kahinaan ng teoryang ito ay may mga tunog na
walang katumbas na bagay at maraming mga bagay na walang tunog.

3. Teoryang Yo-he-ho

Ang sabi naman ni D.S Diamond, isang linggwista, ang tao ay natutong magsalita bunga
ng puwersang pisikal.

3|Page
4. Teoryang Pooh-pooh

Sinasabing nanggagaling ang tunog sa silakbo ng damdamin o pagbulalas ng pagtataka, takot,


galak, sakit at iba pa. Halimbawa, lungkot, pag-iyak "Hu! Hu! Hu!"

5. Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay

Ang wika ay nag-ugat sa mga tunog na nililikha sa mga ritwal at sa kalaunan ay nagpabagu-bago
at nilapatan ng iba't ibang kahulugan.

6. Teoryang Biblikal

Ito ay tungkol sa kuwentong “Tore ng Babel" na sa simula raw ay may iisang wika
lamang ang lahat ng mga tao sa daigdig. Nagkaisa silang gumawa ng pinakamataas na tore upang
mapatanyag sila at huwag nang magkawatakwatak. Ito ay salungat sa utos ng Diyos na
magsikalat sa buong mundo. Nakita ng Diyos ang dahilan ng pagkakaunawaan nila, ang
kalapastanganan ng tao. Kaya, giniba ng Diyos ang tore at binigyan ng iba't ibang wika ang mga
tao sa daigdig upang hindi sila magkaunawaan. Ang kahulugan ng Babel o Babilo ay
"kalituhan.”

DEPINISYON AT SIMULAIN NG FILIPINO BILANG AKADEMIK NA


WIKA
Lubhang marami na ang kaganapang naitala ng ating kasaysayan hinggil sa wikang
pambansa. Ika nga'y dumaan na ito sa maraming proseso ng paghihimay-himay bago nito
narating ang kanyang kasalukuyang estado sa lipunan. Tulad ng maraming wika sa daigdig, ito
ay dapat na linangin, payabungin at paunlarin salig sa mga batayang magiging haligi nito upang
manatiling buhay na wika ng kasalukuyan at ng henerasyon sa hinaharap. Marahil, nararapat
lamang sabihin na kailangan na tayong umahon sa balon ng pagtatalo at pagtatagisan kung alin o
anong wika ang dapat nating iluklok sa pedestal upang maging kasangkapan sa pag-unlad na
panlipunan. Maliwanag ang isinasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Saligang Batas na mayroon
na tayong wikang pambansa at ito ay Filipino.

Isa sa pinakaefektibong tagapagpalaganap ng kaalaman sa Filipino ay ang sistema ng


paaralan (Gonzales 1998: Badayos 1999). Dito itinuturo ang Filipino bilang isang wika at
ginagamit itong midyum ng pagtuturo sa Filipino, Agham Panlipunan, Edukasyon sa
Pagpapalakas, Edukasyon sa Pagpapahalaga at iba pa. Ang pagiging efektiv at kabisaan ng
Filipino ay dahil sa itinuturo ito sa isang kapaligirang pabor sa wika. Bunga nito, nagiging
mabilis ang pagunlad ng wika. Kung gayon, hindi matatawaran ang papel na gagampanan ng
mga paaralan at akademya sa pagsasakatuparan ng mga hangaring ito. Ang Filipino ay mabisang
gamitin sa loob ng akademya sa iba't ibang lebel o antas ng pagtuturo ng komunikasyon sa
pamamagitan ng ipinatutupad na kurikulum at sistemang umiiral sa loob ng akademya.

Batay sa maraming pananaliksik at pag-aaral na naisagawa na, hindi lamang iisang tao,
grupo o institusyon ang nagpatunay na talagang mabisang gamitin ang Filipino sa pagpapaabot
ng mga kaalaman at karunungang dapat matutuhan sa loob ng paaralan subalit nakalulungkot
isipin na marami pa rin ang hindi pabor sa lubusang paggamit at pagtangkilik nito bilang wikang
panturo. Sa puntong ito'y maaari nating ituro ang kasalukuyang umiiral at ipinaiiral ng mga
pamunuan o administrador ng mga pamantasan. Iniisip pa rin ng iba na ang Filipino ay sagabal
sa pagkakamit ng karunungang akma sa hinihingi ng makabagong panahon.

4|Page
Sa salita ni Constantino. "Sapagkat ang edukasyon sa bansang ito kadalasan ay
negosyong pinatutubuan, mahal ang pagtatamo ng mataas na kaalaman. Kaya't marami sa
nakatatanggap ng tinatawag na edukasyon ay mga galing sa mga grupong katamtaman o malaki
ang kita...

Kaya naman, marami ang nagpalagay na Ingles ang sagot sa kasalukuyang krisis na
kinakaharap ng bansa. Ingles rin ang susi upang maabot ng mga kabataan ang kanilang mga
pangarap sa buhay. Ito rin daw umano ang susi upang makapasok sa mundo ng globalisasyon at
modernisasyon. Kung ito ang mukhang patuloy nating makikita sa sistema ng ating edukasyon,
talagang hindi na tayo makaaahon pa sa baluktot na pag-iisip na hindi natin kayang umunlad sa
sarili nating kaparaanan. Habang panahon na lamang tayong nakagapos sa tanikala ng
pagkaalipin-sa isipan at sa damdaming kanluranin.

Walang magtataguyod sa Filipino kundi tayo ring mga mamamayan ng Pilipinas. Nasa
ating mga kamay nakasalalay ang pag-unlad at pagyabong nito upang maging susi sa
pagbubukas ng mga karunungang maaaring makapabukas ng isang bagong simula para sa ating
lahat. Angkop lamang sabihin na ang Filipino tulad ng maraming wika sa daigdig ay maaring
maging susi sa pagbubukas ng bagong pagkakataon sa lahat kung ito ay bibigyan lamang natin
ng puwang.

ELABORASYON AT INTELEKWALISASYON NG WIKANG FILIPINO


Ang di-mabilang na pagpaplano kasama na ang pagdidiskusyon kaugnay ng iba't ibang
usaping pangwika ay nagluwal ng isang salita – intelektuwalisasyon.

Ang mga sumusunod ay ang mga kaisipang kunektado sa umano'y suliranin sa


intelektswalisasyon ng Filipino na binigyang-linaw ni Torres-Yu:

1. Ang intelektuwalisasyon ay mas mataas na antas ng pag-unlad ng isang wika tulad ng


naabot na ng wikang Ingles, ang wikang kakumpitensya ng wikang Filipino.
2. Hindi pa intelektwalisado ang wikang Filipino ngunit kaya nitong marating ang antas
ng pag-unlad na ito.
3. Ang malaganap na paggamit ng wikang Filipino sa mga kolehiyo at unibersidad ay
susunod sa pangyayaring intelektwalisado na ang wikang Filipino (o ang kabaligtaran
nito.)
lisa-isahin natin ang pagtalakay at pag-arok sa bawat puntong inilahad sa itaas. Hindi
kataka-taka at hindi na dapat pang gawin na isang malaking isyu ang pagiging mas maunlad at
pagiging tanyag ng Ingles kung ihahambing sa Filipino-ang kasagutan sa puntong ito ay
maibibigay ng kasaysayan-ang mga panahong sinakop tayo ng mga dayuhan-mga pagsakop na
nagbunga at nagsilang ng banyagang kultura at kaisipan kasama na ang wika. Pangalawa, paano
natin mapatutunayan na kayang marating ng Filipino ang pagiging intelektuwalisado nito kung
haharangin na natin ang daan tungo sa ikapagiging intelektwalisado nito. Maraming paraan ang
maaaring gawin upang mawala ang mga sagabal sa lalong pagyabong nito. Pangatlo, ang
pagtanggap, pagtangkilik at puspusang paggamit sa Filipino ay makatutulong sa antas ng pag-
unlad nito. Upang ang bansa ay makabuo ng isang wikang intelektwalisado, nararapt na sumabay
sa ganitong proseso ang mga nasa kinauukulan upang sabay-sabay na marating ang tinatawag na
intelektwalisasyon.

Sa pangungusap ni Torres-Yu, "ang tunay na intelektwalisasyon ay mangyayari kapag


wikang Filipino ang gagamitin ng mga Filipinong intelektwal at iskolar sa pag-iisip at pagbuo ng

5|Page
mga kaisipan, kaalaman at karunungang hinango sa karanasan ng mga Filipino at nakatuntong sa
katutubong tradisyong intelektwal."

Ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino, sa agham panlipunan at sa iba pang sangay


ng karunungan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng ating sama-samang pagpupunyagi-sa
sama-sama nating pagkilos-at pagtitiwala sa ating kakayahan na kaya nating marating ang
ganitong estado ng kaunlaran.

6|Page

You might also like