You are on page 1of 8

Central Luzon State University

Science City of Muñoz 3120


Nueva Ecija, Philippines

Instruksyong Modyular sa Kursong


FILKOM 1100
KONTEKSTWALISADONG KOMUNIKASYON SA FILIPINO

Modyul 1
Aralin 1 BATAYANG KAALAMAN SA KOMUNIKASYON

Pagtatampok sa Aralin ( Overview )

Ano ang komunikasyon?


Bakit sumasangkot tayo sa mga gawaing pangkomunikasyon?
Paano tayo nakikipagkomunikasyon?
Paano natin mapagbubuti ang ating kakayahang pangkomunikasyon?
Ilan lamang iyan sa mga tanong na tiyakang sasagutin ng modyul na ito.
Halina’t basahin ang kabuuan nito upang maging ganap ang iyong pag-unawa
kaugnay ng mga batayang kaalamang pangkomunikasyon. Tandaan, walang
sinuman sa atin ang makaiiwas sa pakikipagkomunikasyon.

I. Paglalahad ng mga Layunin ( Objectives )

Matapos ang aralin, inaasahang maisasagawa ng mga mag-aaral ang sumusunod:

1. Nabibigyang-kahulugan ang komunikasyon;


2. Nailalahad ang kahalagahan, mga layunin at mga uri ng komunikasyon;
3. Naikakapit ang mga konseptong pangkomunikasyon sa bawat sitwasyong
pangkomunikasyon.

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
II. Pagtalakay sa Aralin ( Discussion )

Panimulang Gawain

Bago tayo magkaroon ng pormal na talakay sa aralin, hinihiling ko na gawin mo ito :

Gamit ang sariling smartphone ay mag-selfie shot ka.Pero sa halip na i-post ito sa
iyong Facebook account ay ipakita ito sa klase sa pamamagitan ng pag-post at paglalagay ng
maikling caption sa group chat o FB group ng ating klase. LIKE MO? SHARE MO NA YAN!

Naniniwala ka ba na ang pagsi-selfie at pag-post nito sa iyong social media accounts ay


may kaugnayan sa komunikasyon? Sige, ipaliwanag mo nga ang iyong sagot. Paano ito naging
kaugnay ng komunikasyon? Malalaman mo kung tama ang iyong sagot sa pagpapatuloy ng ating
talakayan.

Ano ang komunikasyon? Narito ang iba’t ibang depinisyon nito mula sa mga lokal at
banyagang aklat at awtor:

1. Paraan o proseso ng pagpapahayag,pagbabahagi o pagpapalitan ng


ideya,damdamin,impormasyon at katulad sa pamamagitan ng pagsusulat,pagsasalita o
pagsenyas. (UP Diksyonaryong Filipino)
2. Akto ng pagpapahayag ng ideya sa pamamagitan ng pasalita at pasulat na
paraan.(Webster)
3. Simbolikong gawi ng dalawa o higit pang bilang ng partisipant. (Burgoon)
4. Ito ay proseso ng paghahatid ng isang mensahe o pagpapalitan ng ideya,
impormasyon, ideya, karanasan at mga saloobin. (San Juan, et al)
5. Isang proseso o paraan ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe sa
pamamagitan ng mga sagisag at tunog. (Angeles)
6. Isang sistema ng pagbibigay-kahulugan at pag-unawa sa anumang pahayag sa
pamamagitan ng senyas, sagisag,tunog, wika at iba pang paraang teknikal.(Atienza,et al)

Buhat sa mga depinisyong ito ay mababatid na may pakikipagkomunikasyon sapagkat


nariyan ang pakikipag-ugnayan at ito ay magagawa sa iba’t ibang pamamaraan. Komon sa mga
depinisyong ito ang mga salitang pagsusulat/pasulat, pagsasalita/pasalita, sagisag at tunog.
Anumang bagay na sinusulat ay tinatawag na sagisag at anumang sinasalita ay tinatawag namang
tunog.

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
Halos pare-pareho ang kahulugan ng komunikasyon ngunit sa pagkakataong ito ay higit
na bigyang-pansin at suriing mabuti ang mga depinisyong ibinigay ng UP Diksyunaryong
Filipino at nina Atienza. Mapapansing ang pagpapakahulugan lamang nila ang gumamit ng
terminong senyas at pagsenyas. May komunikasyon nga ba sa pamamagitan nito? Tama,
mayroon nga. Ito ay bunga ng katotohanang bukod sa wika ay may iba pang maaaring magamit
sa pakikipagkomunikasyon subalit dapat tandaan na wala pa ring makahihigit sa kapangyarihan
ng wika upang lahat ng nararamdaman at naiisip ng isang indibidwal ay kanyang maipahayag
nang malinaw at kongkreto. Ang mga senyas ay maaaring magbigay ng mensahe o kahulugan
subalit hindi kasinglawak ng kahulugang ibinibigay ng wika ang kaya nitong gawin. Kung
gayon, ang komunikasyon ay maaaring maging berbal (may wika) at di-berbal (walang wika).

Batid mo ba kung ano ang mga uri ng komunikasyong di-berbal o iyong ginagamitan ng
mga senyas? Narito ang mga uri nito :

ORAS (chronemics) Ang oras at ang paggamit nito ay may kahulugan.


Halimbawa, nakatakda kang kapanayamin para sa isang trabaho,
ang appointment ay alas otso ng umaga subalit halos alas diyes
ka nang dumating. Anong iisipin ng employer mo sa iyo? Kilala
ang mga Pilipino sa leybel na “Filipino Time”, na
nangangahulugan nang pagiging huli sa oras na itinakda.
Tandaan na ito ay isang negatibong katangian. Ang TAMANG
PAGGAMIT ng oras ay kadikit ng mga salitang DISIPLINA at
RESPETO. Disiplina sa sarili at respeto sa ibang tao.
Pwede ring bigyang pagpapakahulugan at paglalarawan
ang salitang ORAS depende sa sitwasyon o kalagayan.
Halimbawa: MABAGAL ang oras kapag naghihintay. MABILIS
kapag huli na sa gawain. MAIKLI kapag masaya. MATAGAL
kapag naiinip. Sa ganitong sitwasyon masasabi na ang
pagpapakahulugan sa oras ay nakadepende sa nararamdaman at
hindi sa kung ano ang nakasaad sa orasan.
MATA Gaya ng liriko ng isang awit, “ …sa mata makikita ang
(Opthalmics) aking damdamin. “ Maraming kahulugan ang makukuha buhat sa
mga mata at paraan ng pagtingin. Ang nangugusap na mga mata
ay maaaring mangahulugan ng pag-ibig o umiibig, ang matang
mabalasik ay nagpapakita ng galit, ang malamlam na mata ay
nagpapakita ng kalungkutan, ang mapungay na mata ay maaaring
mangahulugan ng antok o pagod. Sinasabing ang tunay na

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
damdamin ng isang tao ay makikita sa mga mata nito kahit hindi
niya ito sabihin.
SIMBOLO Ang mga simbolo na makikita sa paligid ay mayroon ding
(Iconics) kahulugan. Pinagkasunduan ito ng mga taong
nakikipagkomunikasyon upang maging madali at mabilis ang
unawaan. May mga pagkakataon kasi na hindi na kailangan pa
ang salita upang maibigay ang mensahe. Halimbawa na lamang
ay sa usapin ng batas pangtrapiko, sa mga ospital at sa iba pang
mga lugar.
HAPLOS (Haptics) “Ang haplos ng ina ay haplos ng pagmamahal.” Ayon sa
pag-aaral, ang isang batang pinalaki sa paghaplos ng kanyang ina
ay lalaking may tiwala sa sarili. Ilang pagkakataon na bang nang
dahil sa “sense of touch” ay gumaan ang pakiramdam ng isang
taong may suliranin. Iba-iba ang ibig ipakahulugan ng mga
salitang kaugnay nito gaya ng pagtapik, paghaplos, paghimas at
iba pa.
KULAY (colorics) Ang mga kulay ay may hatid ding mga kahulugan. Asul
ang kulay ng kapayapaan, puti ang kalinisan at wagas na
pagmamahal, pula ang matinding damdamin at iba pa. Hindi na
kinakailangang ipaghumiyawan ng isang tao na pumanaw ang
kanyang mahal sa buhay. Ang itim na pin sa kanyang dibdib ay
sapat na. Maging sa larangan ng politika ay ginagamit din ito
upang ipakilala ang iba’t ibang partido o grupo.
GALAW NG Kabilang sa galaw ng katawan ang pagkumpas ng mga
KATAWAN kamay. Ginagawa ito upang bigyang-diin ang mga bagay na
(kinesics) sinasabi. May mga bagay na hindi masabi ng mga salita kaya
idinaraan sa pagkumpas at paggalaw ng katawan. Kaya lang ay
kinakailangang maging angkop ang gagawing pagkilos at
pagkumpas upang maging maayos ang pakikipagkomunikasyon.
ESPASYO Tumutukoy ito sa agwat o pagitan ng mga taong sangkot
(proxemics) sa gawaing pangkomunikasyon. Halimbawa kapag nasanay kang
laging malapit ang espasyo ng pag-uusap ng dalawa mong
kaklase, sa oras na makita mong sila’y magkalayo ay mapaiisip
ka. Ano kaya ang nangyari sa kanila? May problema ba?
PARALANGUAGE Ito ay ang di-berbal na tunog na naririnig at nagsasaad
kung paano sinasabi ang isang bagay. Kabilang dito ang pitch,
bolyum, bilis at kalidad ng tinig kapag nagsasalita.

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
Bagamat sinasabing wika ang pangunahing instrumento sa komunikasyon ay hindi rin
naman maipagkakaila at matatawaran ang importansya ng di-berbal na komunikasyon. Madalas
ay ginagamit itong pamalit o panghalili sa mga salitang hindi masabi-sabi. Hindi nga ba’t sa
kasalukuyang panahon na nagmamadali ang bawat isa at tila ba napakahalaga ng bawat oras, sa
halip na gumamit ng mga salita sa text message o chat ay gumagamit na lamang ng iba’t ibang
emoticons.

Tandaan na maaari rin naman itong gamitin nang magkasabay upang higit na maging
tiyak at malinaw ang mensaheng inihahatid. Mahalaga nga lamang na maging magkatugma ang
berbal at di-berbal kung sabay na gagamitin upang walang maging sagabal sa proseso ng
komunikasyon.
Ayon nga kay George Bernard Shaw, “The single biggest problem in communication is
the illusion that it has taken place.” Ayaw naman siguro nating maging ilusyon lamang ang ating
pakikipagkomunikasyon, hindi ba?

Bilang kalahok sa isang gawaing pangkomunikasyon, naipahahayag mo ba nang mabuti


ang mga dapat mong ipahayag gamit ang komunikasyong berbal at di-derbal? Madali mo ba
namang nauunawaan ang mga ipinahahayag ng iba? Kung oo ang iyong sagot ay binabati kita
subalit kung hindi, huwag mag-alala sapagkat tutulungan ka ng kursong ito upang mapaghusay
ang iyong kakayahang pangkomunikasyon.

Ngayong alam mo na ang kahulugan at mga uri ng komunikasyon,narito naman ang mga
dahilan kung bakit tayo nakikipagkomunikasyon? Alam mo ba na sa mga panahong gising tayo,
ang malaking bahagi nito ay inilalaan natin sa iba’t ibang gawaing pangkomunikasyon. Sa loob
ng ating sari-sariling tahanan ay patuloy ang interaksyon natin sa ating mga magulang, kapatid at
sa iba pang mga kasama natin sa ating tahanan. Ganoon din naman sa paglabas natin ng ating
tahanan at kahit saang lugar tayo dumako ay patuloy pa rin ang ating pakikipag-interaksyon o
pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Bakit natin ito ginagawa?

Ayon kina Baird, Knower at Becker mula sa aklat nina Irabagon, et al (2003),
nakikipagkomunikasyon tayo dahil sa sumusunod:

1. Makapagbigay ng kaalaman. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit tayo


nakikipagkomunikasyon. Nais natin na ang anumang nadarama o nababatid natin ay maibahagi

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
sa iba sapagkat hindi hanggang sa sarili lamang ang komunikasyon, higit na magiging
makabuluhan ito kung naibabahagi sa iba.
2. Mapagtibay ang mga umiiral na saloobin o gawi. Anumang saloobin o gawi
ay ating mapagtitibay o mapatutunayan kung atin itong naibabahagi sa iba. Nagkakaroon tayo ng
pagkukuro o paglilimi o pagbabalanse ng mga bagay-bagay kung ang iba ay nakapagbibigay ng
kanilang pananaw at unawa sa kung anuman ang ibinahagi natin sa kanila.
3. Magbigay-halaga sa mga isyung nararapat talakayin at siyasatin.
Napakaraming usapin o isyu sa ating lipunan at sa buhay sa kabuuan, dahil sa ating
pakikipagkomunikasyon nabibigyan nang sapat na panahon, atensyon at maging ng solusyon ang
mga dapat talakayin at siyasatin.
4. Mabawasan ang mga pag-aalinlangan. Sa mga bagay na hindi ganap o buo ang
ating unawa o kaya’y mayroon tayong pag-aalinlangan, makatutulong ang
pakikipagkomunikasyon sa mga may kabatiran dito upang mabawasan o tuluyang mawala ang
mga pag-aalinlangan.
5. Maiangkop at maihambing ang sariling ideya at saloobin sa ideya at saloobin
naman ng ibang tao kung kinakailangan. Gaya ng paliwanag sa pangalawang layunin ng
pakikipagkomunikasyon, mahalaga ang paghahambing ng mga saloobin at ideya ng bawat isa
tungo sa pagkakasundo at pagkakaisa ng mga sangkot sa isang sitwasyong pangkomunikasyon
sapagkat dito nagkakaroon ng realisasyon sa kahalagahan at katumpakan ng mga inilatag na
ideya’t saloobin.
6. Makipagkaibigan at makipagkapwa-tao. Gaya ng pahayag sa Ingles na “No
man is an island”, mahirap mabuhay at mamuhay nang mag-isa lamang, kailangan natin ang
ating kapwa upang patuloy na mabuhay. Hanggat naririyan ang ating kapwa at marunong tayong
makipagkapwa-tao ay may komunikasyon.

Nakikipag-usap ka ba sa iyong sarili? May mali ba rito o may mali ba sa iyo? Wala,
sapagkat ang pakikipag-usap sa ating sarili ay isa sa mga antas ng komunikasyon. Ito ang
tinatawag na komunikasyong intrapersonal. Nagaganap ito sa loob lamang ng isipan na
maaaring maging tugon sa mga pangyayari sa kanyang paligid. Tinatawag itong internal
vocalization sa Ingles (Dance and Larson,1972).Tinatawag namang interpersonal ang
pakikipagkomunikasyon natin sa ating kapwa gaya ng pag-uusap ng mag-asawa, magkaibigan,
guro at estudyante, doktor at pasyente at iba pa. Mayroon ding tinatawag na pangkatang
komunikasyon na kung saan ay mas maraming bilang ng partisipant na ang kabilang at sila ay
may iisang layunin lamang.Maaaring gawin ito nang harapan o gumamit ng iba’t ibang platform
ng komunikasyon. Samantala, ang pampublikong komunikasyon naman ay higit na pormal
dahilan upang pangambahan ito ng marami. Nakatuon kasi ang atensyon sa tagapagsalita gaya ng
sa isang nagtatalumpati. Panghuli ay ang tinatawag na pangmadlang komunikasyon, naiiba ito

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
sa pampubliko sapagkat higit na malawak na ang saklaw nito kaya may pangangailangan ng
iba’ibang midya gaya pahayagan,radio,telebisyon at ng social media.

Ngayong natalakay na ang aralin kaugnay ng batayang kaalaman sa komunikasyon,


balikan natin ang tanong sa simula. Kaugnay ba ng komunikasyon ang selfie o pagse-selfie?
Dalawa ang maaaring sagot dito. Hindi, kung kumuha ka lamang ng larawan at nanatiling
hanggang album mo na lamang ito at itinago mo lamang. Oo naman kung sa tuwing tinitingnan
mo ang iyong selfie at nagkakaroon ka ng pagmumuni kaugnay nito (intrapersonal) at oo pa rin
kung pinost mo ito sa iyong social media account na may kasama pang caption pagkatapos ay
may mga comments na ito (interpersonal). Tandaan din ang pahayag na, “ang isang larawan ay
maaaring magpahayag ng higit isang libong salita”.

III. Pagtataya sa mga Natutuhan (Assessment)

Upang matiyak na ganap mong nauunawaan ang paksang tinalakay, sikapin mong
sagutin nang tama ang kasunod na gawaing nasa Google Forms.

Maagap na pagbati sapagkat batid kong magiging tagumpay ang iyong pagsusulit.
Ugaliing laging magbasa upang madagdagan ang iyong kaalaman.

IV.Talasanggunian

Angeles, Cristina I., etal. 2017.Komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang pilipino.


Muntinlupa City:Panday-lahi Publishing House,Inc.
Angeles, Cristina I., etal. 2013. Akademikong filipino para sa kompetetibong pilipino.
Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.
Irabagon, Cristina C., et al. 2003. Sining ng komunikasyon. Valenzuela City: Mutya Publishing
House, Inc.
San Juan, David Michael M.,et al.2018. Bahaginan.Kontetwalisadong komunikasyon sa filipino.
Valenzuela City: Mutya Publishing House, Inc.

Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.
Paunawa: Ang modyul na ito ay para lamang sa mga mag-aaral ng Central Luzon State
University,mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaparami ng kopya at pag-a-
upload sa anumang uri ng Internet site.

You might also like