You are on page 1of 4

Ang Alamat ng Siopao

    Sa isang munting bario sa lalawigan ng Laguna, naninirahan ang kambal na si Siolo at Paolo Dela
Cruz, ngunit mas kilala sila sa mga alyas na Sio at Pao. 

Isang araw, inutusan ng kanilang nanay si Sio at Pao na pumunta sa palengke upang bumili ng mga gulay
at karne sa kadahilanang uuwi ang kanilang mga kamag-anak na galing sa ibang bansa. 

"Mga anak, Sio, Pao! Humayo kayo rito, ito na ang listahan ng mga kailangan niyong bilhin.
Huwag niyong kalimutan ang sukli, ha? Sapat na pera lamang iyan at hindi niyo na mabibili ang
iba pang sangkap kapag nagkulang iyan," habilin ni Aling Rosa, ang kanilang ina. 

"Opo, Inay. Sisiguraduhin po namin ni Sio na maiuuwi namin ang mga sangkap ng kumpleto at
walang kulang," nakangiting anas ni Paolo bago niya hinatak ang kakambal niya palabas ng bahay. 

Habang naglalakad papunta sa palengke, hindi nila maiwasang kumaway at makipag-usap sa mga
nakakasalubong nila. Isa na rito ang tricycle driver na si Mang Arman.

"Siolo, Paolo! Aba'y napakalaki na ng mga batang ire!" natutuwang sabi ni Mang Arman habang
sinisipat ang kabuuan ng dalawa.

"Opo, Mang Arman. Dalawang taon nalang po ay makakapagtapos na ho kami ng


hayskul," nakangiting tugon ni Sio

 "Aba'y saan kayo paparoon? Ihahatid ko nalang kayo," anyaya ni Mang Arman.

"Sa palengke ho. Inatasan kami ng aming ina na bumili ng sangkap para sa nalalapit na pag-uwi
nila Tiyo Fernando at Tiya Angelita," tugon ni Sio bago hinatak si Pao papasok ng tricycle ni Mang
Arman.

"Aba'y uuwi na pala ang mag-asawang iyon? Matapos ang limang taon ay makakabalik na sila sa
Laguna." muling anas ni Mang ARman bago tuluyang pinaandar ang sasakyan at humayo papunta sa
palenke.

Matapos ang halos anim na minuto, narating na nila ang pampublikong palengke sa kanilang bayan. 
"Maraming salamat ho, Mang Arman! Babayaran nalang po namin ang pamasahe sa susunod na
pagkikita natin," nahihiyang paumanhin ng kambal.

"Hindi na mga hiyo! Humayo na kayo at baka mapagalitan pa kayo ni Mariposa. Ikamusta mo
nalang ako sa Tiyo Fernando mo!" paalam ni Mang Arman bago sumakay sa kanyang tricycle at
umalis.

Hindi na nagsayang pa ng oras ang dalawa at agad na nilibot ang palengke at hinanap ang kanilang mga
kailangan bilhin.

Matapos ang mahigit 20 minuto, nabili na nila ang mga kailangang habilin ng kanilang ina maliban sa
isang sangkap, ang kakanin.

"Hindi ba't nagtitinda si Aling Maribel ng kakanin?" mahinang bulong ni Pao sa kaniyang kakambal
habang hinahanap ang tindahan ni Aling Maribel.

"Sa pagkakaalam ko ay oo," tugon naman ng kaniyang kakambal na si Sio. "Ngunit nakalimutan ko


na kung saan nakapwesto ang kaniyang tindahan," dismayadong dagdag niya.

Sa kalagitnaan ng paghahanap ng tindahan ni Aling Maribel, may nadaanan silang isang matanda na may
dala-dalang bilao at mukhang nanghihina na. Agad na nilapitan ito ng kambal at inalalayan.

"Pao, hawakan mo muna itong pinamili ko, ako na aalalay kay Lola," sabi ni Sio kaya agad namang
kinuha ni Paolo ang kaniyang mga dala-dala.

"Nay," mahinang tawag ni Siolo sa matanda kaya agad naman siyang nilingon nito. "Ayos lang po ba
kayo? Mukhang pagod na pagod na po kayo," nag-aalalang dagdag niya. Inalalayan niya ito paupo sa
bakanteng silya na nasa tabi.

"Ayos lang ako, hijo. Pagod lang siguro ito at gutom sapagkat hindi pa ako nakakakain para sa
araw na ito," nanghihinang anas ng matanda habang paupo ng silya.

"Po?!" gulat na tanong ni Pao nang marinig ang sinabi ng matanda. 

"Pao, magkano pa ba ang perang natitira?" tanong ni Sio sa kaniyang kapatid.


"50 pesos pa..." tugon ni Paolo.

"Nay, mag-antay lang po kayo dito, ha? Ibibili ko ho kayo nang makakain," nakangiting sabi ni Sio
sa matanda.

Nang lumapit siya kay Pao para kuhanin ang pera, agad na tumanggi ito.

"Sio, hindi pwede," mahigpit na iling ni Pao. "Nais mo bang mapagalitan ni Inay 'pag uwi natin?" 

"Pao, mas gugustuhin ko pang mapagalitan ni Inay dahil sa pagtulong kesa naman payapang
umuwi habang may matandang nangangailangan ng simpleng pagkain. Hindi ba't sabi ni Inay,
huwag tayong magdadalawang-isip na tumulong sa mga nangangailangan?" 

Bumuntong-hininga nalang si Pao nang maalala niya ang mga salita ng kanilang ina. Kinapa niya ang
bulsa niya at inabot ang natitirang pera kay Sio. Agad naman na naglakad paalis si Sio at bumili ng
pagkain ng matanda.

Habang bumibili ng pagkain si Sio, nakipagkwentuhan muna si Paolo sa matanda.

"Nay," malumanay na tawag ni Pao sa matanda. "Ano pong pangalan niyo?"

"Maribel. Maribel ang pangalan ko, hijo," sagot ng matanda.

"Asan ho ba ang pamilya niyo? Bakit po mag-isa lang kayo?"

"Wala na akong pamilya, anak," mapait na ngiti ng matanda. "Yumao na ang aking asawa


samantalang yung mga anak ko, may kaniya-kaniya nang pamilya."

Nakonsensya naman si Paolo nang marinig ang matanda. Tama si Sio, hindi na dapat naming ipagkait ang
simpleng pagkain para sa matandang ito.

"Nay, eto na po ang pagkain niyo!" agad na natinag si Pao nang marinig ang boses ng kakambal niya. 

Agad na binuksan ni Sio ang plastic at inilabas ang mga pagkaing nabili niya kasama ang isang bote ng
mineral na tubig.
"Kumain po muna kayo, Nay," nakangiting anas ni Sio. "Mukhang nanghihina na ho kayo, mas
magandang magpahinga din po muna kayo kahit sandali lang."

"Maraming salamat mga, anak. Nawa'y pagpalain kayo ng Diyos dahil sa mga napakabuti niyong
puso," sabi ng matanda bago simulang kumain.

Matapos ang ilang minuto ay natapos nang kumain ang matanda, malapit na ding magdapit-hapon at
kapag hindi pa nakauwi ang dalo, mukhang makakatanggap na sila ng palo mula sa kanilang Ina.

"Nay, una na ho siguro kami," biglang sabi ni Pao habang nililigpit ni Sio ang pinagkaininan ng
matanda. 

"Opo, Nay. Baka mapalo na kami ni Inay pag-uwi namin kapag ginabi pa kami," tatango-tangong
dagdag ni Sio.

"Saglit lang mga hijo," agad silang natigilan nang biglang magsalita ang matanda. Binuksan nito ang
bilaong dala-dala niya at kumuha ng dalawang piraso sa paninda niya. "Heto, mga Apo. Nawa'y
mabayaran niyan ang hiningi kong tulong sa inyo. Pasensya na at wala na talaga akong
pera," malambing na paumanhin ng matanda. 

Agad naman na binuksan nila Sio at Pao ang laman ng papel, lumantad sa kanilang paningin ang
dalawang puting tinapay na may palaman na karne. Nakakamangha ang hugis ng bagay na ito, mabango
din ako kaniyang amoy at halatang mas malinamnam na lasa. 

"Maraming salamat ho, Nay," nakangiting anas ni Siolo. "Maari po bang malaman ang pangalan ng
pagkaing ito? Ngayon lang ho kasi ako nakakita ng ganitong merienda." 

"Siopao. Siopao ang pangalan ng tinapay na iyan, hijo," malumanay at nakangiti na sagot ng matanda
na siyang ikinagulat ng kambal. 

Dahan-dahang tumayo ang matanda at muling binuhat ang mga paninda niya. "Hanggang sa muli, Sio,
Pao. Nawa'y pagpalain nawa kayo ng Diyos" muling anas ng matanda bago naglakad paalis. 

 — Ang Alamat ng Siopao

You might also like