You are on page 1of 9

Mga Kahandaan at Pagtugon ng

Pilipinas sa mga Kalamidad na


tumatama sa Bansa

Tesis na ipapasa kay:

Gng. Vangie Miranda

Kolehiyo ng Katimugang Bikol

Ipinisa ni:
Micah O. Contado
AB Psychology III
PAKSA

Mga kahandaan at pagtugon ng Pilipinas sa mga kalamidad na tumatama sa


bansa

ASPEKTO

Mga kahandaan na isinasagawa ng pamahalaan ng Pilipinas bilang


paghahanda sa mga posibleng sakuna na maaring dumating o maranasan ng
bansa

LIMITASYON

Ang sulating ito ay naka sentro lamang sa mga ginagawang paghahanda ng


pamahalaan ng Pilipinas at mga ahensya nito para sa mga kalamidad na
maaring dumating sa bansa at mga tugon o aksyon na maaring gawin nito
kapag tumama na ang kalamidad o sakuna.

REAKSYON

Ang Pilipinas ay isang bansang arkipelago na matatagpuan sa Asya Pasipiko


na napapalibutan ng katubigan. Nang dahil sa lokasyon ng bansa madalas
itong makaranas ng mga sakuna tulad ng bagyo, lindol, pagputok ng bulkan,
pagguho ng lupa, baha at iba pang kalamidad. Hindi ito maitatangi dahil isa
ang Pilipinas sa mga bansa na nakapalibot sa Pacific Ring of Fire. Isang major
area sa Karagatang Pasipiko na nagkakaroon ng mga paglindol at pagputok ng
bulkan. Sa Karagatang Pasipiko din nabubuo ang mga bagyo. Dahil sa
lokasyon ng Pilipinas kaya madalas itong makaranas ng mga sakuna. Sa mga
nagdaaang dekada at taon ay marami ng mga malalaki at mapipinsalang mga
kalamidad ang dumaan at hinarap ng Pilipinas. Ang iba pa dito ay niatala pa
sa kasaysayan bilang mga pinakamapinsala. Ang ilan sa mga halimbawa ng
mga sakunang ito ay ang mga sumusunod: lindol sa Baguio City noong 1991,
pagputok ng bulkang Pinatubo sa Pampanga, bagyong Ondoy noong 2009,
supertyphoon Yolanda noong 2013, pagputok ng bulking Taal noong 2020,
bagyong Rolly at ang pinakabago ang bagyong Odette bago matapos ang taon
ng 2021. Ang mga sakunang ito ay ilan lamang sa mga sakunang nagpabagsak
ng mga kabuhayan ng maraming Pilipino. Gayundin din ng iba’t-ibang sektor
tulad ng sektor ng agrikultura, sektor ng komersyo, sektor ng turismo, sektor
ng edukasyon at iba pang sektor mapa pribado man o publiko. Higit sa lahat
ang mga sakunang ito ang dahilan ng pagkasawi ng maraming inosenteng
buhay.

Bilang ang Pilipinas ay nasa lokasyon na lapitin ng mga sakuna at trahedya


may mga ahensya ang ating pamahalaan na itinalaga para rito. Narito ang mga
ahensya ng pamahalaan na responsable at nakatuon sa mga gampanin para
sa pagtugon at kahandaan ng bansa sa panahon ng kalamidad:

1. National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o


Pambansang Tanggapan para sa Pagtugon ng Sakuna ay dating kilala bilang
National Disaster Coordinating Council (NDCC). Tungkulin nito na tiyakin ang
kaligtasan at kabutihan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna. Kapag
may kalamidad, isa ito sa mga ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa
paghahanda para maiwasan ang malaking pinsala at pagkasawi. Bilang
implementing arm ng Office of the Civil Defense (OC), ang NDRRMC ay may
pananagutang mamahala sa malawakang civil defense at pagpapababa ng
disaster risk.

Namamahala rin ang NDRRMC sa mga programa para makabuo ng istratihiko


at sistematikong pagpaplano upang mabawasan ang mga panganib at
mapamahalaan ang mga maaaring mangyari kapag tumama ang kalamidad.
Ang ilan sa mga pinaghahandaan nito ay ang posibleng pagtama ng mga
malalakas na bagyo at ang posibleng pagyanig ng Big One (ang tinatayang
7.2 magnitude earthquake na magaganap sakaling gumalaw ang West Valley
Fault sa silangan ng Metro Manila at karatig lugar nito).

2. Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration


(PAGASA) o Pangasiwaan ng Pilipinas sa Serbisyong Atmosperiko, Heopisiko, at
Astronomiko. Kilalang kilala ang ahensiyang ito ng mga mamamayan lalo na
kapag may mga balita ukol sa bagyo. Malaking tulong ang mga impormasyong
ibinabahagi ng PAGASA upang makapag-ingat at manatiling ligtas ang mga
mamamayan sa mga panganib na dulot ng matinding mga sakuna, gaya ng
pag-ulan at pagbaha. Itinatag ito noong Disyembre 1972 upang magbigay
proteksiyon sa mga Pilipino laban sa mga likas na kalamidad at gamitin ang
siyentipikong kaalaman bilang mabisang instrumento sa pagtitiyak ng
kaligtasan ng mga mamamayan. Ito ay isa sa mga ahensiya na nasa ilalim ng
Scientific and Technological Services Institutes ng Department of Science and
Technology (DOST) kung saan kabilang din ang Science and Technology
Information Institute (STII) at PHIVOLCS.

Pakay ng PAGASA na maging sentro ng kagalingan sa larangan ng mga


serbisyo at impormasyong nauukol sa panahon (weather) upang makatulong
sa pagbuo ng isang bansang handa at matatag sa mga hamon ng sakuna at
kalamidad. Sa layuning mababalaan at mabigyan ng impormasyon ang publiko
tungkol sa mga paparating na bagyo o masamang panahon, naglalabas ang
PAGASA ng mga kaukulang Public Storm Warning Signals. Nagbibigay din ito
ng mga babala tungkol sa ulan. Ukol naman sa baha, mayroon din ang
PAGASA ng Flood Forecasting and Warning Section.

3. Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) o Surian ng


Pilipinas sa Bulkanolohiya at Sismolohiya ay isang institusyong pangserbisyo
ng DOST. Itinalaga ang ahensiya upang tumugon at paliitin ang epekto ng mga
sakunang dulot ng pagputok ng bulkan, lindol, tsunami, at iba pang
heotektonikong penomenon.
4. Department of Transportation (DOTr) o Kagawaran ng Transportasyon, ang
may responsibilidad sa pangangasiwa naman ng mga isyu ukol sa mga
pampublikong transportasyon sa Pilipinas lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ipinagbibigay alam nito sa publiko ang mga kaganapan ukol sa mga
pampublikong transportasyon, gaya ng mga biyahe sa karagatan, himpapawid,
at kalsada lalo na sa panahon ng kalamidad.

5. Philippine Coast Guard o Ang Tanod Baybayin ng Pilipinas ay isang ahensiya


ng pamahalaan na itinatag upang maging tagapagpatupad ng batas sa
baybaying karagatan ng Pilipinas. Ito ay katuwang sa pagpapatupad ng batas
sa karagatan sa bansa, laban sa mga nagpupuslit ng mga pinagbabawal na
bagay (gaya ng droga), iligal na pangingisda, at pamimirata.

Gampanin din nito ang search and rescue operations o ang misyong


paghahanap at pagliligtas sa mga tao sa panahon ng mga sakuna at
kalamidad, maging ang pagbabantay upang maiwasan ang pagkasira ng likas
na karagatan. Sa Philippine Coast Guard din nanggagaling ang mga babala
para sa mga bumibiyahe sa dagat at nagbibigay ng ulat ukol sa operasyon ng
mga pantalan.

6. Philippine Information Agency (PIA) o Ahensiyang Pang-impormasyon ng


Pilipinas malalaman ang mga opisyal na balita at updates patungkol sa
mga relief and rescue operation at iba pang programa na ginagagawa ng
pamahalaan para sa mga dako na naapektuhan ng kalamidad.

Tungkulin nitong ipaalam sa mamamayang Pilipino ang mga impormasyon


tungkol sa mga pampublikong programa, proyekto, at serbisyo ng pamahalaan.

7. National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay ang sangay ng


pamahalaan na tumitiyak na maibabahagi nang ligtas ang suplay ng kuryente
sa bansa. Ang gampanin nito sa panahon ng kalamidad at mga panganib ay
ang magbigay ng mga babala at paalala patungkol sa suplay ng kuryente.
8. Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) o ang Pangasiwaan sa
Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila. Para ito sa mga mamamayan sa
Kalakhang Maynila. Tuwing may mga kalamidad kaagapay ng pamahalaan ang
MMDA para sa mga mamamayan ng Kalakhang Maynila. Dito nanggagaling
ang mga ulat ukol sa kapakanan ng mga nasa Metro Manila gaya ng lagay ng
mga kalsada sa rehiyon. Kaagapay ito sa paglutas o pagkontrol sa mga
pinsalang dala ng kalamidad gaya ng baha.

9. Department of Social Welfare and Development (DSWD) o Kagawaran ng


Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan. Ang sangay ng gobyerno na
nakatalaga sa serbisyong panlipunan para sa mga Pilipino na nangunguna sa
pamamahagi ng mga reliefs (food packs, emergency kits, etc.) kapag may
kalamidad.

10. Department of Education (DepEd) o Kagarawan ng Edukasyon. Ang


nagsisilbing awtoridad patungkol sa mga anunsiyong pampaaralan partikular
na ang pagsususpinde ng klase ng mga mag-aaral sa panahon ng kalamidad
o emergency. Nagbibigay din ito ng balita ukol sa mga anunsiyong mula sa
mga lokal na pamahalaan ukol sa edukasyon.

11. Philippine Army and Philippine National Police (PNP). Ang mga ahensyang ito
ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay humahalili sa iba pang ahensya ng
pamahalaan pagdating sa paglilikas ng mga mamamayan, paghahatid ng
tulong sa mga nasalanta at iba pang gampanin tuwing may kalamidad.

Gaano nga ba kahanda ang Pilipinas sa mga kalamidad sa kabila ng mga


paghahanda at mga ahensyang nakatalaga para sa pagtugon sa mga ito? Sa
kabila ng maraming kalamidad na tumatama sa bansa, mas maraming Pilipino
pa rin ang nagsabing hindi sila handa, batay sa isang pag-aaral. Ayon sa
survey na isinagawa ng Harvard Humanitarian Initiative (HHI), 74 porsiyento o
7 sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing wala silang kakayahan mag-invest o
maglaan ng pera para sa paghahanda sa mga sakuna. Tatlumpu’t anim na
porsiyento o 1 sa bawat 3 Pilipino ang nagsasabing fully prepared o handang-
handa sila sakaling may tumamang kalamidad, batay sa pag-aaral. Ayon sa
pag-aaral ng HHI, malaking balakid sa paghahanda ng mga Pilipino sa mga
sakuna ay ang kawalan ng pondo para rito at ang kawalan ng oras para
maghanda. Isa sa bawat 2 Pilipino ang nagsabing wala silang ginawa para
maghanda sa mga sakuna sa nakalipas na 5 taon (basi sa pag-aaral na
isinagawa noong 2019). Pero 8 sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing napag-usapan
na ng kanilang pamilya kung ano ang gagawin sakaling magka-emergency.
Walo sa bawat 10 Pilipino ang nagsasabi na wala rin silang tinatawag na go
bag o iyong bag na nakahanda parati at dadalhin sakaling kailangang lumikas.
Isa sa mga rason kung bakit hindi napaghahandaan ng mga Pilipino ang
ganitong sitwasyon ay dahil sa kakulangan ng mapagkukunan ng panggastos.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na maraming mga pamilyang Pilipino
ang naghihirap. Ang mahihirap din ang kalimitang nabibiktima at napipinsala
ng mga kalamidad. Imbes na mapaghandan ang mga ganito ay mas uunahin
nila ang mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw gaya ng pagkain,
inumin, kuryente, at iba pa.

Masasabing hindi pa nga lubos ang kahandaan ng nakakaraming Pilipino


pagdating sa usaping gaya ng kahandaan at pagtugon sa mga sakuna.
Malaking faktor na nakakaapekto dito ay ang kahirapan higit pa ngayon na
may kinakaharap ang buong mundo na malawakang krisis pangkalusugan na
COVID-19 pandemic. Marami ang nawalan ng kabuhayan na mas nagpalala sa
kahirapan ng bansa. Dagdag pa riyan ay hindi talaga maiiwasan na tamaan ng
trahedya ang Pilipinas dahil sa lokasyon nito. Isa pa sa mga nakakaapekto sa
agarang pagtugon ng pamahalaan sa mga sakuna ay ang kakulangan nito sa
badyet para sa mga ganitong usapin na maaaring magamit sa pagpopondo sa
paggawa ng mga matitibay na evacuation center na hindi kayang buwagin ng
malalakas na hangin, pagdadagdag ng pondo sa mga lokal na pamahalaan na
madaling magamit tuwing may sakuna, at paglalagay ng satellite phone sa
bawat barangay o munisipyo na maaring gamitin pang-kontak sa national
government o sa mga ahensya na maaaring hingian ng tulong kapag naputol
na ang linya ng komunikasyon dahil napinsala na ito ng kalamidad. Malaking
tulong ito sa mga lugar na hindi kaagad napapasok ng tulong tuwing may
bagyong tumatama sa bansa, isang halimbawa na diyan ay ang bagyong
Odette na hanggang sa kasalukuyang sinusulat ang tekstong ito ay hindi pa
din naibabalik ang linya ng kuryente at komunikasyon sa ibang mga lugar na
sinalanta nito.

Malaki din ang naging dulot ng climate change o pagbabago ng panahon sa


mga lumipas na dekada na siyang mas nagpapalala sa mga sakuna na
tumatama sa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas. Mas malakas na bagyo,
baha, at pagguho ng lupa ang nararanasan natin ngayon kumpara noong mga
panahong hindi pa lubos na modernisado ang mundo. Sa kabila ng lahat ng
ito, makikita na ginagawa pa din ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito
upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan nito tuwing
may kalamidad at sakuna, ngunit hindi maikakaila na hindi pa din ito sapat.
Matalinong pagplaplano at malaking pondo ang kinakailangan ng pamahalaan
ng Pilipinas upang masabing lubos nang handa ang bansa sa anumang
sakuna ang tumama dito.

TIYAK NA LAYUNIN

Layon ng tekstong ito na maipabatid sa mga posibleng babasa nito ang mga
paghahanda at tugon na ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas pagdating sa
usaping kaligtasan ng mga mamamayan nito tuwing may sakuna at
kalamidad. Gayon na din ang mga dahilan kung bakit madalas nakakaranas
ang bansa ng mga ganito at ang mga pwede pang gawing tugon upang higit na
mapalakas pa ang kahandaan ng bansa pagdating sa mga sakuna at
kalamidad.
PAHAYAG NA TESIS

Sa kabila ng mga paghahanda ng pamahalaan ng Pilipinas tuwing may


darating na kalamidad sa bansa ay hindi maikakailang hindi pa din lubusang
handa ito upang matugunan kaagad ang mga pinsalang iiwan nito sa mga
mamamayang Pilipino at sa mga sektor na mapipinsala nito.

You might also like