You are on page 1of 25

LAWAK NG PAGPAPAHALAGA NG MGA ESTUDYANTE SA SEÑIOR HIGHSCHOOL SA

ASIGNATURANG FILIPINO KAUGNAY NG KANILANG AKADEMIKONG PERFROMANS

A Thesis Proposal
Presented to
The Faculty of the College of Education
University of Batangas
Batangas, City Philippines

In Partial Fulfillment of the Requirements


for the Degree Bachelor
of Secondary Education
Major in Filipino

By
Cepillo, Euniece B.
January 2022
Kabanata I

Ang Suliranin at ang Kaligiran Nito

1.0 Panimula

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas taong 1987, sa Artikulo XIV, Sek. 6-9 na ang ating

Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Alinsunod sa 1987 ng Saligang Batas, ang Kautusan

Blg. 52 na nag-uutos sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa alinmang antas

ng pagtuturo mapapribado man o pampublikong paaralan kaalinsabay ng wikang Ingles. Ang

layunin nito ay mapalaganap ang wikang Filipino bilang isang wika ng literasi, ang paglinang at

pagpapayabong ng wikang Filipino bilang isang linggwistikong sagisag ng pambansang

pagkakaisa at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino at patuloy na intelektwalisasyon ng wikang

Filipino. Sa Seksyon 6 pinagtibay ng bagong Konstitusyon ng Pilipinas ng 1986, na ang wikang

pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat pagyabungin at

pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Ang asignaturang Filipino ay isang bahagi ng kurikulum na tumutukoy sa pag-aaral ng

tamang paggamit ng wika, mga kayamanang literatura ng bansa, tulad ng mga akda ng mga

batikan at kilalang manunulat. Gayundin ang pagtuturo ng iba pang mga kaalaman na kailangan

ng bawat estudyante bilang mga Pilipino.

Mas lalawak ang Pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino sa tulong

ng mga guro sa paaralan. Matutuhan ng bagong henerasyon ang pagmamahal, pagtangkilik,

pagpapahalaga at higit sa lahat pagpepreserba ng wika at kulturang Pilipino.

Ang panahon ng globalisasyon ay isang malaking hamon para sa mga gurong nagtuturo

ng asignaturang Filipino na maitatak sa isipan ng mga estudyante ang mga konseptong


nilalaman at nais ipatuto sa asignaturang Filipino kung kaya’t naapektuhan nito ang

pagpapahalaga ng mga estudyante sa asignaturang Filipino.

Ang pagpapaunawa sa kahalagahan at gamit ng asignaturang Filipino ay nakasalalay sa

kamay ng mga guro mula sa elementarya hanggang tersarya. Subalit, nakalulungkot isipin na

sa kasalukuyan ay iilan lamang ang mga estudyante na may malawak na pagpapahalaga sa

asignaturang Filipino na maaaring makaapekto sa resulta ng kanilang performans sa nasabing

asignatura. Batay sa pag-aaral na ginawa ni Meris, et al. (2018) sa kanyang tesis kaugnay sa

“Pagpapahalaga sa Wikang Filipino”, napatunayan niya na napakahalaga na pagsanayang

magamit ang wika sa tulong ng pagkakaroon ng asignaturang Filipino. Ito ay makakatulong

upang magbago ang tingin ng mga estudyante sa asignaturang Filipino sapagkat ang sariling

wika ng isang bansa ay ang susi sa kaunlaran.

Ang pagtuturo ng asignaturang Filipino ay mas higit sa pagtuturo lamang ng kaalamang

pangkasanayan, panitikan at pag-unawa sa mga akdang binasa. Hindi nagtatapos ang

kaalaman sa pagbuo ng wasto at makabuluhang pangungusap at pagsagot sa mga kasanayan

sa pagbasa. Ang Filipino bilang asignatura ay pagpapalalim ng ating wika at kultura (Reyno

2018).

Ayon kay Reyno, makapangyarihan ang wasto at mabuting paggamit ng ating wika. Isa

itong daan upang magkaroon tayong mga Pilipino ng matatag na pagkakakilanlan at ang

kabataan ang pag-asa ng bayan. Sila ang magtataguyod ng wikang magbubuklod sa ating mga

Pilipino at magpapakita ng kakayahan, kahusayan, at kabutihan nating mga Pilipino. Sila rin ang

magpapamalas sa buong mundo kung gaano kaganda at kayaman ang ating wika at kultura.

Nararapat lamang na pahalagahan nila ito.

Kasama na natin ang asignaturang Filipino mula pa noong tumungtong tayo ng

elementarya.
Ayon kay Tasic (2016), isinulong ni dating Pangulong Manuel L. Quezon noong 1940

ang Executive Order No. 263 na nag-uutos sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan na

isama sa kurikulum ang pagtuturo ng wikang pambansa. Ito ngayon ang tinatawag nating

asignaturang Filipino ngayon. Ito ang pag-aaral ukol sa tamang paggamit ng ating wika at mga

literaturang itinuturing nating kayamanan.

Ang mananaliksik ay naniniwala na hindi magiging problema ang pagkakaroon ng

malawakang pagpapahalaga sa asignaturang Filipino kung ang bawat estudyante ay bibigyan

ito ng pansin at tatangkilikin ang sariling wika. Kung kaya’t kinakailangang pagsikapan ng mga

gurong magtuturo na maitatak at maituro nila nang maayos sa bawat estudyante kung gaano ka

epektibo at kahalagahan ng asignaturang Filipino sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa

isang makabuluhang pagkatuto.

Layunin ng mananaliksik na malaman ang lawak ng pagpapahalaga ng mga estudyante

ng Grade 11 Señior Highschool sa Batangas National Highschool sa asignaturang Filipino at

masuri kung nakakaapekto ba ito sa kanilang pakikipagtalastasan, performans at pagkatuto sa

klase.

Hindi na bago ang kontrobersiya kung alin sa dalawang wika (Ingles o Filipino) ang higit

na lilinangin at gagamiting midyum ng pagtuturo sa paaralan. Sa kasalukuyan hindi maitatanggi

na ganito rin ang sitwasyon lalo na’t maraming mga maling paniniwala sa pagitan ng wikang

Filipino at ng wikang Ingles.

Mahalaga ang kontribusyon ng asignaturang Filipino sa Edukasyon. Ito ay upang lubos

na maunawaan ang sariling wika, mga kulturang Pilipino, mga tradisyon, panitikan, literature, at

iba pang mga mahahalagang kaganapan tungkol sa ating pagka-Pilipino. At marahil,

napakarami pang tao ang hindi nalalaman ang mga ito, kahit na tayo'y mga Pilipino, Albao, et

al. (2016). Ngunit, sa kasalukuyan nakatawag pansin sa mananaliksik ang unti-unting


pagkawala ng pagmamahal at pagpapahalaga sa wika lalong-lalo na sa mga tagapagtaguyod

nito dahil ito sa pagkawili ng mga kabataan sa ngayon sa mga napapanahong sumisikat na mga

palabas, sikat na grupo, at impluwensya ng social media.

Wika ang pinakamagandang regalo ng Maykapal sa kanyang mga nilalang. Ito ang

tanging kasangkapan ng tao sa pakikipag-ugnayan niya sa kapwa, sa asosasyon, sa institusyon

at maging sa dakilang Bathala. Malaki ang nagagawa ng wika sa pagkakaroon ng magandang

unawaan, ugnayan at mabuting pagsasamahan. Ang Wikang Filipino ay sumisimbolo sa kultura

ng mga Pilipino kung sino, ano, at meron sila. Ang isang tao na gumagamit ng Wikang Filpino

ibig sabihin isa siyang Pilipino (Lingkyla, 2016).

Bilang isang Pilipino na estudyante may mga tungkulin din tayo sa ating bansa katulad

ng pagpapahalaga sa ating sariling wika. Ang isang paraan na magagawa mo upang mapanatili

at mapahalagahan ang wika, kailangan nating sumali sa isang organisasyon na may tema o

tungkulin na pahalagagan ang ating wika, (Barrios, 2018). Sa panahon ngayon na puno na ng

pagbabago mula sa kung paano manamit ang mga tao, sa paraan ng pananalita, sa mga

bagong uso at mga makabagong teknolohiya, ay hindi ka na rin magtataka kung pati ang ating

pagbibigay halaga sa ating sariling wika ay wala narin.

Samakatuwid, dapat natin pahalagahan at tangkilikin ang ating wikang Filipino dahil

ayon kay Dr. Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at

malansang isda, (Arellano, 2016).” Ito ang ginagamit natin pang komunikasyon, pang-ugnayan,

pangtransaksiyon at ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon tayong lahat ay magka-ugnay

bilang isang ipinagmamalaking Pilipino. Kaya’t marapat na bigyang halaga at pansin ng mga

kabataan ang asignaturang Filipino na tumatalakay sa ating wikang Pambansa.


Ang Filipino ay isang asignatura kung saan ay natuto tayong magbasa, magsulat at

magsalita gamit ang wikang Tagalog. Ang Filipino ay napakahalagang asignatura sapagkat ito

ay humuhubog sa ating pagka-Pilipino kaya marapat lamang na mas pahalagahan at

ipagmalaki ito ng bawat estudyanteng Pilipino. Kahit kalian hindi mawawaksi ang Wikang

Filipino sapagkat kahit hindi nakikita ng iba ang halaga nito, ito ang ginagamit natin at ito ay

sariling atin kaya marapat na ito ay pahalagahan lalo’t higit ng mga estudyante (Santiago,

2016).

Ang mga nabanggit sa unahan ay ang iilan lamang sa mga dahilan kung bakit nabuo

ang pag-aaral na ito sa pagnanais na matukoy ang lawak ng pagpapahalaga ng mga

estudyante sa asignaturang Filipino kaugnay ng kanilang akademikong performans.

Rasyunale ng Pag-aaral

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda kaya ating

pagyamaning kusa gaya ng inang sa atin ay nagpala”. Ito ang sabi ng ating pambansang bayani

na si Dr. Jose Rizal. Ganito na lamang niya ipagmalaki at pahalagahan ang sariling wika, ang

Wikang Filipino. Ayon kay Tasic (2016) isinulong ng dating pangulong Manuel L. Quezon

noong 1940 ang Executive Order no. 263, na naglalayong isama sa kurikulum ang ang

pagtuturo ng Wikang Pambansa.

Kasalukuyang tutukuyin kung paano ang lawak ng pagpapahalaga ng mga mag-aaral ng

Grade 11 Senior Highschool sa Batangas National Highschool sa asignaturang Filipino.

Tutukuyin kung paano nila ito isinasabuhay at pinahahalagahan sa pang araw-araw na

pakikipagtalakayan sa klase. Mahalagang magkaroon ng kaisahan ng wika ang isang bansa

upang lubusang magkaintindihan at hindi magkawatak-watak, subalit paano napapahalagahan

ng mga mag-aaral ito hindi lingid sa ating kaalaman na karamihan sa mga kabataan ngayon ay

nae-enganyo ng iba’t ibang mga lenggwahe. Halimbawa nalang ng pagkagusto nilang matuto
ng Korean Language dahil sa kanilang napapanood na K-drama, pagbabasa ng mga ibat-ibang

babasahin mapa ingles man o tagalog at iba’t iba pa.

Ang pananaliksik na ito ay tutukuyin kung gaano nga ba kalawak ang pagpapahalaga ng

mga estudyante sa Señior Highschool sa Asignaturang Filipino. Sa pamamagitan nito

matutukoy natin kung ano-ano nga ba ang mga opinion ng mga estudyante at mga dahilan o

nakakaimpluwensya sa kanilang pagpapahalaga sa Filipino.

Sa pangkalahatan, ang pananaliksik na ito ay tungkol sa pagpapahalaga ng mga

estudyante ng Grade 11 Señior Highschool sa Batangas National High school sa asignaturang

Filipino. Ang layunin ng pananaliksik na ito ay malaman ang pananaw ng mga estudyante

patungkol sa pagpapahalaga sa asignaturang Filipino. Makakatulong din itong pananaliksik na

ito upang pahalagahan ng mga estudyante ng Grade 11 Señior Highschool sa Batangas

National Highschool hindi lang ang asignatura mas higit ang wikang Filipino.

Teoretikal Framework

Nakaangkla ang pag-aaral na ito sa Teoryang Connectionism ni Edward Lee Throndike.

Ang teoryang Connectionism ni Edward Lee Thorndike ay tumutukoy sa dalawang magkaugnay

na elemento sa pagkatuto, ito ay ang pampasigla o stimulus at ang tugon o response. Ang

pagkakaugnay ng dalawa ay maaaring palakasin o pahinain depende sa kalikasan o uri at dalas

ng pagsasama ng stimulus at response. Ibig sabihin na ang pagkatuto at ang pag-uugali ng

mga mag-aaral ay mabubuo kung makahahanap ng isang epektibong pamapasigla na

magpatibay ng koneksyon sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangailangan ng mga

estudyante upang magkaroon ng isang makahulugang karanasan sa pagkatuto sa bawat

asignatura. Isa itong tiyak na palatandaan na ang pagpapahalaga ng mga estudyante sa isang

asignatura ay mas mapapalawak sa pamamagitan ng paggamit ng guro ng mga pangganyak o


pampasigla sa kanilang pag-aaral bilang tugon sa pagpapahalaga nila sa asignaturang

kinukuha (Meris et. al, 2018).

Tunay na binigyang diin ng teoryang nabanggit na ang pagpapahalaga ng tao sa mga

bagay-bagay ay nagsisimula sa pamamagitan ng masinsinang pagkontrol sa kilos o gawain.

Isang paraan nito ay ang paghubog ng mga pag-uugali at pagtingin sa isang asignatura sa

pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga pangganyak upang magkaroon ng

makahulugang karanasan sa pagkatuto lalo na sa asignaturang Filipino. Sa paraan ng

pagtuturo ng mga guro bilang isang modelo, kinakailangang maipakita nito sa kanyang mga

estudyante ang kalagayan sa pagtuturo upang mas maimpluwensiyahan nito ang interes ng

mga estudyante na pahalagahan ang naturang asignatura at mas mapalawak pa ang

pagpapahalaga at pagkatuto ng mga mag-aaral sa asignatura.

ESTUDYANTE
Ang Guro bilang Teoryang
Modelo Connectionism

PAGPAPAHALAGA SA
ASIGNATURANG
FILIPINO

ESTUDYANTE

Figyur1: Balangkas Teoretikal ng Pag-aaral ay batay sa Teoryang

Connectionism ni Edward Thorndike


Konseptwal Framework

Ang dayagram na makikita sa figyur 2 ay naglalarawan sa konseptwal na saligan ng

pag-aaral na nagpapakita ng IPO (Input-Process-Output) na ilalapat sa pananaliksik na

paradigm. Ang input ay ang mga salik o suliranin sa pag-alam ng lawak ng pagpapahalaga ng

mga estudyante sa asignaturang Filipino.

Ang proseso ay ang metodolohiyang isasagawa upang malaman ang Lawak ng

Pagpapahalaga sa Asignaturang Filipino ng mga mag-aaral. Isasagawa ng mananaliksik ang

sarbey upang malaman ang mga datos

Ang output ay inaasahan ng mananaliksik sa pag-aaral na ito na matukoy kung gaano

kalawak ang Pagpapahalaga ng mga estudyante sa Grade 11 ng Señior Highschool sa

Batangas National Highschool.


Input Proseso Output

1.Profile ng mga Estudyante


Batay sa 1.Ang mananaliksik Inaasahan ng
ay gagamit ng mananaliksik sa pag-aaral
 kasarian; mga questionnaire sa na ito na matukoy kung
 departamentong mga mag-aaral ng gaano kalawak ang
kinabibilangan Grade 11 Señior Pagpapahalaga ng mga
 Paboritong asignatura; at Highschool sa estudyante sa Grade 11
Batangas National Señior Highschool sa
 Kinagigiliwang uri ng mga
Highschool upang Batangas National
babasahin
makakalap ng mga Highschool
. datos at malaman
2.Grado/Marka ng Estudyante
sa Asignaturang Filipino ang kanilang lawak
ng pagpapahalaga sa
3.Lawak ng pagpapahalaga ng asignaturang Filipino.
mga respondente sa
asignaturang Filipino batay sa 2. Quantitative
sumusunod: research
 interes/kawilihan sa
3. Descriptive
asignatura
Analysis
 motibasyon sa pag-
aaral
 paggawa ng mga
asignaturang
pangangailangan/
gawain
 paggamit ng wikang
Filipino

Figyur 2: Pananaliksik na Paradigm


Paglalahad ng Suliranin

Layon ng pananaliksik na ito na malaman ang lawak ng pagpapahalaga ng mga

estudyante sa Grade 11 Señior Highschool sa Batangas National Highschool hinggil sa

asignaturang Filipino at kaugnayan nito sa kanilang marka sa Filipino.

Ninanais na masagot ang sumusunod na ispisipikong suliranin;

1. Ano ang profile ng mga respondente batay sa sumusunod

1.1. Kasarian

1.2. Paboritong asignatura

1.3 Departamentong kinabibilangan

1.4. Kinagigiliwang uri ng babasahin

2. Ano ang lawak ng pagpapahalaga ng mga respondente sa asignaturang

Filipino batay sa sumusunod:

2.1. Interes/kawilihan sa asignatura

2.2. Motibasyon sa pag-aaral

2.3 Paggawa ng mga asignaturang pangangailangan/gawain

2.4 Paggamit ng wikang Filipino

3. Ano ang marka/grado ng mga respondente sa kanilang asignaturang Filipino?

4. May kaugnayan ba sa pagitan ng lawak ng pagpapahalaga ng mga respondente sa

asignaturang Filipino at ang kanilang marka/grado?

5. Base sa resulta ng pag-aaral, anong mga pagsasanay ang maaaring imungkahi upang

mapalawak ang Pagpapahalaga ng mga estudyante sa asignaturang Filipino?


Hinuha

Ho1. Walang kaugnayan sa pagitan ng lawak ng pagpapahalaga ng mga respondente sa

asignaturang Filipino at ang kanilang marka/grado.

Saklaw, Delimitasyon. At Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa lawak ng pagpapahalaga ng mga estudyante sa

asignaturang Filipino. Saklaw nito ang mga estudyante sa Grade 11 Señior Highschool sa

Batangas National Highschool ng taong Panuruan 2021-2022.

Ang mga mag-aaral na ito ang siyang binigyang pansin ng mananaliksik

dahil sila ang makapag-bibigay opinyon tungkol sa pag-aaral nagagawin.

Nilimitahan ang pag-aaral na ito sa mga estudyanteng na nasa Señior Highschool sa

pampublikong paaralan ng Batangas National High School.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay mahalaga at mapapakinabangan sa sumusunod na indibidwal o

grupo:

Sa mga estudyante. Ang pag-aaral na ito ay makatutulong upang malaman ng bawat

estudyante ang kabutihang naidudulot ng pagpapahalaga sa asignaturang Filipino bilang daan

sa kabuuang pagkahubog ng sarili hinggil sa konteksto ng asignaturang Filipino.

Sa mga guro. Makakatulong ito sa mga guro upang matulungan ang bawat mag-aaral

na mapalawak ang kanilang pagpapahalaga sa asignaturang Filipino at maging gabay sa kanila


upang makabuo at makagamit ng mga estratehiyang magpapataas sa pagpapahalaga ng mga

estudyante sa asignaturang Filipino.

Sa mga susunod na mananaliksik. Ang pag-aaral na ito ay magbibigay ng sapat at

detalyadong impormasyon na makakatulong sa kanilang pananaliksik.

Kahulugan ng mga Termino

Teoryang Connectionism. tumutukoy sa dalawang magkaugnay na elemento sa pagkatuto,

ang pampasigla (stimulus) at ang tugon (response).

Asignaturang Filipino. Isang asignatura mula elementarya hanggang sekondarya. Ito

ang asignaturang tumutulong sa bawat mag-aaral na mahasa pang lalo sa pagsasalita ng

sariling wika.

Akademikong Performans. Sumusukat sa kakayahan at abilidad ng bawat mag-aaral sa loob

ng silid-aralan.

Wikang Filipino. Ang salita ng bansang Pilipinas upang makipagkalakalan,

Makipagkomunikayon, makipagtalastasan sa iba’t ibang pamamaraan at pagkakakilalan ng

bansa.

Lawak ng Pagpapahalaga. Ito ay tumutukoy sa lalim ng pagbibigay ng halaga o atensyon ng

mga estudyante sa kanilang pagtanggap sa asignaturang Filipino.


Kabanata II

KAUGNAY NA LITERATURA AT PAG-AARAL

Ang kabanatang ito ay kinakapalooban ng mga kaugnay na literature at pag-aaral na

nakuha sa mga binasang aklat, tesis, dissertasyon at iba pang mga babasahin na may malaking

kaugnayan sa kasalukuyang pag-aaral. Isinasagawa ang paghahanay ng mga kaisipan at

konsepto mula sa iba’t ibang manunulat at mananaliksik upang mabigyang linaw ang

isinasagawang pag-aaral.

Lokal na Literatura at Pag-aaral

Ang mga pag-aaral at literature na lokal ay isinaalang-alang sa pananaliksik. Ito

ay hango sa mga tesis at disertasyon. Ang kanilang mga natuklasan at buod ay hinalaw at

nagiging batayan ng mga pagpapahalagang may pagkakatulad at pagkakaiba sa kasalukuyang

pag-aaral. Ang mga kaugnay na literatura ay inilalahad sa pananaliksik na ito. Ito ay hango sa

mga aklat, dyornal at iba pang lathaing may kaugnayan sa paksa.

Malaking bagay ang naibabahagi sa ating mga mag-aaral ang asignaturang Filipino. Isa

ito sa magiging daan upang mapagbuti ang galing sa pakikipag-komunikasyon at sa pagharap

sa bagong bukas na kahaharapin. Ang pag aaral ng asignaturang Filipino ay nangangailangan

ng sipag at tiyaga sa pagbabasa. Pagbubukas ng malawak na kaisipan at pakikipag-

komunikasyon. Ito ang mga bagay na kailangan na mabigyan ng pansin upang lalong mas

maintindihan at maunawaan ang kahalagahan ng asignaturang Filipino (Guttierez, 2017).


Importante na maging kabilang ang asignaturang Filipino sa ating kurikulum. Ang

kahalagahan ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay makakatulong upang mas maging

malawak ang ating kaalaman sa pagsulat at pagbasa (Soriano, 2016).Ang kahalagahan ng

asignaturang Filipino ay katulad ng kahalagahan ng ating sarili. Pinag-aaralan ang Filipino dahil

sa nag-iiba-iba ang salitang katutubo ng mga Pilipino, Din, (2017).

Mahalaga sa mga mag-aaral na may kawilihan sa pag-aaral sa Filipino. Ang

pagkakaroon ng kawilihan sa asignaturang Filipino ay magdudulot ng magandang resulta sa

kanilang akademikong performans (Legaspi & Balbin, 2019).

Ang pagpapahalaga sa asignaturang Filipino sa K-12 bilang bagong kurikulum ay

marubdob. Kung ang ating mga kabataan ngayon ay mulat sa makabagong pamamaraan, sa

mga modernong teknolohiya, ang pagpapahalaga sa asignaturang Filipino ay dapat naiisapuso

ng mga mag-aaral upang malaman nila kung bakit nila kailangang magtrabaho, kung kanino sila

magtatrabaho, at kung paano sila magtatrabaho.Lahat ng ito ay nasasaklaw ng asignaturang

Filipino (Katipunan, 2017).

Sa pagsasaliksik ni Delgado, et al. (2016), dapat na maging malikhain ang mga guro sa

iba’t ibang pamamaraan at epektibong estratehiya sa pagtuturo upang mahikayat ang mga

mag-aaral na maipakita ang kanilang lubos na pagpapahalaga at magkaroon ng kawilihan sa

paggawa ng mga gawaing may kaugnayan sa asignaturang Filipino at tumaas ang resulta ng

akademikong performans ng mga mag-aaral. Iminungkahi rin na ipagpatuloy ang mga ganitong

pag-aaral upang matuklasan ang mga bagay o gawain na maaaring makapagpaunlad sa

pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino.

Dagdag ni Bisa (2017), nililinang ng asignatura na ito ang mga bagay sa lipunan, kung

ano nga ba ang tamang paraan ng pag gamit ng wikang filipino nang sa gayon ay maibahagi

natin sa iba ang ating sariling wika. Nagkakaroon ng isang maayos na lipunan kapag may
mabuting ugnayan ang mga tao sa pamayanan. Nakadagdag din sa kaalaman ng mga mag-

aaral ang mga bagay bagay katulad ng pag gawa ng blog at vlog, ng komposisyon, repleksyong

papel, dyornal at diary. Ang pagmamahal sa asignaturang filipino ay katumbas ng

pagpapaunlad at patuloy na pagtangkilik at ganoon din ang paggamit na wasto rito.

Mula sa isang guro sa Paaralang Sentral ng Quezon, sa Isabela ang Filipino ay isang

asignatura na kung saan ay natuto tayong magbasa, magsulat at magsalita gamit ang

wikang tagalog. Ang Filipino ay napakahalagang asignatura sapagkat ito ang humuhubog sa

ating pagka-Pilipino (Dela Cruz, 2016).

Banyagang Literatura at Pag-aaral

Batay sa pahayag ng Basic Knowledge 101, ang wikang Filipino ay systematiko o uri ng

pakikipag-usap na tunog, simbolismo at may tinatawag din na Cognitive Process ibig sabihin

ang wika rin ay nangangailangan ng malalim na pang-unawa. Sistematiko din ang paggamit ng

wika dahil may sinusunod itong pormat lalo na sa pakikipag-usap. Kaya nararapat itong bigyang

tuon sa pag-aaral pati kung paano ito gamitin ng lubos dahil hindi lubos na masasabi itong

pormal kung ang paggamit ay pabago-bago at paiba-iba. Kung kaya’t ito ay masinsinan na

pinag-aaralan at ginagamit ng wasto sa asignaturang Filipino.

Sa pag-aaral nina Torres P. & Pablo I. (2018), na ang aspeto ng pag-aaral ng wika

bilang isang variable ng pagbuo ng pagkakakilanlan ay nagpapakita na ang mga indibidwal ay

lubos na naiimpluwensyahan ng kanilang mga karanasan sa buhay pagdating sa pagkatuto ng

pangalawang wika at naaapektuhan ang pagpapanatili ng sariling wika. Ang wika ay isang

mahalagang elemento ng pagkakakilanlan, kaya't ang mga kaganapang nauugnay dito ay

nagiging makabuluhan para sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng indibidwal. Mula dito sa kanilang

pag-aaral sinasabi na ang pagkawala ng interes sa sariling wika ay dahil sa impluwensya ng


ibat-ibang bagay na siyang nagiging dahilan ng pagkawala ng pagpapahalaga ng mga mag-

aaral sa asignaturang Filipino.

Sintesis ng Kaugnay na Pag-aaral at Literatura

Ang pananaliksik na ito ay hinango sa mga pag-aaral at literatura ng ilan sa mga

mananaliksik sa Filipino. Ayon sa pahayag ni Katipunan (2017), ang Pagpapahalaga sa

asignaturang Filipino sa K-12 bilang bagong kurikulum ay marubdob. Kung ang ating mga

kabataan ngayon ay mulat sa makabagong pamamaraan, sa mga modernong teknolohiya, ang

pagpapahalaga sa asignaturang Filipino ay dapat naiisapuso ng mga mag-aaral upang

malaman nila kung bakit nila kailangang magtrabaho, kung kanino sila magtatrabaho, at kung

paano sila magtatrabaho.Lahat ng ito ay nasasaklaw ng asignaturang Filipino. Kung kaya’t

minarapat ng mananaliksik na siyang pagtuunan ng pokus ng kanyang pag-aaral at ito nga ay

ang pag-alam ng lawak ng pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino.

Mahalaga sa mga mag-aaral na may kawilihan sa pag-aaral sa Filipino. Ang

pagkakaroon ng kawilihan sa asignaturang Filipino ay magdudulot ng magandang resulta sa

kanilang akademikong performans (Legaspi & Balbin, 2019). Ang kahalagahan ng asignaturang

Filipino ay katulad ng kahalagahan ng ating sarili. Pinag- aaralan ang Filipino dahil sa nagiiba-

iba ang salitang katutubo ng mga Pilipino (Din, 2017).

Nagkakapareho ang layunin ng mga nabanggit na pag-aaral sa layunin ng mananaliksik.

Parehas nilang mithiin na malaman ang antas ng kahalagahan ng asignaturang Filipino sa mga

mag-aaral. Kasabay nito ay isinama ng mananaliksik ang pagkuha ng huling grado ng mga

mag-aaral sa asignaturang Filipino bilang isa sa batayan ng pag-alam sa lawak ng

pagpapahalaga ng mga mag-aaral.


Kabanata III

METODOLOHIYA NG PAG-AARAL

Sa kabanatang ito ay iprinisinta ang paraan ng pananaliksik, mga pokus ng pag-

aaral, mga instrumentong pananaliksik at tritment ng mga datos. Nakapaloob din sa kabanatang

ito ang instrumento na ginamit sa paglikom ng datos at kung paanong pagsusuri ng datos ang

gagawin ng mananaliksik upang maipahayag nang maayos ang nilalaman at datos sa pag-

aaral.

DISENYO NG PANANALIKSIK

Ang isasagawang pananaliksik ay gagamitan ng Deskriptib-kuwantitatib na Pananaliksik

o Descriptive-quantitative Research. Ito ang napili ng mananaliksik na disenyo sapagkat

naniniwala siya na ito ang angkop sa pag-aaral. Ito ang gagamitin ng mananaliksik sa pag-aaral

sapagkat ang pananaliksik na ito ay kinapapalooban ng pagtatala, paglalarawan,

pagpapakahulugan, pagsusuri at paghahambing na maisasakatuparan sa pamamagitan ng

deskriptibong pamamaraan. Maraming uri ng deskriptibong pananaliksik, ngunit napili ng

mananaliksik na gumagamit ng talatanungan o survey questionnaires para makalikom ng mga

datos na magdedetermina sa lebel ng kasanayan sa wastong paggamit ng wika. Naniniwala

ang mananaliksik na angkop ang disenyong ito para sa paksang ito sapagkat mas mapapabilis

ang pangangalap ng datos mula sa maraming respondente. Ang gagawing talatanungan ay

mayroon lamang kinalaman sa ginagawang pag-aaral.

MGA RESPONDENTE NG PAG-AARAL


Ang mga piling mga respondente sa pag-aaral na ito ay ang mga kabilang sa Grade 11

Señior Highschool ng Batangas National Highschool. Ang mapipiling mga respondent ng

mananaliksik ay ang mga kabilang sa Grade 11 Señior Highschool na may internet connection

na ginagamit upang malaman kung paano pinahahalagahan ang asignaturang Filipino, bilang

isang mag-aaral, ang pagpapahalaga ng asignaturang Filipino kaugnay ng kanilang

akademikong performans.

INSTRUMENTO NG PANANALIKSIK

Pag-aaral na ito ay isasagawa sa pamamagitan ng pag sasarbey. Ang mananaliksik ay

maghahanda ng sarbey kwestyuner na naglalayon makahanap ng mga datos upang malaman

ang lawak ng Pagpapahalaga ng mga Grade 11 Señior Highschool sa asignaturang Filipino

kaugnay ng kanilang akademikong performans. Ang sarbey kwestyuner ay gagamitin upang

maipakita ang mga datos na kinakailangan sa pag-aaral at ang huling marka ng mga

respondente sa asignaturang Filipino. Ang mga kwestyuner ay mahahati sa dalawang parte.

Ang unang parte na naglalaman ng tungkol sa profile ng mga respondent at ang pangalawa ay

tungkol sa lawak ng pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino. Magsasagawa

din ng pangangalap ng mga impormasyon ang mananaliksik sa iba’t ibang hanguan, sa aklatan

tulad ng mga aklat, dyaryo, magasin at pamanahunang papel. Kukuha din ang mananaliksik ng

ilang impormasyon sa internet.

PARAAN NG PAGSASAGAWA

Pananaliksik sa mga Silid- Aklatan

Ang mananaliksik ay maghahanap ng mga aklat at literatura na makatutulong sa

kanyang pag-aaral. Isa-isang babasahin ng mananaliksik ang mga nakuhang aklat at itatala ang
mga mahalagang impormasyon na nabasa. Dahil dito, magkakaroon at madadagdagan ang

kaalaman ng mananaliksik tungkol sa pag-aaral.

Paghahanda ng Talatanungan

Maghahanda ang mananaliksik ng mga katanungan na mayroong koneksyon at

masasagutan ang suliranin ng kanilang pag-aaral. Ito ay mga sariling gawang kwestyuner na

idinisenyo upang mahikayat ang isang buo at makabuluhang sagot ng mga kalahok. Ang

mananaliksik ay maghahanda lamang ng sampung (10) mga katanungan sa bawat bahagi ng

kwestyuner.

Paghingi ng Pahintulot

Magpapadala ng consent letter ang mananaliksik sa mga kalahok, sa paaralan, at sa

punong guro upang humingi ng pahintulot sa gagawin nilang pagpapasagot ng kwestyuner.

Sisiguraduhin ng mananaliksik na hindi sapilitan at may pahintulot sa kanilang mga kalahok ang

gagawing pakikipanayam.

Pagsasagawa ng Kwestyuner

Ang pagpapasagot sa kwestyuner ay gagawing online dahil sa banta ng COVID-19 sa

bansa. Magpapadala ng link para sa kwestyuner ang mananaliksik. Bago isagawa ang

pagpapasagot, sinisigurado ng mananaliksik na malinaw ang layunin ng kanyang pananaliksik

sa mga kalahok at gayundin ang halaga ng kanilang partisipasyon sa pagsasagot na

gaganapin.Ang pagsasagot ay tatagal lamang ng tatlumpung (30) minuto. Sisiguraduhin ng

mananaliksik na ang nakuhang mga datos ay mananatiling kompidensyal sa buong pag-aaral.

Pagsasaayos ng mga Datos

Ang mananaliksik ay gumamit ng descriptive analysis sa pagsusuri ng mga makakalap

na datos. Ang mga sagot ng mga kalahok ay isasaayos at babasahin ng mabuti upang

masiguro na malinaw at tama ang mga naitala ng mananaliksik.


ETIKAL NA PAGSASAALANG-ALANG

Sa magaganap na pakikipanayam, isinaalang- alang ng mananaliksik ang mga etikal na

mga prinsipyo tulad ng pagiging kompidensiyal at pagkubli sa pagkikilanlan ng mga kalahok.

Sisiguraduhin ng mananaliksik sa mga kalahok na ang anumang impormasyon na nagmula sa

kanila ay gagamitin lamang sa kapakinabangan ng pananaliksik. Gayundin, ipapaliwanag ng

mananaliksik sa mga kalahok ang kabuuang layunin ng pananaliksik. Hihingi rin ng pahintulot

ang mananaliksik sa mga kalahok kung maaring ang pakikipanayam ay maitala sa

pamamagitan ng google forms.

TRITMENT NG MGA DATOS

Ang mga datos na makakalap ng mananaliksik mula sa mga mag-aaral na tumugon sa

talatanungan ay ipagsasama-sama o itatally upang makuha ang tama at eksaktong bilang ng

mga mag-aaral ukol sa kanilang persepsyon. Ang mga datos na ito ay magsisilbing nasagutan

sa mga katanungan na ilalahad ng pag-aaral. Ang mga tritment ng mga datos na gagamitin ay:

1. Percentage

2. Frequency

3. Weighted Mean

4. Pearson r Product Moment Coefficient of Correlation

5. 5-point Likert Scale

Skeyl Deskripsyong Berbal Antas/Lawak

4.21-5.00 Lubhang sumasang-ayon Napakataas ng lawak


3.41-4.20 Lubos na sumasang-ayon Mataas ang lawak

2.61-3.40 Hindi makapagdesisyon Katamtaman ang lawak

1.81-2.60 Sumasang-ayon Mababa ang lawak

1.00-1.80 Hindi sumasang-ayon Napakababa ang lawak

Sanggunian:

References
Albao, et al. (2016).Kahalagahan ng asignaturang Filipino sa Kolehiyo, STI College of
Kalookan,
Academia.Edu,https://www.academia.edu/22286853/_Kahalagahan_ng_asignatu
rang_Filipino_sa_Kolehiyo

Arellano, M. (2016). Wikang Filipino ating Tangkilikin,


http://mariaerikaarellano.blogspot.com/2016/06/wikang-filipino-ating-
tangkilin.html)

Barrios, J. (2018), Pahalagahan ang wikang Pilipino, The Filipino Press inc.,
http://bnk1y1-2.blogspot.com/2018/08/

Basic Knowledge 101, Language is Important to Learn, Basic Knowledge.com,


(http://www.basicknowledge101.com/subjects/languages.html)

Dela Cruz, B. (2016). Ang Asignaturang Filipino sa Kolehiyo, The Modern Teacher, Vol.
64, No. 16

Delgado, J. et al. (2016), Pagbibigay-halaga sa Asignaturang Filipino ng mga mag-aaral


sa Grade 7 sa pampublikong Paaralan sa Pangsekundarya sa Lungsod ng
Batangas, http://cti.batstateu.edu.ph/rmis/?
do=guestview&go=guestviewresearch&researchid=1116

Din, (2017). Kahalagahan ng Asignaturang Filipino,


https://anglayun.blogspot.com/2021/08/kahalagahan-ng-asignaturang-filipino-
sa.html

Guttierez M. (2017), Kahalagahan ng Pag- aaral ng Asignaturang Filipino sa mga Mag-


aaral. http://angblognimarko.blogspot.com/

Katipunan, (2017), Ang Pagpapahalaga sa Asignaturang Filipino sa K-12, PressReader


Publications,
https://www.pressreader.com/philippines/panay-news/20170310/2819474276488
19

Legaspi G. & Balbin C. (2019), Kahalagahan ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, AMA


Cavite, DOI: 10.19080/ARTOAJ.2020.25.556290

Lingkyla, (2016). Pagpapahalaga ng Wika,


https://lingkyla.wordpress.com/2016/01/17/reflection-16-pagpapahalaga-ng-wika/
Meris, J. et al. (2018). Pagpapahalaga sa Wikang Filipino ng 11 ABM 02A ng PHINMA
Upang College of Urdaneta, College of Urdaneta,
https://www.coursehero.com/file/85493767/PANANALIKSIK-GROUP-4docx/

Reyno, D. (2018). Ang kahalagahan ng Pagtuturo ng Wikang Filipino sa mga bata,


Ateneo De Manila University,
https://www.ateneo.edu/grade-school/news/features/ang-kahalagahan-ng-
pagtuturo-ng-wikang-filipino-sa-mga-bata

Saligang Batas ng Pilipinas taong 1987, sa Artikulo XIV, Sek. 6-9,


https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/1987/02feb/19870211-
Konstitusyon-CCA.pdf

Santiago, C. C. (2016). Ang Filipino Bilang Wikang Opisyal. Pandiwa: Aklat ng


Lathalaan para sa Wika

Tasic, J. (2016). Ang Kahalagahan ng Asignaturang Filipino sa K-12.


http://udyong.net/teachers-corner/7208-ang-kahalagahan-ng-asignaturang-filipino-sa-k-
to-12
Soriano, (2016). Kahalagahan ng Asignaturang Filipino,
https://anglayun.blogspot.com/2021/08/kahalagahan-ng-asignaturang-filipino-
sa.html

Tasic, J. (2016). Ang Kahalagahan ng Asignaturang Filipino sa K to 12,


http://udyong.gov.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=7208:ang-
kahalagahan-ng-asignaturang-filipino-sa-k-to-12&catid=90&Itemid=1267

Villegas-Torres, P., & Mora-Pablo, I. (2018). The role of language in the identity
formation of transnational EFL teachers. HOW, 25(2), 11-27.
https://doi.org/10.19183/how.25.2.418.

You might also like