You are on page 1of 6

Pang-Estadong Unibersidad ng Pangasinan

Kampus ng Lingayen
Lingayen, Pangasinan
Taong Panuruan 2021-2022, Ikalawang Semestre

COG 2
Maikling Pagsulat

KABANATA 3
ANG PAGSULAT NG TULA

PANIMULA

Ang bansang Pilipinas ay mayroong mayaman na Panitikan. Masasabing likas


na mga makata ang ating mga ninuno sapagkat repleksyon nito ay ang mayamang
panitikang ating pinag-aaralan sa kasalukuyan. Ang tula ay nagmula sa mga isinatinig
na nagpasalin-salin hanggang sa maisatitik at ginamitan ng mga iba't ibang anyo at
estilo ng pagsulat. Sa paglipas ng panahon, naging parte ng makabuluhang
kasaysayan ang tula, ang tulang Pilipino sa iba't ibang panahon. Ang dating payak at
simple ay mayroon ng mga natatanging elemento at uri. Ang tula ay isa sa mga
panitikang pamana ng mga naunang henerasyon na magpahanggang sa ngayon ay
nananatiling buhay at patuloy na pinag-aaralan. Patuloy itong binibigyang halaga lalo na
ngayong mayroon ng media na nagsisilbing daluyan ng mga katha ng mga kabataan.

A. KAHULUGAN NG TULA AT ANG KALIGIRANG KASAYSAYAN NITO

Ang tula o panulaan ay isang masining na anyo ng panitikan na naglalayong


maipahayag ang damdamin ng makata o manunulat nito. Kilala ito sa malayang
paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo. Nagpapahayag ito ng damdamin at
magagandang kaisipan gamit ang maririkit na salita. Ito ay matalinghaga at kadalasang
ginagamitan ng tayutay.

Ang tula ay binubuo ng mga saknong at ang mga saknong ay binubuo ng mga
taludtod. Karaniwan itong wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animing pantig. Ang
kalipunan ng mga taludtod ay tinatawag na taludturan o saknong.

KAHULUGAN NG TULA AYON SA IBA'T IBANG MAKATA


• Julian Balmaceda: “Ang tula ay isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, ng
karikitan na natitipon sa isang kaisipan upang maangkin ang karapatang matawag na
tula.”
• Iñigo Ed Regalado: “Ang tula ay kagandahan, diwa, katas, larawan, at kabuoang
tonong kariktang makikita sa silong ng alinmang langit.”
• Fernando Monleon mula kay Lord Macaulay, “Ang tula’y paggagad -ito’y lubhang
kahawig ng pagguhit, paglililok, at pagtatanghal-ang kasaklawan ng pagtula ay higit na
malawak kaysa alinmang ibang gagad na mga sining pagsama-samahin man ang mga
iyon.”
• Alejandro Abadilla- Kilala bilang Ama ng Modernistang Panulaang Tagalog, ang
katuturang ibinigay ni Edith Sitwel na napili niya: “Ang tula ay kamalayang
napapasigasig (heightened consciousness).”
• Lope K. Santos: may apat na katangian ang tradisyonal na tulang Tagalog - una ang
sukat, ikalawa ang tugma, ikatlo ang talinghaga at ikaapat ang kariktan.
KALIGIRANG KASAYSAYAN NG TULANG PILIPINO

BAGO DUMATING ANG MGA KASTILA


• Ang Pilipino ay may sarili ng tula na mayaman sa uri, paksa, at istraktura bago pa
dumating ang mga Kastila.
• Patunay na mayroon ng Panitikang Pilipino sapagkat nakasama rin dito ang mga
panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nasa labas ng sariling bansa, sapagkat
inakdaan ang mga ito ng mga Pilipino o ng may lahing Pilipino.
• Pangunahing katangian ng mga tula bago dumating ang mga Kastila ay madamdamin
sapagkat hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-
amoy, panlasa, at pandama.
• Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang
tao o pangkat ng mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao.
• Madali at magaan ang pamamaraan ng pagkalat at pagpapamudmod ng panitikan sa
Pilipinas.

PANAHON NG KASTILA
• Ang tulang Pilipino ay nagkaroon ng maraming pagbabago at karagdagan lalo na sa
uri at paksa.
• Noong nanirahan ang mga dayuhan sa bansang Pilipinas, karamihan nila’y mga
maimpluwensiyang prayle. Dahil dito ay madaling nabago ang paraan at anyo nang
pagsusulat ng mga Katutubong Pilipino ng mga tula.
• Ang mga pagbabago ay pagdaragdag sa mga paksang panrelihiyon, pangmoralidad,
etika, panlibangan, pangwika at pangromansa.
• Ang mga uri namang dinagdag sa katutubong panulaan ay ang mga Pasyon, Dalit at
ang Awit at Korido
PANAHON NG PROPAGANDA
• Nabago ang takbo ng daigdig, nagkaroon ng tinatawag na Rebolusyong Industriyal.
• Sa panahong ito'y unti-unting namulat ang kaisipang Pilipino, ang mga manunulat.
Hindi na paksa ng pag-ibig at kaapihan ang pinaksa ng mga tula kundi mga
obserbasyon sa mga karaniwang nagaganap sa pang-araw-araw at ang matinding
dinaranas nila noong panahong ito.
• Nagpalit-palit ang mga tauhan ng pamahalaan ngunit ang mga prayle’y nananatili sa
kanilang kapangyarihan kaya lalo silang umabuso.
• Ang pinakatagapagsindi ng dinamita sa diwang makabayan ay ang pagkakagarote sa
tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora,
noong ika- 17 ng Pebrero, 1872.
PANAHON NG MGA AMERIKANO
• Nakakita ng kaunting pag-asa ang mga manunulat na Pilipino. Para kanila, ang
pinakamahalagang naganap ay nakawala sila sa galamay ng kaisa-isang paksang
maari nilang talakayin sa panahon ng Kastila at ito ay ang pagpuri’t pagbibigay-
karangalan sa kanilang relihiyong Kristiyanismo.
• Kahit na nga sila’y ginapusan ng bagong panginoon ng mahigpit na tanikala ng batas
ng sedisyon, makakasulat sila ng tungkol sa kahit na ano, lalo na ang tungkol sa pang-
aabuso’t pananampalasan ng kanilang mga dating panginoon, ang mga Kastila.
• Sa ilalim ng batas sedisyon ay hindi sila maaaring magsulat nang lantaran ni sa
paraang pahiwatig ng kahit na anong makapagpapaalab sa damdaming makabayan
laban sa mga Amerikano. Hindi sila maaaring magsulat ng laban sa mga Amerikano,
laban sa kanilang mga pagmamalabis laban sa kanilang mga layunin na hindi naman
pawang sa kapakanang Pilipino.

PANAHONG NG HAPON
• Ito ay ang panahon ng pamumulaklak ng Panitikang Filipino, tinawag din nila itong
“Gintong Panahon"
• Nagkaroon muli ng pagkakataong makapaglathala ng mga kuwento at tula sa
pahayagang Liwayway.
• Sa panahong ito ang mga paksain sa mga kwento, dula, tula at iba pa ay ang buhay
lalawigan, pagkamakabayan o tungkol sa bayan, pag-ibig, kalikasan at sining. Ang mga
pangungusap na ginamit ay payak, isang bagay na nakapagpapaganda sa mga ito.

PANAHON NG BAGONG LIPUNAN


• Marami ang naligalig at nasindak sa pag-aakalang hindi na maiiwasan ang pagdanak
ng dugo.
• Katulad ng iba pang naunang panitikan, ang tula ay kinakailangan ding makisunod sa
uri ng panahon.
• Ang ilang makata ay bumalik sa mga paksang ligtas talakayin, gaya ng pag-ibig,
buhay at kalikasan. Ang iba naman ay nagpatuloy sa mga higit na malalim na kaisipan
ngunit maingat na ikinubli sa mga simbolismo at iba pang pamamaraan ang mga tunay
na saloobin.
• Gayunpaman, ang panulaan sa panahong ito ay may malawak na nasasaklawang
mga magagamit na paksang- diwa at ang pinagkakatalunan na lamang ay ang
pamamaraan at lalim ng pagtalakay na magagawa ng makata sa kabila ng umiiral na
paghihigpit.

KASALUKUYANG PANAHON
• Muling nabawi ng mga mamamayang Pilipino ang tunay na kalayaan.
• Sa panahong ito ay isinilang ang bagong uring Pilipino. Ang mga Pilipinong marunong
magmalasakit sa kapwa, kalahi at marunong magmahal sa sariling bansa sa salita man
o sa gawa. At para sa mga mamamayang Pilipino, ito pa lamang ang tunay na bagong
Republika, ang "Tunay na Bagong Republikang Pilipinas."
• Mababakas na ang pagbabago sa ating panitikan at ang mga pagbabagong ito ay
nadama na sa ilang mga tula, awiting Pilipino, pahayagan, mga sanaysay, talumpati at
mahing sa mga programa sa telebisyon.
• Ang mga tula sa kasalukuyan ay naglalaman ng halos walang kakimiang
pagpapahayag ng tunay na damdamin ng mga makata. Ang kanilang mga tuwirang
panunuligsa sa mga nanunungkulang may tiwaling gawain at pagpuri sa mga
nakagagawa ng kabutihan.
• Nakamit na ng mga Pilipink ang kalayaang ipahayag ang totoong laman ng kanilang
mga puso.
B. MGA ELEMENTO NG TULA
1. Sukat
 Ito ay umutukoy sa bilang ng mga pantig sa bawat taludtod o saknong.
 Ang karaniwang ginagamit ay labindalawa (12), labing-anim (16), at labing-
walong (18) pantig.
 Ang mga sukat na lalabindalawahin at lalabingwaluhing pantig ay nagkakaroon
ng hati cesura sa bawat ikaanim.
 Cesura- isang bahagyang pagtigil sa pagbasa o pagbigkas na hinihingi ng diwa
sa isang taludtod.
 Ang lalabing-animin ay hinahati sa ikawalong pantig.
Mga Uri ng Sukat:
 Wawaluhin
Isda ko sa Mariveles
Nasa loob ang kaliskis

 Lalabindalawahin
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad
Sa bait at muni, sa hatol ay salat

 Lalabing-anim
Sari-saring bungang-kahoy, hinog na at matamis
Ang naroon sa loobang may bakod pa sa paligid

 Lalabingwaluhin
Tumutubong mga palay, gulay at maraming mga mais
Naroon din sa loobang may bakod pang kahoy sa paligid

2. Tugma
 Tumutukoy sa pag-iisang tunog ng huling pantig na huling salita sa bawat
taludtod sa isang taludturan.
 Ito ay ang pagkakasintunugan ng mga huling pantig ng salita ng mga taludtod.
Mga Uri ng Tugma:
• TUGMA SA PATINIG

Tugma sa patinig na malumay at mabilis


Pag-ibig sa anaki’y aking nakilala
Di dapat palakihin ang bata sa saya

Tugma sa patinig na malumi at maragsa


Kapag ang tao sa saya’y nagawi
Minsa’y nalilimot ang wastong ugali

Tugma sa katinig
Unang lipon- b, k, d, g, p, s, t
Malungkot balikan ang taong lumipas
Nang siya sa sinta ay kinapos palad

Ikalawang lipon- l, m, n, ng, r, w, y


Sapupo ang noo ng kaliwang kamay
Ni hindi matingnan ang sikat ng araw

3. Tema
 Ito ay ang paksa ng isang tula. Ito ay ang ubod o kaluluwa ng isang tula.
 Ito ay maaring tungkol sa pag-ibig, nasyonalismo, kabayanihan, kalayaan,
katarungan, pagmamahal sa kalikasan, tungkol sa Diyos, sa bayan, sa kapwa at
marami pang iba.

4. Tono/Indayog
 Tumutukoy sa pagbaba at pagtaas ng tono o pagbigkas.
 Dapat na isaalang-alang ang diwa ng tula.

5. Tayutay at Idyoma
 Ang mga ito ay nakatutulong sa pagbuo ng mga magagandang pahayag.
Ang tayutay ang sinadyang paglayo sa karaniwang paraan ng paggamit ng mga salita
sa layuning gawing makulay, kaakit-akit at lalong mabisa ang pahayag.
Halimbawa:
 Sa paglalakad ng buwan magbabago ang lahat ang takbo ng panahon
(Personipikasyon)
 Ano ka ba, O Kabaitan? Ikaw ba'y pangalang walang kabuluhan?... lakas ng
kaloobang lumalaban sa mga katutubong damdamin? (Apostrope o pagtawag)
Ang idyoma ay isang matalinhagang pagpapahayag ng isang ideya. Malayo ito sa
komposisyonal na paliwanag ng isang ideya kung kaya’t ito ay itinuturing na hindi
tuwirang pagbibigay kahulugan.
Halimbawa:
 ilaw ng tahanan – ina
 haligi ng tahanan – ama
 bukas ang palad – matulungin
 taingang kawali – nagbibingi-bingihan
 malaki ang ulo – mayabang
 pantay na ang mga paa – patay na

6. Armonya o Musika
 Ang mabuting pagkakaugnayan ng mga pantig (tunog), parirala, mga taludtod,
indayog, intensidad, at ng nabubuong imahen o larawang diwa.

7. Diksiyon
 Nangangahulugang pagpili at paggamit ng tumpak at angkop na mga salita para
sa isang akda.
8. Simbolismo
 Ang simbolismo ay ang paggamit ng mga simbolo upang tukuyin ang mga ideya
at katangian. Ang simbolo ay nagbibigay sa isang bagay ng isang simbolikong
kahulugan na naiiba sa literal na kahulugan nito. Sa simbolismo, ang isang
bagay o karakter ay na-imbento sa isang partikular na kahulugan.

Mga Karaniwang Simbolo – ay mga namana o ipinamana sa atin mula pa sa iba’t


ibang salin-lahi. Kilalang-kilala o madaling tandaan ang mga simbolong ito at
kadalasang natatagpuan sa sining o literatura.
Mga Halimbawa:
pulang rosas- simbolo ng pag-ibig
kalapati- simbolo ng kapayapaan
puti- kadalisayan
itim- kasamaan o kamatayan
puso- pag-ibig

Mga Simbolong Nilikha – ang mga ito ay nilikhang tauhan, bagay o pangyayari ng
mga manunulat upang maipahayag ang kanilang ideya. Kapag naging kilala na ang
mga ito ay nagiging karaniwang simbolo na rin.
Mga Halimbawa:
Maria Clara- mahinhing Pilipina
Sisa- baliw

KONKLUSYON

Katulad ng ilang kasanayan, ang pagsulat ng tula ay naaaaral at nahahasa.


Ang susi sa pagsulat ng tula ay tiyaga, pagsasanay, at kagustuhang matuto. Ang tula
ay nalilikha gamit ang iba't ibang elemento nito na kapag nagamit nang maayos ay
nakalilikha ng mahusay na tula. Dagdag pa rito ay tayong mga Pilipino ay may
responsibilidad na tangkilikin ang sariling atin. Kung gaano tayo kahilig sa pagbasa ng
mga banyagang panitikan, nawa'y bigyan din natin ng pansin ang gawa ng mga
Pilipino. Ang kasiglahan ng panitikan ay hindi magiging buo kung aasahan lamang ang
pagdami at pag-usbong ng mga manunulat; kailangan din ang pagpapahalaga at
pagmamalasakit ng mga mambabasa na katuwang sa pagtaguyod ng panitikan ng lahi.

IPINASA NINA:
Caberto, Rochelle Ann
Cruz, Louis Evan
Mangiralas, Jolina
Ruel, Joyce Ann
Sanchez, Piolo
Satumba, Tricia

IPINASA KAY:
Bb. Brenda Hermogeno
Instraktor

You might also like