You are on page 1of 2

Gabi ng Isang Piyon

ni Lamberto Antonio

Di ka makatulog,
Iniwan man ng mga palad mo ang pala,
Martilyo, tubo’t kawad at iba pang kasangkapan,
Alas-singko’y hindi naging hudyat upang
iwan ng graba’t semento sa iyong hininga.
Sa pagkindat ng bombilya,
Sa karimlan mo nga lamang maaaring maihahabilin
ang silakbo
At ang kirot ng himaymay: lintos, galos, at hiwa
Ng braso at daliri at iwa sa puso’t utak,
Kapag binabanig na ang kapirasong playwud,
kusot
O supot-semento sa ulilang sulok
Ng gusaling tinutunghan pa sa krokis.
Di ka makatulog.
Kailangan ng tulad mong sagad-buto
Na ang pagod na dalawing-antok, dapwat mikser
Sa paningin ay wari bang haplit pa ring
umiinog -
Dugo’t pawis pang lalangkap sa buhangin
at sementong
Hinahalo, na kalamnang itatapal mo
Sa bakal na mga tadyang: kalansay na
nabubuong
Dambuhala mula sa ‘yong pagsasakit bawat
saglit,
Kapalit ang kitang di-maipantawid-gutom,
Pag-asam sa bago at bagong konstruksiyon
At dalanging niluluom ng pawis at
orasyon.
Pag ganitong nilalaslas ng neon lights ang
karimlan,
Pag wala nang kontratista at ganid na
kanang kamay,
Luksang mga kaanyua’y dumarating
At sa diwa’y dumuduro:
Halimbawa’y pisnging humpak ng
nakaratay na bunso
O asawang may paninging nanlalabo
Sa harap ng lugaw at asing tamilmil
isubo. . .
Bukod sa malamig na gabing resetang lagi
ng magdamag
Sa kahubdang ayaw maniwalang siya’y
nagbubuto’t balat.
Paano ka mahihimbing
Kung sa bawat paghiga mo’y tila unti-
unting kinakain
Ng bubungang sakdal-tayog ang mga
bituin?
Makapag-uusisa ka na nga lamang sa dilim
ng sulok:
Kung bakit di umiibis ang graba,
Eskombro’t semento sa iyong hininga ---
Kapag nabubuo sa guniguni mong isa ka
ring piyesa
Ng iskapolding na kinabukasa’y
babaklasin mo rin.

Sanggunian:

Lumbera, B. & Lumbera, C.N. (2007). Philippine Literature: A history & anthology. Pasig
City: Anvil Publishing, Inc.

You might also like