You are on page 1of 1

ano, kailan, saan, paano, at sino

Isang bisikletang kaya siyang dalhin sa kung saan niya man naisin ang tanging hiling ng may-akda noong siya ay maliit pa
lamang. Hilig niya ang maglakbay kaya naman naisip niyang kung magkakaroon siya ng isang bisikleta ay mas marami pa
siyang mapupuntahang mga lugar. Sa kasamaang palad ay hindi pinagbigyan ng kanyang mga magulang ang hiling niya
dahil naisip nilang ito ay magdudulot lamang ng kapahamakan sa anak. Kalaunan ay nabaling ang kanyang atensyon sa
pagbabasa. Para sa kaniya’y isa itong mahiwagang sasakyang kaya siyang dalhin sa iba’t-ibang mga lugar.

Nahilig ang may-akda sa mga e-books (electronic books). Lagi na lamang siyang nasa loob ng bahay, nakaupo sa harap ng
kompyuter at binabasa ang mga nadownload niyang mga libro online. Mas nahumaling siya sa hiwagang taglay ng mga
librong ito dahil sa isang click lamang ay mapapasakanya na ang anumang libro nais niya. Mas mura pa ang mga ito at
minsan ay libre pa. Kaya niya rin itong dalhin kahit saan, at kung ikukumpara sa mga printed na libro ay mas magaan ito
at madaling basahin.

Isang maaraw na hapon, nangyari ang hindi inaasahan nang biglang nawalan ng kuryente sa kanilang lugar. Ikinainis niya
ito dahil papaano ba namang kung kailan nasa climax na siya ng nobelang kanyang binabasa ay kung kailan pa biglang
mawawalan ng kuryente. Wala siyang ibang nagawa kung hindi ang umupo sa may bintana at magpahangin na lamang.
Sa mga oras na iyon ay napansin niya ang inaalikabok nang munting istante ng libro sa sulok ng silid. Talaga nga namang
nakamamangha ang bawat eksena sa ating buhay. Tila sinadya ang pangyayaring iyon upang mamulat ang kanyang
isipan at madama niya ulit ang halaga ng mga bagay na minsan ay kanyang tinalikuran.

Napagpasyahan niyang linisin ang istante ng libro. Napansin niyang marami pa pala siyang mga librong hindi nababasa.
Tunay ngang nahumaling na siya sa hiwaga ng makabagong teknolohiya at lubusan nang nakalimutan ang halaga ng mga
inilimbag na libro na dati’y nahihirapan siyang makakuha. Biglang nagbalik sa kanyang alaala ang kanyang kabataan kung
kailan lubos ang kanyang kagalakan sa tuwing magkakaroon ng mga bagong aklat. Para sa kaniya’y ibang-iba ang
pakiramdam sa tuwing naririnig niya ang tunog na nalilikha ng bawat paglipat ng pahina at pagsara ng isang inilimbag na
libro sa pagswipe o pag-iiscroll lamang ng mga pahina sa e-books.

Biglang sumagi sa kanyang isipan ang mga kabataan sa mga remote areas na namumuhay ng simple at nag-aaral sa mga
klasrum na gawa lamang sa mga kawayan. Naisip niyang napakahalaga ng ginagampanan ng mga libro sa kanilang pag-
aaral lalo na at wala silang akses sa mga gadgets at internet na ngayon ay gamit na sa mga paaralan. Nakababahalang
isipin na ang mga mahahalagang aklat gaya ng Encyclopaedia Britannica ay hihinto na sa paglilimbag at tanging digital na
lamang ang mga susunod na edition nito dahil tiyak na sila ay manliliit at mapapagtanto nilang sila ay tuluyan nang
napagiiwanan ng panahon. Tiyak na isang bangungot ang tumira sa isang mundong lahat ay digital na. Paano na lamang
ang mga batang kapus-palad?

Napakahalaga ng mga printed books sa buhay ng mga mag-aaral sa panahon ngayon kahit na laganap na ang mga e-
books. Dahil dito ay nagiging masikhay ang mga kabataan sa kanilang pag-aaral at di gaya ng mga e-books ay
makakapokus sila dahil malayo ito sa distraksyong hatid ng internet.

Pagkatapos ng ilang sandali ay bigla nang bumalik ang kuryente. Maraming aral ang kaniyang natutunan sa ilang
minutong tila may ipinamulat sa kaniya ang pagkakataon. Napagtanto niyang may mga bagay palang hinding-hindi natin
dapat ipagsawalang-bahala at hindi nangangahulugang mas higit ang halaga noong mga bagong tuklas kaysa sa mga
luma’t nakasanayan na.

Ipinagpatuloy niya ang naudlot na pagbabasa ng nobelang e-book. Kinabukasan ay kumuha naman siya ng isang libro
mula sa kanyang munting istante. Bigla siyang napangiti at ilang sandali pa’y sinimulan na niya ang isang panibagong
paglalakbay gamit ang kanyang madyik bisikleta.

You might also like