You are on page 1of 10

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)

MODYUL 7: PAGSULAT AT PRESENTASYON UNIVERSITY OF MAKATI


NG TALUMPATI HIGHER SCHOOL NG UMAK

Oras ng Pagsisimula : ___________


Oras ng Pagtatapos : ___________

MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO


Sa pagtatapos ng aralin, inaasahan ang mga mag-aaral na:
1. nakasusulat ng talumpati batay sa napakinggang halimbawa;
2. nakalilikha ng isang bidyo na naglalahad ng naisulat na talumpati; at
3. naisasaalang-alang ang mga etika sa pagsulat ng talumpati.

PANIMULA
Ano-ano ang iyong napapansin sa larawan? Pamilyar ba ang mga ganitong eksena sa iyo
sa tuwing ikaw ay haharap sa madla?

Ang mga larawan na iyan ay ilan lamang sa mga dapat isaalang-alang sa kasanayan sa
pagtatalumpati. Ito ay isang kasanayan na huhubog sa iyong sarili kung paano humarap
sa madla, maghayag ng saloobin at maaaring sa maraming pagkakataon ay magbigay
ng mga impormasyon. Kasanayan na sa palagay ng nakararami ay nakahihiya at nakaka-
takot dahil maaaring ang mga tagapakinig ay mas maalam sa iyo sa paksang iyong
binibigkas.

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

PANGUNAHING NILALAMAN

Bahagi ng paghahanda ang pagtiyak sa 1) layunin ng


okasyon, 2) layunin ng magtatalumpati, 3) manonood, at
4) lugar na pagdarausan ng talumpati. Mahalaga ang
panimulang pagsisiyasat sa mga elementong ito dahil
kailangang isaalang-alang ang mga ito sa pagtiyak sa
nilalaman, tagal, at tono ng talumpati.

PAGHAHANDA
Layunin ng Okasyon
Mahalagang alamin ng tagapagtalumpati ang layunin ng pagdaraos ng okasyon. Kung
may itinakdang paksa o tema ang mga nag-organisa ng okasyon, dapat ding alamin at
unawain ito ng tagapagtalumpati para maiayon niya ang kaniyang talumpati sa paksa o
temang ito.

Layunin ng Tagapagtalumpati/ Mananalumpati


Bukod sa layunin ng okasyon, dapat ding tiyakin ng tagapagtalumpati sa kaniyang sarili
kung ano ang kaniyang magiging layunin sa pagtatalumpati. Ang nilalaman, haba, at
tono ng talumpati ay dapat na iayon sa layuning ito.

Manonood
Ang manonood ay hindi lamang tagapakinig. Pangunahing salik din sila sa nilalaman at
estilo ng talumpati. Karaniwan, inaalam ng tagapagtalumpati ang dami ng manonood.
Ngunit bukod sa dami ng manonood, kailangan ding alamin ang ilang bagay tungkol sa

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

katangian nila—ang kanilang pinag-aralan, ekonomikong estado, edad, kasarian, o


kulturang pinagmulan. Dapat isaalang-alang ang mga salik na ito para makabuo ng
talumpating mabisa at makakaugnay sa tagapakinig.

Tagpuan ng Talumpati
Tumutukoy ito sa lugar, sa kagamitan, sa oras, at sa daloy ng programang
kapapalooban ng talumpati. Bago ang mismong pagtatalumpati, mahalagang
makita o mausisa man lamang ang kondisyon ng lugar na pangyayarihan ng
pagtatalumpati: nasa loob o labas, nasa entablado o nasa lupa, malamig o mainit ba
ang lugar? Tingnan o tanungin din kung may kagamitan: projector, kompyuter, audio
player, blakbord, at iba pang kakailanganin sa presentasyon. Alamin din hindi lamang
ang eksaktong araw at oras ng pagtatalumpati, kundi maging ang oras ng buong
programa.

PANANALIKSIK
Bahagi ng proseso ng pananaliksik ang pagbuo ng plano,
pagdebelop ng paksa o tema, pagtitipon ng mga
materyal sa pagsulat ng talumpati, at pagsulat ng
balangkas ng talumpati.

Pagbuo ng Plano.
Sa simula, kailangang pag-aralang mabuti ang paksa o tema, at/o papel ng
tagapagtalumpati sa okasyon. Isaisip na maraming iba’t ibang paraan o estratehiya ng
pagdebelop ng isang paksa o tema. Ilista ang mga ito at piliin ang pinakaangkop sa

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

okasyon, sa layunin, sa manonood, at tagpuan. Maaari ring sumangguni sa iba para


mapahusay pa ang plano.

Pagtitipon ng Materyal

Tipunin ang mga materyal na kailangan ayon sa nabuong plano ng pagdebelop ng paksa
o tema. Ang mga materyal na ito ay maaaring mga nakalimbag na materyal tulad ng
aklat, artikulo, panitikan; maaari ring di-nakalimbag na materyal tulad ng mga panayam
o mga kuwento; at maaari ring materyal na audio-visual tulad ng mga pelikula, musika,
larawan.

Pagsulat ng Balangkas
Matapos matipon ang mga materyal, huwag agad dumiretso sa pagsulat ng talumpati.
Mahalaga pa ring maklasipika o mapagpangkat-pangkat ang mga natipong materyal.
Batay sa pagpapangkat na ito, maaaring bumuo ng balangkas ngtalumpati.
Ang balangkas ang magbibigay ng direksiyon sa pagsulat. Sa pagbuo ng balangkas,
maaari ring makita kung ano pang bahagi ang kulang sa
datos, at kung gayon, kailangan pa ng dagdag na materyal.

PAGSULAT

Dalawang malaking proseso ang mahalagang isaalang-alang


sa yugtong ito: ang mismong pagsulat ng talumpati at ang
pagrerebisa nito.

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

Pagsulat ng Talumpati
Simulang sulatin ang talumpati ayon sa nabuong balangkas.
Narito ang ilang pangkalahatang gabay sa pagsulat.
1. Sumulat gamit ang wikang pabigkas. Dapat, isaalang-alang ang kakayahan ng mga
tagapakinig na unawain ang talumpati kahit pinapakinggan lamang ito. Dahil dito,
pinakamabisa ang estilong natural; ibig sabihin, ang talumpati ay parang nakikipag-usap
lamang sa tagapakinig.

2. Sumulat sa simpleng estilo. Hangga’t maaari, huwag ding gumamit ng teknikal na


salita. Sa halip na gumamit ng mga abstraktong salita, mas gamitin ang mga kongkretong
salita, o iyong lumilikha ng mental na imahen sa tagapakinig. Iwasan din ang mahahaba at
komplikadong pangungusap. Putulin at paikliin ang mahahabang pangungusap, at bumuo
ng mga pangungusap na may iisang paksa at komentaryo lamang.

3. Gumamit ng iba’t ibang estratehiya at kumbensiyon ng pagpapahayag na


pagbigkas. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

a. paggamit ng matalinghagang pahayag o tayutay


b. paggamit ng kuwento
c. pagbibiro
d. paggamit ng mga kongkretong halimbawa
e. paggamit ng paralelismo
f. paggamit ng mga salitang pantransisyon sa mga talata
g. pagbibigay ng tatlong halimbawa para maipaliwanag ang isang ideya

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

Huwag isipin na ang mga estratehiyang ito ay mga palamuti lamang. Sa halip, dapat
ituring ito bilang mga pamamaraan para mas madaling mapakinggan at maunawaan ng
mga tagapakinig ang talumpati.

4. Gumamit ng angkop na mga salitang pantransisyon. Sa nakasulat na sanaysay o


artikulo, ang teksto ay maaaring balik-balikan kapag hindi gaanong naintindihan. Ang
pagbabago ng mga talata na hudyat ng pagbabago rin ng ideya ay makikita sa
paggamit ng mga espasyo at indensiyon sa mga pahina. Kaya naman dapat gabayan ng
tagapagtalumpati ang tagapakinig sa pamamamagitan ng pagbibigay ng mga hudyat
gamit ang mga salita. Ilan dito ang sumusunod: una, ikalawa, ikatlo, sa simula, sa
katapusan, pagkatapos, kasunod nito, at iba pa.

5. Huwag piliting isulat agad ang simula at katapusan ng talumpati.


Mas madali kung magsisimula sa katawan ng talumpati. Pagkasulat ng katawan, mas
madali nang isulat ang introduksiyon at konklusyon. Ang introduksiyon ay maaaring
maglaman ng alinman sa sumusunod:

a. sipi mula sa isang akdang pampanitikan;

b. anekdota;

c. pagbanggit ng paksa o tema at pagpapaliwanag ng mga susing konsepto nito;

d. pag-iisa-isa sa mga layunin; at

e. pagtatanong sa tagapakinig.

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

Ang kongklusyon naman ay maaaring maglaman ng alinman sa sumusunod:


a. sipi mula sa isang akdang pampanitikan o anekdota na magbibigay diin
sa nilinang na ideya;
b. paglalagom sa mga pangunahing ideyang dinevelop;
c. pagrerebyu sa mga layunin at kung paano ito natamo; at
d. panawagan sa tagapakinig na gumawa ng pagkilos.

Pag-aangkop ng haba ng talumpati sa ibinigay na oras.


Bahagi rin ng pagrerebisa ang pagtiyak na ang haba o tagal ng pagbabasa o
pagbigkas ng talumpati ay umaayon sa ibinigay na oras sa tagapagtalumpati. Huwag
gawing eksakto sa oras. Magbigay ng kaunting palugit; ibig sabihin, dapat ay mas maikli
nang kaunti ang talumpati sa itinakdang tagal nito.

Narito ang karaniwang tagal ng iba’t ibang uri ng talumpati:


• Panayam o lektura 45–50 minuto
• Presentasyon ng papel sa isang kumperensiya 20–25 minuto • Susing panayam
18–22 minuto • Pagpapakilala sa panauhing pandangal 3–4 minuto •
Talumpati para sa isang seremonya 5–7 minuto Tandaan na walang
tagapakinig ang gustong maupo at makinig sa isang napakahabang talumpati,
gaano man kahusay ang tagapagtalumpati. May mga pag-aaral na sumukat
na sa attention span o tagal ng kakayahang makinig at magpokus ng isang tao
sa iba’t ibang sitwasyon. Kailangang isaalang-alang ito upang maiwasang
mabagot ang mga tagapakinig.

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

Mahalagang Tandaan:

Ang pagbigkas ng talumpati sa harap ng publiko sa isang pormal na konteksto ang


ikinatatangi nito sa maraming anyo ng pagpapahayag. Dahil binibigkas ito sa harap ng
madla, mahalagang isaisip na ang talumpati ay dapat na may kabuluhan sa buhay ng
mga makikinig. Ang paksa ay napapanahon at may kaugnayan sa lipunan; ang nilalaman
ay mapagkukunan ng mga ideya para makapamuhay nang mabuti sa lipunang ito. Ang
iba’t ibang pamamaraan at estratehiya namang ipinaliwanag sa araling ito ay tutulong
para higit na mabisang maipaabot sa mga tagapakinig ang nais na ipahayag na mga
ideya.

GAWAIN
PAGSULAT AT PRESENTASYON NG TALUMPATI

Panuto: Gawin ang mga sumusunod na hakbang para sa pagbuo ng balangkas at


presentasyon ng talumpati.

a. Bumuo ng balangkas ng talumpati mula sa temang itatakda ng guro o


pagkakasunduan ng klase.

b. Sa pagbuo ng balangkas, humanap ng mga babasahin na may kaugnayan sa


napiling paksa o tema na susuporta at magpapatibay sa iyong ideya. Ipasuri
ito sa kamag-aral para sa proseso ng pagkikritik.

c. Lumikha ng pre-recored na video para sa presentasyon ng talumpati. Isaalang-


alang ang mga pamantayan sa pagtatalumpati gayundin ang kaayusan ng sarili
na hanggat maaari ay nakasuot ng pormal/ semi-pormal na damit.

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

Pamantayan ng Pagmamarka Iskor


Angkop at malikhain ang naisip na lalamanin ng talumpati 10
Malinaw ang mensaheng inilahad simula balangkas hanggang 10
presentasyon ng talumpati
Maayos ang presentasyon, presentable ang mananalumpati at 30
may dating ang paraan ng pagtatalumpati
Kabuuan 50

SARILING PAGTATASA/ KABATIRAN


Panuto: Sagutin ang katanungan.
Paano hinuhubog ng kasanayan sa pagtatalumpati ang iyong sarili? Ano-ano ang
mga tiyak mong pamamaraan upang maging mahusay na mananalumpati? Ipaliwanag.

_____________________________________________________________________
_____________________________________________________________________
_____________________________________________________________________
_____________________________________________________________________
_____________________________________________________________________

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT


PAGSULAT AT PRESENTASYON NG
TALUMPATI

TAKDANG-ARALIN
• Magsagawa ng pagbabalik-aral sa mga nakalipas na aralin bilang paghahanda
sa panggitnang pagsusulit.

MGA BATAYAN/ SANGGUNIAN


Constantino, P. at Zafra, G. (2017). Filipino sa Piling Larangan (Akademik). Rex Publishing
Store Inc. Sampaloc, Lungsod ng Maynila.

Mga larawan ay mula sa Google Images


- MySpeechClass.com
- www.google.images.com/speech

ABM & LANGUAGES DEPARTMENT

You might also like