You are on page 1of 11

Lance Dy Agosto 28, 2021

12FILM-D Ginoong Hernando

Ang Sistema ni Propesor Tuko: Ubod ng Ningning

Ang ika-27 ng Agosto ay nagsilbing paalala para sa akin ukol sa kagandahan ng

dula bilang taga-dala ng isang sentral na mensahe. Nang mabuksan ko ang link para sa

dula, nabigla ako noong nakita ko na kakaiba ang palabas na panonoorin ko: isang

“online adaptation” ng Ang Sistema ni Propesor Tuko. Ang dula ay unang isinulat ni

Alfredo Santos noong 1980; inilalarawan nito ang sistema at mga diskarte ng isang

propesor na simusiwalat sa kanyang pang-kolonyal na kaisipan na nakikita sa kanyang

pagsasamba sa literaturang Shakespeare, at ang mataas na tingin sa kasaysayan ng

mga dayuhang galing sa Kanluran. Sa panahong iyon, inatake ng dula ang mga

kapangyarihang imperyal at ang mapang-aping sistema na laganap sa edukasyon

noong dekada 80. Gayunpaman, sa kabila ng pagkalipas ng higit sa tatlumpung taon

mula sa pagsulat nito ay nananatiling mahalaga ang dula upang maitaguyod ang ating

pagmamahal para sa ating pagkakakilanlan bilang mga mamamayang Pilipino.

Ngayong panahon ng pandemya ay gumawa ng adaptasyon ang Ateneo Entablado sa

direksiyon ni Fitz Edward Bitana at panunulat ni Adrian Soriano. Ang dula ay itinakda sa

panahon ng pandemya, kung saan anim na estudyante -- sina Ningning (ginampanan ni

Athena Villareal), Cristina (ginampanan ni Deon Lumauig), Kiko (ginampanan ni Jhio

Camana), Bodyok (ginampanan ni Miguel Basconcillo), Paolo (ginampanan ni Luis

Quiambao), at Bondying (ginampanan ni Harvey Felipe) -- ay sumailalim sa

kontrobersyal at mala-diktadurang na online class ni Propesor Tuko (ginampanan ni

Norbs Portales). Napanood ko ang dula sa isang website na nagngangalang KTX PH;

sa totoo lang, ako’y isang tagahanga ng mga drama at dula. Marami akong napanood

na mga dula sa PETA Theatre at Broadway, at dahil sa aking karanasan doon ay


Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

nagtanim ako ng apresyasyon para sa industriyang dulaan. Ngunit para akin, sinadya

kong babaan ang aking mga ekspektasyon para sa dulang ito dahil hindi ko alam kung

ano ang magiging hitsura ng isang dula kapag hindi ito ginanap sa isang pisikal na

entablado, kung saan lahat ng mga karakter ay nakikipag-ugnayan sa isa’t-isa. Sa

madaling salita, alam kong mas mahihirapan ang mga artista at direktor na gumawa ng

dula sa isang online na tagpuan. Kahit na nagkaroon ako ng pagdududa sa simula ng

palabas, agad namang nawala ito dahil sa nakawiwiling pagbati sa akin ng mga

masiglang tauhan ng kwento, na nag-uusap sa pamamagitan ng video call, tulad

naming mga totoong estudyante sa ODL set-up. Sa simula palang ay nakita ko ang

pagiging seryoso ng production crew sa adaptasyon na ito, at dahil dito ay nakuha nila

ang aking atensiyon bilang manonood. Ang makatotohanang pagganap na naihandog

ng mahusay na pag-aarte, pagdidisenyo ng paglalagay ng dula, at pati na rin ng

kasuotan ng mga karakter ay ang mga elemento na nagbibigay rason upang manatiling

nakatutok ang mga manonood sa dula; sila rin ang nakakapaglarawan ng pangunahing

mensahe ng palabas: na bilang mga Pilipino, kailangan natin maging mapanuri sa mga

oras ng pag-aalinlangan.

Una sa lahat, masasabi ko na napakahusay ang pag-aarte ng mga artista dahil

nagawa nilang ganapin ang kanilang mga karakter batay sa isang online na klase sa

hayskul; ito’y nakatulong sa “pagbibigay-katotohanan” sa tagpuan at pagkakakilanlan

ng bawal tauhan sa kuwento. Sa ilalim ng pag-aarte ay mayroong apat na kategoryang

susuriin ko: ang ekspresyon sa mukha at galaw ng mga artista, ang tono at lakas ng

kanilang boses, ang kaangkupan ng dayalogo sa mga eksena, at pati na rin kung gaano
Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

kapani-paniwala ang pag-aarte. Sa aking palagay ay angkop ang dayalogo sa

pagpapakilala ng mga personalidad ng mga tauhan, at pati na rin sa pag-aalpas ng mga

matitinding damdamin tulad ng galit at pagsisisi. Isang halimbawa ng paggamit ng

dayalogo sa pagpapakilala ng mga tauhan ay ang paglitaw ng pagiging Inglishero nina

Paolo, Cristina, at Propesor Tuko. Si Paolo ay ang Presidente ng klase, kaya’t

kadalasan ay nagsasalita siya sa wikang Ingles na parang politiko. Si Propesor Tuko

naman ay nag-aral sa Estados Unidos; mababa ang kanyang tingin sa wikang Filipino,

at dahil dito ay Ingles din ang ginagamit niya kapag nakikipag-usap sa mga estudyante.

Nagsimula ring magsalita sa wikang Ingles si Cristina, dahil sipsip ang kanyang

personalidad -- gusto niyang magmukhang matalino at mahusay sa mata ni Propesor

Tuko, kaya tila sinadya niyang mag-Ingles kahit na halatang mas komportable siya sa

wikang Filipino. Sa mga eksena naman na naiinis ang mga estudyante, madalas ay

nagmumura sila upang pakawalan ang kanilang pagkasiphayo. Mayroong dalawang

rason kung bakit napakaangkop ang pagmumura sa konteksto ng mga eksenang ito: 1.

Ang pagmumura ay kadalasang nakikita sa mga taong may galit sa isang tao o bagay.

Nangyayari ito dahil ang pagmumura ay isang paraan upang ilabas ang stress. 2.

Laganap ang pagmumura sa konteksto ng mga mag-aaral sa hayskul. Bilang isang

mag-aaral mula sa nasabing antas ng edukasyon, makatotohanan talaga na madalas

magmura ang aking mga kaklase. Minsan ay sa sobrang dalas nila magmura ay halos

bawat pangungusap ay mayroon silang nababanggit na masamang salita. Bahagi ang

pagmumura sa pang-araw-araw na wika ng isang binatilyong estudyante. Para naman

sa ekspresyon sa mukha at galaw ng mga artista, at tono/lakas ng kanilang boses, sa

aking palagay ay magkaugnay ang dalawang ito dahil kailangan tumugma ang mga ito
Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

sa mga damdaming naipahihiwatig ng eksena. Halimbawa: kung ang mga tauhan ay

mayroong pagsubok na hinaharap, karapat-dapat na maipakita ng mga ekspresyon at

tono ng mga artista ang paghihirap ng mga tauhan. Para sa akin ay napakahalaga ang

aspetong ito sa realismo ng isang dula, dahil ipinamamalas nito ang tunay na

damdamin ng mga tauhan. Buti naman at isa ito sa mga positibong nakita ko sa

pag-aarte ng mga tauhan, lalo na si Bodyok, kung saan nagsimula siyang sumigaw

dahil sa kanyang galit kay Propesor Tuko; umiba rin ang kanyang mukha at ekspresyon:

malalim at mabilis siyang huminga, nakasalubong ang kanyang kilay, at lumalapit din

siya sa camera -- tila gusto niya talagang awayin si Propesor Tuko. Hindi siya mapakali;

galaw siya nang galaw sa kanyang upuan, at ipinakita pa niya ang kanyang hinlalato

(masamang daliri) nang patapos na ang dula. Isinabuhay ni Miguel Basconcillo ang galit

na naramdaman ni Bodyok, at dahil dito ay mahusay niyang naibahagi sa mga

manonood ang pagkabigo ng buong klase. Angkop din ang galaw ng mga artista base

sa tinatawag na “classroom decorum,” kung saan nakaupo silang lahat, nakatingin sa

kanilang mga camera, at nakikinig sa sinasabi ng guro bilang pagpapakita ng respeto

para sa awtoridad. Sa aking opinyon, ang pagiging kapani-paniwala ng pag-aarte ng

mga artista ay nasusukat sa pagtutugma ng tono at mood -- kung nararamdaman din ng

mga nanonood ang nararamdaman ng mga tauhan sa kwento. Sa tulong ng mga

naunang kategorya ay masasabi kong kapani-paniwala ang pag-aarte sa dula, dahil

talagang naramdaman ko ang galit at inis kay Propesor Tuko, lalong-lalo na sa huling

bahagi ng dula, kung saan ininsulto ni Propesor Tuko sina Bodyok at Ningning nang

tinawag nila si Tuko na isang “diktador.” Talagang nainis ako sa pag-uyam na kasama

ng mga linya ni Tuko habang kinakausap niya ang mga estudyante; kinampihan ko
Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

naman sina Bodyok at Ningning dahil nakita ko ang kanilang integridad at katapatan na

ipaglaban ang kanilang dignidad at pamilya. Sa totoo lang ay naramdaman kong bahagi

ako ng dula; ang katotohanang ito ay nagpapakita ng husay ng mga artista dahil

nakakuha sila ng gayong reaksyon mula sa akin. Dahil sa kapani-paniwalang pag-arte

ng mga aktor, tumalab ang mga emosyon ng mga tauhan sa sarili kong damdamin.

Angkop din ang kasuotan sa pagbunyag ng tagpuan, tauhan, at kahalagahan ng

mga karakter bilang mga miyembro ng kabataan. Una sa lahat, halos lahat ng mga

estudyante sa dula ay nakasuot ng uniporme. Ito ay tumutugma sa tagpuang online

classroom, kung saan karapat-dapat nilang suotin ang mga ito bilang palatandaan na

nasa klase pa rin sila sa halip ng pananatili sa kani-kanilang mga tahanan. Pinatitibay

din ng kasuotan ang ating kaalaman tungkol sa katangian ng mga tauhan sa kwento.

Isang halimbawa ay si Bodyok, isang taong ipinakilala sa mga manonood bilang

abalang-abala sa kahit anong bagay na hindi konektado sa kanyang pag-aaral. Siya’y

isang matalino na estudyante (kung pipiliin niyang makinig imbis na maglaro ng

CODM), ngunit kadalasan ay hindi talaga niya prayoridad ang kanyang pag-aaral. Dahil

dito ay isinasalamin ng kanyang kasuotan ang kanyang personalidad: hindi kumpleto

ang suot niyang uniporme; sa katunayan ay hindi naman talaga niya suot ang kanyang

uniporme. Karaniwang polo na walang name patch kanyang suot -- ni hindi man lang

siya kumuha ng kurbata tulad ng kanyang mga kaklase. Dahil hindi niya

binibigyang-halaga ang kanyang pag-aaral, malamang sa malamang ay hindi rin niya

bibigyang-diin ang pagsusuot ng angkop na uniporme habang pumapasok sa klase. Isa

pang halimbawa ay sina Kiko at Propesor Tuko, na parehong sumusuot ng salamin.


Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

Ang mga salamin ay simbolo ng katalinuhan, at para sa akin ay napakaangkop na ang

dalawang karakter na sumusuot ng salamin ay ang pinakamatalinong mga tauhan sa

kabuuan ng dula. Si Kiko ay ang balediktoryan ng klase, at si Propesor Tuko naman ay,

ayon sa kanya, sopistikado dahil sa kanyang karanasan ng pag-aaral sa Amerika. Isa

pang elemento ng kasuotan na gusto kong talakayin ay ang puting kulay ng mga

uniporme. Bukod sa ideya ng puti bilang karaniwang kulay ng mga uniporme, sa aking

opinyon ay ang puting kulay ng mga uniporme sa dula ay isang representasyon ng

kawalang-sala at pag-asa na matatagpuan sa loob ng bawat miyembro ng kabataan. Sa

kabuuan ng dula ay nanatiling puti ang kanilang mga uniporme; kahit nang matapos

ang klase ni Propesor Tuko (kung saan nakita nila mismo ang kalupitan ng guro) ay puti

pa rin kanilang mga sinusuot. Bagama’t si Propesor Tuko ay ang sagisag ng

napakaduming kayabangan at kaakuhan, ang kabataan (tulad ng mga estudyante sa

dula) pa rin ang mayroong karapatan na hamunin hindi lamang ang sistema ni Propesor

Tuko, kundi pati na rin ang sistema ng Pilipinas. Mayroon silang pagkakataong hamunin

ang sistemang pinagsamantalahan ang mga Pilipino -- ang pagkakataong maisauli sa

kanila ang kanilang mga dignidad. Ang kabataan, tulad ng mga estudyante sa dula, ay

ang pag-asa ng Pilipinas upang bumangon mula sa mga inhustisyang hinayaan nating

mapalaganap.

Ang huling aspeto ng dula na gusto kong talakayin ay ang teknikal na aspeto ng

Ang Sistema ni Propesor Tuko: ang ilaw, tunog, set, at props na bumubuo sa kabuuang

“entablado” kung saan ginanap ang dula. Ang una nating pag-uusapan ay ang ilaw.

Dahil hiwa-hiwalay ang mga tauhan (hindi sila magkasama dahil sa COVID-19
Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

pandemic), limitado tayo sa ilaw ng background ng bawat karakter. Halos lahat naman

ng mga tauhan ay mayroong maliwanag na kapaligiran, dahil base sa karaniwang mga

pamantayan sa online class ay dapat nakikita ng guro ang bawat mag-aaral. Ngunit

mayroong isang karakter na may madilim na paligid -- si Kiko. Sa aking opinyon ay

mahalaga ito dahil nagsilbi itong babala/foreshadowing para sa “pagtataksil” niya kay

Bondying sa huling bahagi ng dula. Dahil gusto niyang magmukhang marangal sa mata

ni Propesor Tuko, mas inisip niya ang kanyang sarili kaysa ang iligtas si Bondying mula

sa kanyang pagkabigo. Bumigay siya sa kadiliman ang kanyang pagnanasa para sa

sarili niyang tagumpay, at dahil dito ay tinalikuran niya si Bondying, at hinayaan niyang

bumagsak ang kanyang kaibigan. Ang pangalawang pag-uusapan natin ay ang tunog.

Bagama’t hindi musikal ang dulang ito, ginagamit nito ang tunog (background music)

upang mabigyang-diin ang mga mahalagang pangyayari sa dula, tulad noong unang

ipinakilala si Propesor Tuko, at pati na rin noong binagsak ni Propesor Tuko si

Bondying. Moderno at galak na musika ang tumugtog noong unang lumitaw ang

karakter ni Propesor Tuko, dahil gusto niyang tignan siya bilang isang sopistikado at

matalinong indibidwal sapagka’t nakapag-aral siya sa Amerika. Isang mabagal,

mapanglaw, at mala-string na musika naman ang ginamit para sa eksena kung saan

binagsak ni Tuko si Bondying, dahil ikinalungkot ng buong klase ang katotohanang hindi

pa makakapagtapos si Bondying ng hayskul. Napuno sila ng pagsisisi, dahil gawa nila

ang pagkasira ng buhay ni Bondying. Bukod dito, ang desisyon na gumamit ng

modernong musika sa halip ng klasikal na musika ay naiimpluwensiyahan ng futuristic

na panahon kung saan ginanap ang dula: ang kasalukuyan. Ang susunod na

pag-uusapan natin ay ang set ng dula -- ang online video call ng klase. Sa palagay ko
Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

ay tumpak ang set sa katotohanan ng tagpuan ng isang online na klase. Bawat

estudyante ay nakikita sa gallery na ayos, habang ang guro ay palaging naka-pin para

kita siya sa kabuuan ng talakayan. Bukod dito, tuwing mayroong nagsasalita, ang taong

iyon ay awtomatikong makikita ng lahat ng mga taong nasa video call. Ito’y halos

kapareho ng mga tampok ng Zoom at Google Meet -- dalawa sa mga platapormang

ginagamit para sa mga online class. Ang huling teknikal na aspeto na tatalakayin natin

ay ang mga props na ginamit sa dula. Bagama’t wala masyadong pisikal na props ang

lumitaw sa dula, napahanga ako sa dalawa sa mga teknolohikong props -- ang

Facebook at si Alicia. Sa unang bahagi palang ng dula ay ipinamalas ng Ateneo

Entablado ang kanilang paghahanda at pagsisikap para sa dulang ito. Nang ipinakilala

ang tagpuan ng kuwento (kasalukuyan) sa mga manonood, hindi ko maiwasang

humanga sa Facebook Feed ni Luningning; lahat ng mga karakter sa kuwento (maliban

kay Propesor Tuko) ay ginawan nila ng Facebook at Messenger account, at lahat ng

mga makikita sa Facebook Feed ni Luningning ay idinisenyo ng mga direktor upang

maibahagi ang buhay ng mga karaniwang estudyante sa panahon ng pandemya (tulad

ni Bodyok, na naadik sa CODM). Mahalaga ang prop na ito para sa akin dahil bilang

manonood na halos kasing-tanda ng mga tauhan sa kuwento, mas naiintindihan ko rin

ang pinagdadaanan ng mga tauhan sa dula. Kitang-kita rin sa dula ang tinatawag nating

attention-to-detail ng organisasyon, dahil halata na pinaghirapan talaga nila ang dula.

Bukod sa kahalagahan ng mga props sa timeline ng dula, nakatutulong din sila sa

pagbibigay ng mas malalim na interprasyon tungkol sa mga tauhan. Si Alicia ay ang

teknolohikong prop/software na ginagamit ni Propesor Tuko upang kontrolin ang klase

sa kanilang video call. Hindi lamang kinakatawan ni Alicia ang modernong


Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

teknolohiyang ginagamit natin; nagsisilbi rin siyang representasyon ng kapangyarihan

ng isang diktador tulad ni Propesor Tuko habang nasa online set-up. Ginagamit niya si

Alicia upang mapanatiling buhay ang kanyang asal-diktador; kapag hindi siya

sang-ayon sa mga sinasabi ng mga estudyante, ginagamit niya si Alicia upang

mai-mute sila. Si Alicia rin ang nagpapadala ng mga email sa mga estudyante

pagkatapos ng klase. Ang paggamit kay Alicia ay ang susi kay Propesor Tuko na

pamahalaan ang lahat ng gagawin at iisipin ng mga estudyante sa loob at labas ng

klase. Dahil dito ay kaya niyang piliting magkaroon ng impluwensiya sa kanilang mga

buhay.

Ang kabuuang pagpapalabas ng Ang Sistema ni Propesor Tuko ay

kahanga-hanga, lalong-lalo na’t ito’y nagawa ng isang dulaang organisasyon na

binubuo lamang ng mga estudyante sa kolehiyo. Ang napaka-detalyadong

paglalarawan ng bawat tauhan at tagpuan ng dula ay nararapat na palakpakan, dahil

ang mga elementong ito ay nagsisilbing landas upang makapag-ugnay ang mga

kasalukuyang estudyante sa pinagdadaanan ng mga karakter sa kuwento: ang sosyal

na pagdidiskunekta dulot ng pandemya, ang paglawak ng kanilang presenya sa social

media, at lalo na ang panawagan na maging mapanuri sa mga oras ng kahirapan at

pag-aalinlangan -- mga katangian naipakita nina Ningning at Bodyok sa kanilang

paghahamon sa mga prinsipyo ni Propesor Tuko. Sa pagsama ng mga artistang labis

na nakatuon sa kanilang mga karakter, ang dula ay nakapaglarawan ng mga iba’t-ibang

damdamin sa pamamagitan ng naaangkop na dayalogo at tumpak na representasyon

ng buhay sa panahon ng pandemya. Wala akong masabi sa pag-aarte, kasuotan, at


Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

mga teknikal na aspeto ng dula, dahil bawat isa sa mga elementong ito ay nag-aambag

sa pangkalahatang kakayahan ng dula na maiparating ang mensaheng panindigan ang

ating pagkakakilanlan at karapatan bilang mga mamamayang Pilipino. Tayo’y

inaanyayahang isipin kung ano ang pinakamahusay na paraan upang maipakita natin

ang ating mahal para sa bansang Pilipinas. Tayo’y iniimbitahang hamunin ang isipang

kolonyal (colonial mentality); na hindi lahat ng mga ideyang idinadala mula sa kanlurang

bahagi ng mundo ay superyor, at hindi lahat ng mga Pilipino ay hindi sibilisado at

mababa. Ang pinakamahalaga ay tinatawagan tayo na mahalin ang ating pamana at

wikang Filipino, dahil ito ang nagbibigay identidad sa atin bilang mga Pilipino. Ano

ngayon, ang aking opinyon sa dula? Tiyak na hanga ako sa rendisyon na ito ng Ang

Sistema ni Propesor Tuko; nalampasan ng dula ang aking mga ekspektasyon. Ang dula

ay nagmukhang produkto ng mga propesyonal at hindi ng mga estudyante. Ang Ateneo

Entablado ay karapat-dapat na mabigyan ng labis na papuri, dahil ginawa nilang obra

maestra ang dula sa halip ng mga problemang naidulot ng pandemya. Kung ang dulang

ito ay isang sulyap lamang sa kung ano ang kayang gawin ng Ateneo Entablado, wala

akong alinlangan na napakasaya nilang panoorin sa totoong buhay. Para sa mga taong

may balak na panoorin ang dula: hindi masasayang ang inyong oras. Napakasulit ang

PhP 250 na inyong babayarin upang makita ang palabas na ito. Sa aking opinyon ay

mas nakabubuti kung mapanood ninyo ang dula ng maraming beses upang mabigyan

ninyo ng halaga ang pinaghirapan ng lahat ng mga miyembro ng Ateneo Entablado.

Para naman sa mga direktor at aktor na nagsikap para maihandog ang dulang ito sa

aking kapwa-kabataang-Pinoy, nagpapasalamat ako sa inyo, dahil napasaya ninyo ako

sa napakahusay ninyong pag-aarte at pag-aayos ng lahat ng mga maliliit na detalyeng


Lance Dy Agosto 28, 2021
12FILM-D Ginoong Hernando

bumubuo sa istorya. Sa palagay ko ay napakalaki ng inyong potensyal na

magtagumpay sa industriyang dulaan, dahil kitang-kita ko naman ang inyong talento at

pagkamalikhain sa inyong trabaho. Tulad ng isa sa mga karakter sa kuwento, kayo ay

ubod ng ningning; hangad ko ang pinakamahusay na kapalaran sa mga sumusunod

ninyong dula.

You might also like