You are on page 1of 3

Sino ang Mananaliksik?

Hindi maisasagawa ang isang sistematikong pag-aaral kung wala ang mag-aaral.
Kinakailangan ang mananaliksik upang makabuo ng isang pananaliksik. Tungkulin ng
isang mananaliksik na bumuo ng paksa mula sa isang tema, bumuo ng tanong na
sasagutin gamit ang proseso ng pagsaliksik sa mga datos na magiging batayan ng
kongklusyon bilang isang bagong kaalaman. Sa madaling salita, ang mananaliksik ay
ang magsasabuhay at kikilos upang magkaroon ng bagong kaalaman.

Katangian ng Mananaliksik
Lahat ng tao ay may katanungan na nais masagutan ngunit hindi lahat ng tao ay may
kakayahan at karapat-dapat upang sumagot sa mga katanungan. Kailangang taglayin
ng isang mananaliksik ang mga piling katangian upang maging karapat-dapat na
mananaliksik ng kaalaman.

1. Masipag – maraming babasahin at maproseso ang pananaliksik kaya nararapat


na hindi tamad ang mananaliksik dahil kailangang hindi imbento at bunga
lamang ng walang oras na trabaho ang pananaliksik.
2. Matiyaga – maaaring makaranas ng maraming pagbalik sa umpisa dahil sa mga
kamalian o hindi mabisang pamamaraan kaya ang isang mananaliksik ay dapat
maging matiyaga at hindi hahantong sa pagsuko o kaya’y pagdodoktor na
lamang ng mga pahayag at resulta. Gayundin, sa pagkuha ng mga datos, ang
mananaliksik ay inaasahan na gagawin ang lahat upang maging tiyak at wasto
ang makakalap.
3. Maingat – kailangang maging maingat ang mananaliksik sa bawat proseso mula
sa pagbuo ng tanong, pagbuo ng plano, pangangalap ng mga datos at hanggang
sa pagbuo ng kongklusyon at pagsulat ng pananaliksik dahil isang pagkakamali
lamang ay maaaring maging isang malaking mali na sa pangkalahatang
pananaliksik.
4. Sistematiko – sa isang maprosesong gawain, kailangang tugunan ng
mananaliksik ang pagiging sistematiko sa pamamagitan ng pagsunod sa mga
hakbang ng pananaliksik.
5. Kritikal at mapanuri – dahil magiging bagong batayan ang pananaliksik na
maisasagawa karapat-dapat lamang na ang gumagawa ng pananaliksik ay
maging kritikal at mapanuri, hindi maaaring may makalusot o may mapagbigyan
na mga mali sa pamamaraan o kaya’y maging walang-paki sa maling pagtataya
sa mga datos.

Pananagutan ng Mananaliksik
Katapatan ang pinakapangunahing pananagutan ng isang mananaliksik. At
nakapaloob ang mga sumusunod bilang bahagi ng pagtatapat ng isang
mananaliksik.

1. Kinikilala ang lahat ng pinagkunan niya ng datos;


2. Bawat hiram na termino o ideya ay ginagawan ng karampatang tala;
3. Hindi nagnanakaw ng ideya o pananalita bagkus ay sinisipi ito at binibigyan ng
pagkilala;
4. Hindi nagkukubli ng mga datos upang palakasin o pagtibayin ang kaniyang
argumento upang ikiling lamang ang pag-aaral sa isang partikular na pananaw
(Atienza et al., 1996).

Ano ang Pladyarismo?


Pladyarismo ang pangongopya ng datos, mga ideya, mga pangungusap, buod at
balangkas ng isang akda, programa, himig at iba pa, nang hindi kinikilala ang
pinagmulan o kinopyahan. Ito ay isang uri ng pagnanakaw at pagsisinungaling dahil
inaangkin mo ang hindi iyo (Atienza et al., 1996).

Ang mga sumusunod ay mga uri ng pladyarismo ayon kila Atienza et al. (1996).

1. Kung ginamit ang orihinal na termino o mga salita nang hindi ipinapaloob sa
panipi (“”) o estilong italiko o hindi tinaya ang pinagkunan;
2. Kung hiniram ang ideya o mga pangungusap at binago ang pagkapahayag, ngunit
hindi kinilala ang pinagmulan;
3. Kung namulot ng mga ideya o mga pangungusap mula sa iba’t ibang akda at
pinagsama-sama ang mga ito ngunit walang kahit isang binanggit na
pinagkunan;
4. Kung isinalin ang termino o ideya, at dahil nasa ibang wika na ay kaniya nang
inangkin;
5. Kung ninakaw ang bahagi ng isang disenyo, balangkas, himig at hindi kinilala
ang pinagkunan ng inspirasyon; at
6. Kung ginamit ng isang mananaliksik ang mga datos na pinaghirapan ng iba at
pinalabas niyang siya ang nangalap ng mga datos.

Mga maaaring kaparusahan na igawad sa isang pladyarista

1. Sa mga mag-aaral, maaaring bigyan ng lagpak o bagsak na marka.


2. Sa mga mag-aaral, kung matindi ang pagnanakaw na ginawa ay maaring
patalsikin sa paaralan.
3. Sa mga mag-aaral, kung nakapagtapos na at saka pa lamang napatunayan ang
ginawang pagnanakaw ay maaaring bawian ng digri o diploma ang dating mag-
aaral.
4. Maaaring ihabla ayon sa probisyon ng Intellectual Property Law at maaaring
sentesyahan ng multa at/o pagkabilanggo.

You might also like