You are on page 1of 1

ASSH2003

Ang Tekstong Deskriptibo

Ang tekstog deskriptibo ay isang pagpapahayag ng mga impresyon o kakintalang likha ng pandama.
Sa pamamagitan ng pang-amoy, panlasa, pandinig, paningin, at pansalat, itinatala ng sumulat ang
paglalarawan ng mga detalye na kanyang nararanasan. Ito naman ay naglalayong magsaad ng
kabuoang larawan ng isang bagay, pangyayari, o kaya naman ay magbigay ng isang konseptong biswal
ng mga bagay-bagay, pook, tao, o pangyayari. Mauuri ang paglalarawan sa dalawa: karaniwan at
masining.

Karaniwan ang paglalarawan kung nagbibigay ng impormasyon ayon sa pangkalahatang pagtingin o


pangmalas. Halimbawa:

Maganda si Matet. Maamo ang mukha na lalo pang pinatingkad ng mamula-mula niyang mga pisngi.
Mahaba ang kanyang buhok na umaabot hanggang baywang. Balingkinitan ang kanyang katawan na
binagayan naman ng kanyang taas.

Masining naman kung ito ay nagpapahayag ng isang buhay na larawan batay sa damdamin at
pangmalas ng may-akda. Karaniwang pili ang mga ginagamit na salita sa paglalarwang, kabilang na
ang paggamit ng mga pang-uri, pang-abay, tayutay, at idyoma. Halimbawa:

Muling nagkabuhay si Venus sa katauhan ni Matet. Ang maamo niyang mukhang tila anghel ay
sadyang kinahuhumalingan ng mga anak ni Adan. Alon-alon ang kanyang buhok na bumagay naman
sa kainggit-inggit niyang katawan at taas.

Gayundin, may apat na mahalagang kasangkapan na ginagamit sa malinaw na paglalarawan.


1. Wika
Kung ang isang pintor ay pinsel ang ginagamit upang mailarawan niya ang kagandahan ng kanyang
modelo, ang isang manunulat naman ay wika ang gamit upang makabuo ng isang malinaw at mabisang
paglalarawan. Karaniwang ginagamit dito ang pang-uri at pang-abay.
2. Maayos na detalye
Dapat magkaroon ng masistemang pananaw sa paglalahad ng mga bagay na makatutulong upang
mailarawang ganap ang isang tao, bagay, pook, o pangyayari. Kapag maayos ang pagkakalahad ng
mga detalye, ang mga bumabasa o nakikinig ay nagkakaroon ng pagkakataon na pakilusin ang kanilang
imahinasyon upang mailarawan sa isip ang mga bagay-bagay na inilalarawan.
3. Pananaw ng paglalarawan
Maaaring makaiba-iba ang paglalarawan ng isang tao, bagay, pook, o pangyayari salig na rin sa
karanasan at saloobin ng taong naglalarawan. Ang isang pook, halimbawa, ay maaaring maganda sa
isang naglalarawan habang sa isa naman ay hindi kung ito ay nagdulot sa kanya ng isang magandang
karanasan.
4. Isang kabuoan o impresiyon
Dahil ang layunin ng paglalarawan ay makabuo ng malinaw na larawan sa imahinasyon ng mga
mambabasa, mahalaga sa isang naglalarawan na mahikayat ang kanyang mga mambabasa o
tagapakining nang sa gayon ay makabuo sila ng impresyon hinggil sa inilalarawan. Dito ay sama-sama
na ang bisa ng wika, maayos na paglalahad ng mga detalye, at ang pananaw ng paglalarawan.

Pinagkuhanan:
Marquez, S. (2016). Pintig: pagbasa at pagsusuri ng iba’t ibang teksto tungo sa pananaliksik. Sibs Publishing House.

04 Handout 1 *Property of STI


 student.feedback@sti.edu Page 1 of 1

You might also like