You are on page 1of 1

PARUNGAO, Jhaylorde F.

2020-20765

VC 137 TTh (Visual & Verbal Communication)

Midterm Assignment: Spoken Word Piece

Silid

Siya'y nakaupo sa gilid ng apat na sulok na silid


Suot-suot ang kaniyang lumang uniporme sa kaniyang balingkinitang katawan
Itinatago ang takot, lungkot at pangamba
Kitang kita sa nagkukunyari niyang mga mata.

Dumarating ang mga araw, patuloy ang mapang-abusong buhay


Sa mga katulad niya na pagal ang isip at mga kamay
Itinakwil man ng pahinga
Niyakap man ng panghihina
Patuloy na nanindigan
Na ang pangarap na kaniyang sinimulan
Sana ay may paroroonan
At ang patutunguhan ay hinding hindi niya pagsisisihan.

Umaga't gabi
Umulan man o umaraw
May nakakakita man o wala
Patuloy niyang tinitingala ang langit
Binubulungan ang hangin
Nagmumunimuni't,
Pinagmamasdan ang mga tala
Na sana ay ang kinang nito'y hindi mawala
Pinigil ang sarili na 'wag mabahala
Itinatak sa isip ang ilang salita at mga katagang—
Mapuputol din ang buhol-buhol na tanikala na sa kaniya ay ipinulupot ng tadhana.

Nakaraang pahina'y natapos niya


Naunang kabanata ay lumipas na
Natapos na ang mapapait na kahapon
Nagaganap na ang mga bagay sa ngayon
Ngayo'y paghilom ng kaniyang mga sugat,
Sugat na hindi nagsilbing panghihina
Kundi naging tanging lakas niya't pag-asa.

At muli niyang pinasok ang apat na haligi ng silid


Kung saan nag-umpisa ang lahat,
Nangingilid ang mga luha sa mata
Ngunit sa halip na pangamba, napalitan na ng ligaya
Namangha na sa kabila ng lahat, may kapangyarihan sa kaniyang mga karanasan
Karanasan at aral na babaunin niya magpakailanman.

You might also like