You are on page 1of 2

Ang Pasko Ng Isang Agnostiko

Replektibong Sanaysay
ni Jan Aelred S. Rein

Ako ay isang agnostiko. Hindi importante sa akin kung totoo ang Diyos o hindi. Hindi ko
kailangang pumasok ng simbahan at magpasalamat sa mga “biyaya” para masabing ako ay isang
mabuting tao. Mabuti akong tao hindi dahil may takot ako sa Diyos, kundi dahil desisyon ko ito.
Ilan lamang yan sa mga dahilan kung bakit hindi ako isang relihiyosong tao, ngunit hindi ko rin
maitatanggi na may mga tradisyong bunga ng relihiyon na nagbibigay sa akin ng kasiyahan.
Kabilang na rito ang Pasko. Kilala ang Pilipinas sa kakaiba nating paraan ng pagdiwang ng ika-
25 ng Disyembre. Naniniwala ka man sa Diyos o hindi, mararamdaman at mararamdaman mo
ang diwa ng Pasko. Sabi nga ng kanta “May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas?”. Pero kung hindi
ako relihiyosong tao, bakit ako nagdiriwang ng Pasko at bakit ako nasisiyahan dito? Ano nga ba
ang Pasko ng isang agnostiko?
Noon, ugali kong pumasok ng simbahan kada linggo na walang tinatanong na kahit ano;
nakikisabay sa pagkanta ng koro, nakikinig sa homiliya ng pari, at nawiwisikan ng banal na
tubig. Ngunit habang ako’y lumalaki at unti-unting nagkaroon ng konsensya, napatanong ako,
“Bakit ako pumapasok ng simbahan?” “Bakit ako sumasamba ng Diyos na hindi ko naman
nararamdaman o nakikita?”. Simula noon, dahan-dahan nang naging madalang ang aking
pagbisita sa simbahan—dahil hindi ko nakita ang punto. Napansin ito ng aking ina at hindi siya
nasiyahan. Paulit-ulit niya akong pinipilit na sumama sa kaniya sa simbahan, at paulit-ulit ko rin
itong tinatanggi. Ngunit mayroong nag-iisang araw ng taon kung kailan ako’y nasasabik na
makapasok ng simbahan.
Buwan pa lamang ng Setyembre ay ramdam ko na ang diwa ng Pasko. Makakakita ako
ng mga christmas lights at christmas trees sa bawat tahanan ng kapitbahayan. Maririnig ko ang
mga nangangaroling at magdadalawang isip ako kung isasara ko ang pinto at patayin ang mga
ilaw upang maka-iwas. Mararamdaman ko ang lamig na dala ng malakas na hangin, at maaamoy
ko ang mga pagkaing nakahanda sa lamesa. Ito ang dahilan kung bakit ang isang agnostikong
katulad ko ay nasasabik sa pagdating ng panahon ng Pasko. Dahil sa panahong ito, lahat ay
nasisiyahan. Sa panahon ng Pasko, tila parang lahat ay nasa tama at wala kang iisiping problema.
Magpupuyat ako sa pag-asang mahuli ko si Santa Claus sa kalagitnaan ng gabi, gigising ako
nang maaga at dali-daling tatakbo patungo sa itinayo naming christmas tree upang tingnan kung
may mga naiwang regalo naiwan para sa’kin. Syempre, hindi mawawala ang christmas party at
exchange gift kung saan nahihirapan akong maghanap ng regalo dahil iPhone at concert ticket
ang mga nakasulat sa wishlist ng aking nabunot.
Bisperas ng Pasko habang ito ay aking sinusulat, at habang nag-iisip ako, napagtanto ko
na walang pinagkaiba ang Pasko ng relihiyoso sa Pasko ng isang agnostiko. Bakit? Dahil ang
panahon ng Pasko ay hindi lamang isang pagdiriwang sa kapanganakan ng Diyos—nilagpasan
nito ang relihiyong pinagmulan at naging parte na ng kultura ng Pilipinas at ng mga Pilipino.
Dahil dito, ang mga agnostikong katulad ko ay hindi nag-aalinlangan sa pagdiwang ng Pasko.

You might also like