You are on page 1of 17

Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

ARALIN 7.4
Kontribusyon ng mga Klasikong Kabihasnan ng Gresya
sa Daigdig

Talaan ng Nilalaman

Panimula 1

Mga Layunin sa Pagkatuto 2

Kasanayan sa Pagkatuto 2

Subukan Natin 3

Pag-aralan Natin 4
Mga Ambag sa Larangan ng Kasaysayan 4
Mga Ambag sa Larangan ng Panitikan 5
Mga Ambag sa Larangan ng Arkitektura at SIning 8
Mga Ambag sa Larangan ng Pilosopiya 9

Sagutin Natin 12

Suriin Natin 12

Pag-isipan Natin 13

Gawin Natin 13

Dapat Tandaan 14

Pinagkunan ng mga Larawan 16

Mga Sanggunian 16
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Aralin 7.4
Kontribusyon ng mga Klasikong
Kabihasnan ng Gresya sa Daigdig

Panimula

Napakaraming ambag sa lipunan at kasaysayan ang dinala ng kabihasnang klasiko ng


Gresya. Ang pag-unlad ng kaalaman, kakayahan, at politika ay nagdulot ng mga positibong
pagbabago sa antas ng pamumuhay. Ano-ano ang natatanging kaloob ng kabihasnang
klasiko ng Gresya sa ating kasaysayan? Alamin natin ang sagot sa tanong na iyan sa araling
ito.

1
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Mga Layunin sa Pagkatuto


Pagkatapos ng araling ito, inaasahang matututuhan ng mga mag-aaral ang
sumusunod:
● Nakikilala ang mga taong nagkaroon ng malaking partisipasyon sa mga
mahahalagang kontribusyon ng sinaunang kabihasnan ng Gresya.
● Natutukoy ang mga mahahalagang kontribusyon ng sinaunang
kabihasnan ng Gresya sa daigdig.

Kasanayan sa Pagkatuto
Pagkatapos ng araling ito, inaasahang ang mga mag-aaral ay naipapahayag ang
pagpapahalaga sa mga kontribusyon ng kabihasnang klasiko sa pag-unlad ng
pandaigdigang kamalayan (AP8DKT-llf-8).

2
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Subukan Natin

Handog ng Sinaunang Gresya


Panuto
Lagyan ng tsek (✔) kung ang larawan ay nagpapakita ng kontribusyon ng klasikong
kabihasnan ng Gresya sa daigdig. Lagyan naman ng ekis (✘) kung hindi.

❑ Aklat VIII ng Iliad ❑ Erechtheum

❑ Colosseum ❑ Basilica ng Santa Maria della Salute

3
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Mga Gabay na Tanong


1. Saang mga larangan kilala ang mga sinaunang Griyego?
2. Ano ang mga kilalang kontribusyon ng mga sinaunang Griyego sa mundo?
3. Bakit naging mahalagang parte ng kasaysayan ang mga kontribusyon ng sinaunang
kabihasnan ng Gresya?

Pag-aralan Natin
Ang mga ambag ng klasikong kabihasnan ng Gresya ay sumasaklaw sa maraming larangan
ng kaalaman, katulad ng kasaysayan, literatura, arkitektura, sining, at pilosopiya.

Alamin Natin
Tandaan at gawing gabay ang kahulugan ng sumusunod na salita:

drama uri ng pagtatanghal

mitolohiya paniniwala tungkol sa mga diyos

sa arkitektura, ang pinakaibabaw na bahago ng haligi o


capital
column

lahat ng umiiral na bagay kabilang ang mundo at


sansinukob
sangkatauhan

Mga Ambag sa Larangan ng Kasaysayan


Ang pag-aaral ng mga nakaraang kaganapan at ang kasaysayan bilang disiplina ay nagmula
sa mga Griyego. Ang salitang history sa Ingles ay nagmula sa Griyegong salita na historia na
nangangahulugang pananaliksik. Si Herodotus ang unang naitalang gumamit ng salitang
historia sa kaniyang gawa na The Persian Wars na nagsasalaysay ng mga kaganapan sa
digmaan sa pagitan ng mga Griyego at mga Persian. Naglakbay si Herodotus upang

4
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

mangolekta ng impormasyon, at marami sa mga impormasyong natipon niya ay nagmula sa


oral history.

Lar. 1. Si Thucydides

Ang pinakamahusay na historyador noong panahon na iyon ay si Thucydides. Ang kaniyang


akda na The History of the Peloponnesian War ay batay sa kaniyang mga karanasan bilang
heneral sa digmaang ito at sa kaniyang pananaliksik sa mga ulat ng mga naging bahagi
mismo ng digmaan. Hindi katulad sa mga naunang mga historyador, hindi niya ginamit ang
mga diyos sa kaniyang paliwanag ng mga naganap. Naniniwala si Thucydides na maaaring
makatulong ang kaniyang akda upang maunawaan ang mga kaganapan sa kasalukuyan at
maiwasan na maulit muli ang mga kaganapang katulad Digmaang Peloponnesian.

Mga Ambag sa Larangan ng Panitikan


Matapos ang Dark Ages, ang mga epiko ni Homer na Iliad at Odyssey ay nakatulong sa
pagbuo ng kamalayan at relihiyon ng mga Griyego. Lumaki ang kabataang Griyego na
isinasalaysay ang mga akda ni Homer, at naging halimbawa sa kanila ang mga bayani sa

5
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

mga akda nito. Kahanga-hanga ang kakayahan ni Homer sa paglalarawan ng malalalim na


damdamin at saloobin ng kaniyang mga karakter. Ang Iliad ay tungkol sa huling bahagi ng
digmaan sa pagitan ng mga taga-Troy at ng mga Mycenaean. Samantala, ang Odyssey ay
tungkol sa paglalakbay ni Odysseus pabalik sa Ithaca matapos ang Digmaang Trojan.

Lar. 2. Si Homer

Ang drama ay nilikha rin ng mga Griyego. Ginamit ng mga Griyego ang drama bilang
libangan at pinagmumulan ng kaalaman. Ang mga unang dramang Griyego ay mga trahedya
na tungkol sa paghihirap ng mga bayani. Si Aeschylus ang isa sa mga pinakaunang
manunulat ng trahedya. Ang akda niya na Oresteia ay tungkol sa mga kaganapan matapos
umuwi ang Haring Agamemnon pagkatapos ng digmaang Trojan.

Ang isa sa mga pinakamahusay na manunulat ng trahedya ay si Sophocles, na madalas


nananalo sa mga pista dahil sa kaniyang mga akda. Ang Oedipus the King ang kaniyang

6
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

pinakatanyag na akda. Ang Oedipus the King ay tungkol kay Oedipus, hari ng Thebes, na
hinulaan na papatay sa kaniyang ama at magpapakasal sa kaniyang ina. Bagama’t pilit na
iniwasan ni Oedipus ang mga kaganapang ito, nangyari pa rin ang itinakda. Ang kaniyang
dula naman na Antigone ay tungkol sa anak na babae ni Oedipus na kinailangang mamili sa
pagitan ng kaniyang tungkulin sa kapatid na si Polynices at kaniyang tungkulin sa estado ng
Thebes.

Lar. 3. Si Sophocles

Ang isa pa sa mahuhusay na trahedyan na Griyego ay si Euripedes na lumikha ng mas


makabuhay na mga karakter at mas komplikadong mga kuwento. Ang kaniyang
pinakakilalang gawa ay ang The Bacchae.

Gumawa rin ng mga komedya ang mga Griyego. Ang mga gawa ni Aristophanes ay kilala
bilang kritikal sa mga kasalukuyang kaganapan, mga politiko, at mga intelektuwal. Ang isang
ehemplo ay ang Lysistrata na nagpahayag ng oposisyon sa Digmaang Peloponnesian. Bukod
sa gawang epiko, trahedya, at komedya, kilala rin ang kabihasnang Gresya sa kanilang

7
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

malawak na mitolohiya na naglalarawan sa mga diyos at diyosa na kabilang sa relihiyon ng


mga Griyego.

Mga Ambag sa Larangan ng Arkitektura at Sining


Ang istilong Klasiko ng mga Griyego ay nakaayon sa pamantayan ng maayos na proporsiyon,
moderasyon, at harmony. Madalas inilalarawan sa gawang sining ng mga Griyego ang
realistikong anyo o hubog ng tao. Ipinapakita dito ang kanilang pamantayan ng kagandahan
sa kabihasnang Griyego. Madalas na inilalarawan na walang saplot at nakaporma ang mga
iskulturang Griyego.

Ang isa sa mga pinakamahahalagang nagawa ng mga arkitekto sa Gresya ay ang mga
templo. Ang pangunahing kuwarto ay napalilibutan ng mga haligi o column, at ang mga
templo ay nananatiling mga bukas na estruktura. Mayroong tatlong uri ng mga haligi:
● Ang Doric order ay ang pinakasimpleng haligi na may payak na capital sa itaas at
walang base.
● Ang Ionic order ay mas makitid kaysa sa Dorian order na haligi. Ito ay may
detalyadong base at paikot na capital.
● Ang Corinthian order ay may capital na mayroong mala-dahong dekorasyon.

Lar. 4. Iba’t ibang uri ng haligi

8
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Ilan sa pinakakilalang halimbawa ng mga templong Griyego ay ang Parthenon at


Erechtheum sa Athens.

Lar. 5. Ang Parthenon sa Athens

Mahahalagang Tanong
● Paano nakatutulong sa atin ang kaalaman tungkol sa sinaunang
kabihasnan ng Gresya?
● Bakit mayabong ang sining at kultura ng sinaunang Gresya?

Mga Ambag sa Larangan ng Pilosopiya


Ang salitang pilosopiya ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang “pagmamahal
sa karunungan.” Ang mga naunang Griyegong pilosopo ay interesado sa pag-unlad ng
makatwirang pag-iisip at sa pagpapaliwanag ng mga likas na katangian ng sansinukob.

9
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Noong 600 BCE, itinaguyod ni Thales ng Miletus na ang sansinukob ay gawa sa iisang bagay
lamang at ang iba’t ibang bagay na ating nakikita ay iniuugnay ng elemento ng tubig. Ayon
naman kay Pythagoras (580-490 BCE), ang katangian at mga pangunahing prinsipyo ng
sansinukob ay matatagpuan sa musika at mga numero.

Hindi lahat ng pilosopong Griyego ay interesado sa mga katangian ng sansinukob. Ayon sa


mga Sophist, mas mahalaga ang pag-aaral ng katangian at pag-uugali ng tao para sa
ikabubuti ng sangkatauhan. Para sa kanila, hindi lubusang matutukoy kung ano ang tama at
mali—ang tama para sa isang tao ay maaaring mali para sa iba. Nagbigay ang mga Sophist
ng halaga sa retorika o ang sining ng mapanghikayat na pananalita.

Ang mga pinakakilalang pilosopong Griyego ay sina Socrates, Plato, at Aristotle. Naniniwala
si Socrates na ang bawat tao ay mayroong kaalaman at karunungan sa kaniyang kalooban,
at kailangan lamang itong palabasin. Ginamit niya ang Socratic method, isang paraan ng
pagtatanong-tanong upang makamit ang karunungan at katotohanan.

Lar. 6-8. Sina Socrates (kaliwa), Plato (gitna), at Aristotle (kanan).

Ang isa sa mga estudyante ni Socrates ay si Plato. Si Plato ay kilala hindi lamang dahil sa
pag-aaral niya sa pilosopiya, kung hindi pati na sa kaniyang mga akda tungkol sa politika at

10
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

pamahalaan. Ang akdang The Republic ay naglalarawan ng kaniyang ideyal na estado, kung
saan ang mga mamamayan ay nahahati sa tatlong grupo: mga haring-pilosopo sa tuktok,
mga mandirigma sa gitna, at ang taumbayan sa ibaba. Ayon sa kaniya, ang bawat grupo ay
may sariling papel sa lipunan, at kapag natugunan ang mga ito, mapalalakad nang maayos
ang lipunan.

Nag-aral naman si Aristotle sa ilalim ni Plato. Ayon kay Aristotle, maaaring magkaroon ng
kaalaman tungkol sa mga unibersal na prinsipyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga
indibiduwal na bagay. Ang mga isinulat ni Aristotle ay sumasaklaw sa maraming larangan,
katulad ng pilosopiya, etika, politika, at mga siyensya katulad ng astronomiya, heolohiya, at
pisika.

Ang mga pamana ng Gresya sa yugtong Hellenic ay naging batayan din ng mga kontribusyon
ng panibagong kabihasnan sa ilalim ng mga Macedonian na tinawag na Hellenistic.

11
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Sagutin Natin
Panuto: Pagtambalin ang mga pangalan sa Hanay A at ang mga kontribusyon sa Hanay B.

Hanay A Hanay B

_________ 1. Thales A. The Republic

_________ 2. Aristophanes B. Intindihin ang sansinukuban


gamit ang mga numero

_________ 3. Homer C. Antigone

_________ 4. Sophocles D. The Bacchae

_________ 5. Herodotus E. History of the Peloponnesian War

_________ 6. Socrates F. Iliad at Odyssey

_________ 7. Pythagoras G. Lysistrata

_________ 8. Plato H. Socratic Method

_________ 9. Thucydides I. The Persian Wars

_________ 10. Euripedes J. Pag-uugnay ng mundo batay sa


elemento ng tubig

Suriin Natin

Panuto: Sagutin ang sumusunod na tanong:


1. Ano ang kahulugan ng salitang historia?
2. Ano ang trahedya?
3. Ano ang mga halimbawa ng mga templo na itinayo sa klasikong Gresya?

12
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Pag-isipan Natin

Sa iyong palagay, alin sa mga ambag ng mga Griyego ang pinakamahalaga sa ating
kasalukuyang pamumuhay?

Gawin Natin
Panuto: Pumili ng dalawang larangan kung saan nagbigay-kontribusyon ang klasikong
kabihasnang Gresya sa daigdig (hal. Literatura at politika). Magsaliksik ng impormasyon
tungkol sa mga larangang ito. Pagkatapos ay gumawa ng mga timeline na nagpapakita ng
pag-unlad ng nasabing larangan. Maglaan ng isang timeline para sa tig-isang larangan.
Siguruhing magbigay ng mga halimbawa sa bawat timeline.

Gamitin ang sumusunod na rubrik bilang gabay.

Mas Mababa Kailangan pa ng Magaling Napakahusay


Pamantayan kaysa Inaasahan Pagsasanay 3 4
1 2

Kalidad ng Hindi gumawa May iilang Maraming Puno ng


Nilalaman ng timeline ang detalye lamang detalye and tamang detalye
mag-aaral; hindi ang timeline; timeline; may at maayos na
sinunod ang karamihan sa isa o dalawang ipinahayag,
panuto ng mga puntong detalye na inilarawan, at
gawain. isinaad ay hindi malinaw. ipinaliwanag
malinaw. ang nilalaman
ng timeline.

Tiyaga/ Tinapos ang Tinapos ang Tinapos ang Tinapos ang


Pagsisikap timeline para timeline ngunit timeline na isang
lamang may hindi sinikap na may nakapagan-
maipasa sa mapaganda pa kasiya-siyang dang timeline
guro. itong lalo. resulta, may na may
pagsisikap na masidhing

13
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

pagandahin pagsisikap na
pang lalo. maging
natatangi ito.

Kasanayan/ Hindi naipakikita Nagpapakita ng May angking Nagpapakita ng


Husay ang pagnanais pagnanais na husay sa husay at galing
na mapaghusay mapaghusay paggawa; sa paggawa;
ang pagsulat ng ang kaniyang kailangan pa may sapat na
timeline. paggawa ng ng kaunting kaalaman o
timeline. pagsasanay. pagsasanay.

Panahon ng Nakapagpasa ng Nakapagpasa Nakapagpasa Nakapagpasa


Paggawa kaniyang ng kaniyang ng kaniyang ng kaniyang
timeline ikatlong timeline timeline isang timeline bago o
araw dalawang araw araw sa itinakdang
pagkatapos ng pagkatapos ng pagkatapos ng petsa ng
itinakdang petsa itinakdang itinakdang pagpasa.
ng pagpasa. petsa ng petsa ng
pagpasa. pagpasa.

Dapat Tandaan

● Ang pag-aaral at pagtatala ng mga nakaraang kaganapan at ang kasaysayan bilang


disiplina ay nagmula sa mga Griyego.
● Sa Gresya nagmula ang ilang tanyag na historyador.
● Ang mga naunang pilosopong Griyego ay interesado sa pag-unlad ng
makatuwirang pag-iisip at sa pagpapaliwanag ng mga likas na katangian ng
sansinukob.
● Ang mga pamana ng Gresya sa yugtong Hellenic ay naging batayan din ng mga
kontribusyon ng panibagong kabihasnan sa ilalim ng mga Macedonian.

14
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Karagdagang Kaalaman
Ang akda ni Homer na Iliad at Odyssey ay kilala sa buong daigdig bilang
natatanging epiko sa panahon ng klasikong kabihasnan ng Gresya. Ang Iliad
na kilala rin bilang Song of Ilion o Song of Ilium ay tumutukoy sa istorya ng
Digmaang Trojan, partikular na ang sampung taong pananakop ng mga
lungsod-estado ng Gresya sa siyudad ng Troy. Samantala, ang Odyssey
naman ay nagsasalaysay ng istorya ng Griyegong si Odysseus matapos ang
pagbagsak ng Troy.

Isang bahagi ng Aklat VIII ng Iliad ni Homer

Ang Iliad at Odyssey ay naging mahalagang bahagi ng kontemporaryong


Kanluraning literatura. Ang dalawang gawa na ito ay kilala rin bilang
pinakamatatandang epiko sa kasaysayan ng Kanluran dahil tinatayang
isinulat sila noong 8 BCE. Ayon sa mga eksperto, mas mahirap na i-analisa o
intindihin ang nilalaman ng Odyssey kumpara sa Iliad.

15
Araling Panlipunan

Baitang 8 • Yunit 7: Sinaunang Kabihasnan ng Gresya

Pinagkunan ng mga Larawan

Lar. 1. Thucydides pushkin02 ni Shakko ay may pahintulot batay sa CC BY-SA 3.0 sa


pamamagitan ng Wikimedia Commons.

Lar. 3. Sophocles pushkin ni Shakko ay may pahintulot batay sa CC BY-SA 3.0 sa


pamamagitan ng Wikimedia Commons.

Lar. 4. Abacus architecture ni Edwardtbabinski ay may pahintulot batay sa CC BY 2.5 sa


pamamagitan ng Wikimedia Commons.

Lar. 6. Socrates ni Lysippos ay may pahintulot batay sa CC BY 2.0 sa pamamagitan ng


Wikimedia Commons.

Lar. 7. Bust of Plato, Vatican Museum, Rome ni Dudva ay may pahintulot batay sa CC BY-SA
4.0 sa pamamagitan ng Wikimedia Commons.

Mga Sanggunian

“Classical Greek Culture”. Khan Academic. Nakuha noong Enero 30, 2022.
https://www.khanacademy.org/humanities/world-history/ancient-medieval/classical-
greece/a/greek-culture

Perry, Marvin. Western Civilization: A Brief History. 10th Ed.. USA; Wadsworth, Cengage
Learning, 2013.

16

You might also like