Ang kahapon ay alaala na lamang at ang kasalukuyan ay magiging alaala na rin
kinabukasan. Mayroong dalawampu’t apat na oras sa isang araw at bawat segundo nito ay mahalaga. Mga hindi malilimutang sandali na ginawa kasama ang pamilya at mga kaibigan. Maaaring ang mga ito ay nagpapalungkot sa lahat o nagdudulot ng kaligayahan. Mga sandaling tumatak sa aking isip at puso. Ako, ang aking pamilya at mga pinsan ay pumunta sa Batac, Ilocos Norte. Ang aking dalawang nakatatandang
kuya at ilang mga
kamag-anak ang aking kinasasabikan ng makta . Ito ay isang mahabang paglalakbay ngunit ang aking masasabi ay talagang nagbigay galak ito sa aking puso. Ang mahigpit na yakap na amng pinagsaluhan at ang saya na makikita sa kanilang mga mukha nang tuluyan na kaming makarating doon ay isang senaryong makaantig-damdamin. Hindi man marangya ang pamumuhay ng aming pamilya roon ngunit sa kanilang mga labi’y may tunay na ngiti pa rin. Hindi malilimutan ang panahon na kaming pangatlong henerasyon ay nagsama-sama upang pumunta sa Currimao, isa sa pinakamagandang tourist spot sa Ilocos Norte. Sa araw ding iyong, bilang isang bunso at unica hija, hindi mailarawan ang aking saya sapagkat muling nabuo ang magkakapatid. Sa mga oras na iyon, tila kay hirap nilang pakawalan at gustong sila ay nasa aking paningin lamang. Naranasan naming purihin ang Diyos na Jehova nang personal at sabay-sabay kaming umawit para purihin siya.Hindi na kami nagsayang ng oras at sinuyod ang iba't ibang lugar ng Ilocos Norte. Sa paglalakbay na ito, ako’y nagkaroon ng unang karanasang matulog ng isang araw sa Pagudpud, isang kilalang dagat sa lugar. Isa pa na aking maidaragdag sa aking mga unang pagkakataon ay ang paglangoy sa dagat habang umuulan. Hinahayaang lumutang ang sarili at kalaunan ay iminulat ang mga mata upang salubungin ang bawat patak ng tubig mula sa himpapawid. Napakagandang sandali na mas pinahahalagahan ko ang mga nilikha ng Diyos. Kitang-kita sa akin ang mga luha ng pagmamahal noong panahong kailangang sila’y na aming iiwanan na. Napaluha ako bigla. Akin silang binigyan ng mahigpit na yakap bilang pamamaalam sa bawat isa. Naramdaman ko ang saya ngunit may halong lungkot. Ninanais na ako’y pagbigyan na makasama na lamang sila palagi. Gumawa ng magagandang alaala kasama ang pamilya at mga kaibigan. Huwag hayaang mangibabaw ang poot sa iyong kaligayahan. Hindi ang lugar ngunit ang mga taong nakapaligid sa akin ay ginagawang espesyal ang bawat sandali. Nagiging makabuluhan ang isang pangyayari kung nariyan ang aking mga minamahal. Sila ay kasama sa hapag-kainan, sa pagkukuwentuhan, sa pakikipag-aliwan, pagpasyal at kahit anumang pagkakataon. Napakahalagang sulitin ang bawat minuto bagkus alam natin na mananatili na lamang ang mga kahapon sa ating isipan ngunit sa pagtanda’y ating malilimutan isa-isa ang mga ito. Sa kabila nito, ang puso, kailanman ay hinding- hindi malilimutan ang presensya ng mga taong malapit sa aking kalooban.