You are on page 1of 3

Simula noong bata pa ako ay palaging ipinagmamalaki ni mama sa amin ang syudad na kanyang

pinagmulan, ang Tuburan. Ito ay kilala sa mga kumikinang na bukal, at malinis na mga sapa, ilog, at
dalampasigan. Kabilang sa mga sikat na destinasyon ng Tuburan ay ang Molobolo Spring, Mantawihan,
Little Baguio, Marmol Cliffs and Cave, Lantawan Lookout, Daan Lungsod at ang Apalan White Beach
resorts. Ikinuwento niya sa amin ang kagandahan ng Tuburan kung kaya ay kahit sa murang edad ko ay
sabik na sabik akong makapunta doon at masaksihan ang lugar na kanyang pinagmamalaki.

February 1 2022, ay maaga kaming bumyahi papunta sa Tuburan para magbakasyon. Hindi ko maitago ang aking tuwa
dahil makakapunta na ulit ako sa Tuburan. Bata palang kasi ako noong una kaming pumunta doon at hindi ko na
matandaan kung anong ginawa ko noon at nakalimutan ko narin ang mga tanawin doon at hindi pa ako nakapaglibot
doon noon. Malayo ang syudad, apat na oras ang biyahe galing Lapu-Lapu papunta doon pero hindi ka mapapagod dahil
malibang ka sa mga magagandang tanawin. Mula sa kalsada ay makikita mo ang iba't-ibang tanawin. Makikita mo ang
magagandang karagatan at mapuputing buhangin. Makikita mo rin ang mga bundok galing sa iba't-ibang lungsod na
iyong madadaanan. Sariwa ang hangin na talagang nagbibigay sa iyo ng masayang pakiramdam. Maraming puno ang
nagsintaasan sa gilid ng kalsada at makikita mo rin ang mga tanim na palay at mais. Nadadaanan rin namin ang tinawag
nilang first townsite ng Tuburan, ang Daan Lungsod na malapit sa ilog ng Adela.

Sa bahay ng kapatid ni mama kami uuwi kaya pagdating namin doon ay agad-agad nila kinuha ang aming mga dala at
tinulungan nila kaming magbitbit ng aming mga gamit. Nakakatuwa ang mga tao doon dahil kapag nakikita nila kami ay
ngingiti sila at nangungumusta, kahit hindi ko sila kilala. Noong una, natatakot ako sa mga tao doon dahil kadalasan sa
kanila ay may dalang mga itak na nakasabit sa kanilang gilid ngunit noong nakilala ko na sila ay palakaibigan pala ang
mga tao doon at ang itak na kanilang dala-dala ay para pala sa pagsasaka ng niyog at mais.

Marami akong naging kaibigan doon kaya tinanong ko sila kung bakit naging Tuburan ang pangalan sa kanilang lugar at
ang sabi nila ay nakuha ang pangalan ng Tuburan mula sa paglaganap ng mga bukal, na siyang pinagmumulan ng
maiinom na tubig para sa gamit sa bahay ng mga unang naninirahan. Ang "Tuburan" ay nagmula sa salitang Cebuano na
"tubod", na nangangahulugang "spring". Talaga namang hindi sila nagkamali sa pagbigay ng pangalan ng kanilang syudad
sapagkat nasaksihan ko na maraming pinagmulan ng tubig doon. Sa gilid ng sapa ay naghuhukay lang sila ng kaunti at
maya-maya ay may lalabas na sariwang tubig at pinangalanan nila iyon na "tabay" at doon sila kukuha ng tubig na
maiinom, pang ligo at pang luto.

Sa unang araw ng bakasyon namin doon ay talagang sa sapa ako naligo dahil gusto kong maranasan na maligo sa sapa
dahil lumaki akong puro sa dagat at pool lang lalangoy. Nasa tuktok ng bundok ang bahay ng kapatid ni mama at ang
sapa naman ay nasa baba ng bundok. Hindi ka mapapagod papunta sa sapa ngunit kung babalik kana sa taas ay talagang
nakakahingal. Minsan pinagtatawanan nila ako dahil ang bagal ko daw maglakad ngunit maya't-maya ay tinutulungan at
inalalayan din nila ako. Pagkatapos namin maligo sa sapa ay pumunta kami sa kapit-bahay para mag volleyball at
pagkatapos ay nanguha kami ng buko at talaga namang natuwa at nalibang ako.

Sa ikalawang araw ng aming bakasyon ay sumama ako sa mga pinsan ko. Nagsasanay kaming mag motor at ang pinsan
kong si Jerald ang nagturo sa akin. Masasabi ko na isa iyon sa magandang nangyari sa aking buhay sapagkat natuto
akong mag motor kahit hindi gusto ni mama at kahit natatakot siya. Pagkatapos namin magsanay ay nanguha kami ng
niyog at umuwi. Tuwing gabi naman ay palagi kaming nagtitipon kamag-anak. Nakasanayan na kasi namin ang magtipon
kung may dadating na kapamilya at ginamit namin iyon para magkwentuhan kung anong nangyari sa aming mga buhay
noong hindi namin sila nakita at nakasama. Sa pagtitipon din kami nagtatawanan at magkwentuhan dahil doon din
ikuwento ng aking mga tiyohin at tiyahin ang kanilang karanasan noong bata pa sila hanggang sa nagdadalaga. Sa
pagtitipon din nila ibahagi ang problema nila magkapatid at sabay nila iyong hanapan ng solusyon.
Sa ika apat na araw ng aming bakasyon ay pumunta kami sa Tabing- Dagat para sa family gathering. Sa totoo, ako ang
nakaisip na pumunta doon dahil hindi kami maka punta sa Molobolo sapagkat under repair daw ngunit, ikinuwento ng
aking pinsan na maganda daw sa Tabing-Dagat kaya doon nalang kami pupunta. Sumakay kami sa motor papunta doon.
Kasabay ko ang aking mga pinsan, habang si mama at ang kaniyang mga kapatid ay sa jeep sumakay at taga video sa
amin. Marami kaming dinala na pagkain dahil kaarawan din iyon ng kinaunahang kapatid na babae nila mama. Pagdating
namin doon ay talaga namang napakaganda ng dagat at ng buhagin. Makikita mo rin ang bundok na nasa tabi ng dagat.
Masaya ang araw na iyon, napuno ng tawanan at kulitan. Naglaro rin kami ng paunahan at palayuan sa paglangoy at
nanalo ang aking pinsan na lalaki sapagka't nasanay na siya. Naglaro rin kami sa buhangin, nilibing-libing namin ang isa
naming pinsan. Pagkatapos ng laro ay naligo kami sa may balon. Noong una ay hindi ako makapaniwala dahil doon lang
ako nakakita ng balon na nasa dagat. Sabi nila hindi daw maalat ang tubig sa balon kahit nasa dagat iyon kaya, tinikman
ko para maniwala ako at totoo nga na hindi iyon maalat. May mga tao rin na doon naliligo at kumuha ng tubig para
ilalaba.

Masasabi ko na ang bakasyon na iyon ay isa sa hindi ko makalimutan na karanasan sapagkat doon ako nagsaya at
natuwa. Nakahanap rin ako ng bagong kaibigan at doon ko nasaksihan na kahit simple lang kanilang buhay ay hindi sila
nakalimot magsaya. Hindi mo madama na naghihirap sila kasi palagi silang nakangiti. Gustuhin ko mang hindi uuwi
ngunit kailangan sapagkat dito ako nag-aaral  at dito narin kami naninirahan sa Lapu-Lapu at dito kami naghahanap-
buhay, ngunit kung may lugar man na gusto kong balik-balikan, iyon ay ang Tuburan dahil dito ako natuto na mamuhay
ng simple at masaya kasama ang kamag-anak at pamilya.

You might also like