You are on page 1of 5

ARALIN 1.

2: MGA EPEKTO NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO

Sa kadahilanang ang mga karapatang pantao ay madalas na nalalabag at hindi nagiging mabisa ang sistema ng
pagpapanagot sa mga may sala, ito ay nagbubunga ng mga negatibong bagay sa lipunan. Narito ang ilan.

1. Pagsidhi ng galit ng mga mamamayan lalo na ang mga biktima at kanilang mga kaanak

Lalo na kung mabagal ang paglutas ng mga may kapangyarihan sa mga kaso, natural lamang na tumindi ang
pagkadismaya at galit ng mga biktima at ng kanilang mga kaanak. Maaaring ito ay magbunga rin ng kawalan ng
tiwala sa gobyerno, pag-aalsa, o pagrerebelde.

2. Paglaganap ng takot

Nagiging laganap ang takot sa mga mamamayan dahil sila man ay maaaring maging biktima ng mga paglabag
sa karapatang pantao. Maging ang mga turista o dayuhan ay maaaring magdalawang-isip sa pagpunta sa bansa
at sa pagtatayo ng mga negosyo rito.

3. Pagkakaroon ng epektong sikolohikal sa mga tao

Kamatayan o trauma ang madalas na ibinubunga sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao. May
sikolohikal na epekto sa mga tao ang mga karahasan, terorismo, at pang-aabuso tulad ng post-traumatic stress
disorder, hallucination, at delusion.

4. Pagkakaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya

Apektado ang ekonomiya kapag marami ang napipinsala dulot ng terorismo at rebelyon. Maraming nasisirang
ari-arian, negosyo, at impraestrukturang mahalaga sa ekonomiya ng isang bansa. Wala ring gana ang mga
negosyante na magnegosyo kapag laganap ang paglabag sa mga karapatang pantao.

5. Pagkadamay ng mga inosente

Sa maraming anyo ng paglabag sa karapatang pantao, maraming inosente ang nabibiktima o nadaramay. Sa mga
pag-aalsa, rebelyon, at terorismo, pangkaraniwang apektado ang mga sibilyan. Sa mga ekstrahudisyal na
pagdakip at pagpatay, malaki ang posibilidad na ang maging biktima ay inosente at hindi ang tunay na kriminal.

6. Pagpigil sa paglabas ng katotohanan

Sa kaso ng mga mamamahayag na nabibiktima o pinapatay, madalas na ang dahilan ay ang pagsisiwalat nila ng
katotohanan. Dahil sa kanilang pagkamatay, napipigilan ang paglabas ng anumang katotohanang kanilang
nalalaman.
MGA MUNGKAHING PAMAMARAAN SA PANGANGALAGA NG KARAPATANG PANTAO

Narito ang ilang mga mungkahing pamamaraan sa pangangalaga ng karapatang pantao:

1. Pondohan ang mga programang pambansa at panlokal na nakatuon sa desiminasyon o


pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa karapatang pantao

Sa kasalukuyan, ang mga nongovernmental organization (NGOs) ay nagsasagawa ng mga pagtuturo ukol sa
karapatang pantao. May mga aktibidad na isinasagawa tulad ng pag-oorganisa ng mga programa at pagbuo ng
mga materyales na nagagamit sa pagtuturo nito sa mga mamamayan.

Ito ay dapat na tularan ng gobyerno sa pamamagitan ng paglikha ng mga program ana popondohan ng sapat.
Maging ang tinatawag na universal human rights ay mahalagang maipaalam sa mga mamamayan sa
pamamagitan ng tamang edukasyon. Malaki ang magagawa ng kaalaman sa mahahalagang karapatang pantao
upang mapangalagaan ng isang tao ang kaniyang mga karapatan.

2. Pagdaragdag ng batas upang lalong umunlad ang paggalang sa karapatang pantao

Bagaman mayroon nang mga batas na ipinasa ang Kongreso ng Pilipinas para mapangalagaan ang mga
karapatan ng kababaihan, makatutulong din na makapagpasa ng iba pang mga episyenteng batas para sa lahat
ng uri ng kasarian.

3. Paglahok sa mga pandaigdigang organisasyong naglalayong protektahan ang karapatang pantao

Makatutulong din na makilahok ang bansa sa mga programa ng United Nations, mga pandaigdigang samahan, o
ng ibang mga bansa na naglalayong pangalagaan ang mga karapatang pantao. Mahalagang makiisa sa mga
binubuong kasunduan o treaty upang lalong maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan ng iba't ibang
bansa.

4. Palakasin at disiplinahin ang sandatahang lakas ng bansa

Sa kaso ng terorismo at rebelyon, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapaunlad sa sandatahang
lakas at kapulisan ng bansa. Dapat na ang puwersa ng mga sundalo at pulis ng bansa ay mas mahusay at
malakas kaysa sa mga terorista at mga rebelde. Dapat din namang magkaroon ng malinaw na proseso ng
pagpapanagot sa mga pulis at sundalo kapag sila naman ang nasumpungan sa paglabag sa mga karapatang
pantao.

MGA MUNGKAHING PARAAN NG PAGLUTAS SA MGA PAGLABAG SA KARAPATANG


PANTAO

Narito ang ilan sa mga mungkahing paraan ng paglutas sa mga paglabag ng karapatang pantao.

1. Pagpapatibay at estriktong implementasyon ng mga batas na nauukol sa karapatang pantao

Magandang balita ang pagsisikap ng gobyerno na bumuo ng mga batas na nauukol sa pagprotekta ng karapatang
pantao. Matatandaang may mga isinagawang senate hearing in aid of legislation na ukol sa mga kaso ng
paglabag sa karapatang pantao gaya ng sa Maguindanao massacre, Mamasapano incident, at iba pa. Inaasahang
mula rito ay makalilikha ng mga karagdagang panukalang batas at polisiya ukol sa paglutas sa mga paglabag sa
karapatang pantao. Lamang, dapat ay totohanang maipatupad ang mga umiiral at lilikhain pang mga batas at
polisiya para mabisang malutas ang mga paglabag sa karapatang pantao.

Sinasabing marami nang batas ang bansa ukol sa pangangalaga sa mga karapatang pantao at ang kulang na
lamang ay ang mas mahigpit na pagpapatupad sa mga ito. Halimbawa: Sa pangangalaga ng karapatan ng
kababaihan, may mga umiiral nang batas sa bansa gaya ng sumusunod:

a) RA 7877 or the Anti-Sexual Harassment Act of 1995


b) RA 8353 or the Anti-Rape Law of 1997
c) RA 8369 or the Family Courts Act of 1997
d) RA 8505 or the Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998
e) RA 9208 or Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 f) RA 9262 or Anti-Violence Against Women and
Their Children of 2004

2. Pagsasagawa nang agaran at makatarungang paglilitis sa mga kaso

Maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang tumatagal nang higit sa nararapat. Ang mas masaklap,
ang maraming kaso ay halos walang kinahahantungan. Ito ay nagbubunga ng pagdurusa ng mga biktima na
nagsasawalang-kibo na lamang. Sa pamamagitan ng pagbuo ng episyenteng sistema o pagrebisa sa mga umiiral
na proseso ng paglutas sa mga kaso sa paglabag ng karapatang pantao, maaaring mapabilis ang pag-usad ng
mga kaso sa ikatatamo ng katarungan.

Bilang karagdagan,
LIMANG HAKBANG SA PAGPROTEKTA AT PAGSUSULONG NG MGA KARAPATANG PANTAO
SA PERSONAL NA BUHAY

Narito ang ilang hakbang ukol sa pagprotekta at pagtataguyod ng mga karapatang pantao.

1. Yakapin ang tungkulin na pangalagaan at itaguyod karapatang pantao.

Bawat tao ay may katungkulan na lumikha ng kapaligiran kung saan ang karapatang pantao ay naitataguyod at
pinangangalagaan.

2. Pag-aralan ang mga bagay ukol sa karapatang pantao.

Dapat maging maalam tungkol sa karapatang pantao, pang-aabuso sa karapatang pantao, at aktibismo laban sa
karapatana pantao. May ilang bilang ng libreng mga aralin o lektura na maaar mong basahin.

3. Idokumento ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao.

Kapag nakasaksi ng isang pang-aabuso sa anumang karapatang pantao, maaari mong iulat ang mga paglabag sa
mga organisasyong nakalaan na protektahan at pangalagaan ang karapatang pantao para sa lahat. Dapat na
maidokumento at maibigay ang sumusunod na mga impormasyon: (1) ang nalabag na karapatang pantao; (2)
mga kaugnay na impormasyon na nakalahad sa isang detalyadong pamamaraan, at kung posible, batay sa
pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari; (3) petsa, oras, at lugar kung saan naganap ang insidente; (4)
pangalan at posisyon ng may pagkakasala; (5) pangalan at tirahan ng mga saksi, at iba pang mahahalagang
detalye.

4. lulat ang mga lokal na paglabag sa karapatang pantao sa isang mapagkakatiwalaang organisasyon.

Hindi man ganap na maparusahan ang mga lumalabag sa karapatang pantao, sa pamamagitan ng pag-uulat sa
kanilang mga paglabag ay malalaman ito ng human rights organizations at maaaring magsilbing presyur ang
mga ito sa mga may kasalanan upang magbago. Maaaring iulat ang mga pang- aabuso sa karapatang pantao sa:
Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Philippine Human Rights Information Center (Phil
Rights), Free Legal Assistance Group (FLAG), Amnesty International-Philippines, at Commission on Human
Rights (CHR).

5. Iulat ang mga seryosong paglabag sa karapatang pantao sa United Nations.

Kung ikaw ay isang saksi sa seryosong paglabag sa karapatang pantao, partikular na ang mga kalupitang
nagawa ng iyong gobyerno at hindi mo alam kung saan babaling, maaari mong iulat ang mga paglabag na ito
nang direkta sa United Nation's Sub-Commission on Human Rights. Dapat kang gumawa ng nakasulat na
reklamo na kabilang ang sumusunod:

a) Ang pangalan mo o ang pangalan ng organisasyong nagrereklamo at ang malinaw na pahayag kung nais
mong itago ang iyong pagkakakilanlan.
b) Dapat na isalaysay nang malinaw at isiwalat nang makabuluhan ang dokumentadong paglabag sa karapatang
pantao.
c) Ipaloob ang mga ebidensiyang tulad ng pahayag ng biktima, mga medikal na ulat, at kahit anong
impormasyong susuporta sa iyong reklamo.
d) Malinaw na isalaysay kung anong mga karapatan, batay sa Universal Declaration of Human Rights, ang
nalabag.
e) Ibigay ang mga dahilan kung bakit hinihingi mo ang pamamagitan ng UN. f) Ipakita mo na nagawa mo na
ang lahat ng posibleng lunas o remedy

You might also like