Professional Documents
Culture Documents
Masaya ang kabataan ko: maglalaro umaga hanggang hapon hanggang sa bigla na lang
madadapa, makikita ang dumudugong tuhod at tatakbo sa aking Mama na umiiyak. Kukuha
siya ng halamang-gamot, papahiran pa ng lana ang sugat, at tatakpan ng pinunit na tela sa
lumang damit ni Papa. Huling bahagi ng ritwal ay sasambit siya ng mga katagang: “Huwag ka
nang umiyak. Malayo sa bituka.” Ganito ang mistulang naging kaisipan ng mga Pilipino bago
sumiklab ang COVID-19 na pandemya. Matapos ang humigit dalawang taon, masasabi ngang
malayo sa bituka ang epekto ng COVID-19 pero bukod pa pala roon ang nadali.
Nagsisimula ang karamihan ng mga pananaliksik sa kung saan nagmula ang COVID-19.
Natuklasan na nanggaling ito sa isang laboratoryo sa lungsod ng Wuhan sa Tsina. Ang dating
Novel Corovirus (nCOV) ay naging Coronavirus Disease 2019. Ang kilalang epidemya ay
tinawag na pandemya ng World Health Organization. Base sa mga pag-aaral, inaatake nito ang
sistema ng paghinga ng katawan ng tao na naipapasa sa pamamagitan ng pagbahing at mga
malapitang pagdikit ng pisikal.
Tanging kibit balikat lamang ang nagawa ng mga Pilipino. Walang masyadong naalerto
sa balitang may nakapasok na isang dayuhang Intsik sa pantalan sa Visayas. Ito ang unang
kaso ng COVID sa Pilipinas at nakakatawang hindi galing sa isang kababayan. Mula sa isa ay
naging lima ang kaso at kaagad namang nagpatupad ng “lockdown” ang gobyerno.
Bagong-bago ang kataga sa panding ng mga Pinoy kaya’t imbes na mainam na sumunod ay
may ilan pang nagprotesta. Pagkat di pa lubusang naiintindihan ang papasanin sa balikat,
panibagong kibit na may kasamang pilit na buntong hininga.
Kahit anong uso pa at katuwaan ang maisip ng mga malikhaing Pinoy, hindi naging
solusyon ito upang ang sakit na dulot ng pandemya ay mapahid. Wala pang bakuna. Ang akala
rin ay makakabuo ng sariling lunas ang Pilipinas ngunit gaya ng dati, nauna ang mga
malalaking bansa sa paligsahan sa bakuna kahit ang unang turok ay ginawa ng isang Pilipinang
nars. Walang pamahid o panyo na makakahilom sa sugat na binuksang muli ng COVID-19.
Malayo sa bituka, malapit sa kalayaan at katotohanan. Ang sakit ng lipunan bago ang
pandemya at kasalukuyan ay mas lalong humapdi. Nagkaroon ng ibang katawagan ang tsismis
at naging “fake news.” At sa pagdami niyon ay kasabay pang pagkait ng kalayaan sa mga
Pilipinong mamamahayag. Mas naging madali ang pagpapalaganap ng mga maling
impormasyon, pagbabago sa kasaysayan, at pang-iimpluwensiya tungkol sa mga haka-haka sa
COVID-19, sa mga bakuna nito, at sa kasabay na halalan. Muntik pa ngang malimutan na may
COVID pa dahil halos magkawatak-watak na ang sambayanan dahil sa kani-kaniyang
pinapanigan.