You are on page 1of 2

MODYUL 5: ISIP AT KILOS-LOOB

Natatangi ang tao na nabubuhay sa mundong ito. Ang tao ay espesyal na nilalang ng Diyos, mayroon
siyang taglay na katangian at kakayahan na siyang nagpapabukod -tangi sa kanya sa lahat ng nilalang ng Diyos
na may buhay.
Mayroong tatlong uri ng nilikhang may buhay sa mundo: ang tao, hayop, at halaman. Paano naiiba ang
tao sa ibang nilikha? Ang bawat tao ay biniyayaan ng iba’t-ibang kakayahan na nagpapadakila sa kanya.
Ang mga ito ay nagpapatingkad sa kanya, katangiang taglay lamang ng tao na nagpapabukod-tangi sa kanya
sa iba pang nilikha. Ayon kay Dr. Manuel Dy Jr. ang tao ay may tatlong mahahalagang sangkap: ang isip,
ang puso, at kamay o katawan.
1. ISIP – ang isip ay may kakayahang mag-isip, alamin ang diwa at buod ng isang bagay. Ito ay may
kapangyarihang humusga, mangatwiran, magsuri, mag-alaala at umunawa ng kahulugan ng mga bagay.
2. PUSO – ito ay maliit na bahagi ng katawan na bumabalot sa buong pagkatao ng tao. Dito nanggagaling
ang pasya at emosyon. Sa puso hinuhubog ang personalidad ng tao.
3. KAMAY O KATAWAN – ito ay sumasagisag sa pandama, panghawak, paggalaw, paggawa,at pagsasalita.
Ito ang karaniwang ginagamit sa pagsasakatuparan ng kilos o gawa. Ito ang ginagamit upang ipahayag
ang nilalaman ng isip at puso sa konkretong paraan.

Kawangis ng Diyos ang tao dahil sa kakayahan niyang makaalam at magpasya ng malaya. Ang
kapangyarihan niyang mangatwiran at umunawa ay tinatawag na ISIP. Ang kakayahang pumili,
magpasya at isakatuparan ang pinili ay tinatawag na KILOS-LOOB.

Tunghayan ang talahanayan sa ibaba.

Isip Kilos-loob

Gamit Pag-unawa Magpasya/kumilos

Tunguhin Katotohanan Kabutihan

Sa pamamagitan ng isip, ang tao ay naghahanap ng katotohanan; kaya’t patuloy siyang nagsasaliksik
upang makaunaw at gumawa nang naaayon sa katotohanang natuklasan. Sa pamamagitan ng kaalamang
natuklasan, maaari siyang gumawa para sa ikabubuti ng kanyang kapwa. Dahil ang isip ng tao ay may
limitasyon at hindi ito kasing perpekto ng Maylikha, siya ay nakadarama ng kakulangan. Kaya’t ang
paghahanap ng isip sa katotohanan ay hindi nagtatapos; ang katotohanan ang tunguhin ng isip.
Ang kilos-loob ay isang makatwirang pagkagusto (rational appetency), sapagkat ito ay pakultad
(faculty) na naaakit sa mabuti at lumalayo sa masama. Kung kaya’t ang tunguhin ng kilos-loob ay ang
kabutihan. Ang kilos-loob ay hindi naaakit sa kasamaan; hindi nito kailanman magugustuhan ang
mismong masama. Nagaganap lamang ang pagpili sa masama kung ito ay nababalot ng kabutihan at
nagmumukhang mabuti at kaakit-akit. Ang kilos-loob ay umaasa sa ibinibigay na impormasyon ng isip.
Nakasalalay sa tao ang pagsaliksik at pag-alam kung alin ang higit na mabuti upang ito ang kanyang
piliing gawin. Samakatuwid ang isip at kilos-loob ay kailangang sanayin, paunlarin at gawing ganap.
Ang katalinuhan ay hindi nasusukat sa dami ng nalalaman at taas ng pinag-aralan, kundi kung
paano ginagamit ang kaalaman upang ilaan ang sarili sa pagpapaunlad ng kanyang pagkatao,
paglilingkod sa kapwa at pakikibahagi o paglilingkod sa pamayanan.

You might also like