You are on page 1of 4

Sangay ng mga Pampaaralang Lungsod ng Parañaque

FILIPINO 9 IKALIMANG LINGGO


KWARTER 3

ANG ALAMAT NI PRINSESA MANORAH


(Alamat ng Thailand)
Mga Pang-abay na Pamanahon, Panlunan at Pamaraan

Unawain Natin

Alam mo ba na…

Ang alamat o legend sa wikang ingles ay tumatalakay sa pinagmulan ng isang bagay, lugar,
pangyayari o katawagan na maaaring kathang-isip o may bahid ng katotohanan. Nagtataglay ito ng
mga aral na magagamit sa pang-araw-araw na buhay. Masasalamin din dito ang kultura at kaugalian
ng mga tao sa lugar na pinagmulan.

Gabay na tanong:
1. Saan nagmula si Prinsesa Manorah?
2. Paano naging prinsesa si Manorah sa palasyo ng Udon Panjah?
Alamat ni Prinsesa Manorah
(Salin ni: Dr. Romulo N. Peralta)

Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya
at nagbigay- inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang
pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Janta
kinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang
pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at
nagagawang itago ang kani-kanilang pakpak kung kanilang nanaisin.

Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng


Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na
hindi kilala sa daigdig ng mga tao. Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-
ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng
buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.

Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si
Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa
nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin
niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah.
Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa
sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit na kagubatan. Pinuntahan
niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kanya ng ermitanyo na napakahirap ang
manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo
na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa
kaniya. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang
dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din
itong bigyan si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli sa Prinsesa Manorah.

1
Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong
tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at
matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganoon na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid
ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad- agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay
paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala
at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin
sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa
Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala
ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan
umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang
prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na
magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang
namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.

GAWAIN 2: Pag-unawa sa binasa


1. Sino ang pangunahing tauhan sa alamat? Ano ang kanyang katangian?
2. Paano inilarawan ang tagpuan ng mga pangyayari?
3. Kapani-paniwala ba ang mga pangyayari sa alamat? Pangatwiranan ang sagot.
4. Itala ang mga makatotohanan at di-makatotohanang pangyayari sa alamat.Gamitin ang talahanayan
sa pagsagot.
Makatotohanang pangyayari Di-makatotohanang pangayayri

GAWAIN 3: Pagsasanib ng Gramatika/Retorika


A. Balikan ang binasang alamat na “Ang Alamat ni Prinsesa Manorah. Isulat ang mga
salitang may salungguhit sa hanay na nagsasaad ng panahon, lugar o paraan ng pagsagawa ng kilos.
Gamitin ang talahanayan sa pagsagot.

Panahon Lugar Paraan

Ang Pang-abay ay mga salitang nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri at kapwa pang-abay.

Pang-abay na pamanahon- ay nagsasaad kung kailan ginanap, ginaganap o gaganapin ang kilos o
pangyayari.Maaaring may pananda, walang pananda at nagsasaad ng dalas.
Sumasagot ito sa tanong na Kailan.

Halimbawa: Nagsisimba ang mag-anak tuwing linggo. (Kailan nagsisimba?)


Magpapasa ako ng sagutang papel bukas. (kailan magpapasa?)
Araw-araw ako nagdadasal na sana mawala na ang Covid.(Kailan nagdadasal?)
(Ang mga salitang nakaitalisado ay mga pandiwa na binigyang-turing ng mga salitang tuwing
linggo, bukas at araw-araw)

Pang-abay na Panlunan- ay nagsasaad ng lugar na pinangyarihan ng kilos o pangyayari. Sumasagot sa


tanong na Saan.

2
Halimbawa: Umakyat sa bundok ang ilang mag-aral upang makasagap ng signal. (Saan
umakyat ang ilang mag-aaral?)
Pinuntahan ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa liblib na lugar upang
maabutan ng modyul. (Saan pinuntahan ng mga guro ang mga estudyante?)
(Ang mga salitang nakaitalisado ay mga pandiwa na binigyang-turing ng mga salitang sa
bundok at sa liblib na lugar)
Pang-abay na Pamaraan- ay nagsasaad kung paano ginawa, ginagawa o gagawin ang kilos. Sumasagot
sa tanong na Paano.

Halimbawa: Mahigpit na ipinapatupad ng mga otoridad ang mga alituntuning pangkalusugan.(Paano


ipinapatupad ng mga otoridad ang mga alituntuning pangkalusugan?
Positibong hinarap ng karamihan ang pandemyang nararanasan.(Paano hinarap ng
karamihan ang pandemya?)
(Ang mga salitang nakaitalisado ay mga pandiwa na binigyang-turing ng mga salitang mahigpit at positibo)

B. Tukuyin kung ang nakasalungguhit na pang-abay ay pamanahon, panlunan o pamaraan.


Isulat ang sagot sa patlang bago ang bilang.

_______________1. Nagsimula ang unang araw ng pasukan noong Oktubre 5, 2020.


_______________2. Masiglang nakilahok ang mga mag-aaral sa kanilang online class.
_______________3. Matiyaga ang mga mag-aaral sa pagsagot ng kanilang modyul sa kani-kanilang
tahanan.
_______________4. Maaring magtanong ang mga mag-aaral sa kanilang guro tuwing consultation
period sa kanilang klase.
_______________5.Masusing pinag-aaralan ng mga mag-aaral ang aralin sa modyul.

Suriin Natin

GAWAIN 5: Paghahambing
A. Basahin at unawain ang alamat. Paghambingin ang dalawang alamat na ”Alamat
ng Paranaque mula sa Pilipinas at ang “Alamat ni Prinsesa Manorah mula sa Thailand. Gamitin
ang Venn Diagram sa pagsagot.
Ang Alamat ng Paraṅaque
Bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila sa Pilipinas, karamihan sa mga katutubo ay
nakatira malapit sa baybayin ng Maynila. Sila ay nangingisda at kalimitang naglalayag. Ang iba naman ay nasa
kapatagan na ang ikinabubuhay ay pasasaka sa bukid.
Nang dumating ang mga Kastiala,ang mga mahahalagang opisyales ng Espaṅa tulad ng
gobernadorcillos at kapitan ay dumadalaw sa kanilang nasasakupan. Isang araw, may opisyal na nagpahatid sa
isang indiyo o katutubong kutsero upang bisitahin ang pook na kanilang nasakop. Sabi niya” PARA
AQUI!...PARA AQUI!…”. Kumunot ang noon ng kutsero sapagkat hindi niya naintindihan ang sinabi ng
opisyal. Nagtawanan ang mga nakarinig at nakaunawa sa salitang Espanyol. Sinigawan ng taong bayan ang
kutsero na “PARA AÑA AQUI!..Ihinto mo raw! “A…para anya aqui”, patawang sagot ng kutsero.
Simula noon, mula sa salitang PARA AÑA AQUI ay naging PARAÑAQUE na ang tawag sa lugar na
ito.

Pilipinas Thailand

pagkakatulad
3
B. Tukuyin ang pagkakaiba ng pang-abay na pamanahon, panlunan at pamaraan.Gamitin
ang organizer sa pagsagot.

Pamanahon Panlunan Pamaraan


Pang-abay

Tayain Natin

PAGSASANAY 1
Panuto: Basahing mabuti ang tanong at bilugan ang titik ng tamang sagot.
1. Paano naging prinsesa si Manorah sa palasyo ng Udon Panjah?
a. Siya ay anak ng isang prinsipe at prinsesa
b. Siya ang panganay kaya siya ang tagapagmana
c. Inibig at pinakasalan siya ng prinsipe ng palasyo
d. Siya ang iniluklok ng hari ng palasyo
2. Alin ang hindi katangian ng alamat batay sa binasang “Alamat ni Prinsesa Manorah”?
a. nagpapakita ng mga di-kapani-paniwalang pangyayari
b. nagsasalaysay ng mga makatotohanang pangyayari tungkol sa pandemya
c. inilahad kung saan nagmula si Prinsesa Manorah
d. nag-iwan ito ng mahalagang aral sa mga mambabasa
3. Alin ang hindi makatotohanang pangyayari sa kuwento kung iugnay ito sa tunay na buhay?
a. umusbong ang tunay na pag-ibig sa kabila ng pagkakaiba
b. pagiging makasarili at gahaman sa salapi
c. may namumuhay na mga kinnaree sa kagubatan
d. pagpapakasal sa dalawang taong nagmamahalan at mamuhay nang masaya’t
matiwasay
4. Sa pangungusap na “Masayang nagtampisaw sa ilog ang mga kinnaree tuwing panarasi”, alin ang
pang-abay na pamaraan?
a. masaya b. nagtampisaw c. sa ilog d. tuwing panarasi
5. Alin sa sumusunod na pangungusap ang ginagamitan ng pang-abay na pamanahon.
a. Sa kagubatan nanirahan an gang mga kinnaree.
b. Tuwing kabilugan ng buwan dumadalaw ang mga kinnaree sa ilog upang maligo.
c. Agad nagtungo si Prahnbun sa ermitanyo upang humingi ng tulong.
d. Itinali ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah.

Likhain Natin
Panuto: Sumulat ng sariling bersyon ng pinagmulan ng Covid 19. Gamitan ng hindi bababa sa 5
pang-abay at salungguhitan ang mga ito. Gawing gabay sa pagsulat ang rubrik sa ibaba.

Alamat ng Covid 19
Natamo nang lubusan Bahagyang Natamo
Rubrik/Pamantayan sa Pagmamarka 5 puntos 3 puntos
May sariling bersyon na maaaring makatotohanan o
di makatotohang pangyayari
Ginagamitan ng hindi bababa sa 5 pang-abay na
maaaring pamanahon, panlunan o pamaraan at
nakasalungguhit
May malinis at maayos na pagkasulat
Kabuoan ( 15 puntos)

You might also like