You are on page 1of 9

Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

ARALIN 1.2
Mahahalagang Kaisipan sa Karunungang-bayan
Talaan ng Nilalaman
Introduksiyon 1

Mga Layunin sa Pagkatuto 2

Kasanayan sa Pagkatuto 2

Simulan 2

Pag-aralan Natin 3
Mahahalagang Kaisipan sa Karunungang-bayan 4

Sagutin Natin 6

Subukan Natin 6

Isaisip Natin 6

Pag-isipan Natin 6

Dapat Tandaan 7

Mga Sanggunian 7

0
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Aralin 1.2
Mahahalagang Kaisipan sa
Karunungang-bayan

Lar. 1. Ang karunungang-bayan ay bahagi ng panitikang bayan ng mga sinaunang


katutubong Pilipino

Introduksiyon
Bawat isa sa atin ay siguradong nakarinig na ng mga salawikain o di naman kaya’y mga
kasabihan na paulit-ulit sinasabi sa atin ng ating mga lolo’t lola. Madalas na ito ay upang
magturo ng aral o magbigay ng isang paalala sa atin. Ang lahat ng ito ay kanilang kinalakihan
at pinaniniwalaang nakatulong nang malaki sa kanila kaya naman ay sinusubukan din nilang
ibahagi ito sa atin. Sa araling ito ay ating aalamin ang mahahalagang kaisipang taglay ng
ilang karunungang-bayan at kung paano ito magagamit sa ating buhay.

1
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Mga Layunin sa Pagkatuto


Sa araling ito, inaasahang matutuhan mo ang sumusunod:
● natutukoy ang mahahalagang kaisipang kaugnay ng karunungang-bayan;
at
● naipakikita ang ugnayan ng mga karunungang-bayan sa kasalukuyang
panahon.

Kasanayan sa Pagkatuto
Sa araling ito, ikaw ay inaasahang naiuugnay ang mahahalagang kaisipang
nakapaloob sa mga karunungang-bayan sa mga pangyayari sa tunay na buhay
sa kasalukuyan (F8PB-Ia-c-22).

Simulan
Hanapin Mo

Materyales
● internet
● cellphone, tablet, laptop, o computer
● kuwaderno at panulat

Mga Panuto
1. Gamit ang iyong sariling device ay maghanap sa internet ng tatlong salawikain,
sawikain, o bugtong na hindi mo pa nalalaman.
2. Isulat ang mapipiling tatlong salawikain sa iyong kuwaderno.
3. Matapos ay ibigay ang iyong sariling pagkakaunawa sa napiling mga salawikain.
4. Maaaring gawing gabay ang talahanayang ito:

2
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Talahanayan 1: Napiling salawikain at sariling pagkakaunawa

Salawikaing hindi pamilyar Sariling pagkakaunawa

1.

2.

3.

Mga Gabay na Tanong


1. Naunawaan mo ba agad ang napiling salawikain?
2. Paano mo ito binigyan ng sariling kahulugan?

Pag-aralan Natin

Mahahalagang Tanong
Mayroon bang mahalagang kaisipan ang mga karunungang-bayan? Bakit
patuloy na lumalaganap ang mga karunungang-bayan? Paano ito
magagamit sa ating tunay na buhay?

Ang mga karunungang-bayan ay kinapapalooban ng mga aral, kaugalian at kabutihang-asal


na maaring magamit sa buhay ng mga mambabasa. Kabilang ito sa pinakaunang anyo ng
tula kung kaya kabilang sa pangunahing elemento nito ang paggamit ng talinghaga. Sa
paggamit ng talinghaga, nagiging iba o malalim ang kahulugan ng ipinahahayag—higit pa sa
literal na kahulugan nito. Dito rin natin malalaman kung ano ang taglay na mahahalagang
kaisipan ng mga karunungang-bayan. Hindi ito tuwirang makikita kaya kailangang limiin ang
tunay na kahulugan at mensahe.

3
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Ang paggamit ng matatalinghagang pahayag ay isang kakaibang katangian na lalong


nagpaganda sa isang karunungang-bayan kaya naman nagpasalin-salin na ito at naging
bukambibig ng mga Pilipino na itinuturo at sinasambit ng mga nakatatanda hanggang sa
mga bagong henerasyon sapagkat ang mga kaisipang ng mga ito ay may kaugnayan sa mga
pangyayari sa buhay ng tao.Ang ilan ay tila pangaral na dapat sundin ng mga kabataan.
Maari ring maging gabay sa buhay ng tao.

Alamin Natin
bukambibig sinasambit o sinasabi

kaisipan karunungan

limiin pag-isipang mabuti

Mahahalagang Kaisipan sa Karunungang-bayan


Ang salawikain ay karaniwang isang pangungusap lamang na nahahati sa dalawang
taludtod, ang ilan ay gumagamit ng tugma. Naglalahad din ito ng mga panuntunan sa
buhay. Madalas na naririnig ang mga salawikain sa pagbibigay-aral. Ang mga pahayag na
ito ay gumagamit ng talinghaga kaya nararapat suriing mabuti ang nilalaman nito at
unawain.

1. Kapag may itinanim,


may aanihin.
Isa ito sa pinakapamilyar sa atin na salawikain. Maaari natin itong bigyan ng literal na
pagpapakahulugan na anumang ating itanim ay siguradong mayroon tayong aanihin
na kapaki-pakinabang. Ngunit sa mas malalim na pag-unawa, iba-iba ang maaaring
ipinahihiwatig nito. Maaring nangangahulugan ito na anumang bagay na ating gawin
ay mayroong ibubunga. Kung mayroon tayong isang bagay na pinaghirapan at
pinagsumikapan na makuha ay tiyak na magkakaroon ito ng magandang resulta, at

4
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

maaari itong magamit upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Puwede rin


itong mangahulugang, kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa ay ito rin ang babalik
sa iyo kaya’t kung nais mong mabuti ang mangyari sa iyo ay gumawa ka nang mabuti
sa iyong kapwa.
Sa panahon ng pandemya ay maaraming nawalan nang trabaho, kung ang isang tao
ay nagsumikap at nag-ipon ay may magagamit sila sa panahon ng pangagailangan.
Kung gumawa ka naman ng kabutihan at kung ikaw na ang nangangailangan ay
tutulungan ka rin ng mga taong iyong nagawan ng kabutihan.

2. Ang hindi lumingon sa pinanggalingan,


hindi makararating sa paroroonan.
Nais ipahiwatig ng salawikaing ito na kahit na gaano pa man tayo kahusay sa ating
ginagawa, kung hindi tayo magiging mapagkumbaba at hindi magpapasalamat sa
mga taong tumulong sa atin ay hindi pa rin natin makakamit ang tagumpay sa
bandang huli. Kung ikaw ay nagtagumpay na sa larangang iyong napili, balikan at
pasalamatan ang mga magulang, mga taong nag-aruga o tumulong sa iyo sa
pagkamit nito.

3. Anuman ang gagawin,


Makapitong isipin.
Ang lahat ng desisyon na ating gagawin ay dapat natin palaging pag-isipan nang
mabuti. Isipin ang maaaring maging epekto nito hindi lamang sa sarili kundi maging
sa ibang tao, dahil anumang kilos na ating gagawin ay hindi na mababawi. Sa
kasalukuyang panahon, maaari natin itong ihalintulad sa mga pahayag na ating
ilalahad o ipo-post sa internet. Laging isipin kung ang ibabahagi ba natin ay
makatutulong o makasasama lamang.

Mula sa mga inilahad na halimbawa ay makikita na madalas sa mga karunungang-bayan


tulad ng salawikain ay pumapaksa sa buhay ng tao. Ito ay nagtuturo ng kabutihan na
magiging gabay natin sa pang araw-araw na buhay.

5
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Sagutin Natin
Sagutin ang sumusunod na mga tanong:
1. Ano-ano ang mahalagang kaisipang madalas na taglay ng isang karunungang-bayan?
2. Sino-sino ang maaaring gumamit ng mahalagang kaisipang taglay ng isang
karunungang-bayan?

Subukan Natin
Bakit mahalagang masuri ang mga kaisipang nakapaloob sa mga
karunungang-bayan?

Isaisip Natin
Paano makatutulong ang karunungang-bayan sa isang kabataan na tulad mo?

Pag-isipan Natin
Piliin sa loob ng kahon ang pinakaangkop na katangiang nais ipahiwatig ng mga salawikain.

matipid masipag mayabang nagkakaisa matiyaga


matiisin mahinahon kabutihan matapat

________________ 1. Kapag maiksi ang kumot, / matutong mamaluktot.

6
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

________________ 2. Kapag may isinuksok, / may madudukot.

________________ 3. Kung gaano kataas ang lipad, / gayon din ang lagapak ‘pag
bagsak.

________________ 4. Nasa Diyos ang awa, / nasa tao ang gawa.

________________ 5. Ang mabigat ay gumagaan / kapag pinagtutulungan.

________________ 6. Matibay ang walis, / palibhasa’y magkabigkis.

________________ 7. Ang pagsasabi ng tapat / ay pagsasama ng maluwat.

________________ 8. Kung walang tiyaga, / walang nilaga.

________________ 9. Ang magalang na sagot, / ay nakapapawi ng poot.

________________ 10. Ang magandang asal, / ay kabang ng yaman.

Dapat Tandaan

● Ang mga karunungang-bayan ay hindi lamang sumusubok sa ating isip kundi


nagbibigay rin ng mga mahahalagang kaisipang maaaring magamit sa tunay na
buhay.
● Ang mga salawikain ay isang karunungang-bayan na madalas nagtataglay ng mga
kaisipang makatutulong sa atin upang maging isang mabuting tao. Halimbawa ay
pagiging masipag, mapagkumbaba, maingat, at iba pa.

Mga Sanggunian
Arevalo, Miguel Victor. Tekstong Patnubay sa Pag-aaral ng Gramatika. Quezon City: C & E.

7
Filipino

Baitang 8 • Yunit 1: Karunungang-bayan

Publishing Inc., 2002.

Arrogante, Jose et.al. Panitikang Filipino (Antolohiya) Binagong Edisyon. Mandaluyong City:
National Bookstore, 2004.

Badayos, Paquito. Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkatuto ng/ sa Filipino (Mga Teorya,


Simulain at Istratehiya). Valenzuela City: Mutya Publishing House, 2008.

Lazaro, Nina Christina at Lydia B. Liwanag. Interaktibong Modyul sa Filipino. Quezon City:
New Star Publishing House, 2006.

Santiago, Alfonso O. at Norma G. Tiangco. Makabagong Balarilang Filipino. Manila: Rex Book
Store, 1991.

You might also like