You are on page 1of 1

Ang Tekstong Prosidyural

Ang tekstong prosidyural ay isang espesyal na uri ng tekstong ekspositori. Inilalahad


nito ang serye o pagkakasunod-sunod ng mga hakbang sa pagbuo ng isang gawain upang
matamo ang inaasahan.
Ito ay karaniwang tumutugon sa tanong na “paano?". Nagpapaliwanag ito kung
paano ginagawa ang isang bagay. Layunin nitong maipabatid ang mga wastong hakbang na
dapat isagawa. Ang wastong pag-unawa sa mga prosidyur ang gagabay sa atin upang
matagumpay na maisagawa ang isang bagay.
Hindi sapat na marunong lamang umunawa sa mga tekstong prosidyural, dapat ding
magkaroon ng kakayahang sumulat ng isang prosidyur na mauunawaan ng lahat. Kailangan
ding malawak ang kaalaman ng manunulat sa paksang tatalakayin. Nararapat na malinaw at
tama ang pagkakasunod-sunod ng dapat gawin upang hindi malito o magkamali ang
gagawa nito. Mahalaga ang detalyado at tiyak na deskripsyon (hugis, laki, kulay, dami,
atbp). Ang isa pang dapat tandaan ay ang paggamit ng mga payak ngunit angkop na
salitang madaling maunawaan ng sinumang gagawa. Gumamit ng tiyak na pandiwa para sa
instruksyon. Nakatutulong din ang paglalakip ng larawan o ilustrasyon kasama ng mga
paliwanag upang higit na maging malinaw ang pagsasagawa sa mga hakbang.
May mga salitang nagiging hudyat upang malaman ang susunod na mga dapat
gawin. Panandang pandiskurso ang tawag sa mga salitang ito. Ang ilan sa mga halimbawa
ng mga salitang naghuhudyat ng pagkakasunod-sunod ay unang hakbang, ikalawang
hakbang; pagkatapos, sa huli, ang susunod, kasunod, at iba pa.
Nararapat na maisulat ang tekstong prosidyural sa paraang mauunawaan ng lahat
dahil pangunahing layunin nitong maipaliwanag nang mabuti ang isang gawain upang
maisagawa ito nang maayos at tumpak.

HALIMBAWA:
Ang Paggawa ng Parol
Mga kakailanganin:
10 patpat ng kawayan, ¼ pulgada ang lapad at 10 pulgada ang haba
4 na patpat ng kawayan,1/4 pulgada lapad at 3 ½ pulgada ang haba
Papel de hapon o cellophane
Tali
Unang Hakbang:
Bumuo ng dalawang bituin gamit ang mga patpat ng kawayan.
Ikalawang Hakbang:
Pagkabitin ang mga dulo ng kawayan gamit ang mga inihandandang tali.
Ikatlong Hakbang:
Ilagay sa gitna ng pinagkabit na kawayan ang apat na patpat ng kawayan para
lumobo ang balangkas ng iyong parol.
Ikaapat na Hakbang:
Balutin ng papel de hapon o cellophane ang balangkas ng parol.
Kung nais mong gumamit ng iba’t ibang kulay ay puwede. Maaari mong gamitin ang
pagiging malikhain mo.

Ikalimang Hakbang:
Maaari mong palamutian ang iyong parol ng mga palara.
Maganda rin kung lagyan ito ng buntot na gawa sa papel de hapon.

You might also like