You are on page 1of 2

BurnAWTS GEGE:

Mitsa Ng Academic Burnout, Paano Nga Ba Malalaman?

Pagod? Tsek! Puyat? Tsek! Pamumutla’t Pagkahilo? Tsek! Kawalan ng ganang magpatuloy sa buhay?
Tsek na Tsek! Baka senyales na yan ng isang malalang burnout, o labis na pagkapagod ng isang lipon ng
mga tao dulot ng kanyang kapaligiran, trabaho, pampersonal na isyu, o maging pag-aaral. Hindi ligtas ang
mga chikiting tulad ng mag-aaral sa banta ng burnout lalo pa’t tuloy-tuloy ang pag-iral ng Online Classes
na talagang naging sanhi ng pagkawasak ng pangkaisipan at pisikal na kalusugan ng karamihan. Ngunit,
hindi pa huli ang lahat upang daigin ang Academic Burnout na nararanasan ng bawat isa.

Kaya lods, upang maiwasan ang Academic Burnout, napakahalagang matukoy kung ikaw ba’y
nakararanas nito o nasa bingit ng tuluyang pagkahulog dito. Ingatan ang sarili at suriin kung ikaw ba’y
mayroong S.H.A.W.T.Y.

Sawa nang bumangon at magpatuloy sa mga gawain


Dulot ng labis na pisikal, emosyonal, at mental na kapaguran, nababawasan ng burnout ang enerhiya't
lakas ng isang mag-aaral. Nang dahil sa pagbaba ng produktibidad, nawawalan din ng gana ang mga
estudyante na pumasok sa eskwela o makiisa sa mga pampaaralang aktibidad.

Hindi maituon ang sarili sa mga takdang aralin


Ang kawalan ng pokus sa loob at labas ng klase ay isa sa mga pangunahing indikasyon ng academic
burnout. Kapag nalula na sa gabundok na mga gawain at responsibilidad, maituturing nang isang
pagsubok ang pagpapanatili sa tuon at atensyon. Bunsod nito, nahihirapan ang mga mag-aaral na tapusin
o simulan ang kani-kanilang mga aralin na humahantong sa mahabang oras ng paggawa o pagpapasa nang
lagpas sa itinakdang oras.

Antok, Pagod, Pagkabalisa, at Pagkakasakit


Gawa ng pakikipagharap sa mga patong-patong na gawaing pampaaralan, nauubos ang lakas ng mga
kabataan na humahantong sa matinding kapaguran, pisikal man o emosyonal. Dahil nahihigop ng tensyon
at stress ang iyong enerhiya, kakailanganin ng katawang humanap ng paraan upang mabawi iyon. Isang
magandang halimbawa ang pagtulog. Kapag tuloy-tuloy ang pagod, tuloy-tuloy rin ang pagkaramdam ng
antok oras-oras. Tuwing nakadarama naman ng sunod-sunod na pag-aalala nang dahil sa ating mga marka
o kalagayan sa paaralan, mas tumataas ang tyansang magkaroon ng pagkabalisa at pagbilis ng takbo ng
puso. Bukod pa sa mga ito, nagdudulot din ng mga karamdaman tulad ng pagkahilo, pagsakit ng ulo, o
hirap sa paghinga ang labis na pagod.

Wala nang motibasyon at gana sa mga bagay na dati’y pinaggugugulan ng oras


Madalas madismaya ang mga mag-aaral sa tuwing nakikita nilang bumababa ang kalidad ng kanilang
mga awtput at pakikilahok sa klase. Kapag nakadarama na ng sobrang pagod, nawawalan ng gana ang
mga ito na ipagpatuloy ang mga aktibidad na madalas nilang pagtuunan ng pansin noon gawa ng bigat ng
damdaming pasan-pasan ng mga ito. Maaari nilang isipin na sayang lamang sa lakas at oras ang patuloy
na pagbibigay ng kanilang makakaya kung hahantong lamang ito sa hindi kasiya-siyang resulta. Isang
senyales ng burnout ang dahan-dahang pagkawala ng interes sa lahat ng bagay.
Tuluyang pagbaba ng grado at kalidad ng mga gawain sa eskwela
Nangyayari ang burnout sa tuwing nadarama ng isang estudyante na sobra-sobra na ang kanyang mga
gawain at pananagutan sa paaralan na humahantong naman sa kawalan ng abilidad na ibalanse ang oras at
responsibilidad. Dulot nito, nababawasan ang kanilang kakayahang isakatuparan ang ilan sa mga takda't
proyekto sa loob ng klase na nagdudulot ng pagbagsak ng kanilang grado sa bawat asignatura. Bunsod rin
ng pagod at pagkabalisa, bumababa rin ang kalidad ng kanilang mga gawa. Tumatalima ang mga
estudyante hindi upang matuto, kundi para makapagpasa na lamang.

Yamot sa sarili, sa kapwa, at sa ginagawa


Sa tuwing maiinis ang isang mag-aaral dahil sa kanyang kawalan ng kakayahang magpokus sa klase o
makihalubilo sa kanyang mga kapwa estudyante, natural lamang na magkaroon ng pagkadismaya at
pagka-irita. Dulot ng patuloy na pagkaramdam ng kabiguan, mas nagiging sensitibo ang isang mag-aaral
sa kanyang paligid na humahantong naman sa kabilisang mainis o magalit.

Ops, hinay-hinay lang, lodicakes! Tumatakbo man ang oras at umaapaw ang mga gawain, maglaan pa rin
ng oras upang piliin ang kalusugan at kalagayan. Sa mga panahong labis-labis na ang emosyong
nadarama dulot ng pagbagyo ng mga gampanin, pahinga ang dapat nating alalahanin. Wala nang iba pang
mas mahalaga kundi ikaw. Hindi umiikot ang mundo sa larangan ng akademiya, kung kaya't matutong
kumawala paminsan-minsan o kahit saglit-saglit pa. Tiwala lamang at maiaahon mo rin ang iyong sarili sa
bawat pagsubok na dala-dala. Kasangga mo kami, isko't iska!

You might also like