You are on page 1of 2

Koronang Laurel: Isang Hamon sa mga Kabataan

Ano na nga bang kalagayan ng mga may suot ng koronang laurel sa Pilipinas? Ito ang

binigyang-diin ng Ari: My Life With a King sa epektibong pagtalakay nito ng sining at wika na

waring unti-unti nang kinalilimutan ng kasalukuyang henerasyon. Marahil sa unang tingin ay

napakasimple lang ng pelikula, ngunit ito’y puno ng pagsusumamo sa mga kabataan na itaguyod

ang sariling wika upang mabatid ang angkin nitong kapangyarihan at kagandahan.

Sa simula pa lang ay mapapansin na ang malaking pagkakaiba ng karakter ni Jaypee

(nagsilbing representasyon ng mga kabataan) at ang ni Conrado “Dado” Guinto, ang hinirang na

ari o hari ng mga poeta. Si Jaypee ay nakaka-intindi ng Kapampangan ngunit nakikipag-diskurso

lang gamit ang Tagalog samantalang si Mang Dado ay parating Kapampangan ang ginagamit sa

pakikipagtalastasan at kalimitan pa nga ay may berso ito. Napakaganda nga ng sinabi ni Mang

Dado ukol sa wika na siyang nakita kong diwa ng pelikula: “Kinakausap kita gamit ang

Kapampangan at sumasagot ka gamit ang Tagalog, gayon pa man ay naiintindihan pa rin natin ang

isa’t isa.” Nabigyang-diin nito ang kapangyarihan ng wika na maging tulay upang magkaintindihan

ang mga tao. Gayunpaman, mapapansin sa isang eksena ang pagwawalang-bahala ng mga tao sa

sining at sa sariling wika nang tumula si Mang Dado matapos niyang tanggapin ang isang parangal.

Karamihan ay hindi na nakikinig. At kung ihahambing ito sa naging reaksyon ng mga manonood

sa pagtatanghal ng ibang estudyante ng sayaw ay mababatid na mas interesado sila sa pag-indak

sa mga international hiphop songs at mas malakas ang palakpak nila para rito. Sa ganitong paraan

ay natalakay ng pelikula ang katotohanang ganoon ang reaksyon nating mga Pilipino sa ating mga

sariling literary heritage na nanganganib nang mawala at pinanghahawakan na lamang ng

kaunting bilang ng mga matatanda. Bagamat ito’y nakalulungkot, ito rin ang katotohanang

kinahaharap ngayon ng mga katutubong wika. Dagdag pa riyan, hindi na rin nakagigitla ang

pagkaka-iba ng turing sa mayor at sa mga poeta. Habang si mayor ay tinatratong VIP o Very
Important Person, ang mga poeta ay wala man lang masakyan pauwi. Ito’y repleksyon ng

impoverished o mahirap na kalagayan ng sining sa Pilipinas. Kung tutuusin nga ay ang mga poeta

dapat binibigyang tuon at itinuturing na bayani dahil ang serbisyong ginagawa nila sa ating wika

at kultura ay hindi mapapantayan ng salapi. Mahihinuha rin dito ang katotohanang kulang ang

suporta ng gubyerno sa sining—gaya ng crissotan—kahit na ito ay tatak ng mayamang kultura.

Pinagtatanghal lang ang mga poeta tuwing may espesyal na okasyon ngunit hindi ito sapat upang

mapanatiling buhay ang kanilang sining sapagkat hindi lang dapat natatapos sa pagtatanghal ang

pagpapahalaga sa ating literary heritage, dapat itong sinasanay at nililinang. Mahalaga ring

mabatid na hindi kailanman pinahiwatig ng pelikula ang supremacy ng kapampangan. Hindi

minaliit ang Tagalog o ang banyagang wika kagaya ng Ingles. Bagkus ay epektibong tinalakay

nito ang kapangyarihan ng wika.

Mapapansin din ang madalas na pag-inom ni Mang Dado na para bang ipinagluluksa niya

ang unti-unting pagkamatay ng sining. At nakalulungkot lang na isipin na ang isang kagaya niyang

maituturing na “culture bearer” ay naghihikahos sa buhay tulad ng paghihikahos ng sariling wika

at kultura. Isa ring umuulit na tema ang layo o distansiya ng mga lugar kaya naman parating

ginagamit ni Jaypee ang kanyang motor lalo na sa mala disyertong bayan na baon pa rin sa lahar.

Maaari itong ihalintulad sa pagkakaiba ng kasalukuyang henerasyon sa mga kagaya ni Dado,

malayo ang agwat at kinakailangan ng pagsusumikap upang magtagpo. At sa pagtatagpo ay

mamumulat ang isa sa kagandahan ng sariling wika.

At panghuli, napakalakas na mensahe rin ang naipabatid ng pagpatong ni Miding ng

koronang laurel sa ulo ni Jaypee. Ito ang eksena na punong-puno ng pag-asa sapagkat hindi pa huli

ang lahat hangga’t may kabataang nakababatid at nagpapahalaga ng sariling wika. Ang eksenang

iyon ay nagsisilbing hamon sa mga kabataan katulad ko na pagyamanin at ipagmalaki ang sariling

kultura at suotin ng taas-noo ang koronang laurel.

You might also like