Professional Documents
Culture Documents
09 CL PPIITTP WT Aralin-4 083121
09 CL PPIITTP WT Aralin-4 083121
PAGSASANAY B
1
Kung hindi ka nagbabasa, hindi mo malalamang siya pala si Raul Rafael Ingles na isang
makata’t peryodista. Aakalain mong ang tanging alam lang niya ay ang pag-iimprenta ng
publikasyon. Hindi kasi siya ang tipong ipinagyayabang sa mga estudyante ang mga nagawa
niya, pati na ang iba pa niyang aktibidad sa labas ng UP. Para sa kanya, mas mahalaga ang
makapagturo ng kursong hinahawakan niya. Ang anumang ibinabahagi niya sa klase ay may
kaugnayan lang sa paksa.
Kung mayroong partikular na araw sa semestreng iyon na natatandaan ko, ito ay ang
pagbisita namin sa UP Press na noo’y may mga makina pang ginagamit sa pag-iimprenta.
Kahit na medyo alam ko na ang proseso ng pag-iimprenta noon bilang bahagi ng Philippine
Collegian (opisyal na publikasyon ng mga estudyante ng UP Diliman), aaminin kong marami
akong natutuhan mula sa kanyang aktwal na demonstrasyon kung paano nangyayari ang bawat
bahagi ng paglilimbag. Ganoon siya kahusay na guro – kaya niyang pagsamahin ang teorya at
praktika para mas maintindihan ng mga estudyante ang mga paksa.
Sa labas ng klase, kapansin-pansin ang kanyang kabaitan. Nahihiya man ang karamihan
noong makipag-usap sa kanya dahil sa kanyang pormal na hitsura, may mangilan-ngilan din
namang naglalakas-loob. Tinanong ko siya noon kung ano ang grado ng kanyang makapal na
salamin. Bago siya sumagot, tinanggal niya ang salamin niya para ipakita sa akin kung gaano ito
kakapal. Sa aking pagkakaalala, binanggit niyang 1,500 ang grado ng salamin niya kaya hindi na
siya makakakita kung hindi niya suot ito. At sa hindi pormal na pakikipag-usap sa kanya, doon ko
napansin ang isang bagay: Sa loob at labas ng klasrum, kaya niyang makisalamuha kahit sa mga
mas bata pa sa kanya.
Natapos ang semestre at nakakuha ako ng mataas na marka sa Comm 108. At nang
makapagtapos ako sa UP at makapagtrabaho sa iba’t ibang non-government organization (NGO)
noong unang bahagi ng dekada 90, tuluyan na akong nawalan ng komunikasyon sa kolehiyong
naging “tahanan” ko. Kahit na naging part-time na guro ako sa UP CMC noong huling bahagi
ng dekada 90, bihira pa rin akong sumali sa mga aktibidad ng kolehiyo dahil madalas na tuwing
Sabado lang naman ang mga klase ko.
Nang maging bahagi ako ng regular na faculty ng UP CMC noong 2001, aaminin kong noon
ko lang nalaman na si Ingles pala ay nagretiro na at naging professor emeritus noon pang 1990.
Ang Comm 108 pala namin ay isa sa mga huling klaseng hinawakan niya bago ang kanyang
pagreretiro. At dahil bagong pasok ako sa UP CMC, wala akong sariling opisina dahil limitado ang
pasilidad ng Departamento ng Peryodismo. Pero wala akong naging problema sa sitwasyong ito
dahil ang naging kasama ko sa opisina ay si Ingles na noo’y 11 taon nang retirado. Kadalasan,
solo ko ang opisina pero komportable rin naman akong nagtatrabaho tuwing dumaraan siya para
tingnan ang kanyang mga gamit at tahimik na magsulat.
Masasabing bahagi pa rin siya ng UP CMC hindi lang sa kanyang pagiging kauna-unahang
professor emeritus kundi sa pagbibigay niya ng payo sa ilang polisiyang may kinalaman sa
mahahalagang proyekto. Hindi ko na babanggitin ang lahat ng detalye, pero tandang-tanda ko
ang suportang ibinigay niya sa paglalabas ng kauna-unahang refereed journal ng UP CMC,
ang Plaridel: A Journal of Philippine Communication, Media and Society. Sa katunayan, nagsalita
pa siya noong Pebrero 2004 sa paglulunsad ng unang isyu para purihin ang kolehiyo sa inisyatibang
ito. Tulad ng kanyang paraan ng pagtuturo sa amin noong 1989, naging mapagkumbaba siya sa
pagkukuwento ng kanyang kapanahunan, lalo na ang kanyang 20 taong pagtuturo sa UP CMC.