Repleksyon sa liham ni Rizal para sa mga kababaihan ng Malolos
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa sinaunang
lipunang Pilipino bago ang pananakop ng mga Espanyol. Sa katunayan, ayon sa artikulo ni Zeus Salazar, ang mga babaylan ang pinakasentral na personahe ng sinaunang lipunang Pilipino. Ang mga kababaihang ito ang pinakamaalam sa larangan ng medisina at ispiritwalidad. Sila rin ang may praktikal at teoretikal na kaalaman sa mga penomeno ng kalikasan. Alam nila kung kalian pinakamainam na magtanim at mag-ani ng palay at iba pa, kaya naman sila ang katuwang ng mga datu sa pamamahala sa agrikultura ng baranggay. Ngunit, nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas at lumaganap ang Kristiyanismo sa bansa, ang mga kababaihan ay naging bahagi na lang ng simbahan, mga manang na taga-areglo ng mga prusisyon, tagadala ng mga bulaklak sa altar, at mga dalagang tila inalay sa simbahan upang tumulong sa mga pari sa mga gawain nito. Sa madaling salita, kaunti ang naging papel ng mga kababaihan sa lipunang kolonyal na Kastila at sila’y natali sa gawaing pangtahanan at simbahan. Naging labis ang paggalang sa pari at tila naging alipin sa mga utos ng pari ang mga kababaihan. Bulag silang sumusunod sa simbahan. Gayunpaman, maraming salik ang dapat na isaalang-alang kung bakit mabilis na napasusunod ng simbahan ang mga kababaihang Pilipino. Marahil nabulag sila ng pangakong paraiso sa langit, maaari ring dahil sa likas nilang kabaitan, o sa pinurol nilang mga isipan. Ipinagkait sa kanila na makibahagi sa mga gawaing intelektwal o pag-aralan ang mga modernong propesyon na dahilan ng pagkabansot ng kanilang isipan. Madadama sa liham na ito ni Rizal ang kanyang pambabatikos sa mga pari na ginagamit ang mga talata sa bibliya para sa kanilang pansariling interes. Pinaaalalahanan niya ang mga Pilipino, lalo na ang mga kababaihan, na huwag magpalinlang, na ang salita at utos ng mga pari ay hindi dapat itumbas sa salita at utos ng Diyos. Ayon sa kanya, ang pari ay hindi diyos, dahil kahit si Hesus ay hindi ibinibigay ang kanyang kamay para halikan ng kanyang mga disipolo. Sa katunayan, sa isang talata sa bibliya na aking natatandaan ay ikinuwento kung gaano nagpapakababa at paano ipinaghugas pa ng paa ni Hesus ang kanyang mga tagasunod. Sumasang-ayon ako kay Rizal, na ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos ay hindi nakabase sa haba ng panalangin, sa tagal ng pagluhod sa simbahan, o sa laki ng bitbit na rosaryo, sa halip ay sa pagsasabuhay ng kautusan ng Diyos, tulad ng pagiging tapat, pagkakaroon ng dalisay na intensyon, at matuwid na mga gawa. Para sa akin, ang tunay na may relasyon sa Diyos ay ang mga taong tumutulong sa kanilang kapwa, tumulong sa mahihirap at nagpapakain sa mga nagugutom. Para sa akin, kasumpa- sumpa ang mga nagbibingi-bingihan sa mga humihingi ng tulong at sumisigaw ng hustisya, ang mga humahamak sa mga dukha habang nagpapakabanal sa simbahan. Mga ipokrito. Hindi lingid sa ating kaalaman na noong panahon ng Espanyol, naging mababa ang tingin at ekspektasyon sa mga kababaihan. Nakikita ang mga kababaihang Pilipino bilang mga alagad ng simbahan na walang ibang alam gawin kundi ang magdasal, sumambit ng nobena, umawit ng mga kantang pangsimbahan, umasa sa mga himala, at maglaro ng mga baraha. Ngunit gaya ng nabanggit ko, maraming salik ang dapat tignan sa kung bakit natali ang mga kababaihan sa gawaing pangsimbahan at tahanan. Gayunpaman, natibag din ang kaisipang ito ng mga tao na ang mga kababaihan ay hanggang tahanan at simbahan lang. Noong Disyembre 12, 1888, isang komite ng dalawampung kabataang babae sa Malolos, Bulacan ang naghain kay Gobernador- Heneral Valeriano Weyler ng isang petisyon para sa awtorisadong pagagbubukas ng isang paaralan kung saan malayang makapag-aaral ng lenggwaheng Espanyol ang mga kababaihan tuwing gabi pagtapos ng kanilang mga gawain sa tahanan at simbahan. Hindi naman nakapagtatakang dismayado ang mga kura paroko sa naging desisyon ng mga kababaihang ito dahil ayaw nilang maging intelektwal ang mga kababaihan Pilipino dahil batid nila ang kayang gawin ng mga ito. Ngunit para kay Rizal, ang ginawa ng mga kababaihan ng Malolos ay isang pag-abante, isang malaking hakbang sa paglaban para sa karapatan ng mga kababaihan, pagpiglas sa tanikala ng kolonyalismong matagal nang gumagapos sa kanila. Batid ni Rizal ang malaking maitutulong ng mga kababaihan sa pagbabago at pag-usad ng lipunang Pilipino, mula sa pagiging unang pinagmumulan ng kaalaman ng kanilang mga anak, hanggang sa kakayahan nitong magmulat ng mga isipan. Naniniwala siya sa kakayahan ng mga kababaihan na buksan ang isipan ng kanilang mga anak at asawa upang ingatan ng mga ito ang kanilang karangalan, mahalin ang kanilang kapwa at sariling bayan, at gawin ang kanilang mga tungkulin para itaguyod ang bayan. Batid ni Rizal na ang pagkakait sa kababaihan ng mga aklat upang sila ay hindi matuto ay sadya ng mga manunupil na Kastila upang lumabo ang natural na ningning at pumurol ang isipan ng mga kababaihang Pilipino. Kaya naman, nagpadala siya ng liham sa mga kababaihan ng Malolos, na sa tingin ko ay para rin sa lahat ng kababaihan at kabataan, upang himukin silang ipaglaban ang kanilang karapatan lalo na sa edukasyon, kumawala sa tanikala ng kolonyalismo, at makiisa sa pagbuo ng malaya at progresibong bayan.
Sanggunian
1. Salazar, A. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Inilathala bilang Bagong
Kasaysayan, Lathalain Bilang 4. Quezon City: Palimbagan ng Lahi, 1999. 2. Jose Rizal's letter to the 20 young women of Malolos. The Kahimyang Project. Mula sa https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1727/jose-rizals-letter-to-the-20-young- women-of-malolos-translation-from-tagalog 3. Today in Filipino history, December 12, 1888, 20 young women of Malolos requested to open a night school for Spanish language. The Kahimyang Project. Mula sa https://kahimyang.com/kauswagan/articles/812/today-in-philippine-history-december-12- 1888-20-young-women-of-malolos-requested-to-open-a-night-school-for-spanish- language