You are on page 1of 24

10

Filipino 10
Unang Markahan – Modyul 2:
TUNGKONG LANGIT AT ALUNSINA
Sub-Aralin: Pagtukoy sa Mensahe at Layunin ng Akda at
Pagpapahayag ng Sariling Opinyon
Filipino – Ikasampung Baitang
Alternative Delivery Mode
Unang Markahan – Modyul 2: Tungkong Langit at Alunsinagan
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anumang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayunpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung
ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan
ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito
ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito
upang makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng mga
tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anumang gamit maliban
sa modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga
ito.

Walang anumang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa


anumang paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul


Manunulat: Champberlyn F. Lumagas
Editor: Clinton T. Dayot, Ana Melissa T. Venido, Gelyn I. Inoy, Melle L. Mongcopa,
Shem Don C. Fabila, Arlene L. Decipolo
Tagasuri: Ana Melissa T. Venido, Gelyn I. Inoy, Melle L. Mongcopa, Shem Don C.
Fabila, Arlene L. Decipolo, Clinton T. Dayot, Christopher D. Montecino, Dustin Kieth P.
Jagunos, Corazon N. Ras, Freddie E. Ibaǹez, Rico C. Taǹesa
Tagalapat: Romie G. Benolaria, Ma. Lourdes E. Peronce
Tagapamahala: Senen Priscillo P. Paulin, CESO V Renante A. Juanillo
Fay C. Luarez, TM, Ed.D., Ph.D. Rosela R. Abiera
Nilita L. Ragay, Ed.D Maricel S. Rasid
Adolf P. Aguilar, CESE Elmar L. Cabrera

Inilimbag sa Pilipinas ng ________________________

Department of Education –Region VII Schools Division of Negros Oriental

Office Address: Kagawasan, Ave., Daro, Dumaguete City, Negros Oriental


Tel #: (035) 225 2376 / 541 1117
E-mail Address: negros.oriental@deped.gov.ph
10

Filipino
Unang Markahan – Modyul 2:
TUNGKONG LANGIT AT ALUNSINA
Sub-Aralin: Pagtukoy sa Mensahe at Layunin ng Akda at
Pagpapahayag ng Sariling Opinyon
Paunang Salita
Para sa tagapagdaloy:

Malugod na pagtanggap sa asignaturang Filipino 10 ng Alternative Delivery


Mode (ADM) Modyul para sa araling Tungkong Langit at Alunsina!

Ang modyul na ito ay pinagtulungang dinisenyo, nilinang at sinuri ng mga


edukador mula sa pambuliko at pampribadong institusyon upang gabayan ka, ang
gurong tagapagdaloy upang matulungang makamit ng mag-aaral ang pamantayang
itinakda ng Kurikulum ng K to12 habang kanilang pinanagumpayan ang pansarili,
panlipunan at pang-ekonomikong hamon sa pag-aaral.

Ang tulong-aral na ito ay umaasang makauugnay ang mag-aaral sa mapatnubay at


malayang pagkatuto na mga gawain ayon sa kanilang kakayahan, bilis at oras.
Naglalayon din itong matulungan ang mag-aaral upang makamit ang mga
kasanayang pan-21 siglo habang isinasaalang-alang ang kanilang mga
pangangailangan at kalagayan.

Bilang karagdagan sa materyal ng pangunahing teksto, makikita ninyo ang kahong


ito sa pinakakatawan ng modyul:

Mga Tala para sa Guro


Ito'y naglalaman ng mga paalala,
panulong o estratehiyang magagamit sa
paggabay sa mag-aaral.

Bilang tagapagdaloy, inaasahang bibigyan mo ng paunang kaalaman ang mag-


aaral kung paano gamitin ang modyul na ito. Kinakailangan ding subaybayan at
itala ang pag-unlad nila habang hinahayaan silang pamahalaan ang kanilang
sariling pagkatuto. Bukod dito, inaasahan mula sa iyo na higit pang hikayatin at
gabayan ang mag-aaral habang isinasagawa ang mga gawaing nakapaloob sa
modyul.

ii
Para sa mag-aaral:

Malugod na pagtanggap sa Filipino 10 ng Alternative Delivery Mode (ADM)


Modyul ukol sa Tungkong Langit at Alunsina!

Ang kamay ay madalas gamiting simbolo ng kakayahan, aksyon at layunin. Sa


pamamagitan ng ating mga kamay tayo ay maaaring matuto, lumikha, at
magsakatuparan ng gawain. Ang kamay sa tulong-aral na ito ay sumisimbolo na
ikaw, bilang isang mag-aaral, ay may angking kakayahang matutuhan ang mga
kaugnay na kompetensi at kasanayan. Ang iyong pang-akademikong tagumpay ay
nakasalalay sa iyong sarili o sa iyong mga kamay.

Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin


nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan.
Hangad din nitong madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa
pagkatuto.

Ang modyul na ito ay may mga bahagi at icon na dapat mong maunawaan.

Alamin Sa bahaging ito, malalaman mo ang mga


dapat mong matutuhan sa modyul.

Subukin Sa pagsusulit na ito, makikita natin kung


ano na ang kaalaman mo sa aralin ng
modyul. Kung nakuha mo ang lahat ng
tamang sagot (100%), maaari mong
laktawan ang bahaging ito ng modyul.

Balikan Ito ay maikling pagsasanay o balik-aral


upang matulungan kang maiugnay ang
kasalukuyang aralin sa naunang leksyon.

Tuklasin Sa bahaging ito, ang bagong aralin ay


ipakikilala sa iyo sa maraming paraan tulad
ng isang kuwento, awitin, tula, pambukas
na suliranin, gawain o isang sitwasyon.

Suriin Sa seksyong ito, bibigyan ka ng maikling


pagtalakay sa aralin. Layunin nitong
matulungan kang maunawaan ang bagong
konsepto at mga kasanayan.

Pagyamanin Binubuo ito ng mga gawaing para sa


malayang pagsasanay upang mapagtibay
ang iyong pang-unawa at mga kasanayan sa
paksa. Maaari mong iwasto ang mga sagot
mo sa pagsasanay gamit ang susi sa
pagwawasto sa huling bahagi ng modyul.

iii
Isaisip Naglalaman ito ng mga katanungan o
pupunan ang patlang ng pangungusap o
talata upang maproseso kung anong
natutuhan mo mula sa aralin.

Isagawa Ito ay naglalaman ng gawaing


makatutulong sa iyo upang maisalin ang
bagong kaalaman o kasanayan sa tunay na
sitwasyon o realidad ng buhay.

Tayahin Ito ay gawain na naglalayong matasa o


masukat ang antas ng pagkatuto sa
pagkamit ng natutuhang kompetensi.
Karagdagang Sa bahaging ito, may ibibigay sa iyong
Gawain panibagong gawain upang pagyamanin ang
iyong kaalaman o kasanayan sa natutuhang
aralin.

Susi sa Pagwawasto Naglalaman ito ng mga tamang sagot sa


lahat ng mga gawain sa modyul.

Sa katapusan ng modyul na ito, makikita mo rin ang:

Ito ang talaan ng lahat ng pinagkuhanan sa


Sanggunian
paglikha o paglinang ng modyul na ito.

Ang sumusunod ay mahahalagang paalala sa paggamit ng modyul na ito:


1. Gamitin ang modyul nang may pag-iingat. Huwag lalagyan ng
anumang marka o sulat ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit
ng hiwalay na papel sa pagsagot sa mga pagsasanay.
2. Huwag kalimutang sagutin ang Subukin bago lumipat sa iba pang
gawaing napapaloob sa modyul.
3. Basahing mabuti ang mga panuto bago gawin ang bawat pagsasanay.
4. Obserbahan ang katapatan at integridad sa pagsasagawa ng mga
gawain at sa pagwawasto ng mga kasagutan.
5. Tapusin ang kasalukuyang gawain bago pumunta sa iba pang
pagsasanay.
6. Pakibalik ang modyul na ito sa iyong guro o tagapagdaloy kung tapos
nang sagutin lahat ng pagsasanay.
Kung sakaling ikaw ay mahirapang sagutin ang mga gawain sa modyul na
ito, huwag mag-aalinlangang konsultahin ang inyong guro o tagapagdaloy.
Maaari ka rin humingi ng tulong sa iyong mga magulang, sa nakatatanda
mong kapatid o sino man sa iyong mga kasama sa bahay na mas
nakatatanda sa iyo. Laging itanim sa iyong isipang hindi ka nag-iisa.

iv
Umaasa kami, sa pamamagitan ng modyul na ito, makararanas ka ng
makahulugang pagkatuto at makakakuha ka ng malalim na pang-unawa sa
kaugnay na mga kompetensi. Kaya mo ito!

v
ALAMIN

TUNGKONG LANGIT AT ALUNSINA


Mitolohiyang mula sa Panay

MGA KASANAYANG
PAMPAGKATUTO

1. Natutukoy ang mensahe at layunin ng napanood na cartoon ng isang


mitolohiya (F10PD-Ia-b-61)
2. Naipahahayag ang sariling opinyon sa paksang tinalakay (F10PS-Ia-b-64)

PANIMULA

Magandang araw! Kumusta ka sa araw na ito? Tingin ko’y


nasiyahan ka sa pagsagot sa mga naunang gawain para sa unang
linggo.Tiyak kong sa araw na ito ay lalo mong kasasabikan ang mga
nakahandang gawaing pagkatuto.

Ang modyul na ito ay sadyang binuo para sa iyo, Matatagpuan mo


dito ang inihandang mitolohiya na tiyak kong magugustuhan mo. Layunin
ng modyul na ito na matukoy mo ang mensahe at maipahahayag mo ang
iyong sariling opinyon hinggil sa pagksang tatalakayin.

1
MGA LAYUNIN

Narito ang talaan ng mga kasanayang dapat mong ipamalas, inaasahan


na ikaw ay:
1. Naipaliliwanag ang kaisipan sa “video” napanood /nabasang teksto.
2. Nakabubuo ng sariling opinyon hinggil sa paksang tinalakay.
3. Naibabahagi ang kahalagahan ng paggalang at kakayahan ng
bawat isa.

SUBUKIN

PANIMULANG
PAGTATAYA

Panuto: Basahing mabuti ang mga pahayag sa bawat bilang at isulat sa inyong
kuwaderno ang titik ng tamang sagot.

1. Sa anong lugar sa Pilipinas nagmula ang kuwento nina Tungkung Langit at


Alunsina?
A. Batangas B. Panay C. Cavite D. Negros
2. Ano ang nagustuhan ni Tungkung Lagit kay Alunsina?
A. Ang pagiging marunong sa buhay
B. Ang kanyang katalinuhang taglay
C. Ang kanyang pagiging tuso
D. Kanyang pagiging prangka
3. Ano ang ipinangako ni Tungkung Langit na pinaniniwalaan ni Alunsina?
A. Na si Alunsina lamang ang kanyang iibigin saan man siya
magpunta
B. Na si Alunsina lamang ang laman ng isip niya magpakailanman
C. Na hindi niya iiwan si Alunsina
D. Na ibibigay niya kay Alunsina ang lahat ng maibigan nito

2
4. Paano ipinakita ni Tungkung Langit ang pagiging mabuting asawa?
A. Naging masipag siya sa paglikha ng mga bagay at mapagmahal na
asawa
B. Isinama ni Tungkung Langit ang asawa sa kanyang paglalakbay
C. Ibinigay ni Tungkung Langit ang lahat ng hilingin sa kanya ng
kanyang asawa
D. Gumawa siya ng daigdig bilang handog niya sa kanyang asawa
5. Ano ang dahilan ng araw-araw na pagkainip ni Alunsina?
A. Hindi niya magamit ang kanyang kapangyarihan
B. Naiiwan siyang mag-isa sa kanilang tahanan
C. Wala siyang ibang makausap dahil abala ang lahat
D. Hindi pa niya kabisado ang paggamit ng kanyang kapangyarihan
6. Ano ang nais gawin ni Alunsina na pilit na tinututulan ni Tungkung Langit?
A. Ang tumulong na lumikha ng mga bagay
B. Ang mamasyal
C. Maging pinakamakapangyarihan
D. Maging kilala sa lahat ng mga bathala
7. Bakit ayaw ni Tungkung Langit na tulungan siya ni Alunsina sa paglikha?
A. Dahil hindi pa sapat ang kapangyarihan ni Alunsina
B. Dahil walang kakayahan si Alunsina na lumikha
C. Dahil ayaw niyang mapagod ang asawa
D. Dahil hindi pa ganap na dyosa si Alunsina
8. Ano ang nais mangyari ni Tungkung Langit na gawin ng kanyang asawa?
A. Ang manatili sa kanyang tabi at maging inspirasyon sa lahat ng
kanyang mga nilikha
B. Ang palawigin ang kanyang kakayahan sa paglikha ng mga bagay-
bagay
C. Ang maging masaya ito sa piling niya
D. Ang maging mabait sa kanya at magkasundo silang dalawa
9. Ano ang naging mitsa ng mainit na pagtatalo nina Tungkung Langit at
Alunsina?
A. Ang paglalayas ni Alunsina
B. Ang madalas na pagkawala ni Tungkung Langit
C. Nang minsang nahuli ni Tungkung Langit si Alunsina na
sinusundan siya nito
D. Ang pagiging bugnutin at madalas na pag-alis ni Alunsina sa
kanilang tahanan
10. Bakit nagpasya si Alunsina na lumisan na sa kanilang tahanan?
A. Nais niyang mamuhay maging malaya mula sa asawa
B. Nang minsang nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo
C. Dahil ipinagtabuyan siya ng kanyang asawa matapos ang mainit na
pagtatalo
D. Dahil na labis na panibugho niya sa kanyang pinakamamahal

3
niyang asawa
11. Paano inamo ni Tungkung Langit ang kanyang asawa?
A. Araw-araw siyang nagpapadala ng mga bulaklak at mamahaling
mga alahas
B. Araw-araw siyang bumisita sa kanya
C. Lumikha siya ng bagay sa daigdig para mapakinabangan ng
kanyang asawa
D. Araw-araw niya itong hinanap
12. Paano hinarap ni Tungkung Langit ang katotohanang wala na ang kanyang
asawa?
A. Pinilit niyang maging abala sa paglikha ng mga bagay na
mapapakinabangan
B. Pinili niyang maging masaya sa kanyang pag-iisa
C. Nakahanap siya ng bagong pag-ibig
D. Patuloy ang kanyang paglikha sa kabila ng pangungulila niya sa
kanyang asawang si Alunsina
13. Paano sinubukang suyuin ni Tungkung Langit ang asawa?
A. Araw-araw siyang nagpapadala ng bulaklak.
B. Walang tigil itong bumibisita sa kanyang asawa kahit gabi na
C. Gumawa siya ng mga bagay na tiyak niyang magagamit ng
kanyang asawa
D. Araw-araw siyang naglalakbay upang hanapin ang nawawalang
asawa
14. Bakit ayaw ni Alunsina na muling makapiling ang kanyang asawa?
A. Dahil nais na niyang mamuhay mag-isa, malayo sa piling ng
kanyang sakim na asawa
B. Dahil hindi na niya kaya pang pakisamahan ang ugali ng asawa
niya
C. Sa dahilang ayaw na niyang maiwan sa sariling bahay
D. Upang maranasan ni Tungkung Langit ang pangungulila kapag siya
ay naiiwan sa kanilang tahanan
15. Naging matagumpay ba si Tungkung Langit na magbalik si Alunsina sa
kanyang piling?
A. Oo at sila’y muling nagsama
B. Oo, subalit nagkaroon na ng lamat ang kanilang pagsasama
C. Hindi, dahil hindi naglaon ay pumanaw si Alunsina
D. Hindi, dahil mas pinili ni Alunsina na mamuhay mag-isa

4
Magaling!
Nasubukan mo ang iyong angking husay sa
pagsagot sa Panimulang Pagtataya. Ngayon
ay handa ka na sa ating gagawing pagtuklas
ng mga panibagong kaalaman.

TUKLASIN

GAWAIN 1

Panuto: Gamit ang tsart, isulat ang mga katangian at kakayahan na inaasahan
ng lipunan bilang isang babae at lalaki gayun din ang katangian na
mayroon ka.

Katangian at Katangian at Mga katangian at


kakayahan ng isang kakayahan ng isang kakayahan ko
lalaki babae

1. May pagkakatulad o pagkakaiba ba ang mga katangian mo sa mga


inaasahan sa iyo ng lipunan? Ipaliwanag.
2. Paano mo maipakikita ang iyong natatanging kakayahan?
3. Paano nakaaapekto sa isang tao ang tingin sa kanya ng lipunan?

5
SURIIN

PAGSUSURI

1. Naging madali ba para iyo na gawin ang Gawain 1?


2. Hindi ka ba nahirapan sa pagtukoy ng mga kakayahan at katangian ng bawat
isa?
3. Ano pa ang mga inaasahan mong mga gawaing lilinang sa iyong isipan?
4. Paano kaya nakatutulong sa iyo ang mga naunang gawain, upang maging
handa ka sa akdang iyong babasahin?

PAGYAMANIN

PAGLALAHAD

Ngayon, ay mapapanood mo ang kuwentong mula sa Panay – isa sa


mga isla na matatagpuan sa Visayas. Ito ay isang kuwento kung paano nabuo
ang mundo dahil sa walang hanggang pag-ibig. Bisitahin lamang ang link na
nasa ibaba para sa kabuuang bidyo ni Tungkung Langit at Alunsina. Maaari
mong mapanood ang kuwento gamit ang link na ito:
https://www.youtube.com/watch?v=H0l0X_zdCjw o kaya’y basahin ang buong
kwento na nasa ibaba.

TUNGKUNG LANGIT AT ALUNSINA


Pinagkunan: Tungkung Langit & Alunsina: The ‘Other’ Visayan Creation Story.

6
TUNGKUNG LANGIT AT
ALUNSINA
Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray
at muling isinalaysay ni Roberto T.
Añonuevo

Hindi makapaniwala ang mga


tao noon na wala naman talagang
langit at lupa. Ako, si Alunsina, at
ang asawa kong si Tungkung Langit
ang pinagmulan ng lahat ng bagay.
Kaming dalawa lamang ang pinag-
ugatan ng buhay. Mula sa
kaibuturan ng kawalan, itinakda ng
aming kasaysayan ang paglitaw ng
daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung
Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang
napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na
inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa
akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang
at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking
isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin


ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na
tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang
sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit
tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man
ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy
sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang


aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay
at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy,


lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko
namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga
karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking
kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung
naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

7
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na
tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa
tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung
Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan
ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano
itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa
napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang
mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin
ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa
ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil
ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin
ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi
na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong
maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng
aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang
paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa
aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip.
Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong
Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At
malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak;
napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may
mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag
mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka.
Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking
minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang
matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at
nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang
kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray
at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang
ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon
ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung
Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga
nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa
kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok
ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko.
Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang

8
mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon
nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako
nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako.
Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko
sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik
at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig;
inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa
paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin.
Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay
hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung
magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa
sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni
Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating
matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si
Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray.
“Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting
bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa
aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko
nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan,
nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati.
Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay
higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging
malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang
nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang
maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng
aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking
katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan
lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng
napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil,
maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli
siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako.
Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas.
Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging
buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas
ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang
gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

9
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa,
gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang
lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang
pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng
malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang
pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni
Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

Roberto T. Añonuevo. “TUNGKUNG LANGIT AT ALUNSINA”. accessed June 20,


2020 https://dakilapinoy.com/tag/alunsina/

Mga Gawain

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na mga katanungan. Isulat sa iyong


kuwaderno ang sagot.

1. Ilarawan ang mga tauhan sa napanood/ binasang akda gamit ang Grid
Chart.

Mga Tauhan Mga katangian

1.

2.

2. Ano-ano ang ginawa ni Tungkung Langit kay Alunsina? Pangatwiranan.


3. Magiging maligaya ka kaya kung ikaw ang nasa kalagayan ni Alunsina?
Bakit?
4. Kung ikaw si Tungkung Langit, paano mo kukumbinsihin na muling
mabalik sa iyong piling si Alunsina?
5. Sa kasalukuyang panahon, masasalamin pa ba ang mga kaugaliang
nakapaloob sa binasang akda? Patunayan.
6. Paano nakaapekto sa pamumuhay ng isang tao ang suportang
natatanggap niya sa kanyang pamilya at lipunang ginagalawan?

10
ISAISIP

Lahat tayo ay may natatanging


kakayahan at katangian na ipingakaloob sa atin.
Ang supporta na ating natatanggap mula sa mga
mahal natin sa buhay ay may malaking
naitutulong upang mapaunlad natin ito. Ang
isang magalang na tao ay nagpapahalaga sa
kakayahan ng iba at nagsisikap na maunawan
ang damdamin ng ibang tao lalo na sa kanyang
kabiyak. Ang kawalan ng paggalang ay
nagkakaroon ng tensyon sa buhay na nauuwi sa
pag-aaway.

ISAGAWA

PAGLALAPAT

Sumulat ng isang sanaysay na sasagot sa mga katanungan sa ibaba.


Narito ang ilan sa pamantayan sa gagawin mong sanaysay.

Pamantayan Laang Marka Puntos

Organisasyon
Malinaw at maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga 4
inilahad na kaisipan

Nilalaman
Nasasagot ng may kahusayan ang mga katanungan na 4
bumubuo sa talata

11
Kakintalan
4
Nag-iwan ng malalim na impresyon sa isipan ng bumabasa

Kawastuhang Gramatikal
Wasto ang gamit ng bantas, baybay ng mga salita at 4
pagkakagamit ng malalaking titik

Kabuuan 20

1. Magbahagi ng karanasan o sitwasyon kung saan mayroon kang nais gawin subalit
ayaw ipagawa sa iyo dahil sa iyong edad at kasarian kahit kaya mong gawin ito.

2. Ano ang naramdaman mo sa iyong naging karanasan?

3. Paano mo tinugunan ang nabanggit na sitwasyon?

4. Gaano kahalaga ang tiwala at suporta na natatangap mo mula sa mga taong


nakapaligid sa iyo?

REFLEKSIYON

Panuto: Ibigay ang iyong sariling pananaw hinggil sa sumusunod:

1. Sa kasalukuyang panahon, nauuso pa ba na ang asawang babae ay nasa


bahay lang? Pangatwiranan ang sagot.

2. Ano-ano ang mga naging limitasyon mo dahil sa iyong kasarian?

12
TAYAHIN

PANGWAKAS NA
PAGTATAYA

Panuto: Basahin ng may pag-unawa ang mga pahayag. Titik lamang ang
isusulat.
1. Sa anong lugar nagmula ang kuwento ni Tungkong Langit?
A. Batangas B. Panay C. Cavite D. Negros
2. Maliban sa kagandahang taglay ni Alunsina, ano pa ang ibang
nagustuhan ni Tungkung Langit sa kanya?
A. Ang kanyang pagiging madiskarte
B. Ang kanyang katalinuhan
C. Ang kanyang pagiging tuso
D. Kanyang pagiging prangka
3. Alin sa mga sumusunod ang binanggit ni Tungkung Langit bilang tanda ng
kanyang pag-ibig kay Alunsina?
A. “Ikaw ang iibigin ko saanman ako sumapit”
B. “Ikaw ang magiging reyna ng aking kaharian”
C. “Lahat ng iyong naisin ay ihahandog ko”
D. “Marahil, maibigan ito ni Alunsinsa”
4. Paano sinikap na maipakita ni Tungkung Langit ang pagiging mabuting
kabiyak?
A. Naging mapagmahal na asawa at masipag sa paglikha ng mga bagay
B. Tuwing may paglalakbay na magaganap ay sinama ni Tungkung Langit ang
asawa
C. Ibinibigay ni Tungkung Langit ang anumang hilingin ng kanyang asawa
D. Gumawa siya ng daigdig bilang handog niya sa kanyang asawa
5. Bakit naiinip si Alunsina sa pananatili niya sa kanilang tahanan?
A. Dahil nais niyang mamasyal.
B. Dahil nais din niyang lumikha ng mga bagay.
C. Dahil nais niyang maipakita ang kanyang kapangyarihan.
D. Dahil nais niyang maging makapangyarihang bathala.
6. Ano ang ibig sanang gawin ni Alunsina na pilit na tinututulan ni Tungkung
Langit?
A. Tulungan ang kanyang asawa na lumikha ng mga bagay.
B. Mamasyal kasama ang asawa

13
C. Maging pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga bathala
D. Maging kilala at sambahin ng lahat pati ng mga bathala.
7. Bakit ayaw ni Tungkung Langit na pagbigyan ang kanyang kabiyak sa
kahilingan nito?
A. Dahil nais niyang manatili na lamang sa kanyang tabi ang asawa.
B. Dahil ayaw niyang mapagod ang asawa.
C. Dahil lubhang delikado ang nais mangyari ng kanyang asawa.
D. Dahil alam niyang hindi kakayanin ng kanyang asawa ang mga
pagsubok.
8. Ano ang nais ni Tungkung Langit na gawin ng kanyang asawa?
A. Ang palawigin ang kanyang kakayahan sa paglikha ng mga bagay
bagay.
B. Ang maging masaya ang kanyang asawa sa piling niya.
C. Ang maging mabait sa kanya at magkasundo silang dalawa.
D. Ang manatili sa kanyang tabi at maging insipirasyon sa lahat ng
kanyang mga nilikha.
9. Ano ang dahilan ng mainit na pagtatalo nina Tungkung Langit at
Alunsina?
A. Ang paglalayas ni Alunsina
B. Ang madalas na pagkawala ni Tungkung Langit
C. Nang minsang nahuli ni Tungkung Langit si Alunsina na sinusundan
siya nito
D. Ang pagiging bugnutin at madalas na pag-alis ni Alunsina
10. Bakit nagpasya si Alunsina na umalis sa kanilang tahanan?
A. Nais na niyang magkaroon ng panibagong buhay
B. Nang minsang nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo
C. Dahil ipinagtabuyan siya nito matapos ang mainit na pagtatalo
D. Dahil sa labis na panibugho niya sa kanyang pinakamamahal na
asawa.
11. Alin ang angkop na paliwanag sa pahayag na “Hubad ako nang una
niyang makita. Hubad din ako nang kami’y maghiwalay.”
A. Walang kakayahang bumili ng damit si Alunsina noon pa man dahil
sa kahirapan.
B. Kinuha lahat ni Tungkung langit lahat ng pag-aari ni Alunsina pati
na ang mga dating ibinigay niya sa kanyang asawa.
C. Walang dinala si Alunsina na kahit na anong bagay na handog sa
kanyang asawang si Tungkung Langit.
D. Wala siyang anumang pagmamay-ari noong unang pagkikita nila at
wala rin siyang dalang pagmamay-ari nang siya’y lumisan.
12. Pagkatapos lisanin ni Alunsina ang kanilang tahanan, ano ang nangyari
sa kanyang asawang si Tungkung Langit?
A. Mas naging abala siya sa paglikha ng mga bagay na
mapapakinabangan

14
B. Naging mas masaya si Tungkung Langit sa kanyang pag-iisa
C. Nakahanap na ng bagong asawa si Tungkung Langit na isa ring
bathala
D. Nangulila si Tungkung Langit sa kanyang asawang si Alunsina
13. Paano sinubukang amuhin ni Tungkung Langit si Alunsina?
A. Walang araw na hindi siya nagpapadala ng bulaklak
B. Walang tigil siyang bumibisita sa kanyang asawa
C. Gumawa siya ng mga bagay na tiyak niyang mapakikinabangan ng
kanyang asawa
D. Araw-araw siyang naglalakbay upang hanapin ang nawawalang
asawa
14. Bakit ayaw ni Alunsina na bumalik sa piling ng kanyang asawa kahit pa
mahal na mahal niya ito?
A. Upang maranasan ni Tungkung Langit ang pangungulila na
naranasan din niya kapag siya ay naiiwan sa kanilang tahanan.
B. Dahil hindi na niya kayang tiisin ang mga ginagawa sa kanya ni
Tungkung langit.
C. Sa dahilang ayaw na niyang makulong sa sarili tahanan.
D. Dahil nais na niyang mamuhay mag-isa na malayo sa piling ng
kanyang sakim na asawa.
15. Napagtagumpayan ba ni Tungkung Langit na magbalik si Alunsina sa
kanya?
A. Oo at sila ay masayang nagsama.
B. Oo subalit iba na ang pakikitungo nila sa isa’t isa.
C. Hindi, dahil hindi naglaon ay sumakabilang buhay na si Alunsina.
D. Hindi, dahil mas pinili ni Alunsina na mamuhay mag-isa.

15
MGA SANGGUNIAN

Abbang, Marife, “Ang Alamat ni Tungkung langit at Alunsina 1.” YouTube video,
4:11, Last accessed June 24, 2020, https://www.youtube.com/
watch?v=H0l0X_zdCjw.

Añonuevo, Roberto T., “Alamat ni Tungkung Langit.” Last modified January 29,
2009. https://dakilapinoy.com/tag/alunsina/.

Clark, Jordan, “Tungkung Langit & Alunsina: The ‘Other’ Visayan Creation Story.”
Last modified December 30, 2016.
https://www.aswangproject.com/tungkung-langit-alunsina/.

dhustyj, “Rubrik sa Pagsulat ng Sanaysay.” Last accessed June 24, 2020.


https://www.coursehero.com/file/45975572/RUBRIK-SA-PAGSULAT-NG-
SANAYSAY-RUBRIK-SA-PAGSULAT-NG-SANAYSAY-RUBRIK-SA-
PAGSULAT-NG-SANAYSAY-RUBRIK-/

Lamonte, Rose Ann, “2 Katanggap Tanggap Ba Sa Inyo Ang Mga Ginawa Ni…” Last
accessed June 24, 2020. https://www.coursehero.com/file/p2tpcv/2-
Katanggap-tanggap-ba-sa-inyo-ang-mga-ginawa-ni-Tungkung-Langit-kay-
Alunsina/.

16
Si Champberlyn F. Lumagas ay isang guro sa Filipino at
kasalukuyang nagtuturo sa Maria Macahig National High
School mula taong 2013. Nakapagtapos siya ng BSED-Filipino
sa Foundation University taong 2010. Isa rin siya sa mga
aktibong manunulat ng Sanayang Aklat sa Dibisyon ng Negros
Oriental.

Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – Schools Division of Negros Oriental


Kagawasan, Avenue, Daro, Dumaguete City, Negros Oriental

Tel #: (035) 225 2376 / 541 1117


Email Address: negros.oriental@deped.gov.ph
Website: lrmds.depednodis.net

You might also like