You are on page 1of 6

ALOHA

Akda ni: Deogracias A. Rosario


Ayaw kong ipahalata sa kausap ko ang malaking pagkamangha sa pagpapasinungaling niya sa
sumulat ng ”The Ballad of East and West.” Noon ay magkaibayo kami sa isang mesa sa veranda ng
Waikiki Tavern sa Honolulu at nakipagpaalam sa “paglubog ng araw” sa bantog na pasigan ng Waikiki.
Tig0isa kaming tasa ng mainit na kapeng Haba na isinasalit namin ang paghigop sa pagtanaw maminsan-
minsan sa mga atletang kanaka na nagsisitayo sa malalapad na dalig sa ibabaw ng malalaking alon. Ang
tanawing ito’y pangkaraniwan sa pasigan ng Waikiki, kung laki ang dagat at nagngangalit ang alon. Isang
sport ito ng mga taga-Haway na sariling-sarili lamang nila. Bawat isa ay may mga dalig na tatlong dipa
ang haba at kalahating dipa ang lapad na taluhaba ang hugis. Sa ibabaw ng mga dalig na itong
sumasalunga sa ibabaw ng alon ay doon sila tumitindig na nakadipa ang dalawang kamay at kung minsan
nama’y itinutukod ang kanilang ulo na unat na unat ang katawan na ang dalawang paa naman ang tuwid
na tuwid na tila itinuturo sa langit. Ang ”pangangabayong ito sa alon ng mga taga-Haway” ang
ipinagmamalaki sa akin ni Dan Merton, Amerikanong mamamahayag sa Honolulu noong ako’y maparaan
doon. Iyan ang dahilan kaya’t noong hapong yaon ay magkaharap kami sa veranda ng Waikiki Tavern.
Palibhasa’y nagtapos sa Unibersidad ng Southern California sa Los Angeles, at lipi ng isang angkang
milyonaryo sa Hollywood, si Merton ay isang tunay na gentleman na wala kang sukat ipintas sa
pakikiharap kanino man. Nalalaman ni Dan Merton ang sakit ng kanyang mga kalahi, at hindi lamang ng
mga Amerikanong katulad niya, kundi lahat ng kakulay nila … ng lahat ng puti. ”Ako ay may ibang
paniwala, kaibigan,” ang sabi niya sa akin bago nabuksan ang kay Rudyard Kipling. ”Ang palagay ng
mga taga-Kanluran ay binigyan sila ng maputing balat ng katalagahan upang maging Kayumangging
sumilang sa Kasilanganan. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay aking pinag-aralan. Ngunit kailanman ay
hindi nabanggit sa mga aklat kong napag-aralan ang mga tagumpay sa panitikan ng isang Rabindranath
Tagore at ng mga tagumpay sa karunungan ng mga dalubhasang Hapones na kinukusa nilang itago.
Balang araw ay inaasahan kong isa namang Pilipino ang maririnig nating magwawagi kung di sa pulitika
ay sa kabuhayang pandaigdig. Makikita mo kaibigan!” Kinakailangan kong tumungga ng kape at sundan
ng hitit ng sigarilyo upang huwag mahalata ni Merton na ako’y pinanuyuan ng laway nang mabanggit
niya ang ukol sa aking kalahi. Diyata’t may isang Amerikano pang gaya nito na umaasang balang araw ay
may isang Pilipinong magkakaroon ng isang katangiang pandaigdig? Diyata?
Pasasalamatan ko sana si Merton sa kanyang mabuting hangad sa aking mga kalahi, datapuwa’t doon na
nga niya nabanggit ang ”pagkaligaw” ni Rudyard Kipling sa pagkasulat ng kanyang kasabihang ngayo’y
palasak na sa buong daigdig. ”Kung ang langit at lupa’y maaaring paglapitin,” ang giit niya sa akin nang
mahulaan niyang ako may nag-aalinlangan sa kanyang sinabi, ”ay ang Kanluran at Silangan pa kaya?”
Sasabihin ko sanang ako’y naniniwala na sa kanyang palagay, ako ay naakit na niya laban
sa :kasinungalingan ni Kipling” at nahuhulaan ko na ang kanyang ibig sabihin, datapuwa’t siya na rin ang
nagdugtong. “Hala, ubusin mo na ang iyong kape. Tayo na sa bahay. At ang asawa ko ang magsasabi sa
iyong “ligaw” si Kipling.” Nang matapos si Dan Merton sa Unibersidad ng South California, ang naging
gantimpala sa kanya ng kanyang ama ay isang pagliliwaliw sa “Paraiso ng Pasipiko” – ang Haway.
Bagong labas sa kolehiyo, may pangalan at tanyag palibhasa’y kapitan ng mapagwaging koponan sa
football ng kanilang paaralan; anak ng milyonaryo sa Hollywood at sadya namang magandang lalaki, si
Merton ay naging “idolo” ng mga sakay sa Malolo, nang minsang tumulak ito buhat sa Los Angeles
hanggang Honolulu.
Halos ay sundan siya sa kanyang kamarote ng mga kasama niyang mga debutante sa bapor. Hindi
lamang dalawang dosenang “aklat ng mga lagda” ang napaglagyan ng kanyang pangalan at lilimampung
pamaypay ng mga pasahera ang kanyang nasulatan. Minsang ipininid niya ang pinto ng kanyang
kamarote, ang maluwang na laylayan ng isang paa ng “pajama” ng huling humingi sa kanya ng lagda ay
naipit pa.
“O, ang mga babaing ito!” ang nasabi na lamang niya, “bakit kaya ayaw akong patahimikin?” Sa agahan,
hindi pa siya nakatatapos ay may kumakasundo na sa kanya upang maging kalaro ng deck sports. Sa
tanghali, hindi pa siya nakapaghihimagas, ay may lumalapit na sa kanya upang siya’y makalaro, kung di
ng bridge ay kahit na mahjong. At sa gabi, anim-anim na may sulat na menu ng mga dalaga ang
dinaratnan niya sa kanyang mesa at nagsasabing ibig nilang maging kapareha nila siya sa sayawan sa
kubyerta. Kung nag-iisa na si Merton sa kanyang silid, ang gayong tila paghanga sa kanya ng karamihan
ay nagiging paksa ng kanyang dilidili. Akala niya’y sa isang Rudolph Valentino o isang Ramon Navarro
lamang maaaring “masira” ang mga dalaga.
“Hindi pala’t sa isang bagong labas sa kolehiyong gaya ko ay mayroon ding maaaring mahaling.”
Natatawa lamang si Merton sa harap ng nangyayari sa kanya. Kung hindi kaya siya si Dan Merton, na
kapitan ng koponan ng football sa Unibersidad ng Southern California at angkan ng milyonaryong
Merton sa Hollywood, ay pintuhuin kaya siya ng sinuman na gaya ng ginagawa sa kanya sa bordo ng
bapor Malalo?
Palibhasa’y mapag-aral siya ng ugali ng mga tao, kaya’t ang kilos ng kanyang kapwa ay pinag-
aalinlanganan pa rin niya. Naniniwala siya hangga ngayon, na ang sangkatauhan ay sumasamba pa rin sa
diyus-diyusan, hindi lamang sa ayos-bakang pintakasi ng mga taga-Ehipto, kundi sa gintong sangkap sa
katawan ng nasabing baka. Kabalintunaan! Bago siya nagtungo sa Haway ay wala siyang anumang yaring
palatuntunan ng kanyang dapat gawin. Maliban sa kanyang nababasang polyeto na ipinamamahagi ng
mga turista tungkol sa nasabing “Paraiso ng Pasipiko” ay wala siyang anumang nalalaman tungkol sa
nasabing lupaing sakop ng Amerika. Nasa sari-saring pagmumuni siya sa loob ng kanyang kamarote nang
sa butas ng lagusan ng hangin sa bapor ay tila kalatas na ibinalita sa kanya ng taginting ng musika ang
pagdaong nila sa Honolulu. Noon niya nasukat na may limang araw na pala siyang naglalayag, hindi man
lamang siya nainip, at dumating na siya sa kanyang patutunguhan. Agad niyang binuksan ang kanyang
traveling trunk at sa isa sa mga kahon ay kinuha ang tarhetang bigay sa kanya ng kanyang ama na
kinaroroonan ng pangalan ng isang taong sasalubong sa kanya.
“Aha!” ang nasabi niya sa sarili. “Editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan sa Honolulu. Dapat siyang
maging malaking tao.” Pagbaba niya sa andamyo , isang lalaking may kagulangan na, mapuputi ang
buhok at may kunot na ang mukha, ang biglang sumunggab sa kanya. “Hindi ako maaaring magkamali,”
sabi sa kanya. “Kamukhang-kamukha ka ng aking kaibigang si Daniel Merton. Hindi ba ikaw ang
kanyang anak? Tinanggap ko ang kable ng iyong ama, kaya kita sinalubong.!” Hindi pa nakasasagot man
lamang ng “salamat po!” si Merton ay isinabit sa kanyang liig ang isang mahabang kuwintas ng mga
bulaklak na sariwang kilala sa tawag na lei.
“Iyan ang Aloha ko sa iyo,” sabi sa kanya. May isang buwan na si Dan Merton sa Royal Hawaiian Hotel
sa Waikiki. Isang magandang suite de luxe ang sa pamamagitan ng kable ay ipinahanda ng kanyang ama
buhat sa Hollywood upang kanyang matirhan. Nagsawa na siya sa lahat ng sinasabing ganda ng
Honolulu. Napagod na siya sa paglangoy sa War Memorial Natatorium at sa Waikiki. Hindi miminsang
nagdaan-daan siya sa matayog na Pali, nadalawa na niya ang templo ng mga Mormon na may bughaw na
tubig ukol sa mga binibinyagan, at makailan na ring nagpalipas siya ng gabi sa sayawan sa Kailuwa, kung
nagsasawa na siya sa bulwagan ng kanyang otel. Nakadalawa na rin siya sa Hilo at sa Molokai, sa
pamamagitan ng eroplano, nakita na niya ang kumukulong laba ng bulkan, saka ang mga “buhanging
tumatahol”. Ano pa ang nalalabi sa kanyang hindi nakikita sa “Paraisa ng Pasipiko”?
Talagang naghahanda na siya sa pag-alis nang sabihin sa kanya ng kaibigang editor ng kanyang
ama sa Honolulu, na hintayin muna niya ang pagtatapos ng klase sa kolehiyo ng Punahu. “Ako ang
nahirang na magbigay ng pangaral sa mga natapos sa taong ito,” ang sabi niya kay Merton, “at
maibabalita mo sa iyong ama sa Hollywood kung gaano kabuting magsermon sa mga wahini (babae sa
wikang Kanaka )ang kanyang kaibigan sa Honolulu.”Pumayag si Dan Merton. Sa nasabing
Commencement ng Punahu School, doon niya nakilala si Noemi, isang tunay na Kanaka, subali’t
halimbawa ng dalagang may mataas na pinag-aralan. Hindi niya malaman kung bakit ang mga matang
buhay na buhay ni Noemi ay walang iniwan sa palasong sabay na tumuhog sa kanyang puso. Si Noemi
ang naging patnubay ng mga pangaral, palibhasa’y siyang pangulo ng Kapisananng mga Senior sa
nasabing kolehiyo. Anong tamis niyang magsalita ng wikang Ingles! Anong lambing niyang bumigkas ng
mga pangungusap!
“Wala pa akong naririnig na dalagang Amerikana na kasintamis niyang magsalita!” ang sabi pa ni Merton
pagkatapos.
“Ginoong editor,” ang sabi niya sa kaibigan ng kanyang ama, “Hindi ako uuwi na di kasama si Noemi.”
“Talaga bang totoo ang sinasabimo?” ang usisa sa kanya ng matanda.
“Paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi.”
“Dan!” ang may halong pangaral na pahayag ng matanda, “ang mga Kanaka ay mamamayang Amerikano
lamang, ngunit hindi laging Amerikano. Kawika lamang natin sila, datapuwa’t hindi natin sila kalahi.”
Ang palagay ni Dan Merton ay napakakitid ng noo ng kanyang kausap. “Matanda na at editor pa naman
ng pahayagan,” ang bulong niya sa sarili. “Maanokung hindi kalahi? Maano kung hindi kakulay? Hindi
ba bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika? At hindi ba lahat ng tao ay mamamayan ng daigdig?”
Sa sarili na lamang nangatuwiran si Merton. At nang minsang umalis sa Honolulu ang bapor City of Los
Angeles, sa talaan ng mga sakay ay mababasa ang ganitong mga pangalan: “Mr. Dan Merton” at “Mrs.
Dan Merton”. Ang “Mrs. Merton” ay si Noemi – ng Punahu School. Nang umuwi si Merton, halos ang
mga kasabay rin niya sa malalo na mga debutanteang kanyang kasamang umuwi, ngunit hindi na gaya ng
dati. Kahit na siya nag-iisa sa kubyerta kung ayaw lumabas ni Noemi, ay maanong sulyapan man lamang
siya. Kung pagmasdan niya’y tila pa nasusuklam sa kanya, dahil sa nanghahaba ang kanilang mga labi , at
nagsisitalim ang kanilang mga mata sa pagtanaw sa kanya.
“Kabalintunaan sa sangkatauhan!” ang nasabi na lamang. “Ako’y nag-asawa sa aking iniibig, dahil ako’y
sumunod sa tibok ng puso ko at hindi sa alituntuning magdaraya ng lipunan at kinasusuklaman na ako
ngayon.” Nguni’t may iba siyang naisip.
“Ano kaya ang sasabihin ni Ama, kung malamang nag-asawa ako sa isang hindi namin kalahi, sa isang
kayumangging Kanaka?”Natira si Dan Merton sa gayong pagmumuni-muni. Sa kanyang mga mata’y may
sampung daliring maliit na tumakip buhat sa likod:
“Hulaan mo kung sino ako!” ang impit ng tinig na utos sa kanya.
Disyembre na nang sila’y papauwi sa Los Angeles. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa loob ng
kanilang suite deluxe sa bapor ay inisa-isa ni Merton kay Noime kung gaano magiging kasaya ang
kanilang Pasko. Humigit-kumulang ay nababatid ni Noemi na milyonaryo ang ama ni Dan, kaya’t di
kataka-takang magkaroon siya ng Paskong lalong masaya sa kanyang buhay sa piling ng sinumpaan
niyang “sa buhay at kamatayan” ay kanyang makakahati.
Kinusa ni Merton na huwag ipaalam sa kanyang ama ang kanyang pagbabalik. Ang ibig niya’y makagawa
ng isang “sorpresa.” Datapuwa, isang araw nang dumating ang bapor sa Wellington, tumanggap siya ng
isang kable mula sa Hollywood na humigit-kumulang ay ganito ang sinasabi: “KUNG IBIG MONG
MABUHAY HANGGANG PASKO SA PILING NG IYONG ASAWANG KANAKA, HUWAG KANG
MAGKAKAMALING TUMUNTONG SA UNANG BAITANG NG ATING HAGDANAN…DANIEL
MERTON.” Ayaw na niyang maniwala ay nasisinag niya sa gayong mga kataga ang pangungusap ng
kanyang ama – matitigas, matutulis at mababagsik. Kilala niya ang kanyang ama. Sabi lamang niya sa
lumuluhang si Noemi na isang biro lamang yaon, bagama’t iniisip niya kung sa Embassy o sa Baltimore
sila tutuloy na mag-asawa pagsapit sa Los Angeles. Hindi siya magtutuloy sa Hollywood. Balisa at
kumakaba ang kanyang dibdib, ang bapor ay dumaong sa Wellington, datapuwa’t laban sa kanyang pag-
asa , nasa himpilan ng perokaril ang malaki niyang Rolls Royce.
“Nakita mo na!” ang sabi ni Merton kay Noemi. “Hayun ang awto namin. At hayun si ama sa loob.
Hinihintay tayo!” Isang ngiting may kahulugan – ang ngiting may pangamba at alinlangan — ang
itinugon ni Noemi sa malaking galak at lukso ng puso ng kanyang asawa. At sino naman ang hindi
malulugod? Ang mag-ama ay nagyakap at si Noemi ay kinamayan ng kanyang biyenan. “Wala kayong
dapat alalahanin!” ang sabi sa kanila na lalo pang ikinatahimik ng loob ni Merton.
“Sa bahay, at nang makapagpahinga kami agad!” ang utos ni Dan sa kanilang tsuper, na gaya ng
karaniwang pag-uutos kung ginagamit niya ang nasabing kotse kung siya ang nagpapalakad.
“Hindi!” ang sigaw ng matanda. Ikukuha ko kayo ng isang bungalow sa Sta. Monica beach, malapit sa
bahay ni Bebe Daniels!”
“Mabuti nga’t nasa tabi ng dagat.” salo ni Dan. “Hindi na maninibago si Noemi, dahil sa katulad din ng
Waikiki beach. Makalalangoy kami kahit anong oras!”
“Kahit saan ay masisiyahan ako,” ang bulong ng Kanaka ng hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang
bisig, “nasa piling lamang kita.” Napatingin sa kanila ang matanda na tila sinusukat ang ibig na sabihin.
“Bilang pasalubong sa inyo,” sabi ng matanda, “ay magdaraos doon ng party ngayong gabi.
Pinaanyayahan ko na ang lahat ng dalaga’t binata sa Hollywood, karamihan ay mga artista sa sine, upang
masiyahan kayo sa pagsisimula sa pagsisimula ng isang bagong kabuhayan.”
“Pasintabi sa inyo,” ang pakli ni Noemi, “inaasahan kong ang nasabing party – ay hindi katulad ng mga
wild party na ikinamatay ng isang artista nang magdaos si Fatty Arbucle o kaya’y ng nangyari kay Miss
Pringle nang magdaos naman si Pantages.” Tatangu-tango ang matanda na tila noong lamang niya
nakilala kung gaano kataas ang napag-aralan ng kanyang manugang. Ibig sabihin ng kanyang sarili ay
“Mahigit pa sa roon” subali’t iba ang binigkas ng kanyang bibig: “Marahil ay mahuli-huli roon.”
“Nguni’t, Ama!” ang agaw ni Dan, “ang asawa ko ay marangal na babae. Tila hindi dapat sa kanya ang
gayong pasalubong.” Tutugunin pa sana ng matanda ang pasalubong ay siya ang may handog, nguni’t
biglang tumigil ang awto sa tapat ng isang gusali sa tabi ng dagat.
“Narito na ang inyong bahay!” ang sabi sa kanila. “Lahat ay nakahanda na para ngayong gabi!”

Ipikit at idilat ni Noemi ang dalawa niyang mata ay hindi niya mapaniwalaan ang kanyang nakikita,
gayong mag-iikaapat na ng madaling-araw. Ang mga babaing panauhin at halos wala nang damit,
sapagka’t punit-punit na ang kanilang mga kasuutan sa pakikipagbatakan sa mga lalaki. Ang mga lalaki
naman ay kusa nang nag-aalis ng kasuutan nila at wala nang natitira sa katawan kundi ang kahuli-
hulihang inaalis bago matulog. Ang lahat ay lasing. Lasing na ang lahat na ang mga mata’y nakulabaan na
ng matapang na sugapa ng alak, kung kaya’t hindi na napapansin ang kahiya-hiyang kalagayan ng lahat.
Si Dan ay lasing na rin.
Apat na kilalang artista sa Hollywood ang nagpupulupot ng katawan nilang halos ay bilad nang
lahat sa kanyang matipunong katawan. Si Noemi ay nagdahilang nahihilo pa sa malaking hapo sa bapor,
kaya’t kahit pinagbatakanan siya ay hindi siya nakihalubilo. Samantalang pinagmamasdan niya ang
magandang kuwadro ng kahalayan sa kanyang tahanan ay may tumapik sa kanyang balikat. Nang
lumingon siya ay nakita niya ang ama ni Merton, ang kanyang biyenan.
“Ano, Noemi?” ang bati sa kanya. “Hindi ba nanghihinawa ang pag-ibig mo kay Dan? Ibig mo ba ng
ganyang buhay? Hindi ka ba nasusuklam? Kung ibig mong tumakas ngayong gabi ay nariyan ang kotse.
May bapor na tutulak bukas. Pababaunan kita ng sampung libong dolyar. Ano, sumagot ka?” Tinitigan ni
Noemi ang matanda. Ibig niyang sa kanyang tingin ay mawatasan ng matanda na nababatid niya na
ginawa yaon upang mapawi ang pag-ibig niya kay Merton, sapagkat laban sa kanyang kalooban ang
pagkakapag-asawa nito sa isang hindi kalahi, sa isang Kanaka. Tutugon na sana si Noemi ng “Gayon
pala!” datapuwa’t naunahan siya ng matanda.
“Hindi magiging maligaya sa piling mo si Merton,” ang sabi uli. “Sa habang panahon ay lalayuan siya ng
kanyang mga kakulay, ng kanyang mga kalahi. Gagawin kong $25,000, pabayaan mo na lamang siya.” Sa
nagdidilim na pag-iisip ni Noemi, ang mga pangungusap ng matanda ay naging kidlat na nag-iwan ng
apoy, kaya’t nagliwanag. Walang kibo, si Noemi ay tumakbo sa kanyang silid, at nang lumabas ay hindi
na ang Noemi na gayak-Amerikana, kundi isang tunay na Kanaka; walang takip sa dibdib kundi ang
makapal na lei at sa ibaba ng katawan ay ang kanyang sayandamo. Nanaog siya. Nakisalamuha siya sa
madla at sa saliw ng inaaantok nang orkestra ay nagsayaw ng Hulahula. Sa gayo’y tila nagising ang mga
lalaki. Ang kanyang katawang katutubo ang pagkakayumanggi at hindi sinunog sa araw, paris ng mga
Amerikana, nguni’t walang iniwan sa kumikiwal na ahas ang galaw ng katawan, pati ng dalawang bisig at
ng dalawang paa, ang damdaming makahayop ng mga lalaki ay nagising. Iniwan ang mga kapiling nilang
babae at ibig nilang yakapin, lingkisin at kung ano pa, nguni’t maliksi naman nitong naiwasan. Sa gayong
ayos nadilat ang mga mata ni Merton. Nakita niya ang babaing “una at huli” niyang inibig ay nasa
bunganga ng mga halimaw na lasing na hindi nalalaman ang ginagawa. Bigla siya nagpupumiglas sa apat
na babaing “namumulupot” sa kanya at humadlang sa nagsisihabol kay Noemi.
“Mga alibugha,” nakadipang wika niya sa paghadlang sa lahat. “Madudurog ang liig ng sinumang
mangangahas humipo sa katawan ng asawa ko!”
Nang marinig ito ni Noemi ay napahalakhak ng tawa sa kanyang tagumpay. Noon din ay lumapit siya sa
piyano, sinimulan niyang saliwan ang kanyang sarili sa pagawit ng Aloha, awit ng tagumpay! Awit ng
luwalhati!
Nang lumingon siyang muli ay wala nang ibang tao sa bulawagan. Pati ang biyenan niya ay wala na rin.
Walang natira kundi si Dan Merton na hawak sa kamay ang isang tsekeng $500,000. Nguni’t yaon man ay
pinagkasunduan nilang ibalik sa matanda.
“Babalil uli tayo sa Honolulu!” ang may pagdaramdam na sabi ni Dan Merton. “Iniwan ni ama ang
pabaon niya sa atin!”
“Nasabi ko na sa iyo,” ang ulit ni Noemi. “Kahit saan ay masisiyahan ako, nasa piling lamang kita, aking
hari!”
“Pag-ibig! Pag-ibig, kaibigan, ang makapaglalapit sa Silangan at Kanluran” – ang buong kasiyahang
nasabi ni Merton nang matapos isalaysay ni Mrs. Noemi Merton ang magandang romansa ng kanilang
pag-iibigan. “Ang langit at lupa man ay mapaglalapit, dahil sa pag-ibig!” Tila nga naman totoo ang sabi
ng mamamahayag na Amerikanong ito. Idinugtong niyang kung itinaboy man silang mag-asawa sa
Paraiso sa Hollywood ay lalong paraiso sa kanya ang Honolulu, palibhasa’y nakikilala niyang “may
katinuan ang mga Amerikanong” naroon, kaysa mga aristokratikong nasa baybayin ng Pasipiko. Sa
katunayan, nang magbalik sila, ang editor ding kaibigan ng kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng
tungkuling makasama sa staff ng pahayagang kanyang sinusulatan matapos tukuyin sa kanya ang
“Sinasabi ko na nga ba!”
“Maganda nga sana ang aking bayan,” ang sabi pa ni Merton, “datapuwa’t lumabis nang totoo ang yabang
na balang araw ay mahuhulog din sa kanyang sariling bigat.”
“Narito na ang nagdurugtong sa Kanluran at Silangan!” ang sabi ng ina.
“Oo nga,” ani Merton, “ang nagkakabit sa langit at lupa.”
“May anak na kayo?” ang pamangha kong tanong.
“Oo,” ang sabay nilang tugon. “Bininyagan namin ng ALOHA.”

You might also like