You are on page 1of 12

See discussions, stats, and author profiles for this publication at: https://www.researchgate.

net/publication/355584918

Karanasan, Kasanayan, at Pananaw ng mga Mag-aaral ng HumSS sa


MakaFilipinong Pananaliksik gamit ang Wikang Filipino

Conference Paper · May 2021

CITATIONS READS

0 12,816

1 author:

Lorenzo Miguel Sotto Buenaflor


De La Salle University
6 PUBLICATIONS 0 CITATIONS

SEE PROFILE

All content following this page was uploaded by Lorenzo Miguel Sotto Buenaflor on 26 October 2021.

The user has requested enhancement of the downloaded file.


Karanasan, Kasanayan, at Pananaw ng mga Mag-aaral ng HumSS sa
MakaFilipinong Pananaliksik gamit ang Wikang Filipino

Iprinisenta ang action research na ito sa 5th International Congress on Action Research,
Action Learning sa Pamantasang De La Salle, 20-22 Mayo 2021.

Mababasa din ito sa https://www.araldlsu.net/publications (ISSN 2423-2130)

Lorenzo Miguel Sotto Buenaflor


De La Salle University, Manila
Immaculate Heart of Mary College - Parañaque
lorenzo_buenaflor@dlsu.edu.ph

Abstrak. Idinokumento ng pananaliksik na ito ang karanasan, kasanayan, at


pananaw ng mga mag-aaral ng Humanidades at Agham Panlipunan (HumSS) sa
pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik. Pangkalahatang suliranin ng pananaliksik
na ito ang malaman ang proseso, kasanayan, at kahalagahan ng paggamit ng
wikang Filipino sa pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik sa pananaw at
karanasan ng mga mag-aaral ng Humanidades at Agham Panlipunan (HumSS) sa
senior high school ng isang pribadong paaralang Fransiskano. Deskriptibong
disensyo ang sinusunod sa pagbuo ng pananaliksik na ito. Upang masagot ang
mga tiyak na layunin, ginabayan ang mananaliksik ng mga batayang metodo sa
kalitatibo (pagsusuring pangnilalaman) at kantitatibong pananaliksik (pagbibilang
at pagbabahagdan). Ang antas ng kahirapan ng kahirapan sa proseso ng
pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik ay 3.11 (katamtaman lamang). Ang mga
kasanayang napaunlad sa pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik ay ang mga
sumusunod: pagbabasa (22 tugon), pagsasalita (15 tugon), pakikinig (13 tugon),
pagsusulat (9 tugon), panonood (6 tugon). Dalawang pananaw ang nabuo mula
sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik: (a) ang pagmamalaki sa
isinagawang pananaliksik dahil sa Filipino ito naisulat; (b) mas naging malapit ang
mga mananaliksik sa kalahok at materyal ng kanilang pag-aaral samantalang
mas naiintindihan ang pinapanood at imaheng sinusuri dahil sa wikang Filipino.

Keywords: Araling Filipino, HumSS, makaFilipinong pananaliksik, wikang Filipino,


dekolonisasyon

1 Panimula

Nag-umpisa ang pag-aaral na ito sa isang kritikal na pagsusuri sa isa sa mga


itinurong specialized course ng mananaliksik para sa Humanities and Social
Sciences (HumSS) strand. Taong 2016, ibinigay sa kaniya, bilang bago at kalilipat
lamang na guro sa pinagtuturuan niya ngayon ang asignaturang Disciplines and
Ideas in the Social Sciences.

Habang plinano ang buong semestre, napansin ng mananaliksik ang tila hindi
balanseng pagtatala ng mga teoryang nabanggit sa naturang dokumento.
Dominante ang pagtalakay sa mga Kanluraning teorya at kakaunting panahon
na lamang ang matitira sa pagtalakay sa mga sulatin, ideya, at teoryang binuo
mula sa mga makaFilipinong tradisyon.

Mula sa obserbasyong ito, may dalawang bagay ang nagtulak sa mananaliksik


na magkaroon ng kritikal na interbensiyon upang mas maging makabuluhan sa
kontekstong Filipino ang pagkatatuto ng mga mag-aaral ng Humanities and
Social Sciences strand sa paaralang kaniyang pinagtuturuan. Una dito ang
matagal ng obserbasyon sa larangan ng Araling Filipino ukol sa dominasyon ng
mga teoryang banyagain sa Agham Panlipunan. Ikalawa, ang dominasyon ng
wikang Ingles sa pananaliksik. Mahalaga ang ginagampanang papel ng wika
sa pagsusulat ng mga akademikong papel dahil tinuturol nito ang mga
mahahalagang usapin katulad ng sino ang magbabasa ng mga pananaliksik
na isinagawa, kaninong interes ang isinusulong ng mga mananaliksik sa pagbuo
ng kaniyang pag-aaral, kalakaran ng publikasyon, at higit sa lahat, ang
kapakinabangan nito, partikular sa gawaing pangkomunidad.

Sumakto ang mga obserbasyong ito sa panawagan noon ng nagsisimulang


Senior High School Department ng Immaculate Heart of Mary College –
Parañaque tungo sa mga inobatibong paraan ng pagtuturo at programang
magbibigay danas sa mga mag-aaral sa kung anong nangyayari sa disiplinang
kanilang kinuha.

Mula dito, isinagawa ng mananaliksik ang LIKHA Seryeng Panayam para sa


MakaFilipinong Pananaliksik – isang integrated performance task sa pagitan ng
Disciplines and Ideas in the Social Sciences at Inquiries, Investigations, and
Immersion.

1.1 Ang LIKHA Seryeng Panayam para sa MakaFilipinong Pananaliksik

Ang LIKHA Seryeng Panayam para sa MakaFilipinong Pananaliksik ay isang


inisyatibang binuo ng mananaliksik upang mahasa ng mga mag-aaral ng
Humanities and Social Sciences ang kanilang kasanayan sa pananaliksik mula
sa lente ng Araling Filipino. Isinunod ang pangalan ng programang ito sa LIKHA
o Lipunan tungo sa IKauunlad ng Humanidades at Agham Panlipunan, ang
opisyal na ogranisasyog pang-mag-aaral ng Humanities and Social Sciences
stranda ng Immaculate Heart of Mary College – Parañaque Senior High School
Department. Nagsimula ito noong 2016 at sa loob ng limang taon, umunlad ang
mga naging layunin, tunguhin, at produkto nito mula sa pagiging isang pang-
klasrum na aktibidad hanggang maging isang programang pampapananaliksik
at integrated performance task.

May tatlong layunin ang programang ito.

a) makapag-imbita ng mga iskolar, gradwadong mag-aaral, paham,


manunulat, at artistang nagtataguyod ng Araling Filipino sa kanilang mga
pananaliksik;
b) magamit ang wikang Filipino sa proseso ng pagsusulat – mulang
konseptwalisasyon patungong depensa (para sa taong 2021, ilalagay na
dito ang publikasyon at pagpresenta sa mga kongresong
pampananaliksik)
c) makabuo ng mga pananaliksik gamit ang kolaboratibong lapit sa
pagitan ng mga mag-aaral at ng kanilang tagapayo.

1.2 Tuntungang Konseptwal na Balangkas ng Programa

Nakasandig ang implemetasyon ng programang ito sa dalawang konseptwal


na balangkas – ang makaFilipinong pananaliksik at ang pagtuturo ng
pananaliksik na may tiyak na tugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral ng
Senior High School.

Ayon kay Rhoderick Nuncio at Elizabeth Morales – Nuncio (2004), maituturing


na makaFilipino ang isang pananaliksik kapag nagtataglay ito ng dalawa o higit
pa sa mga elementong ito: (a) paksain, (b) puntodebista, (c) metodo, (d)
pagteteorya, (e)kapakanan, at (f) wika.

Samantala, upang magabayan ang klase sa kolaboratibong pananaliksik,


ginamit ang modelo ng pagtuturo ng pananaliksik nina Healey and Jenkins
(2009). Ayon sa kanila, may apat na pamamaraan upang maengganyo ang
mga mag-aaral na bumuo ng kanilang mga pag-aaral – (a) research-led o pag-
alam sa mga research trend sa disiplina; (b) research-oriented o pagdebelop sa
mga kasanayan at teknik sa pananaliksik; (c) research-based o pagbuo ng
pananaliksik; at (d) research-tutored o pakikilahok ng mag-aaral sa mga
diskusyong pampananaliksik. Bagaman ang konteksto ng modelong ito ay para
sa mga kumuha ng undergraduate degree sa kolehiyo at pamantasan,
minarapat ng mananaliksik na gamitin ito upang maihanda na rin ang mga
mag-aaral sa mga kahingiang kasanayang pampananaliksik sa lalong mataas
na edukasyom.

Larawan 1. Ang Modelo sa Pagtuturo ng Pananaliksik nina Healey and Jenkins


(2009)

1.2 Mga Suliraning Pampananaliksik

May dalawang action researches ang nabuo mula sa ebalwasyong isinagawa


ng mananaliksik. Ang unang action research (isang hiwalay pang papel) ay ang
diskursong nabuo mula sa mga pananaliksik ng mga mag-aaral at ang ikalawa,
ang pokus ng pag-aaral ang karanasan, kasanayan, at pananaw ng mga mag-
aaral ng HumSS strand sa paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo ng
makaFilipinong pananaliksik.

Sinagot ng pag-aaral na ito ang mga tiyak na suliranin:

1. Ano ang antas ng kahirapan (level of difficulty) ang naranasan ng mga


mag-aaral ng Humanidades at Agham Panlipunan (HumSS) sa proseso ng
pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik?
2. Ano-anong mga kasanayan ang napaunlad ng mga mag-aaral sa
pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik?
3. Ano ang pananaw ng mga mag-aaral ng Humanidades at Agham
Panlipunan sa paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo ng makaFilipinong
pananaliksik?

2 Metodolohiya

2.1 Metodo ng Pananaliksik

Deskriptibong disensyo ang sinusunod na balangkas sa kasalukuyang pag-aaral.


Sa pagsusuri ng mga datos, ginabayan ang mananaliksik ng mga batayang
metodo sa kalitatibo (pagsusuring pangnilalaman) at kantitatibong pananaliksik
(pagbibilang at pagbabahagdan)

2.2 Mga Kalahok sa Pananaliksik


Mga naging mag-aaral ng mananaliksik ang mga kalahok ng pag-aaral na ito.
Ikatlong batch sila ng mga nagpakadalubhasa sa Humanidades at Agham
Panlipunan sa isang pribadong paaralang Fransiskano. Nagtapos sila noong
2020.

2.3 Instrumentong Ginamit at ang Balidasyon Nito


Upang masagot ang unang tiyak na layunin, binalikan ng mananaliksik ang mga
kasanayang pampagkatuto mula sa batayang kurikulum ng Inquiries,
Investigations, and Immersion. Dahil nakasulat sa wikang Ingles ang mga
nakatalang kasanayan, isinalin lahat ng mananaliksik ang mga ito sa wikang
Filipino, ginawang five-rated na likert scale, at paulit-ulit na inedit ang
pagkakasalin at porma nito. Sa ikalawang bahagi naman ng instrumento, may
partikular na parte kung saan sinagot ng mga mag-aaral ang katanungang,
Ano-ano ang mga makrong kasanayan ang napaunlad dahil sa paggamit ng
wikang Filipino? Ipaliwanag. Para naman matugunan ang ikatlong tiyak na
layunin, sinagot ng mga mag-aaral ang tanong na, Sa iyong pananaw, ano ang
pinakamahalagang aral ang iyong natutunan sa paggamit ng wikang Filipino
sa pagbuo ng karunungan? Dumaan sa balidasyon ang instrumentong ito at
nabigyan ng mahusay na marka ng mga validators (4.9 = very much valid) ang
ginawang instrumento ng mananaliksik. Mas pinili ng validators ang bersiyong
Google form ng instrumento dahil mas mainam ang porma nito sa pangangalap
ng datos sa panahon ng pandemya.
2.4 Pagkalap at Pagsusuri ng mga Datos

Sa pagkalap ng mga datos, sinunod ng mananaliksik ang rekomendasyon ng


validators na gamitin ang bersiyong Google form ng instrumento. Ipinadala sa
mga mag-aaral ang link ng Google form at binigyan sila ng isang lingo upang
sagutan ang instrumento. Ang prosesong ito ay nagtagal mula 16 Mayo
hanggang 23 Mayo 2020.

3 Pagtalakay sa Resulta ng Pananaliksik

Unang Suliranin: Ano ang antas ng kahirapan (level of difficulty) ang naranasan
ng mga mag-aaral ng Humanidades at Agham Panlipunan (HumSS) sa proseso
ng pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik?

Talahanayan 1. Ang Antas ng Kahirapan sa Paggamit ng Wikang Filipino sa


Bawat Bahagi/Proseso ng MakaFilipinong Pananaliksik
Bahagi at Proseso Mean Intepretasyon
katamtaman
Suliranin at ang Kaligiran Nito 2.95
lamang
Mga Kaugnay na Panitikan at Pag-aaral 3.76 Mahirap
katamtaman
Pag-unawa sa Pangangalap ng mga Datos 2.76
lamang
Paghahanap ng Kasagutan sa mga Suliranin ng Pag- katamtaman
3.4
aaral lamang
Pag-uulat ng Resulta, Kongklusyon, at katamtaman
2.86
Rekomendasyon lamang
katamtaman
Pagdepensa ng Pananaliksik 2.95
lamang
katamtaman
Kabuuan 3.11
lamang

Sa pangkalahatan, ipinapakita sa itaas na nakaranas ng katamtaman lamang


o 3.11 over-all mean ang mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino sa
kanilang pananaliksik. Kung tutuusin, walang resulta ang lumabas na lubhang
madali, madali o lubhang mahirap sa bahaging ito ng pag-aaral ngunit
kapansin-pansing mahirap (3.76) ang pinagdaanan ng mga kalahok sa pagbuo
ng ikalawang parte ng kanilang pag-aaral, ang Mga Kaugnay na Panitikan at
Pag-aaral. Isang mahalagang usapin sa mahirap na resultang ito ay ang
pagsasalin ng mga batayang konseptong kailangang maipaliwang at mailapat
sa pinag-aaralang penomenon, Ayon sa ilang mga kalahok, “sa paghahanap
ng RRL, kapansin-pansing nasa wikang English nakasulat ang mga ito (kalahok,
26)” kung kaya “nahirapan ako sa pagsasalin ng mga salitang Ingles at sa
tamang paggamit ng gramatikang Filipino (kalahok, 20). Gayumpaman, sa
buong proseso ng pagsulat nila ng pananaliksik, nabigyan naman ng pagkilala
ang interbensiyong isinagawa ng mananaliksik upang matugunan ang
pangangailangan sa pagsasalin. Halimbawa ng mga gawaing ito ay ang
“pagtatama sa ispeling at pagbibigay ng ideya upang mapaunlad ang
konstruksiyon ng mga pangungusap (Kalahok, 8),” “one-on-one session after
class para maipaliwanag ang teorya at pagsasalin (Kalahok, 6),” at “crash
course sa wikang Filipino dahil ayon sa aking adviser, magkaiba ang Tagalog at
Filipino sapagkat ang Filipino also consists of a lot of indigenous and foreign
languages (Kalahok, 4). Bukod dito, katamtaman lamang ang antas ng
kahirapang naranasan ng mga-aaral sa bahaging Suliranin at ang Kaligiran Nito
(2.95), Pag-unawa sa Pangangalap ng Datos (2.76), Paghahanap ng
Kasagutan sa mga Suliranin ng Pag-aaral (3.4), Pag-uulat ng Resulta,
Kongklusyon, at Rekomendasyon (2.86), at Pagdepensa ng Pananaliksik (2.95).

Ikalawang Suliranin: Ano-anong mga kasanayan ang napaunlad ng mga mag-


aaral sa pagbuo ng makaFilipinong pananaliksik?

Talahanayan 2. Mga Kasanayang Napaunlad sa Pagbuo ng MakaFilipinong


Pananaliksik gamit ang Wikang Filipino
Mga Kasanayan Bilang
Pagsasalita 15
Pagbabasa 22
Pakikinig 13
Pagsusulat 9
Panonood 6

Sa talahanayang nasa itaas, lumalabas na napaunlad ng programa ang mga


mahahalagang makrong kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo
ng makaFilipinong pananaliksik. Pinakamataas sa lahat ng kasanayang ito ang
pagbabasa (22 tugon), na sinundan ng pagsasalita (15), pakikinig (13),
pagsusulat (9), at panonood (6).

Tumutukoy ang pagbabasa sa exposure ng mga mag-aaral sa mga


babasahing sinulat ng mga Filipinong iskolar na nakasulat sa wikang Filipino.
Tumutukoy din ito sa pamiliarisasyon sa mga babasahing akademiko. Maaari din
itong tumukoy sa pagbabasa ng mga mag-aaral sa itinuturing nilang mga
“malalim na salita.” Dahil sa pagbabasang inirerekomenda ng guro sa kaniyang
mga mag-aaral, nagkaroon sila ng pagkakataong mapataas ang kamalayan
sa diskursong umiinog sa agham panlipunan at Araling Filipino sa ating bansa.
Narito ang ilang tugon ng mga mag-aaral sa kasanayang ito:

Mas nauunawaan ko ang mga bagay na hindi ko naiintindihan dahil sa


pagbasa ng mga libro o sa mga sinesearch ko sa paglikha ng aking pag-
aaral.

Mas naging kritikal ako sa aking binasa dahil sa mga naituro sa amin ng
aming adviser at guro namin sa Araling Filipino. At dahil din pinabasa nila
sa amin na may mga malalalim na salita.

Dahil mas naging kritikal ako at mas naiintindihan ko agad yun mga bagay
kapag basa lang nang basa kagaya na lang nga ng ginawa ko nung
gumagawa ako ng aking pananaliksik.

Marami akong kinailangang basahin at intindihin para sa aking papel kaya


naman mas natuto ako na magbasa na may malalim na pag-unawa o
ang pagiging kritikal upang mas maintindihan.
Sa bahagi naman ng pagsasalita, napaunlad ng programa ang paggamit ng
wikang Filipino sa pakikipagtalastan hindi lamang sa klase mismo, kundi pati na
rin sa mga kalahok ng kanilang pag-aaral, lalo na sa mga nagsagawa ng
pakikipagkuwentuhan, padalaw-dalaw, at patanong-tanong bilang metodo o
lapit sa pagkuha ng mga datos. Mas nagkaroon din sila ng kompiyansa sa sarili
dahil komportableng nagagamit ang wikang Filipino sa pakikipag-usap. Narito
ang ilang mga tugon mula sa mga mag-aaral.

Sa tingin ko ay mas nag-improve ang pagsasalita ko sa wikang Filipino.


Marami kasi sa mga salita na nakakabulol, kaya mahirap bigkasin kapag
binabasa o ng malakasan o sa harap ng mga tao. Mabilis ako magsalita
sa wikang Ingles, pero medyo mahina at mabagal ako pagdating sa
Filipino.

Nagkakaintindihan kami ng aking mga respondent dahil sa iisang


lenggwaheng binibigkas.

Samantala naman, sa pakikinig, natuto ang mga mag-aaral na magkaroon ng


koneksiyon sa kuwentong-buhay na ibinabahagi ng mga kalahok at para
naman sa mga gumawa ng mga pananaliksik larangan ng media studies, mas
naging malay sa mga mensaheng nakakubli sa bawat salitang naririnig sa
materyal. May mga pagkakataong nababanggit ng mga mag-aaral na
mahalaga ang pakikinig lalo na kung may one-on-one consultation sa guro.
Narito ang ilang mga sipi.

Mas nagawa ko na umunawa at sumunod sa binigay na mga instructions


at dapat makinig sa sinasabi ng research adviser.

Naunawaan ko na ang pakikinig ay napakaimportante dahil ito mo


malaman kung ano ang gusting ipahayag o pinapaliwanag ng isang
bagay o ng tao. Tulad na lang ng panonood at pakikinig ko sa
commercial para sa aking pag-aaral, isa rin sa paraan ang pakikinig sa
pag-aanalyze ko sa pinapakitang larawan o karakterisasyon ng Ama sa
commercials. Ang pakikinig ay mahalaga rin tuwing nagpapaconsult ka
sa research adviser dahil nakakatulong talaga ang mga sinasabi niya sa
kung ano ang nararapat na ayusin at kung paano pagandahin ang pag-
aaral.

Sentro naman sa kasanayang pagsulat ang naging improvement o pag-unlad


sa pagsusulat gamit ang wikang Filipino. Naging partikular ang mga mag-aaral
sa usapin ng akademiko at pormal na pagsulat, gramatika, tamang paggamit
ng bantas, paglawak ng bokabularyo, at ang pagsasanay sa pagsulat sa
wikang Filipino lalo na sa mga mas madalas na nagsusulat sa wikang Ingles.
Narito ang mga sipi bilang pansuporta.

Mas naging maayos ang aking pagsulat sa gamit ng wikang Filipino sa


aking pag-aaral. Aaminin ko na hindi perpekto ang aking pagsusulat,
ngunit sa tingin ko, mas nag-improve ang aking pagsulat dahil mas
naunawaan ko ang mga ibang salita na hindi ko masyado nagagamit na
puwede ko palang gamitin sa aking pagsusulat.
Sa pagsusulat, naging maingat at dapat konektado ang lahat ng aking
magiging kongklusyon at naging maalam din ako sa mga malalalim na
salita. At kailangan maging brief lang yung mga sinusulat pero dapat
andoon na lahat ng gustong sabihin.

Mas yumabong ang aking pagsusulat mula sa paglalagay ng tamang


gitling, kuwit, at marami pang iba.

Para naman sa mga iilang gumawa ng pananaliksik sa araling media,


napaunlad ng makaFilipinong pananaliksik ang kasanayan sa panonood dahil
ayon sa mga mag-aaral, mas lumalim ang kanilang interpretasyon sa mga
imaheng nakapaloob sa pinapanood, kabilang ang mga simbolong nakabalot
sa mga karakter na sinusuri at ang mga kilos at pananalitang nagbibigay kulay
sa karakterisasyon. Narito ang ilang mga sipi.

Dahil content analysis ang aking ginawa ay mas naging kritikal ako sa
aking pinapanood hindi lamang isa o dalawang beses ko pinapanood
ang mga videos. Kinakailangan ko pang ulit-ulitin ang ilan upang makuha
at maintindihan ko nang mas malalim ang mga nais kong alamin. Mas
natutunan ko na pansinin ang lahat ng nangyayari sa video at intindihing
Mabuti dahil Filipino ang ginamit sa isang mas malalim na paraan at hindi
parang nanonood lamang na walang saysay.

Mas lumalalim ang aking interpretasyon sa aking panonood. Dahil


nasanay ako na ianalyze ang mga bawat kilos, galaw, at sinasabi ng mga
tao o karakter sa palabas.

Ang mga resultang ito ay sumasang-ayon sa mga iminungkahing kasanayan na


kailangang malinang sa Filipinolohiya ni Magahis (2011). Ayon sa kaniya, may
apat na makrong kasanayan kailangang kolaboratibong mahulma sa mga
mag-aaral na gumagamit ng ganitong lente ng pananaliksik – pakikinig,
pagsasalita, pagbasa, at pagsulat. Sa pag-aaral na ito, lumabas na kailangan
din ng panonood bilang kasanayang kailangang mapaunlad sa pag-aaral ng
Araling Filipino.

Ikatlong Suliranin: Ano ang pananaw ng mga mag-aaral ng Humanidades at


Agham Panlipunan sa paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo ng
makaFilipinong pananaliksik?

Dalawang kategorya ang nabuo mula sa pagsusuring pagnilalaman ng


mga kalitatibong datos sa bahaging ito. Ang unang kategorya ay ang
pananaw ng mga -aaral ukol sa pagpapahalaga sa wikang Filipino
bilang akademikong wika at ang ikalawa ay ang pakikipagkapwa.

Unang kategorya: Ang Filipino bilang Akademikong Wika

Sa kategoryang ito, lumabas ang ilang mga realisasyon ng mga mag-aaral


nang magamit nila ang wikang Filipino sa pananaliksik.
Unang-una na rito ang pagturing sa wikang bilang seryosong wika sa mataas na
uri ng pagdidiskurso. Mas matagal ang naging exposure ng mga mag-aaral sa
Ingles bilang wika ng pananaliksik, matatag man o mahina ang pundasyon ng
kanilang mga kasanayan. Sa puntong ito, nailubog ang mga bata sa gawaing
mas malapit sa kanilang mga sarili at naipapaliwanag pa nila ito sa wikang mas
komportable silang gamitin. Ayon nga sa isang tugon, ”Mahalaga ang wikang
Filipino. Hindi dapat magpadala sa kanluraning ideolohiya na ang wikang Ingles
ang superior na wika dahil ang wikang Filipino ay wikang akademiko rin.”
(Kalahok 24).

Ikalawa, mas nabigyang halaga ng mga mag-aaral ang paggamit ng wikang


Filipino bilang mahalagang bahagi ng kulturang Filipino. May ideolohikal na
implikasyon ito dahil lagpas sa wika, mas naging malinaw na sa mga mag-aaral
na kailangang magbasa din ng mga ginawa ng mga Filipino, mas pagtuunan
ng pansin ang mga teoryang binuo ng mga Filipino, at mas pagtuunan ng
pansin ang kulturang sinasalamin ng wikang ito. Ayon sa isang tugon, “Para sa
akin, gamitin natin ang sariling teorya natin na pasok sa ating pananaliksik dahil
mas nakakatulong ito at mas maiintindihan natin dahil mayroon na tayong
kaalaman patungkol doon” (Kalahok 5). Dagdag pa rito, “Mahalaga din talaga
na magbasa ng mga librong may malalim na salita upang pag tayo ay nakipag-
usap sa mga propesyonal ay maintindihan ang kanilang mga sinasabi o nais
sabihin” (Kalahok 12).

Ikalawang Kategorya: Ang Pakikipagkapwa

Umusbong konseptong ito dahil kapansin-pansin sa naging karanasan ng mga


bat ana kapag ginagamit ang wikang Filipino, mas nagiging malalim ang
pakikisalumuha nila sa daigdig. Mas nagiging malalim ang ugnayan sa sinusuri
at pinapanood o kaya nama’y napapasok ng mga mag-aaral ang loob ng
kanilang mga kalahok. Sa mga paksaing may kinalaman sa pagkaFilipino,
napalapit sa mga mag-aaral ang daigdig lalo na’t nagamit pa nito ang wikang
Filipino. Ginamit ang wikang Filipino bilang wika ng komunikasyon. Ibig sabihin,
para sa mga mag-aaral na nagtungo sa field work, nagkaroon sila ng immersion
o paglubog sa mga realidad ng buhay na marahil hindi pa nila nararanasan. Sa
mga gumamit naman ng audio-visual na mga teksto ng pananaliksik, nagsilbing
lunsaran ang wikang Filipino upang masuri ang iba’t ibang representasyon ng
pagkaFilipino sa virtual na mundo. Ano man ang mundong kinalubugan ng mga
mag-aaral, mas naiintindihan nila ito dahil nagsalita ang mga mundong ito (ang
mundo ng mga kalahok at ng virtual na mundo) sa wikang naiintindihan nila.
Narito ang ilang mga sipi:

Ang pinakamahalaga kong natutunan sa wikang Filipino sa pagbuo ng


pananaliksik ay ang pakikisama sa kapwa dahil nga gumagamit ako ng
metodong pakikipagkuwentuhan at dahil nga sa metodong ginamit ko
ay mas nagawa ko nang maayos ang aking pananaliksik at mas lumalim
din ang pagkakaintindi ko sa mga kalahok ko.

Mas nakakarelate ako sa pinapanood ko kasi malapit sa experience ko


ang topic ng videos. Parang pinapanood ko ang sarili ko.
4 Kongklusiyon

Sa pananaliksik na ito, layunin ng mananaliksik na alamin ang karanasan,


kasanayan, at pananaw sa paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo ng
makaFilipinong pananaliksik. Gamit ang deskriptibong disenyo ng pananaliksik,
lumabas ang mga sumusunod na resulta.

1. Lumabas na katamtaman lamang (3.11) ang antas ng kahirapan na


naranasan ang mga mag-aaral ng HumSS sa proseso ng pagbuo ng
makaFilipinong pananaliksik. Nahirapan sa bahagi ng pagsasalin sa mga
binabasang kaugnay na pag-aaral at panitikan ngunit natugunan
naman ito ng mananaliksik sa pamamagitan ng paggabay sa mga mag-
aaral.
2. Napaunlad ng LIKHA Seryeng Panayam para sa MakaFilipinong
Pananaliksik ang mga mahahalagang makrong kasanayan sa pagbuo
ng makaFilipinong pananaliksik. Kabilang dito ang pagbabasa (22 tugon),
pagsasalita (15 tugon), pakikinig (13 tugon), pagsusulat (9 tugon), at panonood
(6 tugon).
3. Ayon sa pananaw ng mga mag-aaral, dahil sa paggamit ng wikang
Filipino sa makaFilipinong pananaliksik, nabigyan nila ng pagpapahalaga
ang ang wikang Filipino bilang akademikong wika at napaunlad nito ang
kanilang pakikipagkapwa.

Mahahalagang Sanggunian

Department of Education. (February 2014). K to 12 Senior High School


Humanities and Social Sciences Strand - Disciplines and Ideas in the
Social Sciences Curriculum Guide. Pasay City.

Department of Education. (February 2014). K to 12 Senior High School


Humanities and Social Sciences Strand – Inquiries, Investigations, and
Immersion Curriculum Guide. Pasay City.

Enriquez, Virgilio. (1978). Kapwa: A Core Concept in Filipino Social


Psychology. Nasa Atoy Navarro (ed), Mga Babasahin sa Agham
Panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pantayong Pananaw, at
Pilipinolohiya (23-34). Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino
at C&E Publishing.

Enriquez, Virgilio. (2015). Ang Batayan ng Sikolohiyang Pilipino sa Kultura at


Kasaysayan. UP Daluyan Special Issue, 35-54.

Healey, Mick and Alan Jenkins. (June 2009). Developing Undergrdautae


Research and Inquiry. Heslington. The Higher Education Academy.
Magahis, Josefina. (2011). Ang Makro-Kasanayan sa Filipinolohiya. Malay
Journal 23.2, 61-70.

Nuncio, Rhoderick V. at Elizabeth Morales-Nuncio. (2004). Sangandiwa:


Araling Filipino bilang Talastasang Pangkalinangan at Lapit-
Pananaliksik. Manila: University of Santo Tomas Press.

View publication stats

You might also like