You are on page 1of 4

Information Sheet 2.

3
Pagsulat ng Talumpati

A. Mga Uri ng Talumpati


Maaaring uriin ang talumpati ayon sa layunin nito---- impormatibo,
nanghihikayat, nang-aaliw, at okasyonal. Sa unang uri, ang talumpati ay
impormatibo kung ito ay naglalahad ng mga kaalaman tungkol sa isang
partikular na paksa. Halimbawa, talumpati tungkol sa mga epekto ng
schizophrenia sa dumaranas nito, mga balakid sa pag-aaral ng ikalawang
wika, at mga katangian ng isang mabuting mamamayang Pilipino.
Nanghihikayat naman ang talumpati kapag ang layunin ay hikayatin
ang tagapakinig na magsagawa ng isang partikular na kilos o kaya
hikayatin na panigan ang opinyon o paniniwala ng tagapagsalita.
Halimbawa, talumpati tungkol sa mga kasamaang maaaring idulot ng
kontrasepsiyon sa kababaihan; mga kabutihang maaaring idulot ng
marijuana bilang gamot, diborsiyo, same-sex marriage, at iba pa.
Ang talumpati ay maaari ding mang-aliw. Halimbawa nito ang mga
pagpapatawa sa mga comedy bar o pagbibigay-pugay sa isang
mahalagang tao sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga nakatatawa
niyang karanasan. Ang mga okasiyonal na talumpati naman ay isinusulat at
binibigkas para sa isang partikular na okasyon katulad ng kasal, kaarawan,
despedida, parangal at iba pa. Bagaman may mga manunulat na
pinaghahalo-halo ang iba't ibang uri ng talumpati sa isang piyesa,
umaangat ang isang layunin kaysa iba.
Maaari ding uriin ang talumpati ayon sa kahandaan. Madalas na
pareho ang pakahulugan ng mga diksiyonaryo at batayang aklat sa
talumpating impromptu at extemporaneous: talumpating may kaunti o
walang kahandaan. Ngunit para sa mga guro ng pagtatalumpating
pampubliko, malinaw ang kaibahan ng dalawa. Sa talumpating impromptu,
halos walang paghahanda sa pagsulat at pagbigkas ng talumpati.
Halimbawa nito ang biglaang pagtawag sa may kaarawan upang magbigay
ng maikling talumpati. Ang talumpating extemporaneous naman ay
nagmumukha lamang walang paghahanda. Sa katotohanan,
pinaghahandaan ito sa pamamagitan ng pagsulat ng speech plan upang
maging epektibo ang pagbigkas.
May ilang nagtatalumpating binabasa ang kanilang sinasabi upang
walang makaligtaang mahahalagang impormasyon. May iba namang
kinakabisado ang kanilang talumpati. Sa binabasang talumpati, may
tendensiya ritong mabagot ang tagapakinig dahil limitado ang eye contact
at walang gaanong kilos sa bahagi ng nagtatalumpati. Sa kinabisadong
talumpati, may tendensiya namang makalimutan ng nagsasalita ang
kaniyang talumpati. Bilang solusyon ginagawang magaan ng mga
mananalumpati ang wika at tono ng talumpati upang hindi mahirapan ang
mga tagapakinig. Inaayos din ng mananalumpati ang organisasyon sa
paraang lohikal upang madali niyang maalaala ang teksto.

B. Proseso sa Pagsusulat ng Talumpati


May sinusundang pormula sa pagsulat ng talumpati. Isipin mo na ang
talumpati ay paglalakbay paakyat at pababa ng bundok.
1. Paghahanda. Mahalagang mapukaw ang atensiyon ng tagapakinig
sa unang pangungusap pa lamang. Kaya sa pagsulat ng
introduksiyon, kailangan silang ihanda at isama sa paglalakbay.
Kailangan nilang malaman ang pupuntahan, kung interesante ba ang
paglalakbay, at kung bakit kailangan nilang sumama.
2. Pag-unlad. Huwag iwan o bibitawan ang tagapakinig sa kalagitnaan
ng pag pagsulat, siguraduhing nakatutok ang atensiyon nila. Lumikha
ng tensiyon, magkwento, magbigay ng mga halimbawa, maghambing
at magtambis, o gumamit ng mga tayutay at mga talinghagang
bukambibig. Sa paraang ito, hindi aalis ang tagapakinig
3. Kasukdulan. Ito ang pagkakataong narating na kasama ang
tagapakinig ng bundok. Sa bahaging ito, inilalahad ang pinakamahalagang
mensahe ng talumpati. Ito rin ang bahaging pinakamatindi na ang
emosyon.
4. Pagbaba. Isa ito sa pinakamahirap na bahagi ng pagsulat ng
talumpati. Paano ba ito tatapusin? Maaaring ibuod ang mahahalagang
puntong tinalakay sa talumpati. Maaari din namang mag-iwan ng mga
tanong. Anumang paraan ang piliin sa pagtatapos, kailangang mahuli ng
kongklusyon ang diwa ng talumpati.

C. Gabay sa Pagsulat ng Talumpati


Paano ba magsulat ng talumpati? Maaaring tanungin ang sarili ng
mga sumusunod bago magsulat ng talumpati.

Tuon
 Bakit ako magsusulat ng talumpati?
 Ano ang paksa?
 Ano ang mensaheng nais kong ipahayag?
 Ano ang gusto kong mangyari sa aking mga tagapakinig?
 Ano ang kahalagahan ng paksang tatalakayin ko?
Tagapakinig
 Sino ang aking mga tagapakinig?
 Bakit sila makikinig sa talumpati?
 Anong mahahalagang bagay ang nais kong baunin ng tagapakinig?
Pagsulat
 Paano ko pupukawin ang atensiyon ng tagapakinig?
 Anong lengguwahe ang gagamitin ko?
 Ano ang tono ng aking talumpati?
 Ano ang estilong ilalapat ko sa pagsulat ng talumpati?
 Paano ko aayusin ang organisasyon ng talumpati?
Pagsasanay
 Basahin mo nang malakas ang iyong isinulat upang malaman kung
natural at madulas ang daloy ng wika.
 Basahin mo sa harap ng isang kakilala o kaibigan ang talumpati
upang matukoy ang mga kalakasan at kahinaan nito.

You might also like