You are on page 1of 7

PABIHIS SA POONG HESUS NAZARENO

magaganap sa SIMBAHAN NG QUIAPO


Robloxian Universal Catholics

Rito ng Pabihis
KULAY: PULA

(Susuot ang Punong Tagapagdiriwang ng alba, stola, at kapa na kulay pula.)

℣. - sasabihin ng Punong Tagapagdiriwang


℟. - sasabihin ng kongregasyon

Pambungad na Awit
“Lumang Krus” (Adam Gulimlim)

Panimula

V. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo


R. Amen.

V. Ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pagibig ng Diyos Ama, at ang


pagkaisa ng Espiritu Santo nawa’y sumainyong lahat
R. At sumainyo rin.

V. Mga minamahal kong kapatid, ginagamit ng Diyos ang mga karaniwang bagay
upang ipagkaloob sa atin ang Kanyang grasya at paglingap. Sa pamamagitan ng mga
ito, napapahayag ang ating pasalamat sa Kanya.
Sikapin nating gamitin ang mga sagradong bagay upang parangalan at pasalamatan
ang Panginoon. Manalangin tayong ibuhos ng Diyos ang Kanyang awa at paglingap sa
pamamagitan ng damit na isusuot sa imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Alalahanin natin ang lahat ng ating mga kapatid na may sakit o may pinagdaraanang
mabigat sa kanilang buhay upang sila ay lingapin ng Diyos; makaranas nawa sila ng
ginhawa sa panalangin.

Komentador: Magsiupo po ang lahat at pakingan ang Salita ng Diyos.


Mga Pagbasa

Unang Pagbasa
Efeso 6:10b-17

Pagbasa mula sa sulat ng Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang


kapangyarihan. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang
mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban
sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng
kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa
himpapawid. Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa
gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang
masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.

Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at
isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; isuot ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa
pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. Lagi ninyong gawing panangga ang
pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. Isuot
ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi
ang Salita ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

Salmong Tugunan
Salmo 77:1-2, 34-35, 36-37, 38

R. Hindi nila malilimot


ang dakilang gawa ng D’yos.

Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,


inyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.
R. Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,


nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.

R. Hindi nila malilimot


ang dakilang gawa ng D’yos.

Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,


pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.

R. Hindi nila malilimot


ang dakilang gawa ng D’yos.

Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin


ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.

R. Hindi nila malilimot


ang dakilang gawa ng D’yos.
Aklamasyon bago ang Mabuting Balita (Aleluya)
Celtic Mass (Paul Walker)

Mabuting Balita
Mateo 9:18-26

Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno
ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng
aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa
kanya, at siya'y mabubuhay.” Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang
kanyang mga alagad.

Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang
taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit. Sinabi ng babae sa
sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon si
Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka
ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae.

Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at
ang mga taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata;
natutulog lamang!” At siya'y pinagtawanan nila. Nang mapalabas na ang mga tao,
pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon.
Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon.

Sermon (Katumbas ng Homilya sa Banal na Misa)

Pagbasbas sa Bagong Damit

V. Mga kapatid, manalangin tayo sa Diyos Amang Makapangyarihan upang tayo’y


maging kawangis ni Hesukristo sa pamamagitan ng ating pananalangin at ng
pagbabasbas ng kasuotang ito.
Manalangin tayo

Panginoon naming Diyos,


Ikaw ang pinagmulan ng lahat ng pagpapala’t biyaya
Ibuhos mo ang Iyong pagbabasbas sa damit na ito
Na siyang isusuot sa Imahen ng Iyong Anak, ang aming
Poong Hesus Nazareno. Ang damit na ito ay tanda ng Kanyang
Dignidad bilang aming Hari at Panginoon. Ang kulay ito ay paalala ng
Kanyang dakilang pag-ibig sa amin, nang inialay niya ang Kanyang Sarilii
Sa Krus. Pagkaloobin mong tularan ang kabanalan at aral ng ‘Yong Anak
Maging daan nawa ito at daluyan ng Iyong pagpapapala
Kami nawa’y makakaranas ng Iyong pagliligtas.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Mahal naming Poong Hesus Nazareno.
Amen.

(basbasin ng Pari ang damit sa pamamagitan ng pagwiwisik ng banal na tubig.)

Pabihis sa Imahen

Mga Aawitin

“Mahal na Poong Hesus Nazareno” (Wally Perez Labado)

“Bakit Kayo Natatakot?” (Wally Perez Labado)

“Huwag Kayong Matakot, Si Hesus Ito” (Bill Kevin Del Rosario)

“Dakilang Pagmamahal” (Papuri Singers)

(ilaglag ang belo na sumasaklaw sa Poon)


Pagwawakas

V. Mga kapatid, ang damit na ito na sinuot sa imahen ng Mahal na Poong Hesus
Nazareno ay tanda para sa atin ng Kanyang buhay na presensya, na pinili ng Diyos na
maging pamamaraan at instrumento. Sa pamamagitan ng mga sakramento, patuloy na
buhay ang Panginoon at nagkakaloob sa atin ng grasya at pagpapala. Sa pamamagitan
ng mga banal na bagay tulad ng mga imahen, rosaryo, damit, at iba pang mga
instrumento ng debosyon, tayo’y inihanda at inilapit sa pakilala kay Hesus; lalo na sa
Banal na Sakramento. Sa ebanghelyo, maging ang laylayan na damit ng Panginoon ay
hinayaan Niyang maging daluyan ng Kanyang kapangyarihang magpagaling. Niloob
ito ng Panginoon upang makalapit sa Kanya at gumaling ang mga may
pananampalataya. Tayo rin na hawak sa damat na ito ay nawa makaranas ng pag-ibig
at pagkalinga ni Hesus. Lumapit tayo ng may panananampalataya na umaasa sa tulong
ng Panginoon.

Manalangin tayo

Panginoong Diyos,
Punong-puno ng pasasalamat ang aming mga puso
Habang ipinagdiriwang namin ang pagbabasbas sa damit na isinuot sa
Imahen ng Poong Hesus Nazareno. Ikinisisiya at pinananabikan namin
ang pagdulog sa Iyong dambana dahil tunay ka naming pinasasalamatan,
O Aming Diyos. Ngayon, saglit kaming mananahimik upang alalahanin
at ipagpasalamat ang mga biyayang aming natanggap sa mga nakalipas na araw.

Komentador: Tumahimik tayo sandali at magpasalamat sa ating Mahal na Poong Hesus


Nazareno.

V. Ama naming Makapangyarihan,


Ang dami dapat naming ipagpasalamat sa Iyo
ngunit tulad ng mga ipinagkalooban mo ng biyaya,
kami ay madaling makalimot. Patawarin Mo kami sa aming
kawalan ng utang na loob. Nawa’y makita namin ang lahat
ng mga biyaya ay nagbubuhat sa Iyong kagandahang loob.
Salamat Panginoon sa lahat ng mga biyayang Iyong kaloob
tulungan Mo nawa kaming magkaroon ng pusong mapagpasalamat
sa aming paglilingkod at pagganap sa Iyong kalooban. Hinihiling
namin ito sa pamamagitan ni Kristo, aming Panginoon.
R. Amen
V. Sumainyo ang Panginoon
R. At sumainyo rin.

V. At pagpalain nawa kayo ng Makapangyarihang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo


R. Amen.

V. Humayo kayong taglay sa kapayapaan at pag-ibig ng Mahal na Poong Hesus


Nazareno
R. Salamat sa Diyos.

Pangwakas na Awit
“Nuestro Padre Jesus Nazareno” (Lucio San Pedro)

Pamimintuho sa Lumang Damit na Isinuot ng Mahal na Poong Hesus Nazareno

(habang inaawit ang Pangwakas na Awit, lalapit ang mga deboto sa Pari na humahawak ng
lumang damit ng Poon at paparangalan nila ito sa pamamagitan ng paghahalik o masidhing
pagyuyuko. Ang proseso ng pagpaparangal ay maipatulad sa proseso ng pakikinabang sa Banal
na Misa.)

You might also like