You are on page 1of 17

Senior High School

Pagbasa at Pagsusuri
ng Iba’t Ibang Teksto
Tungo sa Pananaliksik
Ikalawang Semestre – Modyul 15:
Rebisyon ng Papel-Pananaliksik

AIRs - LM
i

LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA
PANANALIKSIK
Baitang 11 – Ikalawang Semestre
Modyul 15: Rebisyon ng Papel-Pananaliksik
Ikalawang Edisyon, 2022

Karapatang sipi © 2022


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anomang paggamit o pagkuha


ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Michael G. Miranda at Alvin D. Mangaoang


Tagasuri: Jomari B. Banut at Larry O. Barbasina
Editor: Alvin D. Mangaoang
SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr.
Tagalapat: Michael Jason D. Morales

Tagapamahala:
Atty. Donato D. Balderas Jr.
Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, PhD
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, PhD, CID Chief
Virgilio C. Boado, PhD, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, PhD, EPS in Charge of Filipino
Michael Jason D. Morales, PDO II
Claire P. Toluyen, Librarian II

Inilimbag sa Pilipinas ng: _________________________

Department of Education – SDO La Union


Office Address: Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union
Telefax: 072 – 205 – 0046
Email Address: launion@deped.gov.ph

ii
Senior High School

Pagbasa at Pagsusuri
ng Iba’t Ibang Teksto
Tungo sa
Pananaliksik
Ikalawang Semestre – Modyul 15:
Rebisyon ng Papel-Pananaliksik

iii
Paunang Salita

Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating


mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi na
gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at malinang ang mga
kasanayang itinakda ng kurikulum.
Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na
naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga magulang
o kung sinomang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa kani-
kanilang tahanan.
Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman ng
mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi kung
kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro. Mayroon ding
pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat naman ang natutuhan.
May susi ng pagwawasto upang makita kung tama o mali ang mga sagot sa bawat
gawain at pagsusulit. Inaasahan naming magiging matapat ang bawat isa sa
paggamit nito.
Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan ang
anomang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa pagsagot sa
mga pagsasanay.
Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro
kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at paggamit ng
SLM na ito.
Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,
umaasa kaming matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.

iv
Sapulin

Kumusta ka mahal kong mag-aaral? Nawa’y sariwa pa sa iyong isipan ang


natutuhang konsepto sa nakaraang modyul hinggil sa paggamit ng iba’t ibang
sistema ng dokumentasyon. Mahirap man ngunit dahil sa iyong pagpupursige,
nagawa mo nang buong husay ang mga gawain. Ngayon naman ay dadako na tayo
sa kasunod pang aralin.

Sakop ng Modyul 15 ang tungkol sa rebisyon ng papel-pananaliksik. Kabilang


din dito ang pagtalakay sa pagsulat ng burador at pinal na sipi.

Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang sumusunod:

Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELCs):


1. Nagagamit ang mga katuwirang lohikal at ugnayan ng mga idea sa pagsulat
ng isang pananaliksik (F11WG-IVgh-92); at
2. Nakabubuo ng isang maikling pananaliksik na napapanahon ang paksa.
(F11WG-IVgh-92).

Mga Tiyak na Layunin:


1. Nalalaman at nailalapat ang iba’t ibang gabay at pagbabantas sa
proofreading at editing;
2. Natutukoy kung tama o mali ang diwa ng pangungusap;
3. Nakapagsasaliksik online ng karagdagang impormasyon sa rebisyon ng
papel-pananaliksik; at
4. Narerebisa ang pananaliksik na nagawa batay sa puna at suhestiyon ng
guro at tagabasa.

Sabik ka na bang magpatuloy sa pag-aaral? Kung oo, halika na’t magsimula


na tayong matuto.

1 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Aralin
Rebisyon ng Papel -
15 Pananaliksik

Simulan

Binabati kita mahal na mag-aaral. Napagtagumpayan mo ang mga aralin at


gawain sa nakaraan bahagi ng learning material na ito. Ngayon, tayo’y magpapatuloy
sa ating aralin. Handa ka na ba? Sige magsimula ka na sa paunang gawain.

Gawain 1: Gaano Ka Kaalam!


Panuto: Ibigay ang sarili mong pagpapakahulugan ang sumusunod na salita. Isulat
ang sagot sa sagutang papel.

Rebisyon

Proofreading

Burador

Mahusay! Matagumpay mong naisagawa ang gawain. Ngayon ay iyo nang


mababatid ang tungkol sa pagsulat ng burador at pinal na sipi at ang rebisyon ng
papel-pananaliksik na kakailanganin sa pananaliksik.

2 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Lakbayin

Pagsulat ng Burador at Pinal na Sipi

Ang pagsulat ng isang panukalang-saliksik ang susunod na hakbang kapag


tinanggap na ang konseptong papel. Hindi katulad ng huli na nagbibigay lamang ng
pangkalahatang idea sa binabalak na pag-aaral, ang ikalawa ay nagpapakita na ng
mismong nilalaman ng pananaliksik.

Ang Burador (draft) ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pag-


uugnay-ugnay ng mga nakalap na tala. Ito ay ibinabatay sa panghuling balangkas.
Kailangang pag-aralang mabuti ang balangkas bago isulat ang burador. Kung kulang
ang datos na nakalap ay tiyak na mahihirapang isulat ang ilang bahagi.

Mahalagang magkaroon ng burador sa pagsulat ng sulating pananaliksik


upang makita mo ang kabuoan nito at mapagpasiyahan kung mayroon pa bang
kinakailangang impormasyon, may paliwanag na kailangang palitan o burahin, o
kailangang palitan ang organisasyon ng ilan sa mga idea, na tutulong sa pagsulong
ng iyong tesis.

Ang ilan sa mga kinakailangang masunod sa pagsusulat ng pananaliksik ay


ang sumusunod:

1. Una, marapat na may sariling lalagyan o sisidlan ang mga materyal na gamit
sa pananaliksik. Huwag itong isama sa iba pang gamit sa paaralan.
2. Kung uubra, kailangang may sariling laptop o desktop para sa mas maayos na
pamamaraan ng pagsusulat. Kaakibat nito, marapat na may lalagyan ng mga
soft copy maging ng mga na-download na file.
3. Gumawa ng timeline sa pananaliksik. Kailangang malinaw ang prayoridad sa
isinasagawang pagsusulat. Gumawa ng kalendaryo at bigyan din ng sarili ng
pamamahinga sa pagsusulat.
4. Maging konsistent sa mga materyal na binabasa. Nakatutulong ang mga ito sa
maayos na pagbuo ng konsepto ng paksang isinusulat.
5. Magpa-photocopy na lamang ng mga materyal para sa hard copy. Mas
makatitipid sa pagkakataong ito.

Para sa mga naisagawa nang pagsusulat, may mga bahaging hindi na


nailalagay pa sa aktuwal na katawan ng pagsusulat. Hindi dahil sa hindi maaari
kundi dahil hindi ito ganoon kahalaga para sa buong kasagsagan ng pagtalakay. Sa
ganitong sitwasyon, ang lahat ng mga hindi mailalagay sa aktuwal na pagtalakay sa
paksa ay maaaring ilagay sa tinatawag na apendiks.

Ilan sa mga Bagay na Nailalagay sa Apendiks

1. Graph – Sa aktuwal na pagtalakay, ang espesipikong bahagi lamang ng graph


na kailangan sa pagtalakay ang maaaring gamitin.
2. Mga Larawan – Tinatawag din itong Plates sa ibang uri ng pananaliksik. Hindi
lubos na isinasaalang-alang ang mga larawan sa aktuwal na pagsusulat ng

3 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
pananaliksik. Kadalasan, idinadagdag ang mga ito sa apendiks na may
kasamang caption bilang pagpapaliwanag.
3. Mga Tables o Talahanayan – Mas komprehensibo ang paglalagay ng mga
table sa apendiks. Dito inilalagay ang lahat ng mga naging bahagi ng pag-aaral
sa pagkalap ng mga datos na hindi nailalagay sa aktuwal na pagsusulat ng
pananaliksik.
4. Transcript ng Panayam – Dito nakasulat ang kabuoang transcript na ginamit
sa pakikipanayam.
5. Larawan ng mga nagsasagawa ng pananaliksik – Maari ding ilagay dito
ang larawan ng mga pinagdaanan ng nagsusulat.

Preliminaryo ng Sulating Pananaliksik

1. Pahina ng Pamagat – Dito makikita ang pamagat, uri ng pananaliksik,


mananaliksik, paaralan, buwan at taon, asignatura ng saliksik.
2. Dahon ng pagpapatibay – Pahina itong patunay na naihanda na sa depensa
ang saliksik at aprubado na para ipresenta.
3. Pasasalamat at Paghahandog – Sa pahinang ito pinasasalamatan ang lahat
ng mga taong nakatulong sa pagbuo ng saliksik.
4. Talaan ng Nilalaman – Dito nakasulat lahat ng bahagi ng papel, pahina ng
bawat seksyon atbp. Marami itong uri at pormat depende sa estilo na itinuro
ng institusyon
5. Talaan ng mga Talahanayan – Dito inilalagay ang tala ng mga talahanayang
nagamit sa pananaliksik kabilang ang pahina nito.
6. Talaan ng mga Pigura – Dito nakatala ang anomang ilustrasyong ginamit sa
pananaliksik.
7. Abstrak – Dito nakalagay ang kabuoang perspektibo ng pananaliksik.

Rebisyon ng Papel-Pananaliksik

Rebisyon ang pinakahuling proseso sa produksiyon ng papel-pananaliksik.


Kailangang maunawaan ng isang mananaliksik na ang pananaliksik at pagsulat ay
nagpapatuloy na proseso. Sa rebisyon, mulat na tinatanggap ng isang mananaliksik
ang posibilidad na ang isang bahagi ng papel o maaaring ang buong papel-
pananaliksik ay kailangang muling pag-isipan, baguhin, at isulat. Mahirap kamtin
ang ganitong uri ng kamalayan para sa isang mananaliksik. Madalas na nahihirapan
ang isang mananaliksik na tanggaping may kahinaan sa kaniyang pananaliksik o
kaya’y talagang nagkakaproblema siya na tukuyin sa pamamagitan ng sariling
pagtatasa lamang ang mga kahinaan o pagkakamaling papel. Ilan pang mga praktikal
na suliranin ang kakulangan ng oras para sa rebisyon o kaya’y pagsasagawa sa
paulit-ulit na proseso ng rebisyon at editing.

Upang igpawan ang ganitong uri ng mga pag-iisip hinggil sa rebisyon,


kadalasang mas mataas na grado ang nagtutulak sa isang mag-aaral na rebisahin
ang papel-pananaliksik. Ngunit bukod pa sa grado, ang rebisyon ay maraming
kapakinabangang dulot sa pananaliksik at mismong sa mananaliksik. Hinahasa ng
prosesong ito ang isang manunulat na maging mas mahusay at matalas sa pagsulat.
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pinakamabuting paraan upang lubos na
matutuhan ang pagsulat, ay ang proseso ng muling pagsulat. Ibig sabihin,
pumapasok na ito sa kakayahan ng metakognisyon kung saan natututuhan ng isang
mananaliksik ang pinakamahusay na paraan ng pagsulat mula sa sariling karanasan
at estilo ng pagsulat. Sa pamamagitan nito, natutuklasan ng mananaliksik ang mga

4 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
kahinaan sa kaniyang pagsulat at nakadidiskubre ng mga padron ng pagkakamali
sa gramatika o kaya’y sistematisasyon ng idea. Kung matutukoy ito ng isang
mananaliksik, mababago niya ang mga pagkakamaling ito sa susunod na
pagkakaton at sa proseso ay mas magiging mahusay at episyenteng manunulat.
Gayondin, sa rebisyon, nahahasa ang analitikal na kakayahan sa pagbasa ng isang
mananaliksik. Natututuhan sa proseso ang kinakailangang pagpapalit ng ilang idea
na nagpapalakas at nagpapalalim sa mga argumento ng pananaliksik.

Bukod sa mga nabanggit na kabutihang dulot ng rebisyon para sa


mananaliksik, mahalaga rin ang rebisyon para sa mismong pananaliksik at sa
kabuoang produksiyon ng kaalaman. Kung may malasakit ang isang mananaliksik
sa katumpakan ng impormasyon mula sa pananaliksik at kabisaan nito na
makaimpluwensiya o lumikha ng pagbabago, mahalaga ang rebisyon sa layuning ito.
Sa pamamagitan ng rebisyon, matutukoy kung may mga pagkakamali sa datos na
inilahad o kaya’y makatutuklas ang mananaliksik ng mas mabisang paraan ng
presentasyon ng mga ito kung muli’t muling babalikan at babasahin ang
pananaliksik.

Mga Uri ng Rebisyon [Odegaard Writing and Research Center (2014)]

1. Malawakang Rebisyon – Ito ay may kinalaman sa pagtatasang kabisaan ng


kabuoang papel. Maaaring may kinalaman ito sa pagdaragdag ng mas matibay
na mga ebidensiya o kaya’y pagpapatibay ng mga pangangatuwiran. Nagiging
suliranin din kung mali ang tinahak ng kabuoang papel-pananaliksik at hindi
nasagot ang mga layunin o suliranin ng pananaliksik. Sa uri ng rebisyong ito,
maaaring magdesisyon ang mananaliksik na muling isulat ang buong papel
kung mas epektibo ang estruktura ng naisip.

2. Hindi Malawakang Rebisyon – nangangailangan lamang ng kaunting


pagbabago kung isang bahagi lamang ang makitaan ng suliranin. Maaaring
may kakulangan lamang sa introduksiyon, pagpapaliwanag ng ilang termino.
Sa uri ng rebisyong ito, mahalagang muling basahin ang papel upang makita
kung nakakonteksto sa kabuoan ang ginawang pagbabago.

Mga Proseso sa Rebisyon

Mahalagang proseso rin sa rebisyon ang editing at proofreading. Kadalasang


ipinagkakamali ng mga mag-aaral na ang rebisyon ay editing lamang, ngunit hindi
ito iisang proseso sapagkat isang maliit na bahagi lamang ng rebisyon ang editing.

1. Editing – Ito ay ang paghahanap ng malilit na suliranin sa teksto na madaling


masolusyonan gaya ng pag-aalis o pagdaragdag ng salita o pangungusap, pag-
aalis o paglilipat ng talata, at iba pa. Sa bahagi ring ito nirerebisa ang wika ng
papel upang mas maging malinaw, maikli ngunit malaman, at madaling
basahin para sa mga mambabasa. Kadalasang ginagawa ito kung ipapasa ang
pananaliksik sa isang journal na may tiyak na mga kahingian sa pormat.

2. Proofreading – Ito naman ay may kinalaman sa mga pagkakamaling


gramatikal, tipograpikal, at pagbabantas. Kailangang maging maingat sa
pagbasa ang mananaliksik sa bahaging ito dahil tinitingnan ang baybay at
tamang gamit ng bawat salita. Kadalasang nagkakamali ang mga mag-aaral
sa gamit ng “ng at nang” “rito at dito” “doon at roon” at iba pa.

5 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Mga Gabay sa Mananaliksik sa Pagsasagawa ng Rebisyon

1. Tukuyin ang pangunahing punto ng papel-pananaliksik – Ano ang


pangunahing nais sabihin ng iyong papel? Subukang ibuod ang pangunahing
tesis ng papel at ang mga ebidensiyang ginamit upang mapatunayan ito.
Malinaw ba ang tesis ng papel at may tiyak ba itong pinatutunguhan?
2. Tukuyin kung sino ang mga mambabasa ng pananaliksik at kung ano
ang mga layunin nito – Nakamit ba ng papel-pananaliksik ang mga tinukoy
na layunin? Kung para ito sa tiyak na populasyon o grupo ng kalahok,
magbibigay linaw ba ang pananaliksik sa paksang tinalakay?
3. Tasahin ang iyong mga ebidensiya – Sinusuportahan ba ng kabuoang papel
ang tesis ng iyong pag-aaral? May sapat bang mga ebidensiya at datos upang
mapanindigan ang mga argumento ng papel? Kung gumamit ka ng mga sipi
mula sa kaugnay na literatura at pag-aaral, maayos mo bang natukoy at
kinilala ang pinagmulan nito?
4. Panatilihin lamang ang mahalagang punto ng pananaliksik – Lahat ba
ng idea ay may kinalaman sa pangunahing tesis ng papel? May mga idea bang
walang kinalaman sa paksa o tesis ng pag-aaral? Kung mayroon man,
kailangan mo bang baguhin ang tesis ng pag-aaral o alisin na lamang ang
idea?
5. Pakinisin ang gamit ng wika sa kabuoan ng papel-pananaliksik – May
mga malabong idea at pangungusap ba dahil sa hindi maayos na gamit ng
wika? Basahin nang malakas ang iyong papel at pakinggan kung may hindi
akmang mga salita at malabong idea. Alisin ang mga salitang may malabong
kahulugan at maling paggamit.
6. Alisin ang mga pagkakamaling gramatikal – May mga pagkakamali ba sa
gramatika, pagbabantas, at pagbaybay? Kung may pagkakamali, tiyakin ang
maayos na pagtatala ng mga ito, at kung hindi tiyak sa tamang gamit,
maaaring komonsulta sa mga dalubhasa sa wika.
7. Baguhin ang punto de-bista mula sa pagiging mananaliksik tungong
mambabasa – Magkunwaring binabasa mo ang pananaliksik ng ibang tao.
Ano sa tingin mo ang mga punto ng kalakasan at kahinaan ng papel? Bakit?
Ano sa tingin mo ang mga magagawa upang mapabuti pa ang iba’t ibang
bahagi ng papel? Madali bang maunawaan ang kabuoan ng pananaliksik?

Bukod sa mga nabanggit na gabay, may ilan pang praktikal na pamamaraan


upang mapadali ang rebisyon. Kailangang maglaan ang mananaliksik ng sapat na
panahon sa pagsulat ng papel pananaliksik bago ang nakatakdang, petsa ng
pagpapasa upang makapaglaan pa ng oras sa rebisyon. Makabubuti rin kung
matapos ang pananaliksik ay i-print ito para sa editing at proofreading. Madalas kasi
na hindi gaanong nakikita ang mga pagkakamali kapag sa kompyuter lamang binasa
ang manuskrito. Ang pagbasa nang malakas ay makatutulong din kung nais alisin
ang mga salitang magulo ang kahulugan o hindi akma ang pagkagamit. Sa
pamamagitan nito ay mas dumudulas din ang gamit ng wika. Ipinapanukala rin ng
mga eksperto na “ipahinga” ang manuskrito o patulugin nang ilang araw bago muling
basahin para sa rebisyon.

Handa ka na bang simulan ang rebisyon ng sariling pananaliksik? Isagawa mo


muna ang sumusunod na gawain.

6 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Galugarin

Gawain 2: Fact o Bluff


Panuto: Isulat ang Fact kung ang bawat aytem ay nagpapahayag ng wastong diwa.
Bluff naman kung hindi. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

_____ 1. Inirerekomendang gawin ang rebisyon sa kompyuter para mas


mapabilis ang proseso.
_____ 2. Mahalaga ang pagiging obhetibo ng isang mananaliksik upang matapat
na kilalanin ang mga pagkakamali sa papel-pananaliksik.
_____ 3. Kailangang panindigan ng mananaliksik ang punto-de-bista ng isang
mananaliksik upang makita ang mga pagkakamali sa pananaliksik.
_____ 4. Kadalasang pinagkakamalan na ang rebisyon at editing ay iisa.
_____ 5. Ang proofreading at editing ay mahahalagang bahagi ng rebisyon.
_____ 6. Huwag nang ipahinga ang manuskrito at isunod agad ang rebisyon
upang makita agad ang mga pagkakamali sa pananaliksik.
_____ 7. Kailangan ng sapat na panahon ang pananaliksik upang mabigyan pa
ng oras ang rebisyon.
_____ 8. Nahahasa ang kakayahan sa pagsulat ng isang mananaliksik dahil sa
rebisyon.
_____ 9. Sa rebisyon, hindi kinakailangang baguhin ang kabuoan ng papel
kundi tingnan lamang ang maliliit na kahinaan nito sa bawat bahagi.
_____ 10. Walang kinalaman ang pagbasa nang malakas sa manuskrito sa
proseso ng rebisyon.

Gawain 3: Subukin ang Natutuhan!


Panuto: Basahing mabuti ang bawat tanong. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

1. Ano ang kabuluhan ng pagsunod sa mga bahagi ng pagsusulat ng draft ng


isang pananaliksik?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
2. Masasabi mo bang siyentipiko ang proseso ng pagdodokumento sa
pananaliksik? Bakit?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
3. Ano ang kahalagahan ng pagtatago ng lahat ng datos na nagamit sa
pananaliksik?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
4. Ano ang kahalagahan ng burador sa pananaliksik?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
5. Bakit kailangan ang rebisyon sa papel-pananaliksik?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

7 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Gawain 4: Online Pa More!
Panuto: Basahin ang sumusunod na babasahin mula sa Google Books para sa
karagdagang kaalaman tungkol sa pagsulat ng draft ng panukalang-saliksik.
Gawing gabay ang mga ito sa gagawing aktuwal na pagsulat ng panukalang-
saliksik.

1. Developing Effective Research Proposals ni Keith F. Punch (2016), p. 9-18


2. Research Proposals: A Practical Guide ni Martin Denscombe (2012), p. 5-31
3. The Research Student’s Guide to Success (Third Edition) ni Pat Cryer (2006)

Palalimin

Gawain 5: Pagrebisa sa Nasulat na Papel-Pananaliksik


Panuto: Magsagawa ng rebisyon mula sa nabuong pananaliksik sa nakaraang mga
modyul o aralin. Pansinin ang iyong katuwirang lohikal at ugnayan ng mga
idea sa pagsulat ng isang pananaliksik. Sundin ang rubriks na nasa ibaba
bilang gabay sa pagsulat ng papel- pananaliksik.

Kaukulang
Batayan ng Grado sa rebisyon ng papel-pananaliksik Grado
Puntos
Mahusay na naisagawa ang mga punto ng rebisyon batay
6
sa checklist at suhestiyon ng guro
Malinis ang pangkalahatang nilalaman at kaayusan ng
6
manuskrito
Naging maagap sa itinakdang deadline sa pagpapasa ng
3
iba’t ibang bahagi ng pananaliksik
Kinakitaan ng kooperasyon at kolaborasyon ang grupo
3
hanggang sa pinakahuling rebisyon ng manuskrito
Bukas ang isip at positibo ang naging pagtanggap sa mga
2
pangangailangang baguhin ang manuskrito
Kabuoan: 20

8 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil umabot ka sa bahaging ito. Tiyak marami kang
natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa Modyul na ito. Ngayon, ating tatayahin ang
iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong. Isulat sa iyong
sagutang papel ang letra ng tamang sagot.

______1. Anong proseso sa pagsasagawa ng sulating pananaliksik ang ginagawa


bago isulat ang pinal na sipi?
A. Gumamit ng iba’t ibang sistema ng dokumentasyon
B. Bumuo ng konseptong papel
C. Isulat ang burador o draft
D. Bumuo ng balangkas
______2. Anong uri ng rebisyon ang gagawin sa pagsasaayos ng bantas sa buong
papel?
A. Hindi Malawakang Rebisyon B. Malawakang Rebisyon
C. Proofreading D. Editing

______3. Alin sa sumusunod ang hindi kasama sa proofreading?


A. Pagsasaayos ng pagbabantas sa buong papel
B. Pagtiyak na tama ang pagbaybay sa mga salita
C. Pagpili ng mas tiyak at angkop na mga salita upang maging
malinaw ang nais ipahayag
D. Pagrerebisa sa wika upang mas maging maikli at malaman ang
paraan ng pagpapahayag

______4. Alin sa sumusunod ang maling pahayag tungkol sa rebisyon?


A. Ang proofreading at editing ay mahalagang bahagi ng rebisyon.
B. Nahahasa ang kakayahan sa pagsulat ng isang mananaliksik
dahil sa rebisyon.
C. May kinalaman ang pagbasa nang malakas sa manuskrito sa
proseso ng rebisyon.
D. Inirerekomendang gawin ang rebisyon sa kompyuter para mas
mabilis ang proseso.

______5. Alin sa sumusunod na pahayag ang mali tungkol sa malawakang


rebisyon?
A. May kakulangan lamang sa pagpapaliwanag sa ilang bahagi ng
papel.
B. May kinalaman sa pagtatasa at posibleng pagbabago ng
kabuoang papel.
C. Pangangailangang baguhin ang buong papel dahil hindi nasagot
ang layunin ng pananaliksik.
D. Pagpapalit ng kabuoang estruktura ng papel-pananaliksik.

9 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
B. Panuto: Tukuyin kung anong uri ng rebisyon ang makikita sa sumusunod na
aytem. Piliin ang titik ng tamang sagot sa loob ng kahon at isulat ito sa
sagutang papel.

A. Malawakang Rebisyon B. Hindi Malawakang Rebisyon


C. Proofreading D. Editing

______1. Pagsasaayos ng pagbabantas sa buong papel.


______2. May kinalaman sa pagtatasa at posibleng pagbabago ng kabuoang
papel.
______3. Pagtiyak na tama ang pagbaybay sa mga salita.
______4. Pangangailangang baguhin ang buong papel dahil hindi nasagot ang
layunin ng pananaliksik.
______5. Sabog ang pagkakalahad ng mga ebidensya at kailangang pag-ugnay-
ugnayin ito.
______6. May kakulangan lamang sa pagpapaliwanag sa ilang bahagi ng papel.
______7. Pag-aalis o pagdaragdag ng talata upang umayos ang daloy ng
pagtalakay.
______8. Pagrerebisa sa wika upang mas maging maikli at malaman ang paraan
ng pagpapahayag.
______9. Pagpili ng mas tiyak at angkop na mga salita upang maging malinaw
ang nais ipahayag.
______10. Pagpapalit ng kabuoang estruktura ng papel-pananaliksik.

Binabati kita mahal kong mag-aaral. Tiyak


kong marami kang natutuhang aralin sa rebisyon
ng papel-pananaliksik. Lubhang napakahalaga
nito dahil magagamit mo ang konseptong ito hindi
lamang sa papel-pananaliksik kundi maging sa
pang-araw-araw na pamumuhay. Ihanda mo
ngayon ang iyong sarili sa huling modyul – Modyul
16: Presentasyon at Paglalathala ng Pananaliksik

10 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15 11
ARALIN 15: Rebisyon ng Papel-Pananaliksik
SIMULAN
Gawain 1: Gaano Ka Kaalam! Iba-iba ang sagot
GALUGARIN
Gawain 2: Fact o Bluff
1. Bluff
2. Fact
3. Fact
4. Fact
5. Fact
6. Bluff
7. Fact
8. Fact
9. Bluff
10. Bluff
Gawain 3: Subukin ang Natutuhan! Iba-iba ang sagot
Gawain 4: Online Pa More! Iba-iba ang sagot
PALALIMIN
Gawain 5: Pagrebisa sa Nasulat na
Papel-Pananaliksik Iba-iba ang sagot
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B.
1. C 1. C 6. B
2. C 2. A 7. D
3. D 3. C 8. D
4. D 4. A 9. D
5. A 5. A 10. A
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Sicat-De Laza, C. (2016). Pagbasa at pagsusuri ng iba't ibang teksto tungo sa
pananaliksik. Manila: Rex Bookstore

Reyes, M. (2016). Pagbasa at pagsusuri ng iba't ibang teksto tungo sa pananaliksik.


Makati: Diwa Learning Systems Inc.

Carpio. P.D.S., et.al (2016). Komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang


Pilipino. Malabon City: Jimczyville Publications.

Constantino, P. C. at Zafra, G. S. (2017). Filipino sa piling larangan. p. 271-282

12 LU_Q4_Pagbasa at Pagsusuri_Module15
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SDO La Union


Curriculum Implementation Division
Learning Resource Management Section
Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union 2500
Telefax: 072-205-0046
Email Address:
launion@deped.gov.ph
lrm.launion@deped.gov.ph

You might also like