You are on page 1of 3

Group Members: 10 Oct 2023

Bersalona, Regie Luckie Lei


Gadil, Daisy Mae
Macalo, Julienne Faye
Faguingas, Chryzel Jane
Pangi, Ivy Rose
Bayong, Nile
Sadey, Albiemer Jonas

PAGPANAW NG MAHAL SA BUHAY: KULTURA AT TRADISYON NG MGA IBALOI SA


VIRAC

Kinapanayam namin si Mrs. Olga Victor Sadey, isang Ibaloi mula sa Virac Itogon, Benguet
tungkol sa kanilang kultura at mga paniniwala kapag may namatay at ipinahayag niya naman
ang mga paniniwala, ritwal at tradisyon ng mga Ibaloi.

Ayon kay Mrs. Sadey, magkakaiba ang mga paniniwala ng mga Ibaloi ngunit ang mga
paniniwala ng mga katutubong Ibaloi sa Virac kapag may namata ay kahit ano man ang
kasarian at dahilan ng pagkamatay, apat na araw nila itong paglalamayan ngunit kapag may
kaya naman ay maaari itong umabot sa pitong araw. Kapag naman bata, karaniwan kapag
sanggol ay mga dalawang araw lamang, kung kapapanganak naman ay idinederetso na lamang
na ilibing. Ang mga bagay na ito ay dumaadaan sa ritwal na proseso.

Sa kagawiang apat na araw, sa unang araw, tinitipon ang damit ng namatay at kung babae,
dinadagdagan ito ng puting bestidang gawa sa katcha, ang mga kumot ay hindi rin basta-basta.
Ang baboy ay kinakatay pero hindi nirerekado. Nilalagay ang namatay sa isang kabaong, at ang
kadalasang ginagamit nilang kabaong ay gawa sa pine trees at walang yari sa metal. Ngunit sa
pag-unlad ng teknolohiya, may mga modernisasyon na rin, at ang ilan ay gumagamit na ng
makabagong gawa at komersyalisadong mga kabaong.

Sa ikalawang araw ay ang pagbibigay ng “ofu” o ang abuloy. May listahan na katabi lamang ng
kahon na lalagyan ng perang donasyon. Kapag nagbibigay, karaniwang lumalapit at
pinaparinggan ang namatay ng kung ano mang nais sabihin kasama na ang donasyon. Ang
“ofu” ay hindi sapilitan ngunit sa ugali ng mga Ibaloi, hindi talaga mawawala ang pagbibigay
nito. Naniniwala sila na kapag may namatay, magkikita ang mga kaluluwa ng mga yumao. Sa
pagkikita nila, magkakamustahan sila at magkakaroon ng pagkakataon ang namatay na
ipahayag ang mga mensahe o saloobin mula sa mga kamag-anak nitong buhay pa.
Sa ikatlong araw, may kakatayin muling baboy at bago kumain, sisimulan ito ng seremonya
kung saan ipagdarasal ng mambunong ang pagkain kay Kabunian na susundan ng pakikipag
usap ng mambunong sa namatay at iba pang pumanaw na rin na bantayan ang naiwang
pamilya at huwag sanang hayaan silang mapahamak. Pagkatapos ng dasal, inuunang pakainin
ang mga miyembro ng pamilya sa mga nakalatag na pagkain. Ang tawag dito sa seremonyang
ito ay “teknal”. Mayroon ring situation na nagkakatay sila ng aso para ang kaluluwa nito ay
maging gabay raw ng namatay. Kapag patapos na ang araw, nagkakatay muli sila ng baboy na
tinatawag na “kibdung” para tapusin ang ritwal.

Sa ikaapat na araw, dito na nagaganap ang burol at dahil karamihan sa kanila ay Kristiyano,
pinapasok ito sa simbahan ng mga alas dos ng hapon. Ang seremonyang ito ay tinatawag
nilang “armag” at malawak din ang mga kultura rito. Sa huling pagkatay ng baboy ay maaari
nang irekado. Sa araw na ito, maglalagay sila ng patpat sa iba’t ibang daan at lalagyan ito ng
karne. Tinatawag itong “tuwik” at pinapaalam nito sa kaluluwa na namatay na siya. Nagsisilbi rin
itong pagkain nila. Pagkatapos naman ng burol, magsisimula ang siyam na araw, at bilang
isang Kristiyano, nariyan na ang Holy Rosary. Pagkatapos ng Holy Rosary, magkakatay na
naman ang maybahay ng baboy kaya’t sabi nga ni Mrs. Sadey na kapag Ibaloi ang namatayan,
talagang magastos ngunit hindi rin naman ang pamilya mismo ang nagbabayad doon sapagkat
naroon ang naipong pera mula sa “ofu”.

Sabi ni Ginang Olga, ang “ba-diw” daw ay hindi na masyadong naisasagawa sa Virac at
napalitan na ng pagkanta sapagkat ang mga nakatatandang nagpapasimula nito ay wala o kaya
ay pumanaw na. Ngunit sa ibang lugar sa Itogon, kung saan naninirahan ang karamihang Ibaloi,
buhay pa rin ang tradisyong ito.

Mayroon rin ang mga tinatawag na “mani-ilol”. Sila yung mga taong hindi makakain sa lamayan
sa hindi maipaliwanag na dahilan kaya’t ang mga ito ay dumadalo ngunit pinapakain ng hiwalay
na luto galing sa ibang pamamahay at doon na rin kumakain.

May paniniwala rin ang mga Ibaloi na kapag dumalaw sa panaginip ang namatay sa mga
kamag-anak niya kung saan humihingi ito ng kahit na anong gamit, ang unang ginagawa ng
pamilyang namatayan ay ang tinatawag na “man am-am” kung saan nagtitipon sila ng bagay na
maaari niyang hingin at magkakatay ng baboy o mga bagay depende sa kaya ng pamilya na
siyang inaalok sa namatay. Hindi mawawala rito ang tapey at alak. Ang pinakaimportanteng
kagamitan dito ay ang baboy na siyang kakainin ng mga tao. Sa Cordillera, hindi talaga
mawawala ang baboy.
Kapag ang miyembro ng pamilya ay nagkasakit, at walang makitang mali ang doktor,
idinederetso ito sa mambunong na nagdidikta kung gaano kalaki ang gagawin nilang pagkatay;
manok o di kaya ay baboy at iba pa.

Ang mga tradisyon at kulturang ito ay naisasagawa pa rin hanggang ngayon habang nariyan
ang mga nagpapamana ng kultura at tradisyong ito. Ang naidudulot nitong kabutihan ay ang
pagtutulungan ng magkakamag-anak at magkakakilala kahit gaano man sila kalayo sa isa’t isa,
kapag nahihirapan man sila, nandoon pa rin ang pagtutulungan at pagkakaisa, walang kanya-
kanya. Ayon pa sakanya, ang importansya ng kulturang ito sa mga Ibaloi ay adbokasiya at
nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at pagiging matulungin sa namatay.

Ang lahat ng ito ay nagpapakita kung gaano kayaman ang mga Ibaloi mula sa kanilang kultura
at tradisyon. Ipinapakita nito ang kanilang pagkakaisa at pagmamahal sa isa’t isa. Ang mga
ginagawa nilang ito ay hindi lamang para pag-aalala sa mga yumao kundi pagpapakita rin ng
suporta at pagmamahal sa mga nabubuhay. Ipinapakita rin nito kung gaano matulungin ang
mga Ibaloi. Sila ay patuloy na nagpapamana ng kanilang kultura at tradisyon sa kabila ng
paglipas ng mga panahon. Sa pamamagitan nito, napananatili ang pagkakaisa at adbokasiya sa
kanilang komunidad.

You might also like