You are on page 1of 2

ANG ALAMAT NG BULKANG MAYON

Ni: Rene Villanueva

Noong unang panahon, sa rehiyon ng Ibalong (matandang pangalan ng Bikol), ay naninirahan ang
isang datu. Siya si Datu Makusog (salitang Bikolano, nangangahulugang “malakas”) ng Rawis (salitang
Bikolano, ibig sabihin ay “kanal para sa irigasyon/patubig,” isang baryo ito sa lungsod ng Legaspi) at ang
asawa niya ay si Dawani (salitang Bikolano, “bahaghari”). Sila’y may isang supling na babae, si Daragang
Magayon (salitang Bikolano, nangangahulugang “magandang dalaga”). Ngunit sa kasamaang-palad, agad
na binawian ng buhay si Dawani pagkasilang niya sa kanyang sanggol.

Gayunman, lumaki si Magayon na isang marikit, mabait, at malambing na dalaga. Nabihag niya ang
puso ng maraming kabinataan sa loob o labas man ng kanilang bayan. Subalit ni isa man sa kanila ay
walang pinalad na makamit ang matamis niyang “oo.” Maging ang magandang lalaki’t mapagmalaking si
Pagtuga (salitang Bikolano, nangangahulugang “pagputok ng bulkan”), isang mahusay na mangangaso at
makapangyarihang datu ng Iraga (salitang Bikolano, ibig sabihin ay “sa kapatagan;” Iriga, Camarines Sur
ito sa kasalukuyan) na laging nagpapadala ng mga regalo, gaya ng ginto, perlas, at mga hayop sa ama ni
Magayon, ay hindi napaibig ang mahinhing dalaga.

Hanggang sa dumating ang isang lalaking nagngangalang Ulap sa bayan ng Rawis. Tahimik na
binata ngunit matapang na mandirigma, si Ulap ay anak ni Datu Karilaya (matandang Bikolanong
katawagan sa rehiyon ng Timog Katagalugan). Naglakbay siya nang naglalakad lamang patungo sa Ibalong
sapagkat ninanais niya lamang masilayan ang napapabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Hindi
tulad ng ibang mga manliligaw na pawang mapupusok at may hangin sa ulo, matiyagang naghintay ang
tahimik na si Ulap ng pagkakataong ligawan ang dilag. Sa loob ng maraming araw, mga panakaw na tingin
lamang ang kanyang nagagawa. Lagi niyang sinusundan ngunit minamasdan lamang mula sa malayo si
Daragang Magayon tuwing maliligo ito sa ilog Yawa (isang ilog sa Rawis).

Gayunman, hindi nagtagal at dumating din ang magandang pagkakataong maipakilala ng sumisinta
ang kanyang sarili sa lihim na sinisinta. Gabi noon, kararaan lamang ng isang matinding pagbuhos ng ulan.
Subalit nagtungo pa rin si Magayon sa ilog para maligo, gaya ng dati. Habang lumalangoy, biglang
nagkaroon ng isang malaki’t malakas na agos sa ilog na ikinapahamak ng dalaga. Parang kidlat namang
nagtungo si Ulap sa kinaroroonan niya at siya ay sinagip mula sa tiyak na kamatayan. Binuhat ng makisig
na binata ang nahintakutang dilag at dinala sa lupa. Ang mga nahintakutan ding katulong ni Magayon ay
napatunganga lamang sa dalawa pag-ahon nila sa tubigan.

Anupa’t nagsimula roon ang kuwento ng pag-iibigan ni Magayon at ni Ulap. Sinundan ang gabing
iyon ng ilang mga araw na pagkikita at pagniniig sa pagitan ng dalawa.

Dumating ang isang umaga, nagpasya na si Ulap na magtungo sa bahay nina Magayon. Inihagis
niya ang kanyang dalang sibat sa tapat ng hagdanan para ipahiwatig na nais niyang pakasalan ang dalagang
naninirahan doon. Pinapasok siya ni Datu Makusog sa bahay.

“Ano ang iyong pakay, binata?” tanong ng datu.

“Ako po si Ulap, anak ni Datu Karilaya. Naparito po ako upang hingin ang kamay ng inyong anak.
Isinusumpa ko pong aalagaan at mamahalin siya sa habambuhay,” sagot ng binata.

Tiningnan ng ama ang kanyang anak na naging dahilan sa pamumula ang mga pisngi ng nito’t
pagyuko. Naramdaman ni Datu Makusog na si Magayon ay umiibig sa lalaki at alam niyang ito ang
kaligayahan ng dalaga, kung kaya’t wala siyang tutol sa kanilang kasal.

“Nakikita ko ang iyong mabuting hangarin sa aking anak. Walang dahilan upang ako ay
humadlang. Siya, pumapayag ako sa inyong pag-iisang dibdib,” wika ni Datu Makusog.

Pagkarinig niyon, hindi mailarawan ang nag-uumapaw na kaligayahan sa puso ng magkasintahan.


Subalit ang kasal ay gaganapin pa matapos ang isang buwan. Aalis muna si Ulap upang sa gayon ay
maipaalam niya sa kanyang mga kababayan ang kasal at para makapaghanda sa isasagawang pagdiriwang.
Ang masayang balita ukol sa pag-iisang dibdib ay parang apoy sa talahiban na kumalat, hanggang
sa ito’y nakarating kay Pagtuga. Galit na galit ang datu ng Iraga. Isang araw, inabangan nila ng kanyang
mga tauhan si Datu Makusog sa pangangaso nito. Dinakip nila ang matanda at ipinarating kay Magayon na
kung hindi siya magpapakasal kay Pagtuga, papatayin nila ang kanyang ama at gigiyerahin nila ang Rawis.

Labag man sa kanyang kalooban, pumayag si Magayon sa kagustuhan ni Pagtuga. Mabilis na


itinakda ang araw ng kanilang kasal. Ngunit nakaabot kay Ulap ang mga pangyayari. Inihinto niya ang
ginagawang mga paghahanda sa kasal sa kanyang bayan at tinipon niya ang pinakamatatapang na
mandirigma. Dali-dali silang nagtungo sa Rawis at tamang-tama lamang ang kanilang pagdating sa araw ng
kasal nina Pagtuga.

Nagkagulo sa pagdiriwang, at napatay ni Ulap si Pagtuga. Ang masayang si Magayon naman ay


tumakbo at niyakap si Ulap. Sa kasamaang-palad, natamaan ng isang ligaw na palaso ang dalaga. Habang
lumuluhang hawak ng binata ang naghihingalong kasintahan sa kanyang mga bisig, si Linog (salitang
Bikol, ibig sabihin ay “lindol”), isang malaking tauhan ni Pagtuga, ay inihagis ang kanyang sibat sa likod
ni Ulap na mabilis na kumitil sa buhay nito. Sa sandaling iyon, si Datu Makusog naman ay binigwasan
nang malakas si Linog at sinaksak ito ng kanyang minasbad (salitang Bikolano, “matalas na bolo na
ginagamit bilang sandata o pangkatay”).

Labis na nalungkot at hindi nakapagsalita ang mga tao dahil sa trahedyang kanilang nasaksihan.
Ang kasiyahan ng pagdiriwang ng kasalan ay napalitan ng paghihinagpis at pagdadalamhati sa mga
namatay. Ang luhaang si Datu Makusog ay naghukay ng libingan para kina Ulap at Magayon at doon ay
inilibing niya ang magkasintahan.

Sa pagdaan ng mga araw, ang lupang pinaglibingan sa dalawa ay niyanig ng mga lindol at iyon ay
tumaas nang tumaas na kalaunay naging sanhi ng pagkakabuo ang isang bundok. Ang bundok ay may
butas sa gitnang naglalaman ng naglalagablab na mga bato at apoy. Ayon sa matatanda, ang mga paglindol
daw ay gawa ni Pagtuga, sa tulong ni Linog, na ginugulo ang bulkan sapagkat ninais nitong mabawi ang
mga regalong kanyang ibinigay sa dalaga. Dahil sa isang tradisyon, ang mga bagay na pag-aari ni
Magayon, na inihandog ni Pagtuga, ay isinamang ilibing sa kanya.

Sabi ng mga matatanda, sa mga araw na natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. iyon daw ay
dahil sa hinahalikan ni Ulap si Magayon. Kung mangyari man ang ulan na siyang masuyong pumapatak at
dumadaloy sa libis ng bulkan, iyon ay sa pagluha ni Ulap.

Sa pagtagal ng panahon, ang pangalan ng bulkan na Magayon ay pinaikli at naging Mayong o


Mayon na lamang sa kasalukuyan.

You might also like