You are on page 1of 4

Buhay Pa Ako (Pakikipagsapalaran Para Mabuhay sa Gitna ng Bagyong Ondoy)

Isinulat ni Alvin Ringgo C. Reyes

Setyembre 26, 2009

UMAGA. Sumilay ang araw na ito na pangkaraniwan lang. Bagamat naibalita na Biyernes pa lang na may isang bagyong
tatama sa Hilaga at Gitnang Luzon sa susunod na dalawang araw, hindi naman ito pinag-ukulan ng seryosong pansin ng
marami at itinakda nilang mamumuhay sila, tulad ng normal na eksistensya sa araw-araw. Naging biruan pa nga sa
samahan naming mga guro na umabot sana ang bisa ng bagyo hanggang Lunes para walang pasok at mapahaba ang
aming pahinga. Ni hindi nga rumehistro sa isip ko ang pangalan ng bagyo dahil alam kong darating ito at lilipas, tulad ng
napakaraming iba pang unos na iyo’t iyon din naman ang nagaganap. Ngunit ako, sampu ng di-mabilang na
mamamayan, bato man ang tahanan o sa kalye nakatira, propesyonal man o tambay lang sa kalsada, mataas man ang
pinag-aralan o ni hindi marunong sumulat at bumasa, ay nagkamali.

9:45 na ng umaga nang makaalis ako ng bahay. Nagmamadali akong makapunta sa Pamantasang De La Salle sa Taft dahil
sa unang pagkakatao’y magkakaroon kami ng konsultasyon ng tagapayo ko sa tesis. Dalawang ulit na kaming nag-
iiskedyul ng pag-uusap ngunit dalawang ulit na ring nabibigo dahil sa di nagtutugmang mga oras kaya ipinangako kong
hindi na ito mapapangatluhan. Dalawang linggo na ang dumadaan at ni hindi ko pa natitiyak kung ano ba ang magiging
paksa ng aking pag-aaral. Balak ko noong sumakay ng LRT para makarating agad sa pupuntahan pero tumanggi ang
drayber ng traysikel na sinakyan ko na ibaba ako sa kalyeng maghahatid sa akin doon dahil baha raw. Nagbigay ako ng
ibang alternatibong daan na magbibigay sa akin ng akses papuntang LRT pero tinutulan din ang mga ito ng drayber kaya
napilitan akong magpahatid na lang sa kahit anong main road na puwede naming labasan para doon ako kumuha ng taxi
pa-LRT. Paglabas ng E. Rodriguez, pumara ako agad ng taxi at nagpahatid sa 11th Avenue Station ng LRT na siyang
pinakamalapit sa amin. Gayunpaman, tila nagkakaisa ang himig ng mga tsuper sa araw na ito dahil tumanggi rin siyang
dumaan sa itinatakda kong ruta dahil sa baha. Nagbigay ako sa kanya ng iba pang mungkahing daan para makarating
doon ngunit tulad ng tricycle driver, idinahilan niyang baha rin daw sa mga iyon. Sa presyur sa oras na nauubos, ipinasya
kong magpahatid na lang sa taxi nang direkta sa DLSU.

Kung saan-saan sumuot ang drayber makarating lang sa DLSU nang mabilis, ngunit saanman siya mapunta, may baha at
may baha pa rin. Wala na kaming nagawa kundi sumalunga sa mga ito. Maingat ang naging pagtakbo ng taxi. Dahan-
dahan ang pag-usad nito habang naririnig sa ilalim ng awto ang kalawkaw ng tubig na parang tunog na nililikha nina Jack
at Rose habang inililigtas ang mga sarili sa tumataas na tubig sa isang nakakubling silid sa Titanic. Halos hindi rin makita
ang daan dahil napakalakas ng ulan at puti lamang ang nakikita sa buong paligid. Pinakahindi ko malilimutan ang bahang
hinarap namin bago makaakyat ng Nagtahan. Bago makasampa sa mataas na bungad ng tulay, mataas na tubig ang
kailangang pagtagumpayan na ang taas ay pumapasok na sa loob ng taxi. Abut-abot noon ang pananalangin kong hindi
sana tumirik ang sasakyan namin habang nararamdaman ang hirap na pinagdadaanan ng aming makina, na gayon na
lang ang paggaralgal. Halu-halo na noon ang nararamdaman ko. Napepresyur ako sapagkat huli na ako sa tipanan namin
ng tagapayo ko; naiinis ako sa drayber dahil kung sinunod na lang niya akong mag-LRT kami, di ko na sana pinagdaanan
iyon; natutuwa ako sapagkat determinado siyang maihatid ako sa pupuntahan at hindi nagpamalas ng anumang init ng
ulo o kagaspangan ng ugali kahit inilagay ng biyahe ko sa peligro ang puhunan niya sa hanapbuhay; at namamangha ako
sapagkat matagal nang panahon buhat nang makakita ako ng totoong baha.

Huli na ako ng tatlumpung minuto nang dumating sa DLSU. Sa kabila nito, masaya ako dahil (1) nakarating ako, na hindi
ko lubos akalain sa malalaking bahang pinagdaanan namin; at (2) sariwang-sariwa pa rin ang hitsura ko noon na parang
hindi nakipagbuno sa mahabang biyahe at maiitim na tubig. Paglapat pa lang ng paa ko sa loob ng campus, isang lady
guard na ang suminghal na hanggang alas-dose na lang daw ang klase. Dagat-dagatan ang pumapagitan sa mga gusali at
hindi maaaring hindi lumusong sa mga ito kung gustong marating ang pupuntahang tanggapan. Habang pinagmamasdan
ang mga Lasalyanong nakatanga na lang sa tubig at hindi kumikilos, mabilis ko namang inalis ang mga medyas ko’t
sapatos at itinaas ang pantalon. Sa kagahulan noon ng panahon, walang puwang sa akin ang pag-iinarte kaya’t nilusong
na ng mapuputi kong paa ang tubig at lumukso patungong Departamento ng Filipino. Hindi na rin ito bago sa akin dahil
pinanday na ako ng UST sa pagsabak sa mga baha sa walong taon ng pag-aaral ko roon.

Nakakatawa ang tagpong naganap sa akin sa pag-akyat sa department. Pagbukas ng elevator, lumabas sina Prop. Correa,
ang vice-chair, si Dr. Taylan, ang graduate program coordinator, si Prop. Gojo Cruz, isang premyadong manunulat at ang
icon ng Panitikang Pilipinong si Dr. Ruth Elynia-Mabanglo na pawang propesyonal at magagara ang gayak. Sa isang
natatanging pagkakataon, ipinakilala sa akin ni Dr. Taylan si Dr. Mabanglo. Malaking karangalan para sa akin ang
makaharap ang isang dakilang peminista at haligi ng literatura at lubos ang ligayang nararamdaman ko noon ngunit hindi
ko siya nagawang kamayan. Hawak ko kasi noon ang tumutulu-tulo pang mga medyas na nadale ng baha at nakapaa lang
ako dahil sa paglusong. Ngumiti na lamang ako noon at nagpakilala sabay hingi ng paumanhin para sa katawa-tawang
hitsura. Habang kausap ang tagapayo ko, hindi pa tumitimo sa akin ang seryosong lagay ng panahon. Sabik lang akong
nakikipag-usap sa kanya habang pinagpaplanuhan namin ang magiging paksa ng pag-aaral ko. Gayunpaman, mababakas
sa mukha ng tagapayo ko ang matinding pag-aalala sa kanyang anak na kaaalis lamang ng bahay para pumasok gayong
masungit ang panahon sa labas at suspendido na ang klase. Maririnig din ang sindak ng sekretarya ng departamento
habang kausap ang kapamilya niya sa telepono dahil pinasok na raw ng baha ang kanilang bahay at may isang oras pa
bago opisyal na matapos ang trabaho.

Nakakaaliw ngunit may kabuluhan ang obserbasyon ni Dr. Taylan ukol sa baha bilang sagisag ng pagkakaiba ng mayaman
at mahirap. Sa Taft kasi, napakaitim ng tubig baha at amoy-kanal ngunit sa loob, napakalinis ng tubig at matatanaw pa
nga ang mga bato’t halamang nakalubog sa mga ito. Nakatutuwa ring pagmasdan ang mga Lasalyano habang masayang
kinukuhanan ang baha sa harap ng Yuchengco Hall nang may halong pagkamangha na para bang iyon ang una nilang
pagkakataong makakita nang gayon. Ngunit isa na namang tanda ng kaibahan ng panahon ang binanggit sa akin na
walang anu-ano ko lang pinalampas - ayon kay Dr. Taylan, unang pagkakataon daw sa labindalawang taon ng pagtuturo
niya sa DLSU na binaha nang gayon ang loob ng unibersidad. Naaliw lamang ako sa malinis na baha at nagkakagulong
Lasalyano ngunit hindi ko naaninag ang kakaibang bantang ibinubulong ng mga pahiwatig na ito.

TANGHALI. Lampas alas-dose na ng tanghali nang makauwi kami ng kamag-aral kong si Ms. Soti. Kung gaano kalinis ang
baha sa loob ng DLSU, siya namang itim at baho ng tubig sa Taft. Dahil hindi namin maaninag ang tubig, di tulad sa loob
na kitang-kita pa rin ang mga inarkitektong bato’t halaman ng Octopus Garden sa ilalim, maingat kaming lumusong at
tumawid ni Ms. Soti papuntang LRT line na pa-Monumento. Napakahirap tumawid sa malubak na daanan na may mga
bitbit na gamit na dapat ingatan habang pinuprotektahan pa ang sarili mula sa malakas na ulan. Hindi namin malaman
ang paraan ng paglakad na gagawin. Nariyang hinubad namin ang mga sapatos para mapabilis ang paglakad at isuot muli
ang mga ito dahil magaspang ang semento, buksan namin ang payong para di kami mabasa sa ulan at isara ulit ito dahil
nakakasagabal sa pagsuot sa makikitid na espasyo ng magkakasunod na sasakyan, at isukbit namin ang mga bag pakanan
at pagkaraa’y ilipat ang mga ito sa kaliwa mahanap lang ang anggulong hindi mababasa ang mga ito. Mistulang tulay ang
LRT na nagtatawid sa mga tao sa ibabaw ng dagat-dagatan. Mula sa itaas ng tren, kitang-kita ang pagkalubog, hindi lang
ng Taft, hindi lang ng Malate, kundi ng malaking bahagi ng Maynila sa malalaking baha. Kitang-kita rin ang mataas na
tubig sa Ilog Pasig na sa pakiwari ko’y kaunti na lamang at tuluyan na ring aapaw. Matatanaw mula sa LRT, kung
tatalasan lamang ang pangmalas, ang kawalan ng tao sa mga lansangan ngunit pagsisiksikan naman nila sa mga bubong
at matataas na lugar, ang pagmimistulang malaking parking lot ng maraming pangunahing kalye dahil sa pagka-istranded
sa baha at ang mga taong naglalakad na parang langgam dahil sumusunod sa iisang ligtas na daan. Nang mapansin kong
lagpas sa tuhod ang basa ng aking pantalon at hawak ko pa rin ang aking medyas, unti-unti na akong kinabahan. Sumidhi
pa ito nang makabasa ako ng mga text na nagpapaalam ng hagupit ng kalamidad sa kani-kanyang lugar. Isa lang ang
gusto kong mangyari noong mga sandaling iyon – ang makauwi. Gaano man kasungit ang panahon, hindi ko ito dama
dahil para sa aki’y ang tahanan namin, ang piling ng nanay at kapatid ko, ang pinakaligtas na dulang sa daigdig. Marahil
ang kapayapaang namamayani sa aming tahanan ang nagpapanatag ng kalooban ko sa tuwina kaya gaano man kalupit
ang mga sakunang humahampas sa Pilipinas, hindi ako natitigatig. Marahil, iyon ang puwersang palaging bumabalot sa
akin kaya hindi ko nakikita ang kaibahan ng mga bagyong nagdaan, ang paiba-ibang bilang ng mga nasasalanta,
nawawalan ng tahanan at namamatayan.

Pagbabang-pagbaba ko sa istasyon ng LRT sa 5th Avenue, agad kong tinungo ang paradahan ng dyip na naghahatid ng
sakay hanggang Quezon Avenue. Makalapat lang doo’y ligtas na akong makakauwi. Gayunpaman, laking gulat ko nang
masumpungang wala isa mang biyahe na maghahatid sa akin pauwi. Wala rin ako noong makitang taxing bumibiyahe, sa
halip, malalaking truck na lamang na rumaragasa sa malapad na kalye ng C3 at ilang pribadong sasakyan na ang iba’y
humihinto pa sa gitna o gilid para magpatila ng ulan o magpababa ng baha. Dahil sa pagkakatanda ko’y maikli lamang
ang daang binabaybay ko at sa masidhing pagnanais na ring makauwi, nilakad ko na lamang ang kahabaan ng C3 na
kalauna’y naging Sargeant Rivera. Doon nagsimula ang kalbaryo ko.

Napakahaba pala ng daang pinagpasyahang kong bagtasin. Ilang kilometro rin ang nilakad ko, kasama ng marami pang
iba, na para bang magtutungo kami sa Pista ng Nazareno sa Quiapo. Malakas din noon ang ulan na dahil sa
pagpapalubha ng pumapagaspas na hangin ay sumira sa mga alambre ng dapat sana’y matibay kong payong. Kahit bali
na ang ilang alambre ng pananggalang ko sa ulan at may panganib na bumaon ang mga ito sa anit ko, nagpatuloy pa rin
ako sa paglalakad. Nagpaltos na noon ang paa kong walang medyas, basa na rin ang malaking bahagi ng damit ko at
mabigat na ang aking telang sapatos at pantalon sa dami ng tubig na nasisipsip. Hindi ako dumaing sa sarili ko sa kabila
ng matinding hapo dahil alam kong mababawi ko naman ang anumang naubos na lakas pagdating sa bahay, ngunit
laking pagkagimbal ko nang pagsapit sa Araneta Avenue’y makita ang lagpas-taong baha. Walang anuman o sinuman
pala ang makakatuluy-tuloy sa Quezon Avenue dahil sa mataas na tubig na humaharang sa lagusan. Dahil dito,
napagpasyahan kong bumalik na lang sa nalampasan kong Del Monte Avenue para kumanan. Binagtas ko naman ang
Sto. Domingo Avenue na ang tagos ay Quezon Avenue rin ngunit kadugtong pala nito ang lampas-taong bahang
pinanggalingan ko kaya hindi ako nakatuloy. Sunod ay sinubukan ko ang Biak-na-Bato, ang Banawe, ang D. Tuazon,
ngunit maging lahat ng ito’y lubog na rin sa bahang abot-leeg. Pagud na pagod na ako sa puntong iyon. Lalong kumitil sa
pag-asa ko na makakita ng mga taong tulad ko’y yao’t dito rin sa mga daanan dahil walang maaaring labasan. Saglit
akong tumigil. Sumilong ako sa isang nakausling bubong para tingnan kung may mahahalagang mensahe pa akong
natanggap. Katulad kanina, puro pagdaing pa rin ang nabasa ko. Mga pinasok ng baha ang first floor, mga nakatingin na
lang sa bubong na natira sa kanilang bahay, mga nilipol na ng tubig ang mga naipundar na gamit, mga natrap sa bahay at
di makakain. Habang nasa gayong kalagayan, gumuhit ang isang matalim na kidlat sa langit na kitang-kita ko, na
sinundan ng dumadagundong na kulog. Natakot ako noon dahil lasug-lasog na ang mga alambre ng payong ko at baka
makaakit ng kidlat. Seryoso kong naisip na doon na ba magtatapos ang buhay ko? Magiging doktor pa ako pagdating ng
panahon, magiging propesor sa kolehiyo, magsusulat ng mga akda at unang beses na lalahok sa Palanca, bibili ng
magarang condo na paglilipatan pamilya, magiging bahagi pa ng buhay ng maraming mag-aaral, ngunit mamamatay na
ba ako sa paglamon ng baha o pagtama ng kidlat? Naalala ko pa ang balita nitong huli na mga batang inanod ng tubig na
biglang tumaas at isa-isa na lang natagpuang bangkay. Magiging katulad ba nila ako at matatagpuan na lang ding walang
buhay kung saan? Bago pa man ako tuluyang panawan ng lakas at mamatay nga sa gitna ng unos, tumawag ako sa nanay
ko at sa iba pang mahahalagang tao sa aking buhay. Ipinaliwanag ko kung saan na ako banda napadpad para pag
hinanap man ang bangkay ko, may tiyak na lugar na pagtutuunan. Napakalakas ng ulan. Nakasilong na ako’t nakapayong
pero gumuguhit pa rin ang tubig sa telepono kong Globe. Maya-maya pa, nabasa na yata ang gamit at tuluyang nasira.
Habang umaawit sa diwa ko ang kantang “Lead Me, Lord”, natanaw ko mula sa kinaroroonan ko sa Siena ang Sogo Hotel.
Isang matalino ngunit desperadong ideya ang nabuo sa akin.

GABI. Habang nag-aagaw ang kakaunting liwanag at ang matingkad na dilim, sa gitna ng buhos ng ulan at hagupit ng
hangin, kahit nangangatal na sa lamig at pasuray-suray lumakad, tangan ang sira-sirang payong at basang-basang bag,
humanap ako ng pinakamalapit na ATM. Desidido akong i-withdraw na ang ilang natatabi kong libo para mabuhay ako.
Iba’t ibang bangko na sa Banawe ang dinapuan ko pero kung hindi offline o hindi kumikilala sa gamit kong ATM, sarado
ang makina dahil may blackout na pala. Salamat na lang at may isang hindi kilalang bangko na bukas at nakapag-
withdraw ako. Pagpasok ko sa Sogo, eksena ng emergency room kapag Bagong Taon o classroom na pinagkakaguluhan
ng mga botante sa halalan ang makikita. Napakahaba na ng pila ng mga sumisilong sa hotel at nakikipagbunuan para
makakuha ng silid. Mapalad ako’t nabigyan ako ng waiting number dahil tanda iyon ng seguridad sa kuwarto. Akala ko’y
nakakahiya ang hitsura kong basang-basang sisiw para pumasok sa isang tuyong hotel pero marami sa mga naghihintay
roo’y katulad ko rin pala. Ang iba’y hitsura talagang nasalanta at may bitbit pang malaking plastic na sisidlan ng mga
nailigtas nilang damit. Langkay-langkay rin kung magdatingan ang mga kustomer. Hindi lang sila isang pares, tulad ng
mga karaniwang parokyano ng gayong hotel kundi pami-pamilya. May tatay at nanay na alalang-alala, may mga lolo’t
lolang inaakay sa paglalakad, may mga batang masayang nagtatakbuhan o nag-iiiyak, may mga kustomer na nagtataas
na ng boses dahil wala pa ring silid na maibigay sa kanila. Pagkaraan ng ilang saglit, nagdeklara na ang manager ng hotel
ng full house. Ipinapinid na niya sa guwardya ang pinto at nagbiling wala nang papapasukin. Ngunit may ilan pa ring mga
nakalusot. May isang nagmakaawang may mga matatandang kasama na tinugunan naman ng manager na marami ring
matatandang nasa loob na naghihintay. Doon ko nasaksihan na kahit pala salapi’y hindi makabibili ng kaligtasan kapag
nasa gitna ng malubhang panganib. Isang may perang matanda rin ang nakipagmatigasang bigyan sila ng silid at handa
siyang magbayad kahit doble ngunit hindi siya pinagbigyan dahil sa mga taong kanina pa naghihintay at nangangailangan
din. Nakuntento na lamang ang lalaki sa pag-upa ng apat na tuwalya para sa kanyang pamilya habang pinalilipas nila ang
magdamag sa sasakyang nakapark sa labas ng hotel. Sa araw na ito, tumaas ang pagtingin ko sa Sogo Hotel. Hindi na
lamang ito isang pook-parausan para sa akin, kundi isang tagapagligtas at takbuhan ng mga nasa kagipitan. Hindi na
lamang ito isang lugar na tampulan ng tukso at kinahihiyang makakitaan kundi isang pook na maipagmamalaking
kumukupkop sa mga walang masilungan.

Alas-singko na ng hapon nang maibigay sa akin ang isang nabakanteng silid. Noong una’y tatlong oras lamang dapat ang
kukunin ko pero hindi ako nagbakasakali at kumuha na ng labindalawa. Sa hotel na ako nagpalipas ng magdamag.
Pagpasok sa silid, ang una kong ginawa’y tumawag sa bahay para papanatagin ang ina kong nasa mabuti akong
kalagayan. Inilahad ko rin sa kanya ang mga pasyang ginawa ko para sa sariling kaligtasan. Sa pagtunghay ko sa mga
pangyayari sa TV, namalas ko ang lawak at tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo. Hindi ko malilimutan ang mga tagpo,
gaya ng pananatiling nakatayo ng ilang tao sa kapirasong lupa sa Marikina na maya-maya’y nilamon na rin ng
rumaragasang tubig habang wala namang magawa ang mga nakasaksi sa kanila; ang paglamon ng baha sa isang van at
ang paghampas nito sa iba pang mga sasakyan at concrete barrier ng MMDA; ang paggapang ng isang matandang babae
sa madulas nilang bubong; ang umiiyak na paglalahad ni Cristine Reyes ng sinapit nilang mag-anak; at ang pagkakagulo
ng mga opisyal ng pamahalaan sa dami ng nangangailangan ng tulong ngunit kakapusan ng kanilang mga
mapagkukunan. Patuloy rin ang pagtanggap ko ng mga mensaheng naglalahad ng kalunus-lunos na trahedya. Ang isa
kong mag-aaral ay mangiyak-ngiyak na naglahad kung paanong ang bahay nila sa Filinvest ay nilamon ng tubig at ang
posibilidad na hindi siya makapasok ng isang linggo; ang isang kasamahang guro ay nagsumbong ng pagpasok ng baha sa
kanilang bahay at ang paghihintay nila ng mga rescuer na magliligtas sa kanila; ang marami kong kaibigan ay dumaing
naman ng pagkaantala nila sa iba’t ibang panig ng Kalakhang Maynila at mga kalapit na lalawigan habang pinanonood na
lang ang mga ilog na umaapaw o bahang hindi nila matawid. Ngunit sa lahat ng ito, ang pinakamasidhing balitang
natanggap ko ay ang nagaganap mismo sa aming baranggay. Ibinalot na raw ng nanay ko ang mahahalaga naming gamit
at inihahanda na rin ang iba pang kasangakapan para makalipat bilang paghahanda sa isang malaking sunog na
nagaganap sa mga sandaling iyon. Bagamat malayo sa amin ang lugar, mabilis daw ang pagkalat at pagtawid ng apoy
dahil sa malakas na hangin. Hindi rin daw makapasok ang mga bumbero sa mga kalsada dahil sa mataas na baha. Ang
pinakamalagim, habang tinutupok ng apoy ang lipon ng mga bahay nila, wala namang magawa ang mga residente dahil
napapaligiran sila ng mga bahang lagpas-tao. Hindi rin nila bastang malusong ang tubig dahil ilang ligaw na kawad ang
lumapat na rito na nagpadaloy ng kuryente. Napakarami raw residente, lalo na ang mga bata, ang namatay. Lahat sila’y
pawang natrap sa sapin-saping trahedya sa kanilang pook.

Bago tuluyang natulog, tinawagan ko ulit ang aking ina para makibalita. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat
na hindi kami inabutan sapagkat napakarami namang pamilya ang namatay nang di nabigyan ng pagkakataong
makabalan. Ngunit kahit paano, nagdulot sa akin ng manipis na kapayapaan ng isip na ligtas na sila at tumila na ang
malakas na ulan sa labas. Nabasa ko rin sa DZMM Teleradyo ang balitang nagbigay ng forecast ang Pag-asa na gaganda
na ang panahon sa gabing ito.

KINABUKASAN. Alas-singko na ng madaling araw. Tumambad sa akin sa salamin ang mukha kong pagod at halos walang
tulog mula sa maghapon-magdamag na pakikibaka noong nakalipas na araw. Muli kong sinuot ang mga damit kong basa
pa rin sa tubig-baha. Wala pa ring anumang palabas sa cable dahil naputol ito kahapon pa lang. Napakadilim din sa labas
dahil black-out sa Kalakhang Maynila. Hindi ako makatanggap o makapagpadala ng text dahil walang signal. Kitang-kita
sa mga kalsada ang mga bakas ng nagdaang trahedya. Nagkalat ang basura saanmang dako, balot ng putik ang lahat ng
daanan at maraming kalsada ang bagamat numipis na ang baha’y hindi pa rin madaanan. Nadaan ang taxing sinakyan ko
sa mga nasununugan at amuy na amoy ang umuusuk-usok pang kamatayan at kawalan. Pagbukas na pagbukas ng pinto
naming nababalot ng dilim, mangiyak-ngiyak kong pinuntahan ang aking ina at nagpasalamat sa Panginoon dahil “buhay
pa ako.” Buhay pa ako.

You might also like