You are on page 1of 15

MODYUL 2 - FILIPINO BILANG WIKA AT LARANGAN

Aralin 1 – Filipino Bilang Wikang Pambansa

Basahin mo at unawain :

Isinasaad sa Artikulo XIV Konstitusyong 1987 ang legal na batayan ng konsepto ng Filipino bilang wikang pambansa , at ang
magkarugtong na gampanin nito bilang wika ng opisyal na komunikasyon, at bilang wikang panturo ng Pilipinas:

Seksyon 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin pa salig sa umiiral na
mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya
ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino
bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang edukasyon.

Seksyon 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang
ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay mga pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at
magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat na itaguyod nang kusa at opsyonal ang Espanyol at Arabic.

3.1. bahagi ng aralin

Malinaw sa nasabing probisyong pangwika sa Konstitusyon na primus inter pares o nangunguna sa lahat ng magkakapantay (first
among equals) ang wikang Filipino bilang wikang pambansa sa kontekstong multilinggwal at multikultural ng Pilipinas.
Nangangahulugan ito na bagama’t pare-parehong mahalaga ang wikang pambansa at iba pang mga wika ng Pilipinas, dapat bigyang
prayoridad sa pambansang antas ang paggamit ng wikang Filipino. Lalong dapat isagawa ang paggamit nito sa mga transaksyon ng
gobyerno at sa buong sistema ng edukasyon. Kasabay nito, dapat patuloy ring ginagamit sa iba’t ibang tiyak na konteksto ang iba
pang wika ng Pilipinas (halimbawa, bilang wikang pantulong o auxiliary languages sa mga paaralan sa iba’t ibang rehiyon). Sa
kasalukuyan, dahil sa K to12, sa mga unang taon ng elementarya, ang namamayaning unang/inang wika (mother tongue) sa bawat
rehiyon ang aktwal na ginagamit na wikang panturo, alinsunod sa patakarang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-
MLE). Sa ganitong iskema, inaasahang magiging tulay ang mga unang/inang wika sa mga rehiyon, tungo sa ganap na pagkatuto sa
Filipino at Ingles, sa mga susunod pang antas ng edukasyon. Samakatwid, tila hindi ganap na naipapatupad ang probisyong pangwika
ng Konstitusyon hinggil sa pagiging wikang panturo ng Filipino sa buong sistemang pang-edukasyon ng bansa. Ang kahalagahan ng
paggamit ng wikang pambansa sa mga paaralan ay pinatitibay ng pangangailangan ng pagkakaisa ng mamamayan ng bansa tungo sa
pagkakamit ng mga layuning para sa kapakanang panlahat. Ipinaliwanag sa pamphlet na “Madalas Itanong sa Wikang Pambansa”
(Almario, 2014) na inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wikang pambansa sa
pamamagitan ng pagbibigay-diin sa papel ng wikang pambansa sa mabilis pagkakaunawaan at pagpapasibol ng “damdamin ng
pagkakaisa” sa mga mamamayan sa arkipelagong may humigit –kumulang 149 na “buhay” na wika, ayon sa “Linguistic Atlas ng
Filipinas (KWF, ©2015), at sa papel nito bilang isa sa mahahalagang pambansang sagisag na sumasalamin sa pagkabansa at
kaakuhan ng mga Pilipino.

3.2. bahagi ng aralin

Alinsunod sa Konstitusyong 1987, malinaw rin na ang Ingles ay pangalawang wikang opisyal lamang na maaaring alisan ng gayong
status ng Kongreso kung nanaisin nila. Samakatwid, habang ang Filipino ay ‘di maaaring tibagin at alisin bilang wikang opisyal, ang
Ingles ay maaaring alisin anumang panahong naisin ng Kongreso. Ibinuod ni Atienza (1994) sa artikulong “Drafting the 1987
Constitution the Politics of Language” ang mga praktikal na kahalagahan ng Wikang Pambansa sa isang bansang gaya ng Pilipinas na
dati’y kolonya, laban sa dominasyon ng wikang banyagang gaya ng Ingles. Aniya, “…ang paggamit ng mga wikang dayuhan, lalo na
ng Ingles, ay nagbunsod ng mabagal na pag-unlad (underdevelopment) hindi lamang ng mga wika sa Pilipinas kundi maging ng
mabagal na pag-unlad ng pambansang kultura at identidad.” Idinagdag pa niya na “ang Ingles ay naging hadlang na naghihiwalay sa
mga edukadong Pilipino at sa masang Pilipino” at “ang mga wika sa Pilipinas at mula sa iisang pamilya ng wika; kaya’t posibleng
makabuo ng isang wikang pambansa mula sa mga wikang ito. At huli, ang wikang pambansa ay kahingian (prerequisite) sa
pagkikintal ng nasyonalismo, pagbubuo ng pambansang pagkakaisa at pagbubunsod ng pambansang paglaya, at pagtataguyod ng
demokrasya at ng partisipasyon ng sambayanan sa proseso ng pagbubuo ng at pagpapaunlad sa bansa.” Sa pangkalahatan,
nangangahulugan ito na ang pagkakaroon ng wikang pambansa ay pagkakaroon ng wikang mabisang tinig ng ordinaryong
mamamayan, wikang tulay sa komunikasyon ng iba’t ibang pangkat etnolingguwistiko sa isang arkipelagong mayaman sa mga wika
at may dibersidad sa kultura, at wikang epektibong magagamit sa pananaliksik na makabuluhan sa karanasan at pag-unlad ng
buhay ng mamamayan sa lipunang gumagamit ng wika.
Aralin 2 – Filipino Bilang Wika ng Bayan at/ng Pananaliksik

Basahin mo at unawain :

Ang inklusyon ng Filipino at Panitikan sa kurikulum ng Kolehiyo ay patakarang tumutupad sa mga nasabing probisyong
pangwika ng Konstitusyong 1987 hinggil sa pagiging pangunahing wikang panturo ng wikang pambansa na kanya-kanyang ipatupad
nang hakbang-hakbang. Napatunayan nang ibang wikang kamag-anak ng Filipino - gaya ng Bahasa Melayu at Bahasa Indonesia – na
kayang-kayang gawing wikang panturo sa lahat ng antas at larangan ang isang wikang pambansang hindi Ingles o anupamang
wikang kolonyal. Praktikal ang paggamit ng wikang pambansa bilang wikang panturo. Sa pamamagitan nito ay mabilis
magkakaunawaan ang mga mamayan at mas mabilis at mas malinaw rin na magkakapalitan ng ideya, at kung gayon, mas mabilis
din ang magiging implementasyon ng mga planong mapagkakasunduan. Kung naiintindihan ng mga Pilipino ang mga programang
primetime na popular sa buong bansa, tiyak na kayang-kaya rin nilang gamitin ang Filipino bilang wika ng pagkatuto at intelektwal
na diskurso.

5.1. bahagi ng aralin

Kaugnay nito, dapat isabalikat ang lubusang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon ng
gobyerno, alinsunod sa Konstitusyong 1987. Masasabing ganap na ang pagiging wikang opisyal ng Filipino kapag dumating ang
panahon na lahat ng mga panukalang batas sa Kongreso at Senado, lahat ng mga desisyon ng Korte Suprema, at lahat ng
dokumento at talakayan ng gobyerno ay nasa wikang pambansa na. Kapag naabot na ang panahong iyon, tiyak na lalong lalakas ang
kapangyarihang politikal ng mga mamamayan. Mas makakasali na ang mga ordinaryong mamamayan sa proseso ng
pagbabalangkas ng mga batas at patakaran ng gobyerno, gayundin sa iba pang mga prosesong kaugnay ng paggana ng isang
demokratikong sistemang gaya ng estruktura ng gobyerno sa ating bansa. Filipino ang wika ng 99% ng populasyon ng bansa,
habang ni wala pang 1% ang gumagamit sa Ingles bilang wika sa tahanan. Samakatwid, malinaw na ang Filipinisasyon ng mga
transaksyon ng gobyerno ay tiyak na magpapalakas sa kapangyarihang politikal ng mga ordinaryong mamamayan. Ayon nga kay
Gimenez Maceda (1997) ang wikang pambansa ang wikang higit na makapagbibigay-tinig at kapangyarihan sa mga tagawalis,
drayber, tindero at tindera, at iba pang ordinaryong mamamayan ng bansa na gumagamit nito, at kaugnay nito, ang paggamit ng
Filipino bilang wika ng pananaliksik at akademikong diskurso ay makapagpapalawak sa kaalaman at makapag-aalis sa agwat na
namamagitan sa mga intelekwal at sa masa.

5.2. bahagi ng aralin

Sa ganitong diwa, binigyang-diin naman ni Constantino (2015) na “ang wikang Filipino ay wikang mapagpalaya. Ito ang
magiging wika ng tunay na Pilipino,” wikang lilikha at huhubog ng mga Pilipinong may tiwala sa sariling kakayahan, wikang
makapagpapaunlad sa sariling paraan ng pag-iisip, hindi gaya ng wikang dayuhan na kapag ipinilit at binigyang-prayoridad ay
nagiging “sagabal sa pag-iisip,” kaya’t “ang pag-iisip ay nababansot o nababaog at magbubunga naman ng kulturang bansot.” Gaya
ng iba pang nagtataguyod ng makabayang edukasyon, hangad ni Constantino na pukawin ang “malikhain, mapanuri, at mapagbuod
na kaisipan” ng mga Pilipino, alinsunod sa karanasan ng Hapon, Taiwan, South Korea at iba pang bansang “umunlad nang husto” sa
pamamagitan ng paggamit ng wikang sarili sa edukasyon at iba pang larangan.

5.3. bahagi ng aralin

Sa panahon ng globalisasyon – ng pandaigdigang sistema ng malayang kalakalan o free trade na isinasagawa sa pamamagitan
ng pag-alis ng taripa (buwis sa imported na produkto.) – nananatiling mahalagang panangga sa daluyong ng kultural na
homogenisasyon (ang paglamon ng kulturang Kanluranin sa lokal na kultura, ang wika ng bayan, ang sariling atin.) Madalas na
sinasabi ng mga promotor ng globalisasyon gaya ng mga multinasyunal na institusyon tulad ng World Bank at World Trade
Organization na “daigdig na walang hangganan” o borderless world ang layunin ng pandaigdigang sistemang ito. Ayon sa kanila,
layunin ng globalisasyon na buuin ang isang daigdig ng mga bansang malayang nagpapalitan ng produkto, kultura, at tao. Mobilidad
(kalayaang magpalipat-lipat ng teritoryo o bansa) ng tao, produkto, at kapital (puhunan) ang pangunahing doktrina ng globalisasyon.
Sa pagsusuri naman ng mga kritiko, negatibo ang epekto ng globalisasyon sa mga wika at kultura ng marami-raming bansang hindi
maimpluwensya sa arenang global

5.4. bahagi ng aralin

Ayon nga kay Lumbera (2003) sa espasyo ng sariling wika at panitikan maaaring harapin at labanan ang kultura ng globalisasyon
upang kalusin ang negatibong bisa nito sa lipunang Filipino. Hindi dapat magbunga ang globalisasyon ng panibagong pagkaalipin para
sa sambayanan. Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo ang pinagdaanang kasaysayan ng sambayanang lumaban sa
pananalakay at pang-aalipin ng kolonyalismong Espanol at Amerikano. Sa tuwing pinagyayaman ang wika at panitikang katutubo,
may lakas na pinakikilos sa kalooban ng Filipino, na magagamit na panlaban sa pang-aakit ng globalisasyon. Narito ang kahalagahan
at adhikain ng mga naunang henerasyon na hindi kayang burahin ng Utopiang pangako ng “borderless world.” Nasa pagtayo natin at
paggigiit sa makabayang pagtangkilik sa ating wika at kultura ang lakas na maibabangga natin sa globalisasyon, na naglalayong
patagin ang landas patungo sa walang-sagwil na pagpasok ng kapitalismong global sa ating ekonomiya at politika.

5.5. bahagi ng aralin

Sa panahong pinipilit tayong Ingles lamang ang pahalagahan, dapat nating alalahanin na ang Filipino ang wika ng ating
pagkatao, ng ating kaluluwa – ang wikang higit na makapagpapahayag ng ating mga saloobin at hinaing.

Para kay Lumbera na isa ring tagapagtaguyod ng makabayang edukasyon,

ang wika at panitikan natin ay buhay na katibayan ng ating kultura at kasaysayan. Ipinapagunita nito na mayroon tayong mga
karanasan at kabatirang natamo sa ating pagdanas ng kolonisasyon at sa ating ginawang paglaban sa paghahari ng mga dayuhan.
Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay magdadala sa atin sa tunay na pag-unlad. Subalit ang identidad
ng isang sambayanan ay hindi naisusuko nang gayon-gayon lamang. Nakatatak ito sa kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi
sa kamalayan ng buong sambayanan.Kung hinihimok tayo ng globalisasyon na magbagongbihis, itinuturo naman ng ating
kasaysayan na ang pinagdaanan natin bilang sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may minanang
kultura at may banal na kapakanang dapat pangalagaan at ipagtanggol kung kinakailangan. Sandatahin natin ang ganyang
kamalayan tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan.

5.6. bahagi ng aralin

Mahalagang bahagi ng makabayang edukasyon ang pag-aaral ng sariling wika at panitikan sapagkat ang wikang sarili ang
magbibigay-daan sa edukasyong nakatuon sa paglutas ng mga problema ng bansa. Tulay rin ito sa malapit na ugnayan at
pakikipagtulungan ng mga guro, estudyante, mananaliksik, at intelektwal sa pagsusuri at pagpapabuti sa sitwasyon ng mga
komunidad ng mga ordinaryong mga Pilipino. Sa pamamagitan ng sistema ng edukasyong nakasentro sa paghuhubog ng mga
mamamayang may mataas na antas ng kasanayan na makapag-aambag sa pambansang kaunlaran. Matitiyak ang magandang
kinabukasan ng bansa. Nagsisimula sa pagpapahalaga natin sa sarili nating wika at kultura, at sa pag-aaral ng ating sariling
kasaysayan, ng mga suliranin sa ating lipunan, ang pagbubuo ng mahahalagang adyenda sa pananaliksik.

Aralin 3 – Filipino Bilang Larangan at Filipino sa iba’t ibang Larangan

Basahin mo at unawain:

Araling Pilipinas, Araling Pilipino, Araling Filipino, Filipinolohiya, Philippine Studies; iba-iba man ang katawagan, ang ubod ng
terminolohiyang ito’y tumutukoy sa Filipino bilang larangan, bilang isang disiplina na sa esensya ay interdisiplinaryo o nagtataglay ng
“mahigpit na ugnayan at interaksyon ng dalawa o higit pang disiplina upang makamit ang higit na paglilinaw at pag-unawa hinggil sa
isang partikular na usapin” (Guillermo,2014).

8.1. bahagi ng aralin

Sa artikulong “Intelektwalismo sa Wika,” nilinaw ni Constantino (2015) ang kahalagahan ng ganap na intelektwalisasyon – ng
paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larangan – tungo sa pagpapaunlad hindi lamang ng wikang Filipino, kundi ng kaisipang Pilipino
mismo: “ Ang wika ay mas mabilis na uunlad kung ito’y ginagamit sa seryosong pag-iisip at hindi lamang pambahay, panlansangan
o pang-aliw. Ang wikang katutubo na yumayabong ay nakatutulong sa katutubong pag-iisip.”

8.2. bahagi ng aralin

Kaugnay ng pag-unlad ng Filipino bilang larangan at ng Filipino sa iba’t ibang larangan, itinala ni San Juan (2017) ang limang
hakbang na “dapat isakatuparan sa ikauunlad ng panananaliksik mula sa at para sa mga Pilipino:

1. Magpansinan muna tayo bago magpapansin sa iba.

 I-cite ang pananaliksik ng kapwa Pilipino. Paano babasahin ng ibang bansa ang gawang Pilipino kung hindi rin
ito binabasa ng mga Pilipino mismo.

2. Magbuo ng pambansang arkibo ng mga pananaliksik gaya ng narcis.nl ng Netherlands at diva-portal.org ng


Sweden.
 Sa pamamagitan nito, makatitiyak na madaling mababasa at maipapalaganap sa buong bansa at sa ibang
bansa rin ang mga pananaliksik ng mga Pilipino.

3. Magdebelop ng mga katiwa-tiwalang translation software na libreng magagamit para sa mga mass translations
projects.

 Kailangang lansakang isalin ang mga pananaliksik na naisusulat sa buong mundo tungkol sa Pilipinas para
matiyak na mapakikinabangan ang mga iyon ng mga Pilipino.

4. Bigyang prayoridad ang Filipinisasyon ng lalong mataas na edukasyon at ng mga programang gradwado.

 Dahil ito ang makapagtitiyak na ang mga pananaliksik at eksperto sa ating kapuluan ay may kakayahan nang
makipag-usap, makipagtalakayan at iba pa sa mga ordinaryong Pilipino na inaasahang makikinabang sa
kanilang mga pananaliksik.

5. Atasan ang lahat ng mga unibersidad na magtayo ng departamento ng Filipino at/o Araling Pilipinas.

 Ang mga ganitong departamento ang magbibigay ng sapat na espasyo at maglilinang pa sa mga saliksik
kaugnay ng Filipino at/o Araling Pilipinas sa loob ng bansa.

8.3. bahagi ng aralin

Sa ganitong konteksto, mahalaga ang papel ng pagpaplanong pangwika sa pag-unlad ng Filipino bilang larangan at ng Filipino
sa iba’t ibang larangan. Ayon kay Flores (2015) may dalawang antas ang pagpaplanong pangwika: “makro at maykro,” at “may
tatlong dimensyon, kagyat na layunin o bahagi. Ang mga ito ay istatus na pagpaplanong pangwika, korpus na pagpaplanong
pangwika at akwisisyong pangwika.Ang istatus ng pagpaplanong pangwika ang nagbibigay pansin sa mga tiyak na gamit mula sa
mga wika ng pagkatuto sa mga akademikong gawain at o intelektwalisasyon, wikang opisyal ng pamahalaan
(korte,lehislatura,ehekutibo), ng negosyo at iba pang panlipunang institusyon…ang korpus na pagpaplanong pangwika ay nakatuon
sa pagbubuo/pagbabago/pamimili ng mga porma o kowd na ginagamit sa pagpapahayag na oral o nakasulat. Bahagi nito ang mga
gawain sa pagbabago ng ispeling, paglikha o pagbubuo ng mga salita. Pinagtutuunan naman ng pansin ang pagpapalaganap ng wika
at epekto sa gumagamit ng wika sa dimensyong akwisisyong pangwika.” Ang mga nasabing dimensyon ng pagpaplanong pangwika
ay pawang nag-aambag sa patuloy na pagsulong ng Filipino at ng intelektwalisasyon nito. Sa pangkalahatan, bahagi ng antas-makro
sa pagpapalanong pangwika ang pagkakaroon ng mandatoring asignaturang Filipino sa kolehiyo, habang bahagi naman nga antas-
maykro sa pagpaplanong pangwika ang aktwal na implementasyon ng gayong patakaran sa bawat unibersidad.

MODYUL 3 – REBYU SA MGA BATAYANG KAALAMAN SA PANANALIKSIK

Basahin mo at unawain:

Sa mga aklat at babasahin may iba’t ibang pagpapakahulugan ang mga awtor sa pananaliksik. Tuntunin mo ang iba’t ibang
kahulugan ng mga eksperto sa pananaliksik kung paano nila binigyan ng kahulugan ang pananaliksik:

A. Kahulugan ng Pananaliksik Batay sa Iba’t ibang Awtor

1. Ayon kay GOOD (1963) ang pananaliksik ay isang maingat, kritikal , disiplinadong pagsisiyasat sa pamamagitan ng iba’t
ibang pamamaraan o teknik batay sa kalikasan o kalagayan ng natukoy na suliranin tungo sa paglilinaw o pagbibigay kasagutan.

2. Binigyang kahulugan naman ni AQUINO (1974) na ang pananaliksik ay isang sistematikong paghahanap sa mga
mahahalagang impormasyon hinggil sa isang tiyak na paksa o suliranin.

3. Sinabi nina MANUEL AT MEDEL (1976) na ang pananaliksik ay isang proseso ng pangangalap ng mga datos o impormasyon
upang malutas ang isang partikular na suliranin sa isang siyentipikong pamamaraan.

4. Hango naman sa kahulugang ibinigay ni PAREL (1966) ay halos kahawig ang pagpapakahulugan nito sa pananaliksik. Ito
isang sistematikong pag-aaral o imbestigasyon ng isang bagay sa layuning masagot ang mga katanungan sa nasabing
pananaliksik.

5. Binigyang kahulugan naman nina E. TRECE AT J.W. TRECE (1973) na ang pananaliksik ay isang pagtatangka upang
makakuha ng mga solusyon sa mga suliranin. Idinagdag pa nila na ito ay isang pangangalap ng mga datos sa isang kontroladong
sitwasyon para sa layunin ng prediksyon at eksplanasyon.
Bilang paglalagom sa mga ibinigay na kahulugan, ang pananaliksik ay isang pag-aaral hinggil sa mga suliraning nais bigyan ng
linaw at pagpapaliwanag.

3.1. bahagi ng aralin

A. Layunin ng Pananaliksik

Ilan sa mga naitala nina CALDERON AT GONZALES (1993) mga layunin ng isang pananaliksik:

1. Upang makadiskubre ng mga bagong kaalaman hinggil sa mga batid ng penomena.

2. Upang makakita ng mga sagot sa mga suliraning hindi pa ganap na nalulutas ng mga umiiral na metodo at impormasyon.

3. Mapagbuti ang mga umiiral na teknik at makadebelop ng mga bagong instrumento o produkto.

4. Makatuklas ng hindi pa nakikilalang substances at elements.

5. Upang maunawaan ang kalikasan ng mga dati nang kilalang substances at elements.

6. Makalikha ng mga batayan ng pagpapasya sa kalakalan, industriya, edukasyon, pamahalaan at iba pang larangan.

3.2. bahagi ng aralin

A. Katangian ng Pananaliksik

1. Sistematiko. May sinusunod itong proseso o magkakasunod na mga hakbang tungo sa pagtuklas ng katotohanan,solusyon
ng suliranin, o ano pa mang nilalayon sa pananaliksik.

2. Kontrolado. Lahat ng mga baryabol na sinusuri ay kailangang mapanatiling konstant. Sa madaling salita ,hindi mo dapat
baguhin , anomang pagbabagong magaganap sa asignatura na pinag-aaralan ay maiuugnay sa eksperimental na baryabol. Ito ay
kailangan lalo na sa mga eksperimental na pananaliksik.

3. Empirikal. Kailangan ang mga pamamaraang ginamit ng mananaliksik ay katanggap-tanggap sa pamamagitan ng mga
ilalahad na mga datos na nakalap.

4. Mapanuri. Ang mga datos na nakalap ay kailangang suriin ng kritikal upang hindi magkamali ang mananaliksik sa paglalapat
ng interpretasyon sa mga datos na kanyang nakalap.

5. Obhetibo, Lohikal at Walang Pagkiling. Lahat ng tuklas o findings at mga kongklusyon ay kailangang lohikal na nakabatay sa
mga empirikal na datos at walang pagtatangkang ginawa upang baguhin ang resulta ng pananaliksik. Walang puwang dito ang
mga pansariling pagkiling.

6. Gumagamit ng mga Kwantetibo at Estadistikal na Datos. Ang mga datos ay dapat mailahad sa pamamaraang numerikal at
masuri sa pamamagitan ng mga estadistikal na tritment upang matukoy ang kanilang gamit at kahalagahan.

7. Orihinal na Akda. Maliban sa historikal na pananaliksik, ang mga datos na nakalap ng mga mananaliksik ay sarili niyang
tuklas at hindi mula sa panulat, tuklas o lathala ng ibang mananaliksik.

8. Isang Akyureyt na Imbestigasyon, Obserbasyon at Deskripsyon. Bawat aktibidad na pananaliksik ay kailangang maisagawa
ng tumpak o akyureyt nang ang tuklas ay humantong sa pormulasyon ng mga siyentipikong paglalahat.

9. Matiyaga at Hindi Minamadali. Ang pananaliksik na minadali at ginawa nang walang pag-iingat ay kadalasang humahantong
sa mga hindi matitibay na kongklusyon at paglalahat.

10. Pinagsisikapan. Walang pananaliksik na naisagawa nang walang pagsisikap. Kailangan itong paglaanan ng panahon, talino at
sipag upang maging matagumpay.

11. Nangangailangan ng Tapang. Kailangan ng tapang ng isang mananaliksik sapagkat maaaring makaranas siya ng hazards at
discomforts sa kanyang pananaliksik.

12. Maingat na Pagtatala at Pag-uulat. Lahat ng datos na nakalap ay kailangang maingat na maitala. Ang maliit na pagkakamali
ay maaaring makaapekto sa mga tuklas ng pananaliksik.

3.3. bahagi ng aralin


A. Katangiang Dapat Taglayin ng Isang Mananaliksik.

1. Masipag. Kailangan niyang maging masipag sa pangangalap ng mga datos at pagsisiyasat sa lahat ng anggulo at panig na
pinapaksa ng pananaliksik. Hindi maaaring doktorin ng mananaliksik ang resulta ng kanyang pananaliksik.

2. Matiyaga. Kakambal ng sipag ang tiyaga. Kailangang maging pasensyoso ang isang mananaliksik sa pangangalap ng datos.

3. Maingat. Sa pagpili at paghimay-himay ng mga makabuluhang datos, kailangang maging maingat ang isang mananaliksik.
Lalo na sa dokumentasyon o sa pagkilala sa pinagkunan ng datos at pinagmulan ng ano mang ideya, ang pag-iingat ay kailangan
upang maging kapani-paniwala ang resulta ng pananaliksik.

4. Sistematiko. Kailangang sundin ng isang mananaliksik ang mga hakbang nito ayon sa pagkakasunud-sunod.

5. Kritikal/Mapanuri. Ang pananaliksik ay isang iskolarling gawain. Pinaglalaanan ito ng buhos ng isip. Samakatwid, kailangang
maging kritikal o mapanuri ang isang mananaliksik sa pag-eeksamen ng mga impormasyon, datos, ideya o opinyon upang
matukoy kung ang mga ito’y valid, mapagkakatiwalaan, lohikal at may batayan.

Aralin 2 - Plagyarismo

Basahin mo at unawain:

Ang plagyarismo ay pangongopya ng datos, mga ideya, mga pangungusap, buod at balangkas ng isang akda, programa,
himig at iba pa, na hindi kinikilala ang pinagmulan o kinopyahan. Ito ay isang uri ng pagnanakaw at pagsisinungaling dahil
inaaangkin mo ang hindi iyo (Atienza,et al., 1996). Isa itong seryosong paglabag sa Republic Act No.8293 (Intellectual Property
Code of the Philippines).

6.1. bahagi ng aralin

A. Iba’t Ibang Paraan ng Plagyarismo (Atienza, et al.1996)

1. Kung ginamit ang orihinal na termino o mga salita, hindi ipinaloob sa panipi o hindi itinala ang pinagkunan.

2. Kung hiniram ang ideya o mga pangungusap at binago ang pagkakapahayag, ngunit hindi kinilala ang pinagmulan.

3. Kung namulot ng mga ideya o mga pangungusap mula sa iba’t ibang akda at pinagtagni-tagni ang mga ito ngunit hindi
kinilala ang mga pinagkunan.

4. Kung isinalin ang mga termino, ideya, pahayag, at dahil nasa ibang wika na ay inangkin na at hindi itinala na salin ang mga
ito.

5. Kung ninanakaw ang bahagi ng isang disenyo, balangkas, himig at hindi kinilala ang pinagkunan ng “inspirasyon”.

6. Kung ginamit ng isang mananaliksik ang mga datos na pinaghirapan ng iba at pinalabas niyang siya ang nagkalap ng mga
datos na ito.

A. Parusang Maaaring Ipataw sa Isang Plagyarista

1. Pinakamagaang ng parusa na para sa mga estudyante na mabigyan ng 5.0 (lagpak na marka) para sa kurso.

2. Kung mapatunayan na matindi ang pagnanakaw na ginawa, maaaring patalsikin ang estudyante sa unibersidad.

3. Kahit nakagradweyt na ang studyante at ilang taon na ang nakalipas, ngunit natuklasan na ang kanyang pananaliksik ay
kinopya, maaari siyang tanggalan ng digri.

4. Maaari ring ihabla ang sino mang nagongopya batay sa Intellectual Property Rights Law at maaaring sentensyahan ng multa
o pagkabilanggo.

6.3. bahagi ng aralin

Sa pananaliksik ay may sinusunod na etika. Katulad ito ng ano mang disiplina na may istriktong code of ethics na
ipinatutupad. Sa etika ng pananaliksik, itinuturing na napakalaking kasalanan ang plagyarismo. Dahil sa kabigatan ng kasalanang
ito, napatalsik ang isang dekano sa isang unibersidad, natanggalan ng digri ang isang nagtapos na ng doktorado, nawalan ng
kredibilidad ang isang tanyag na iskolar, hinabla sa korte ang prodyuser ng isang programa sa telebisyon (Atienza, et al.,1996).
6.4. bahagi ng aralin

Walang magtitiwala sa isang magnanakaw at sinungaling. Kung matuklasan na ang isang mananaliksik ay nangopya at hindi
kumilala sa kanyang pinagkunan, sapat na ito upang mabura ang lahat ng kanyang pinagpaguran. Hindi na kapani-paniwala ang
kanyang saliksik at hindi mapagkakatiwalaan pa ang kanyang gawain. Parang sinisira na rin nya ang kanyang pangalan at
kinabukasan… Alalahaning kung madali para sa sinumang estudyante ang mangopya, magiging madali rin para sa kanya ang
gumawa ng korapsyon kung sya ay nagtatrabaho na (Atienza, et al.,1996).

Aralin 3- Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik at Pagpili ng Batis ng Impormasyon

Basahin mo at unawain:

A. Pagpili ng Paksa ng Pananaliksik

Dakila na ang pananaliksik sa sarili nitong kahulugan at kabuluhan, ngunit lalong mailalatag ang halaga ng pananaliksik
kung isasaalang-alang ang pangangailangan ng lipunang kinalulugaran nito. Sa Pilipinas, isang lipunang dumanas ng mahabang
kasaysayan ng pananakop at ngayon ay dinadaluyong ng globalisasyon, nanatiling bansot at nakaasa ang mga siyentipikong
pananaliksik ng iba’t ibang larangan sa mga banyagang kaalaman. Nananatiling hamon para sa mga Pilipinong iskolar at
mananaliksik ang pagbuo ng kalinangan sa pananaliksik na nagmumula at ginagabayan ng sariling karanasan, umuugat sa aral ng
kasaysayan, at nagsisilbi para sa sambayanan. Sa ganitong konteksto, Malaki ang pangangailangang paunlarin ang maka-
Pilipinong pananaliksik na may mga katangiang naiiba sa tradisyonal na pananaliksik mula sa Kanluran.

8.1. bahagi ng aralin

A. Pagpili ng Batis ng Impormasyon

Ang akademikong pagsulat ay kinakailangang nakabatay sa malalim at malawak na batis ng impormasyon. Tunghayan mo ang
mga gabay kung paano ka mamimili ng sanggunian bilang mananaliksik:

1. Tiyaking mo kung ito ay akademikong sanggunian. Obhektibo ang mga akademikong sanggunian at may layuning sipatin
ang isang paksa sa patas na paraan nang hindi isinasawalang bahala ang mga alternatibong pagsusuri.

2. Tukuyin mo ang uri ng sanggunian. Ang mag artikulo sa journal , aklat, at edukasyonal na ulat ay mga karaniwang uri ng
akademikong sanggunian. Maaaring ito ay nakalimbag o online. Ang mga akdang ito, nalimbag man o online, ay dumadaan sa
editoryal na proseso bago mailathala.

3. Alamin mo kung ito ay primarya o sekondaryang sanggunian. Ang mga primaryang sanggunian ay mahalaga sapagkat
nagpapakita ito ng mga direkta at orihinal na ebidensya .Maaari ring gamitin ang mga sekondaryang sanggunian upang
makapagpayaman sa pagsulat ng artikulo.

8.2. bahagi ng aralin

Katangian ng maka-Pilipinong pananaliksik ( Sicat- De Laza, 2016)

1. Ang maka-Pilipinong pananaliksik ay gumagamit ng wikang Filipino at/o mga katutubong wika sa Pilipinas at tumatalakay sa
mga paksang mas malapit sa puso at isip ng mga mamamayan.

2. Pangunahing isinasaalang-alang sa maka-Pilipinong pananaliksik ang pagpili ng paksang naaayon sa interes at


kapakipakinabang sa sambayanang Pilipino.

3. Komunidad ang laboratoryo ng maka-Pilipinong pananaliksik.

Mula sa gabay sa pamimili ng paksa para sa maka-Pilipinong pananaliksik, narito naman ang ilang batayang kaalaman na dapat
isaalang alang sa wastong pamimili at paglilimita ng paksa. Bago mo tuluyang buuin ang tanong ng pananaliksik na gagabay sa
buong pag-aaral, makabubuting sagutin mo muna ang mga sumusunod na tanong:

1. May sapat bang sanggunian na pagbabatayan ang napili mong paksa?

2. Paano mo lilimitahan o paliliitin ang isang paksa na malawak ang saklaw?

3. Makapag-aambag ba ako ng sariling tuklas at bagong kaalaman sa pipiliing paksa?

4. Gagamit ba ng sistematiko at siyentipikong paraan upang masagot ang tanong?


Aralin 4- Pagbabasa, Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak at Rebyu, Presentasyon at Publikasyon ng Pananaliksik at Akademikong
Publikasyon

Basahin mo at unawain:

A. Pagbasa, Pagsulat ng Paraphrase, Abstrak at Rebyu

Ang kritikal na pagbabasa ay napakahalagang aspekto o kasanayan sa pananaliksik. May iba’t ibang kasanayan sa pagbasa na
dapat mong paunlarin bilang isang mananaliksik:

1. Ang paraphrase ay tumutukoy sa muling pagpapahayag ng ideya ng may-akda sa ibang pamamaraan at pananalita upang
padaliin at palinawin ito para sa mga mambabasa. Mahalaga ito sa pananaliksik upang matukoy ang pinagmulan ng isang ideya
o kaisipan at ipahayag ito sa pamamaraan na makatutulong sa pananaliksik.

2. Ang abstrak ay isang buod ng pananaliksik, tesis, o kaya ay tala ng isang komperensya o anumang pag-aaral sa isang tiyak
na disiplina o larangan. Ito ay nakatutulong upang mabilis na makita ng isang mambabasa ang kabuuang latag ng pananaliksik,
kabilang ang mga layunin at kinalabasan nito.

3. Ang rebyu ay isang uri ng pampanitikang kritisismo na ang layunin ay suriin ang isang aklat batay sa nilalaman, estilo, at
anyo ng pagkakasulat nito. Ito ay naglalaman din ng pagtataya o ebalwasyon ng akda batay sa personal na pananaw ng
mambabasa na nagbibigay ng rebyu.

11.1. bahagi ng aralin

A. Presentasyon at Publikasyon ng Pananaliksik

Hindi sa mismong pagsulat nagtatapos ang proseso ng pananaliksik. Kasing–halaga ng pagbuo nito ang pagbabahagi sa
pamamagitan ng paglalathala o presentasyon. Hindi kumpleto ang proseso ng pananaliksik kung wala ito. Ito ay may dakilang
layunin na pataasin ang antas ng kaalaman at kamalayan ng mga taong pinag-uukulan ng pananaliksik. Mahalaga ang
publikasyon at presentasyon ng pananaliksik upang ibalik sa mga mamamayan ang sistematikong kaalaman ang nakuha mula sa
kanila.

Ayon kay Neal-Barnett (2002), ang susi sa tagumpay ng pagkakalathala ng isang pananaliksik ay ang pagkakaroon ng dakilang
bisyon o layunin ng mga mananaliksik kung bakit siya nagsusulat at nananaliksik. May mas mabigat at dakilang tunguhin ang
publikasyon ng pananaliksik na kailangang panghawakan ng isang mananaliksik upang makamit ang mga misyon kung bakit siya
nananaliksik. Lagpas pa sa mga praktikal na kapakinabangan mula sa paglalathala ng pananaliksik, mas mahalagang laging
balikan ang mga makatao at makalipunang tunguhin nito.

11.2. bahagi ng aralin

A. Akademikong Publikasyon

Tumutukoy ito sa proseso ng paglalathala ng buod ng pananaliksik, pinaikling bersyon. o isang bahagi nito sa pahayagan o
pamahayagang pangkampus,conference proceeding, monograph, aklat o sa mga refereed research journal. Tulad sa
presentasyon ng pananaliksik nilalayon nito na mahikayat ang lahat ng mananaliksik na maglathala ng mga pag-aaral sa iba’t
ibang paraan upang maipalaganap o maibahagi ang resulta ng pag-aaral. Sa akademikong publikasyon ang pananaliksik ay
kailangang dumaan sa Peer Review. Ang Peer review ay isang proseso kung saan ang manuskrito o artikulo ay dumaan sa
screening o serye ng ebalwasyon bago mailimbag sa mga jornal. Ang pinakatanggap at balidong paraan sa akademikong
publikasyon ay mapasama ang pananaliksik sa isang refereed research journal sapagkat ito ay dumadaan sa tinatawag na peer
review. Ang peer review ay isang proseso ng paglalathala ng journal.

11.3. bahagi ng aralin

Tunghayan mo ang mga hakbang sa paglalathala ng journal

1. Pumili ng angkop na journal para sa iyong pananaliksik.

2. Basahin ang mga pamantayan ng napiling journal at magkaroon ng mga back-issue.

3. Rebisahin ang pananaliksik batay sa pamantayan ng journal.

4. Ipabasa at iparebyu ang artikulo sa iba at muling rebisahin.


5. Ipasa sa journal ang pananaliksik at antayin ang feedback.

Iba’t iba ang uri at pamantayan ng journal ayon sa larangan o disiplina at mahalagang pumili ng angkop na journal para sa
isang pananaliksik. Kailangang alamin ang ilang batayang impormasyon tungkol sa journal, lalong-lalo na ang politikal at
teoretikal na pagkiling nito.

Aralin 5- MGA BAHAGI NG PAMANAHONG PAPEL

A. Mga Pahinang Preliminari o Front Matters

1. Fly leaf 1 ang pinakaunang pahina ng pamanahong-papel. Walang nakasulat na kahit ano sa pahinang ito. Sa madaling sabi,
blanko ito.

2. Pamagating Pahina ang tawag sa pahinang nagpapakilala sa pamagat ng pamanahong-papel. Nakasaad din dito kung
kanino iniharap o ipinasa ang papel, kung saang asignatura ito pangangailangan, kung sino ang gumawa at panahon ng
kumplesyon. Kung titingnan sa malayuan, kailangang magmukhang inverted pyramid ang pagkakaayos ng mga impormasyong
nasa pahinang ito.

3. Dahon ng Pagpapatibay ang tawag sa pahinang kumukumpirma sa pagkakapasa ng mananaliksik at pagkakatanggap ng


guro ng pamanahong-papel.

4. Sa pahina ng Pasasalamat o Pagkilala tinutukoy ng mananaliksik ang mga indibidual, pangkat, tanggapan o institusyong
maaaring nakatulong sa pagsulat ng pamanahong- papel at kung gayo’y nararapat pasalamatan o kilalanin.

5. Sa Talaan ng Nilalaman nakaayos ang pagbabalangkas ng mga bahagi at nilalaman ng pamanahong-papel at nakatala ang
kaukulang bilang ng pahina kung saan matatagpuan ang bawat isa.

6. Sa Talaan ng mga Talahanayan at Grap nakatala ang pamagat ng bawat talahanayan at/o grap na nasa loob ng
pamanahong-papel at bilang ng pahina kung saan matatagpuan ang bawat isa.

7. Ang Fly Leaf 2 ay isa na namang blankong pahina bago ang katawan ng pamanahong-papel. Hindi nilalagyan ng bilang ng
pahina o pagination ang mga pahinang preliminari. May mga pamanahong-papel din ang kakikitaan ng Pag-aalay o Dedikasyon
na isang opsyonal na pahina.

B. Kabanata 1: Ang Suliranin at Kaligiran Nito

Ang kabanatang ito ay nahahati sa mga sumusunod na bahagi:

1. Ang Panimula o Introduksyon ay isang maikling talataang kinapapalooban ng pangkalahatang pagtalakay ng paksa ng
pananaliksik.

2. Sa Layunin ng Pag-aaral, inilalahad ang pangkalahatang layunin o dahilan kung bakit isinasagawa ang pag-aaral. Tinutukoy
rin dito ang mga ispesipikong suliranin na nasa anyong patanong.

3. Sa Kahalagahan ng Pag-aaral, inilalahad ang significance ng pagsasagawa ng pananaliksik ng paksa ng pag-aaral. Tinutukoy
rito ang maaaring maging kapakinabangan o halaga ng pag-aaral sa iba’t ibang indibiduwal, pangkat, tanggapan, institusyon,
propesyon, disiplina o larangan.

4. Sa Saklaw at Limitasyon tinutukoy ang simula at hangganan ng pananaliksik. Dito itinatakda ang parameter ng pananaliksik
dahil tinutukoy rito kung ano-ano ang baryabol na sakop at hindi sakop ng pag-aaral.

5. Itinatala naman sa Depinisyon ng mga Terminolohiya ang mga katawagang makailang ginamit sa pananaliksik at ang bawat
isa’y binigyan ng kahulugan. Ang pagpapakahulugan ay maaaring konseptuwal ( ibinibigay ang standard na depinisyon ng mga
katawagan) o operasyonal ( kung paano iyon ginamit sa pamanahong papel).

May mga pamanahong-papel na kakikitaan ninyo ng Conceptual o Theoretical Framework, Hypotheses at Assumptions sa
Kabanata I.

B. Kabanata 2: Mga Kaugnay na Pag-aaral at Literatura

Sa kabanatang ito, tinutukoy ang mga pag-aaral at mga babasahin o literaturang kaugnay ng paksa ng pananaliksik. Kailangan
ding matukoy ng mananaliksik kung sino-sino ang mga may-akda ng naunang pag-aaral o litreratura, disenyo ng pananaliksik na
ginamit, mga layunin at mga resulta ng pag-aaral. Mahalaga ang kabanatang ito dahil ipinaalam dito ng mananaliksik ang
kasalukuyang estado ng kaalaman kaugnay ng kanyang paksa.

C. Kabanata 3: Disenyo at Paraan ng Pananaliksik

Ang kabanatang ito ay nahahati sa mga sumusunod na bahagi:

1. Sa Disenyo ng Pananaliksik nililinaw kung anong uri ng pananaliksik ang kasalukuyang pag-aaral. Para sa inyong
pamanahong-papel, iminumungkahi namin ang pinakasimple na, ang deskriptibo-analitikong isang disenyo ng pangangalap ng
mga datos at impormasyon hinggil sa mga salik o factors na kaugnay ng paksa ng pananaliksik.

2. Sa bahaging ito, tinutukoy ang mga Respondente ng sarbey, kung ilan sila at paano at bakit sila napili.

3. Sa Instrumento ng Pananaliksik, inilalarawan ang paraang ginamit ng pananaliksik sa pangangalap ng mga datos at
impormasyon. Iniisa-isa rito ang mga hakbang na kanyang ginawa at kung maaari, kung paano at bakit niya ginawa ang bawat
hakbang. Sa bahaging ito, maaaring mabanggit ang interbyu o pakikipanayam, pagko-conduct ng sarbey at pagpapasagot ng
sarbey-kwestyoner sa mga respondente bilang pinakakaraniwan at pinakamadaling paraang aplikable sa isang deskriptibo-
analitikong disenyo.

4. Sa Tritment ng mga Datos inilalarawan kung anong estadistikal na paraan ang ginamit upang ang mga numerical na datos
ay mailarawan. Dahil ito’y isang pamanahong-papel lamang, hindi kailangang gumamit ng mga kompleks na estadistikal
tritment. Sapat na ang pagkuha ng porsyento o bahagdan matapos maitally ang mga kasagutan sa kwestyoner ng mga
respondente.

D. Kabanata 4: Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos

Sa kabanatang ito inilalahad ang mga datos na nakalap ng mananaliksik sa pamamagitan ng tekswal at tabular o grapik na
presentasyon. Sa teksto, inilalahad ng mananaliksik ang kanyang analisis o pagsusuri.

E. Kabanata V; Lagom, Kongklusyon at Rekomendasyon

1. Sa Lagom, binubuod ang mga datos at impormasyong nakalap ng mananaliksik na komprehensibong tinatalakay sa
kabanata 3.

2. Ang Kongklusyon ay inferences, abstraksyon, implikasyon, interpretasyon, pangkalahatang pahayag, at/o paglalahad batay
sa mga datos at impormasyong nakalap ng mananaliksik.

3. Ang Rekomendasyon ay mga mungkahing solusyon para sa mga suliraning natukoy o natuklasan sa pananaliksik.

C. Mga Panghuling Pahina

1.Ang Listahan ng mga Sanggunian ay isang kumpletong tala ng lahat ng hanguan o sorses na ginagamit ng mananaliksik sa
pagsulat ng pamanahong-papel. Tinatawag din itong Talasanggunian o Bibliyograpiya.

2.Ang Apendiks ay tinatawag ding Dahong-Dagdag. Maaaring ilagay o ipaloob dito ang mga liham, pormularyo ng ebalwasyon,
transkripsyon ng interbyu, sampol ng sarbey-kwestyoneyr, biodata ng mananaliksik, mga larawan, kliping at kung ano-ano pa.

MODYUL 4 – BATAYANG KAALAMAN SA MGA TEORYA SA PANANALIKSIK NA AKMA O MULA SA LIPUNANG PILIPINO

Aralin 1 – Mga Diskurso sa Nasyonalismo at Teoryang Dependensya

Basahin mo at unawain :

A. Diskurso sa Nasyonalismo

Isa sa mga karaniwang lente ng pagsipat sa mga pananaliksik ang mga diskurso ng nasyonalismo. Sa artikulong “
Miseducation of the Filipino” ni Renato Constantino na malayang isinalin ni Martinez sa Filipino bilang “ Lisyang Edukasyon ng
mga Pilipino” ay sinuri ni Constantino ang kasaysayan ng edukasyon sa bansa, partikular ang sitwasyon nito sa panahong
direktang kolonya pa ang Pilipinas. Nilinaw niya na ang nasyonalismo ay hindi lamang isyung kultural, kundi politikal at
ekonomiko rin. Para kay Constantino, kailangang itransporma ang sistemang pang-edukasyon ng bansa upang matiyak na
makapag-aambag ito sa pagpapaunlad ng Pilipinas.

3.1. bahagi ng aralin

Ang edukasyon ng Pilipino ay dapat maging isang Pilipinong Edukasyon. Dapat itong ibatay sa mga pangangailangan at
adhikain ng bansa. Ang layunin ng edukasyon ay hindi lamang makalikha ng mga lalake at babaeng marunong bumasa at
sumulat at marunong magkwenta. Pangunahing layunin nito ang mahubog ang isang mamamayang may malasakit sa bayan at
nauunawaan ang kanilang pagiging bansa. Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang
ang kani-kanilang mga sarili. Oo nga’t itinuturo sa mga mag-aaral ang buhay nina Rizal at Bonifacio. Ngunit hindi iniaakma ang
kanilang mga aral sa kasalukuyang suliranin ng ating bayan at itinuturo ang kanilang buhay bilang mga maikling kwento tungkol
sa mga nakalipas na pangyayari na ikinasisiyang pakinggan ng mga bata. Ang tungkulin ngayon ng edukasyon ay iwasto ang
maling pananaw na ito. Dapat na natin ngayong isipin ang ating mga sarili, ang ating kaligtasan, at ang ating kinabukasan. At
hanggang hindi natin inihahanda ang kaisipan ng mga kabataan sa pagpupunyaging ito, mananatili tayong mamamayang walang
pakialam sa ating bayan na walang tiyak na patutunguhan at hindi tiyak kung ano ang kasasapitan sa araw ng bukas.

3.2. bahagi ng aralin

Marami sa mga isinulat ng mga bayani ng bansa ay maaaring gamitin sa pagbuo ng mga batayang teoretikal. Halimbawa,
maaaring balikan ang ideya ng nasyonalismo sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” at sanaysay na “Ang Dapat Mabatid ng mga
Tagalog” ni Andres Bonifacio, gayundin ang “Kartilya ng Katipunan “ at ang sanaysay na “Ningning at Liwanag” ni Emilio Jacinto.
Ang mga pagsusuri sa mga akda ng mga bayaning Pilipino ay mainam ding sanggunian para sa mga diskurso hinggil sa
nasyonalismo, gaya ng sanaysay na “Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas” ni Lope K Santos at ng artikulong “Perspektibo,
Realismo at Nasyonalismo” ni Rolando Tolentino.

3.3. bahagi ng aralin

A. Teoryang Dependensya (Teoria de la dependencia)

Ito ay nakaugat sa Amerika Latina . Ilan sa mga kilalang teorista nito sina Raul Prebisch at Theotonio dos Santos, na kapwa
mula sa Amerika Latina. Ayon sa mga tagapagtaguyod ng teoryang ito, pinagsasamantalahan ng mga bansang industriyalisado
ang mga bansang mahirap sa pamamagitan ng neokolonyalismo sa ekonomiya, bagay na malaki rin ang epekto sa sistemang
politikal at kultural ng bansa. Halimbawa, dahil sa pangingibabaw ng kaisipan na dapat hikayatin ang pagpasok ng dayuhang
puhunan o foreign investment at dahil na rin sa kakulangan ng magagandang trabaho na may maayos na kita sa Pilipinas ay
higit na pinagtutuunang-pansin ng bansang gaya ng Pilipinas ang paggamit ng English sa mataas na antas ng edukasyon.

3.4. bahagi ng aralin

Sa artikulong” Kaisipang Nasyonalista at Teoryang Dependensya sa Edukasyon: Ideolohikal na Kritik ng Programang K to 12


ng Pilipinas” ni San Juan (2013) ay nilinaw ang koneksyon ng mga diskurso sa nasyonalismo at ng teoryang Dependensya: “…sa
pananaw ni Constantino at ng iba pang nasyonalista, walang saysay ang anomang programa pang-edukasyon kung hindi nito
isinasaalang-alang ang kaunlaran ng mga mamamayan ng bansa. Walang saysay ang edukasyong hindi nasyonalista, kahit pa
ito’y sumunod sa “pamantayang global.” Binigyang-diin ni Constantino na hanggat kontrolado ng mga dayuhan at ng mga
Pilipinong elite na kanilang kasabwat , ang ekonomiya, politika at kultura kasama na ang edukasyon) ng Pilipinas, mananatiling
mahirap at walang pag-unlad ang mayorya ng sambayanang Pilipino.

3.5. bahagi ng aralin

Sa artikulong “Pambansang Salbabida at Kadena ng Dependensya:Isang Kritikal na Pagsusuri sa Labor Export Policy (LEP) ng
Pilipinas” ay ipinaliwanag ni San Juan (2014) ang kritisismo ng mga tagapagtaguyod ng Teoryang Dependensya sa neokolonyal
na sistemang nangingibabaw sa mga bansang gaya ng Pilipinas. “Higit na malaki ang pakinabang ng mga bansang maunlad at/o
mayaman sa kapital sa ganitong sistema sapagkat:

1. ang puhunan nila sa Third World (bansang mahihirap) ay tumutubo nang malaki (bagay na karaniwang ineeksport nila
pabalik sa kanilang mga bansa mula sa Third World);

2. kontrolado nila ang maraming pinansyal na institusyon gaya ng IMF, World Bank , at maging malalaking pribadong bangko
na nagpapautang sa mga bansang Third world;
3. hindi nila gaanong tinutulungan ang mga bansa ng Third World na umunlad sa teknolohiya at/o pagmamanupaktura ng
makinarya upang mapanatili ang kanilang lucrative na monopolyo rito;

4. mababa ang halaga, sa pangkalahatan, ng mga hilaw na materyales at semi-manupaktura ng Third World na ineeksport sa
mga bansang maunlad at/o mayaman sa kapital, kumpara sa halaga ng makinarya/teknolohiya at iba pang produktong inimport
ng una sa huli; at

5. ang migrasyon ng mga manggagawa/propesyunal mula Third World tungong mga bansang mauunlad at/ o mayaman sa
kapital ay nakababawas sa pangkalahatang yamang-tao (human resources) na kinakailangan ng una pang maiahon sa kahirapan
at dependensya ang kanyang sarili.

Aralin 2 – Marxismo, Feminismo, Mga Tinig mula sa Ibaba, Pag-aklas/ Pagbaklas/Pagbagtas

Basahin mo at unawain :

Marxismo

Ito ang tawag sa mga kaisipang nakabatay sa isinulat ni Karl Marx, pilosopong Aleman na kritiko sa sistemang kapitalismo.
Sa Pilipinas, karaniwang ginagamit sa panunuring pampanitikan ang Marxismo. Ganito ang mga karaniwang sinasagot ng
mananaliksik na gumagamit ng Marxismo:

1. Ano-anong uring panlipunan(social class) ang nasa teksto, pelikula at iba pa?;

2. Paano nagtunggalian ang mga uring panlipunan sa teksto, pelikula at iba pa?;

3. Sino ang nang-api at inapi, nagsamantala o pinagsamantalahan sa teksto, pelikula , at iba pa?;

4. Paano inilarawan ang mga karakter: bida ba o kontrabida ang nang-api o inapi, ang nagsamantala o pinagsamantalahan?;

5. Paano bumangon sa kaapihan o sitwasyong mapagsamantala ang mga karakter?;

6. Paano nagsamantala sa iba ang ilang karakter?;

7. Aling uri ng panlipunan ang nagtagumpay sa huli.

Ginagamit ng mga ekonomista at eksperto sa araling pangkaunlaran (development studies) ang Marxismo upang suriin ang
mga patakarang ekonomiko at mga planong pangkaunlaran, partikular ang epekto nito sa mga uring manggagawa at iba pang
mga sektor sa “inaapi” o “pinagsasamantalahan.”

6.1. bahagi ng aralin

Mga Tinig Mula sa Ibaba

Maituturing na konektado rin sa Marxismo ang perspektibang “mga tinig mula sa ibaba” ni Teresita Gimenez Maceda, isang
eksperto sa diskurso at pagsusuri ng mga dokumento sa Araling Pilipinas. Sa kanyang nalathalang disertasyon ay tinalakay ni
Gimenez Maceda(1996) ang kasaysayan ng mga kilusang panlipunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusuri at
kontekstwalisasyon ng mga awitin ng mga nabanggit na organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka at iba pa. Para kay
Maceda, ang mga tunggalian ng mga uring panlipunan ay malinaw na maririnig din sa mga awitin,mababasa sa mga pahayag ng
mga ordinaryong mamamayan- ng mga tinig mula sa ibaba.

6.2. bahagi ng aralin

Feminismo

Ang Feminismo ay maituturing na malapit na malapit sa Marxismo bilang batayang teoretikal. Kung pang-aapi o
pagsasamantala sa ilang partikular na uring panlipunan ang pokus ng Marxismo, pang-aapi o pagsasamantala naman sa isang
partikular na kasarian (babae) ang Feminismo. Ang malinaw na ugnayan ng Marxismo at Feminismo ay ipinaliwanag ni
Taguiwalo (2013) sa sanaysay na “Ang Marxistang Lapit sa Isyu ng Kababaihan.”

6.3. bahagi ng aralin

Pag-aklas/Pagbaklas/ Pagbagtas
Sa kontekstong Pilipino , isa sa mabisang adapsyon ng mga ideyang Marxista sa panunuring pampanitikan ang
konseptong Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas ni Tolentino (2009). Tahas na binigyang-diin ni Tolentino sa nasabing aklat na ang
politikal na pagbasa ng libro ng pampanitikang kritisismong ito. Politikal bilang pagkilala sa substansyang nakahihigit na
kodeterminasyon at korelasyon sa loob at labas ng panunuring pampanitikan at panlipunan. Na sa una’t huling usapin,
tumataya ang kritiko sa binabasa at pinag-aaralang akdang pampanitikan, at ang pagtatayang ito ang nakakapagkawing sa
kanyang posisyon sa binabasa at panitikan, sa mga pwersang historikal , panlipunan, at modernismo. Sa mga kabanata sa libro,
tatlong hakbang ang isinasaad: pag-aklas bilang impetus sa panunuring historikal at panlipunan na susing kawing ang panitikan;
pagbaklas bilang pagbuwag sa naunang formalistikong at makasentrong-sining na panunuring pampanitikan; at pagbagtas
bilang mapagpalayang pagdalumat sa panitikang pangunahing nagsasaalang-alang ng makauring panunuri. Kaya
matutunghayan sa mga kabanata ang ideolohikal na pagbasang nagkakawing kina Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria
Macapagal-Arroyo, at ang susunod na pambansang administrasyon sa isang banda, at sa Makabayan Curriculum, enchanted
Kingdom, political na paspaslang at aktibismo sa kabilang banda bilang ispesipikong sityo ng panlipunan, pangkasaysayan , at
nag-aastang modernong pag-aakda, pagbabasa, at pag-aaral ng panitikan

Aralin 3 – Pantayong Pananaw, Pantawang Pananaw, Teorya ng Banga, Sikolohiyang Pilipino at Bukod/Bakod/Buklod

Basahin mo at unawain:

Pantayong Pananaw

Ang pantayong pananaw ay perspektiba sa pagtalakay ng kasaysayan, kultura at iba pa, na nilinang ni Zeus Salazar, isang
multilingwal na historyador mula sa Unibersidad ng Pilipinas, upang bigyang-diin ang kahalagahan ng diskursong internal hinggil
sa iba’t ibang isyu. Detalyadong nilinaw ni Salazar (1997) sa artikulong “Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag” ang buod ng
kanyang perspektiba:

Sa lahat ng mga wikang Pilipino, may mga konseptong katumbas ng “tayo,” “kami,” “sila,” at “kayo” na tumutukoy sa mga
nagsasalita at lahat ng kanyang kausap, kasama kahit na iyong wala. Halimbawa, “tayong mga Pilipino, “kung ihahambing sa
“kaming mga Pilipino,” ay nangangahulugang ang nagkakausap-usap ay mga Pilipino mismo at implisitong hindi kasali ang mga
banyaga. Sa sitwasyong ito, ang bagay, konsepto, kaisipan at ugali na maaaring pagtuunan ng pansin ay madaling maintindihan,
dahil napapaloob sa ating sariling lipunan at kultura. Mapag-uugnay natin sila sa isa’t isa na hindi na kailangan na magkaroon
pa ng pantukoy sa iba pang mga konsepto, tao,ugali at kaisipan na kaugnay nila. Maraming bagay ang implisito nating
nauunawaanna ang ibig sabihin, kung ang isang grupo ng tao ay nag-uusap lamang hinggil sa sarili at sa isa’t isa, iyan ay parang
sistemang “closed circuit,” pagkat nagkakaintindihan ang lahat. Samakatwid, ang lipunan at kultura natin ay may “pantayong
pananaw” lang kung tayong lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam na natin lahat ang kahulugan, pati ang
relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. Ito ay nagyayari lamang kung iisa ang “code”- ibig sabihin may isang pangkabuuang
pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga rito ang iisang wika.

Sa kanyang pananaw, nararapat na magpokus ang mga Pilipino sa sarili nilang pagtanaw sa kanilang kultura at
kasaysayan: magtanong at magbigay ng kasagutan batay sa karanasan ng bayan at ng mga mamamayan ng Pilipinas nang hindi
isinasaalang-alang at/o binibigyang pokus ang pananaw ng mga tagalabas o mga dayuhan.

7.1. bahagi ng aralin

Pantawang Pananaw

Kaugnay at katunog ng pantayong pananaw ang pantawang pananaw ni Rhoderick Nuncio na nakapokus naman sa
katutubong pagsipat sa paraan ng pagpapatawa ng mga Pilipino. Mababasa sa artikulong “Saysay at Salaysay ng Pantawang
Pananaw Mula sa Pamumusong Hanggang Impersonasyon” pagsusuri ni Nuncio (2010) sa kasaysayan ng pagpapatawa sa
Pilipinas.

7.2. bahagi ng aralin

Teorya ng Banga

Ito ay buod naman ng mga ideya ni Prospero Covar (1993), ang itinuturing na isa sa tagapagtaguyod ng Filipinolohiya,
hinggil sa “Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino. “ Ayon kay Covar, “Tambalang lapit ang pamamaraan sa
pagdalumat ng pagkataong Pilipino: kung may labas, may loob; kung may kaluluwa, may budhi. Kaya pala nahahayag sa
mahahalagang bahagi ng ating katawan ang labas, loob at lalim… Itinatakda ng lekturang ito ang katawan ng tao bilang isang
banga: may labas, loob at lalim; at pinagagalaw ng tambalan ng budhi at kaluluwa. Isang halimbawa ng pagsipat sa “labas” ng
pagkataong Pilipino ang paliwanag hinggil sa mukha: sa mukha nasasalamin ang samu’t saring karanasan. Salamin ang mukha ng
damdami’t kalooban ng pagkataong nililok ng kulturang karanasan.” Ang loob naman ay malalim at malawak ang pinag-
uugatan… Mula sa salitang-ugat na “loob” nakagagawa tayo ng mga salitang: kalooban ng Diyos, saloobin, kaloob, looban,
magandang loob at iba pa. Ang konsepto ng loob ay nagiging malinaw kung ito’y ilalarawan sa konteksto ng sisidlan. Ang sisidlan
ay may loob at labas. Ang loob ay nilalagyan ng laman. Isang libo’t isang laksa ang maaaring ilaman sa loob. Gayundin ang sa
ating loob at kalooban. Ang teorya ni Covar ay pagtatangkang ipaliwanag ang koneksyon ng mga terminog kaugnay ng panlabas
na anyo at ng mga pariralang tumutukoy sa mga aspekto ng pagkataong Pilipino.

7.3. bahagi ng aralin

Sikolohiyang Pilipino

Ito ay naglalahad ng kaisipan hinggil sa paraan ng pag-iisip at/o kamalayan ng mga Pilipino. Unang nilinang ni Virgilio
Enriquez, isang kilalang sikologong Pilipino ang mga ideya kaugnay ng Sikolohiyang Pilipino. Ayon sa paliwanag ni Pe-pua at
Protacio-Marcelino (2000), ang Sikolohiyang Pilipino ay paraan ng pag-aaral sa sikolohiya na bunga ng karanasan , kaisipan, at
oryentasyong Pilipino at pagpapaliwanag sa sariling paraan ng pag-iisip pagkilos, at pagpapakita ng damdaming Pilipino, na
sinasabing maaaring may kaibahan sa pag-iisip, pagkilos, at pagpapakita ng damdamin ng iba pang mga mamamayan.

7.4. bahagi ng aralin

Bakod/Bukod/Buklod

Maituturing na sangandaan ng ilang konseptong Marxista at ng mga konseptong sariling atin ang pagdadalumat ni
Morales-Nuncio (2012) sa konseptong ito sa aklat na Ang Siyudad ng Mall: Ang Bakod, Bukod at Buklod bilang Espasyo at Biswal
mula Tabuan Hanggang sa SM City North Edsa. Batay sa aklat na ito, ang mga mall ay pisikal na nakahiwalay (may bakod) sa iba
pang lugar, at may figurative rin na bakod – ang paghihiwalay sa may kakayahang mag mall at sa walang pambili ng mga
produkto rito, kaya nagbubukod din ang mall: nagbubukod-bukod sa iba’t ibang uring panlipunan depende sa mall at sa mga
tindahan sa loob ng mall mismo.

7.5. bahagi ng aralin

Pangunahing Konsepto Analitikal na Panukat Konseptwalisasyon


Bakod  Heograpiya-sakop at Pagbabakod
saklaw,dimensyon, at lawak ng
nasasakupan. 
Patakaran ng segregasyon batay sa
 Pisikal na bakod at dibisyon ng dibisyon ng mga uri ng lipunan.
mall-floorplan, bilang gabay sa  Mga bakas ng espasyo ng dating
pagsusuri ng pamilihan.
gender,komodipikasyon ng  Bakuran ng mall na ipinahihiwatig ng
espasyo at uri sa lob ng mall. biswal at pisikal na kinalalagyan nito
 Biswal na bakod-sikolohikal na sa siyudad.
hadlang at sikolohikal na  Pananda ng kaunlaran at
panghihikayat. konsumeristang lipunan habang
balot ng suliranin at kahirapan ang
labas ng mall.
 Operasyonalisasyon ng midya at
advertisement para likhain ang
mood at mentalidad ng
pagkonsumo.
Bukod  Pagsasantabi o eksklusyon. Pagbubukod
 Sentralisasyon at mardyinalisasyon.
 Konstruksyon ng kasarian.  Epekto ng pagbabakod ang
pagbubukod.
 Ang espasyo ng komersya ay isang
politikal na larangan ng mga
nagtutunggaliang pwersa sa
lipunan.
 Nailulugar sa ganitong pagbubukod
ang sentral at laylayang
kinalalagyan ng mga tao at ang
maselang epekto nito sa
konstruksyon ng kanilang identidad
at lokasyon ng kanilang
kapangyarihan.
Buklod  Pormasyon ng mga sabjek. Pagbubuklod
 Etnisistasyon ng global na kultura.
 Multiplikasyon ng mga uri sa mall.  May epekto ang pagbabakod,
pagbubukod sa pagbubuklod ng mga
uri ng tao sa mall at sa lipunan.
 Mula sa biswal at spatial na kayarian,
naikakahon ang gender, pananaw-
mundo, at uring panlipunan ng mga
tao.
 Namumutawi ang etnisitasyon ng
mall-ang pagkakakilanlan sa
identidad-Pilipino at ang global na
pagkilos ng imahen nito sa iba’t ibang
panig ng bansa at lokalidad.
 Sa pamamagitan ng imitasyon,
kompetisyon, at distingksyon ng mga
uri nagiging dinamiko ang
konsyumer/shopper/maller.

You might also like