You are on page 1of 2

Sino ka?

Lyka Jane N. Zambales (PNHS-LPT)

Pag-uugali ang salamin ng isang pagkatao,


Nawawari mo ba kung ikaw ay sino?

Ikaw ba ang bulaklak sa gitna ng dawag?


Nangingibabaw ang kariktan, mapanghalina’t tumatawag,
nananatiling positibo, puno ng pag-asa’t matatag,
handa sa anumang unos, bumabangon at pumapalag?

O baka naman ikaw ang damong ligaw?


Sumisibol sa kung saan, nasusumpungan kahit ayaw,
ligalig ang hatid, ugaling mamerwisyo’t mambulahaw,
walang ibang inatupag kundi ang makialam at sumawsaw.

Maaaring ikaw ang talang maningning,


nagbibigay liwanag, ipinamamalas ang taglay na sining,
bagama’t sumusulpot lamang sa mga gabing madilim,
katangi-tangi at ang kagalinga’y hindi maililihim.

O, siguro, ikaw ang maitim na ulap


Maruruming tubig ng madla ay kinakalap,
iniipon upang makasangkapa’t maibagsak,
tikatik ng ulang dala’y ibabaon ang sinuman sa lusak.

Ikaw kaya ang malinaw na tubig sa batis


Nakikita ang kaloob-looban, walang kulang, walang labis,
nasisiyahan, nalulungkot, nagagalit at nahahapis,
totoo sa damdamin, lantad ang lahat ng dungis.
O higit na ikaw ang hunyango sa parang,
nag-iiba ng anyo, tuso at mapagpanggap na nilalang,
papuri habang nakaharap, sa pagtalikod ay nakaabang,
maninira, manlilibak, maninila nang buong tapang.

Ikaw ba ang maliit na dahon ng makahiya


Kaunting masaling, tumitiklop at nagpapaubaya,
ngunit may takdang panahon ng pamumukadkad,
bulaklak na kahali-halina’y mamamasdang ‘di sukat?

Baka naman kabilang ka sa mga aso sa daan,


kinakahulan, inaangilan ang sinumang masumpungan,
nakikita ang lahat ng pagkakamali sa tanan,
ngunit sariling uling sa mukha’y ‘di man lang masulyapan.

Bulaklak, tala, malinaw na tubig at makahiya,


damong ligaw, maitim na ulap, hunyango at aso kaya,
sino ang alin at alin ang sino?
Nakikilala mo ba ang tunay mong pagkatao?

You might also like