You are on page 1of 2

Ako ay Ikaw

Lyka Jane N. Zambales (PNHS-LPT)

Ikaw na binigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo,


ako na pinagpalang mahalin ng mga taong dahilan ng pag-iral na ito,
ikaw na inaruga, pinag-aral at binusog sa lahat ng mga bagay,
ako na lumaki at hindi nagkulang sa mga paggabay at aral sa buhay.

Ikaw na nagpakasasa sa nasumpungang paglaya o produktibong pagkawala,


ako na nalunod sa dagat ng kalunsuran at daluyong ng madla,
ikaw na nanamantala sa mga nakaw na sandali, kapayapaang ‘di mawari,
ako na patuloy na hinahanap ang sarili, nasanay sa pag-iisang maluwalhati.

Ikaw na dala ang buong mundo sa kanyang balikat,


ako na sa gampani’y hindi magkandatutong sukat,
ikaw na walang kapagurang ibinibigay ang lahat,
ako na kailanma’y hindi nakasapat, hindi sumapat.

Ikaw na nakabaon sa lusak ng sanlaksang alalahanin,


ako na nananangis nang tahimik, humihinga nang bitin,
ikaw na walang karamay sa mga oras ng kagipitan,
ako na unti-unting nanghihina, sumusuko sa laban.

Ikaw na naghahagilap ng kaliwanagan sa dilim,


ako na nangangapa, nahuhulog sa banging malalim,
ikaw na nahahapis, napapagal, bumibitaw nang palihim,
ako na kumakapit kahit mapapatid na ang pag-asang dinidimdim.
Ikaw na tulad ng iba’y magalaw ang bangkang sinasakyan,
ako na upang makausad ay pinagpapatuloy ang pananagwan,
ikaw na kapares ng marami’y nawawala’t naliligaw ng daan,
ako na naghahanap ng ruta pabalik upang may masimulan.

Ako ay ikaw na pare-parehong may kuwento ng danas,


bagama’t may iba’t ibang pagtingin at gawi sa pag-aaklas,
ako ay ikaw at ikaw ay ako,
nilalang na humihinga, nabubuhay bilang tao.

You might also like