You are on page 1of 1

Bihira ang tulad mo.

Sa lahat ng nakilala ko, ikaw ‘yung tipo ng tao na kayang magbigay ng pag-ibig na buo. Hindi ka
maramot sa mainit na yakap, sa magandang usap, sa maluwag na pagtanggap. Inuuna mo ang
ginhawa ng iba, saka kukumutan ang sarili ng pang-unawa.

Ang bawat mong piraso, liwanag sa makulimlim na mga araw. Nakakahawa ang ‘yong tawa.
Lakas ko ang ‘yong mga salita. At kung tuluyan mang bumagsak ang ulan, maging bagyo,
delubyo—ikaw ang bahaghari sa dulo nito. Laging may pag-asa sa’yo.

Mapalad akong matagpuan ka. Sa wakas, naranasan ko ang buhay nang may lambing at saya.
Naramdaman ko ang lumanay at kalma. Nabigyan ako ng pagkakataong masabik sa umaga—
dahil nariyan ka, ang maghapon ay hindi na tungkol sa pag-iisa.

Bihira ang tulad mo. At sa dami ng tao sa mundo, mahirap hagilapin ang papantay sa’yo. Wala
siguro—o kung mayroon man, baka ikaw lang din sa ibang panahon o ibang buhay. Sa parehong
yakap, usap, at pagtanggap. Sa’yo pa rin iibig.

Dahil bihira ang tulad mo.

Kay mikee

You might also like