You are on page 1of 4

Ramos, Loryne M.

BSN 1C
"Mulat at hindi na Pipikit"

O kay' bilis ng panahon. Parang dati lang, umiiyak pa ko dahil ayaw akong payagan
maglaro; pumapasok ako sa eskwelahan ng walang problema at uuwi na hindi pagod; at parang
dati lang ay nangangarap makatapos ng hayskul at makatungtong na ng kolehiyo. Ang bilis.
Napakabilis. Hindi ko mawari kung bakit ang bilis; pero sa pag-aaral ko ng kasaysayan ng
bansa, naiintindihan ko na kung bakit mabilis ang takbo ng panahon. Mabilis dahil may mga
mahahalagang bagay na nangyayari na hindi na alintana ang paglipad ng panahon. At para sa
akin, ganoon ang kasaysayan. Sabi nga nila, Life is short, gasgas pero totoo. Kaya sa bilis ng
panahon huwag natin sayangin ang oras sa mga bagay na walang magandang dulot sa atin.
Ilaan natin ang oras na matuto, kilalanin at mulatin ang ating mga sarili sa kasaysayan. Dati
ayaw kong mag-aral ng araling panlipunan kahit paborito ko ito dahil pauli-ulit lang yung mga
itinuturo sa amin. Katulad na lang ng pagpatay ni lapu lapu kay magellan, ang pambansang
bayani na si Dr. Jose Rizal at ang utak ng himagsikan na si Andres Bonifacio. Sa totoo lang
nababawan ako kasi paulit ulit at pare pareho lang yung detalye na itinuturo taon-taon pero may
dahilan pala ang lahat. Kaya siguro paulit-ulit upang di ko makalimutan at hindi ako makalimot
sa aking pinanggalingan. Inulit-ulit para tumatak sa isipan lalo na noong tinanggal na ang pag
aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul.

Noong elementarya ako, isa sa paborito kong asignatura ay ang araling panlipunan lalo
na kapag kasaysayan na ng bansa ang pinaguusapan. Kaya labis na panghihinayang na
tinanggal sa curriculum ng hayskul ang pagaaral sa kasaysayan ng Pilipinas. Pero mayroon
akong maling kaisipan tungkol sa kasaysayan. Akala ko dati basta nangyari sa nakaraan ay
itinuturing na kasaysayan. Buti na lang nakikinig ako sa itinuturo ng aking mga guro noong bata
pa ako katulad na lamang sa pakikinig ko kay Sir Arjay na ang kasaysayan pala at History ay
magkaiba. Dati iniisip ko rin kung bakit hindi "History" yung pangalan ng asignatura sa
curriculum ng aking eskwelahan gayong kasaysayan naman yung nilalaman nito at ngayon
alam ko na; Magkaiba pala ang History sa kasaysayan dahil isang kanluranin na konsepto
lamang ito at naka pokus lang sa mga nakasulat na pangyayari at ang kasaysayan ay
pagtalakay sa mga mahahalaga, may kwenta at importanteng mga pangyayari sa nakaraan sa
pamamagitan ng pagbabahagi maging ito man ay pasulat o pasalaysay. Kaya bago mag
pandemya, Nagkaroon ako ng tiyansa na bumisita pinakakilalang repository sa bansa, ang
Pambansang Museo ng Pilipinas. Ang galing dahil nakita ko na pala ang ilan sa mga artifacts
na pinagaaralan namin ngayon sa asignaturang RPH at mga artifacts na si libro ko lamang
nakita. Katulad na lamang ng hindi nakasulat na primaryang batis na Spolarium ni Juan Luna at
primaryang batis na manunggul jar. Kamakailan rin binisita ko ang Museo ng Kasaysayang
Pampulitiko ng Pilipinas. Isa sa mga nakita ko ay ekspedisyon ni Magellan at ang labanan nito
kay Lapu-lapu na paulit-ulit na tinatalakay noong elementarya ako. Nagulat nga ako dahil may
mga museo pala dito sa bulakan dahil isang makasaysayan ang lalawigan na kinagisnan ko.

Marami akong kamag-anak na nakatira sa ibang bansa at karamihan sa kanila sa


Canada namamalagi . Noong taong 2018, unang beses na umuwi ang aking mga pinsan sa
pilipinas pagkatapos ng sampung taon. Ang pinsan kong si mai mai ay isang law student noong
panahon na iyon, kaya madalas niyang ikinuwento na mahilig siya asignatura nilang history.
Dahil gusto ko siya maka-close, kinukwentuhan ko rin siya ng kasaysayan ng pilipinas. Ngayon
ko lang napagtanto na yung mga kwento ko sa kanya ay isang Pantayong Pananaw pala na
kung saan ito ay pagkukwento ng kasaysayan ng pilipinas sa wikang pilipino para sa
kapakinabangan ng isang Pilipino rin. Naiingit rin ako sa kanila dahil ang galing galing nila
magsalita ng ingles at may accent pa silang nakaka-yaman at nakaka-sosyal kung tawagin.
Pero sila rin yung nahirapan, dahil oo pilipino nga sila kaso hindi sila masyadong pamilyar na
magsalita ng tagalog kung di ko pa sila tuturuan. Kaya swerte pa rin ako dahil matatas pa rin
ako magsalita ng tagalog kahit na ingles halos ang ginagamit ng mga guro ko noon. Ganoon
talaga siguro kapag pilit mong kinikilala yung sarili mo kasi di mo makakalimutan kung sino ka
talaga at ang kinagisnan mo. Napapaisip nga ako dahil kung hindi pala tayo sinakop ng mga
kastila, maaaring baybayin ang paraan natin ng pagsulat katulad ng lamang ng ibang bansa sa
asya. Kakaiba at nakakamanghang bansa talaga siguro ang Pilipinas simula pa noong unang
panahon dahil napagkamalan tayong Moluccas Island ni Magellan na kung nasaan ang mga
spices na hinahanap niya. Napakapanghihinayang lang talaga dahil marami pa sana tayong
mapapanatiling kultura katulad ng baybayin kung hindi lang tayo sinakop ng 333 na taon at
inalipin ng mga kastila. Buti na lang talaga may mga nangunang mga pinuno na ay naglakas
loob na pigilan na ang katiwalian na ginagawa ng mga kastila sa mga Pilipino noon.

Sa buong pag-aaral ko ngayong semestre, ang Pinuno na tumatak talaga sa akin ay si


Andres Bonifacio. Maliban sa hindi pala siya ang nasa monumento ng sa Balintawak, ay siya
ang ikatlong supremo ng Katipunan. Ang samahan ay may layuning makalaya ang Pilipinas sa
kamay ng mga Kastila. At speaking of katipunan, may dalawa pa lang nabuong katipunan. Ang
isa ay nabuo noong Enero 1892 na pinamunuan ni Deodato Arellano at ang pangalawa ay
itinatag naman ni Andres Bonifacio noong 1893. At oo, naloka talaga ako sa buong istorya ng
katipunan. Sa totoo lang gulong gulo ako nung una ito itinuro at kailangan ko pang panoorin
muli ang recorded na lektura ni Sir Arjay. Kaya pala magulo dahil kamakailan lang pala
nadiskubre na dalawa ang katipunan dahil sa mga dokumentong natagpuan sa Espanya noong
2012. At oo, maaaring baguhin ang kasaysayan o Historical Revisionism kapag may sapat at
totoong ebidensya. Aking napagtanto na siguro nagaalab na talaga ang kagustuhan nila
Bonifacio na makaalis sa mga kamay ng Kastila. Sa sobrang kagustughan na lumaban para sa
kalayaan at makawala sa katiwalian, dumoble-doble ang katipunan. Hindi natin sila masisi dahil
nakikita nila mismo at nararanasan ang karumal-dumal na karahasang ginagawa ng mga kastila
sa mga Pilipino noon. Kung ako siguro ang nasa posisyon nila, hindi ko ata kakayanin. Kaya
saludo ako sa kanila at iniaalay talaga nila ang kanilang sarili para sa kalayaan ng bansa.
Kitang kita rin natin ito sa Kartilya ng Katipunan na isinulat ni Emilio Jacinto. Katulad nga namin
ngayon may mga sinusunod kaming rules and regulation sa kolehiyo at dapat namin itong
sundin para kami ay maging disiplinadong nars ng bayan. Gayundin ang kartilya ng katipunan,
hindi lang layunin para sa mga tagalog na sumanib dito at may aral na dapat na sundin ng
buong puso. Ayon nga sa leksyon, ang pinuno ay may kakayahan na tumulong at kayang
gawin ang lahat ng mga pinangako at mga adbokasiya nito. Nasa posisyon sila dahil may tiwala
tayo sa kanila. Kaya nakakagalit talaga dahil mismong gobyerno natin ang nangunguna sa
pagbali ng ating konstitusyon para sa sarili nilang kapakinabangan. Kaya dapat hanapan natin
sila ng pananagutan lalo na ang mga Politiko na namumuno sa atin upang magkaroon tayo ng
bansang may pananagutan at katarungan.

Alinsunod sa unang talata, nais ko ring pag usapan ang iba pa nating bayani na namuno
sa rebolusyon. Pag usapan rin natin ang pagiging bayani ni Jose Rizal. Simula noong nakapag-
aral ako, ang impormasyong "Pambansang Bayani ay si Dr. Jose Rizal" ang unang-unang
tumatak sa akin. Maliban na nasa Piso siya, madalas ko rin na naririnig ang kanyang mga
sinulat na libro na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Dati hindi ko pa ma-appreciate si Rizal
dahil ang alam ko lang ay siya ang pambansang bayani kahit na wala namang konstitusyon na
nagtalaga mismo. Noong tumuntong lang ako ng Hayskul noong nalaman ko kung bakit siya
itinuturing na Pambansang Bayani; At ito ay dahil totoo nga na Pluma at Sandata lang ang
kanyang dala laban sa mga kastila. Mas napatunayan ko ito nang nabasa ko ang Liham niya
para sa Kadalagahan ng Malolos. Sobrang timely pa rin o ika nga nila ay "relevant" ang buong
pangaral ni Rizal sa mga kababaihan. Kasi kahit ngayon, grabe pa rin ang sine-set na standard
ng lipunan para sa kababaihan. Pilit pa ring nililimitahan ang mga kakayahang gawin ng mga
babae lalo na sa Pulitika. Katulad na lamang ng sinabi ni Former President Rodrigo Roa Duterte
na "Presidency no job for a woman". Ang ironic kasi yung anak niya tumakbo sa ikalawang
posisyon? Buti na lang ang mga kadalagahan ng malolos noon ay hindi sumuko bagkus
nilakasan nila ang kanilang loob upang matupad ang kanilang layunin na mag-aral ng espanyol.
At sa nakikita ko ngayon, ang mga babaeng katulad ko ay patuloy pa rin na nilalabanan ang
lipunang hindi patas. Ang mga babae katulad nina Vice President Leni Robredo at Senator Risa
Hontiveros; Patuloy silang lumalaban di lang para sa mga kababaihan bagkus para sa
magandang kinabukasan ng lahat ng Pilipino. At sana katulad rin tayo nila na hindi matakot na
ipaglaban ang ating kababaihan at ipakita ang mga kaya nating gawin. Huwag tayo na pumayag
na diktahan at limitahan ng lipunan at ng mga kalalakihan na pilit kinokontrol ang mga gagawin
natin bilang isang babae. Patuloy natin ipaglaban ang tunay na kalayaan ng isang babae, at
ipakita na “Babae tayo” hindi babae lang.

Ang usapin ng Pambansang Bayani ay tinalakay rin ngayon semestre. Nalaman ko na di


umano'y tatlo pala ang pinagpilian sa posisyong ito ng mga historyador: si Jose Rizal, Marcelo
H. Del Pilar at Andres Bonifacio. At agad na in-eliminate si Andres dahil ayon sa kanila ay puro
karahasan lang daw ang itinuro nito sa atin. Siguro yung mga nagsasabi nito ay hindi nila
nabasa ang "Dapat na Mabatid ng mga Tagalog"? Kasi unang una pa lang sa sulating ito,
tinuruan tayo ni Andres na mahalin ang kapwa natin at ang Diyos at hindi karahasan; Tinuran
niya na ipaglaban ang ating kalayaan at huwag na hayaan na apihin at maging alipin ng mga
kastila. Kaya para sa akin, siya ang aking "totga" o the one that got away, ika nga nila. Kung
ating sisipatin, yan ang tunay na bayani. Hindi katulad ni Emilio Aguinaldo na gagawin ang lahat
kabilang na ipapatay ang kapwa Pilipino sa para isang posisyon sa gobyerno. Sa totoo lang,
hindi ko inakala na ang dahilan ng pagkamatay ni Andres Bonifacio ay dahil ipinag-utos ito ni
Aguinaldo. Ang pinaka layunin naman ni Andres sa kanyang rebolusyon ay pagkakaroon ng
kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila kaya di ko mawari kung bakit siya ipinipinta na
pawang mga karahasan lamang ang kanyang itinuturo sa atin. Napagtanto ko rin na sa
kasaysayan ng eleksyon, napatunayan ko na mayroon talagang di magandang nangyayari sa
Pilipinas at halimbawa nito ang nangyari kay Bonifacio at Aguinaldo sa Kumbensyon ng
Tejeros. Isa rin sa mga tumatak sa akin na eleksyon ay ang eleksyon 1935 at ang biglaang
eleksyon 1986. Sa mga eleksyong ito, kitang kita natin na gagawin talaga nila ang lahat ng
maaring paraan para manalo kahit negatibong paraan pa ito. Mula sa paggamit ni Manuel L.
Quezon ng mga labi ng nanahimik na si Andres Bonifacio hanggang sa harap-harapang pag-
walk out ng 35 na empleyado ng COMELEC noong eleksyon 1986, di natin maikakaila na lahat
ng karahasan, kasinungalingan at pandaraya ay gagamitin upang makuha ang posisyon ng
kapangyarihan. Kaya bilang isang Pilipino, sa pagboto natin nakasalalay ang kinabukasan ng
mga mamamayan lalo na ng mga kabataan. Kung ang iboboto natin ang katiwalian at
kasinungalingan, wala tayong patutunguhan. Kaya dapat sa paggamit natin ng "Right to
suffrage", gamitin natin ito sa tama. Siyastin natin ang bawat kredibilidad at adbokasiya ng mga
taong gustong tumakbo para sa bayan; Suriin natin kung para sa bayan nga ba ang kanilang
layunin o para sa kaban ng bayan. Dahil na rin nasa usapang kaban ng bayan, gusto ko rin na
bigyang pansin ang pangyayari sa Martial Law na idineklara ng dating Presidente at Diktador na
si Ferdinand Marcos Sr. noong Setyembre 22, 1972. Isa ako dati sa may baluktot na kaisipan
sa Martial Law at sa mga Marcos. Pero salamat sa mga eskwelahan ko noon at ngayon, na
binuksan ang isipan ko sa katotohanan. Nalulungkot ako at nahihiya dahil sinubukan kong
baguhin ang baluktot na kaisipan ng aking pamilya tungkol sa pamilyang Marcos ngunit hindi
ako nagtagumpay at ibinoto pa rin nila ito noong eleksyon 2022. Sa diskusyon ng martial law
noong naganap na seminar, mas naintindihan ko kung bakit hindi tama at puno ng karahasan
ang pangyayaring ito. Para sa akin, walang transparency, accountability at tunay na
pagpapahalaga sa mga Pilipino ang pamilyang Marcos. Kaya dapat huwag natin sila hayaan na
patuloy na manungkulan dahil malinaw ang kanilang kagustuhan: ang kaban ng bayan.

Sa pangkalahatang kong natutunan, ang pinakatumatatak sa akin ay ipaglaban ang


ating kalayaan. Madaling sabihin pero mahirap gawin ngunit hindi natin ito pwedeng isantabi
lamang dahil maraming lumaban at namatay na mga mamamayang Pilipino para dito. Dapat
ibigin natin ang kalayaan sa pagmamahal sa kapwa natin sa paraang paggawa sa kanila ng
mabuti. Dahil ang tunay na kalayaan ay nakakaramdam tayo ng kaginhawaan. Hindi tayo
malaya kung puro kasinungalingan, karahasan at katiwalian ang ating pinaniniwalaan. Sabi nga
ni sir Arjay, Hindi tayo karapat dapat na maging malaya kung di natin ito iibigin, ipagtatanggol at
ipaglalaban. Kaya hindi masama na ipaglaban ang karapatang pantao at maging boses ng mga
pinatatahimik. Maging susi tayo upang magkaroon ng payapa, masagana at bansang may
pananagutan. Sa paglaban ng ating kalayaan, mabibigyan natin ng pinakamagandang
monumento si Andres Bonifacio kung tayong mga Pilipino ay malaya, mabuti at may
kaginhawaan. Kaya dapat tayong mulat sa katotohanan ay hindi na muling pipikit.

You might also like