You are on page 1of 3

Asignaturang Filipino: Dapat na nga bang Alisin sa Kolehiyo?

By Asher Jap

Usap-usapan. Hindi maalis sa bibig ng karamihan. Itong asignaturang Filipino, aalisin na

raw sa kolehiyo. Kanya-kanyang pagtatanggol at suhestyon. Iba’t ibang paniniwala’t opinyon.

Ilang taon ng isyu sa bansang perlas ng silangan. Tama nga kayang alisin ang Filipino sa

kolehiyo o dapat nga bang ipagpatuloy pa ang pagtuuro nito?

Naging maingay ang dating tahimik na daloy ng tubig mula ng inilabas ng Komisyon sa Mas

Mataas na Edukasyon ang kautusan bilang 20, taong 2013. Alinsunod dito, aalisin na ang

Filipino bilang asignatura sa Pangkalahatang Kurikulum sa Edukasyon sa Kolehiyo na agad

tinutulan ng mga guro, estudyante at mga organisasyon.

“Bata pa ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na intelektwalisado o nagagamit sa

iba’t ibang larangan,” ayon kay G. David San Juan, propesor sa Filipino sa DLSU. Sa ibang

salita, paano magiging intelektwalisado ang wikang Filipino kung hindi ito pag-aaralan sa

mataas na paaralan? Nakasaad pa sa ating konstitusyon na dapat pagyamanin at palaganapin

ang Filipino bilang wikang pambansa.

Ang pag-alis ng Filipino sa kolehiyo ay mas magdudulot pa ng kolonyal na kaisipan. Maging

ang karamihan sa mga asignatura mula elementarya at sekundarya ay nakasulat sa wikang

Ingles gayong maaari naman itong isalin sa Filipino katulad ng Home Economics, Music,

Philippine Politics and Governance, Understanding Culture, Society and Politics at iba pa.

Dagdag pa rito, hindi pa bihasa ang karamihan sa mga estudyante sa paggamit ng Filipino

katulad ng paggamit ng panlapi, tamang bantas, pagkakaiba ng ‘ng’ at ‘nang’ at iba pa. Ang

mga isyu sa bansa, kultura at pulitika ay mas mainam din na Filipino ang gamiting wikang

panturo upang mas maging makabayan ang sistema ng edukasyon. "Upang maging ganap ang

intelektwalisasyon nito, nararapat lamang na pagbutihin at palawakin pa ang pagtuturo nito sa

lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo," ani San Juan.

Ayon naman kay Atty. Julito Vitriolo, punong tagapamahala ng Komisyon sa Mas Mataas

na Edukasyon, "Yung pag-aaral ng Filipino, nandoon na sa senior high school, kasi kung
titingnan natin, kalahati ng general education, dinownload sa K to 12." Kaya raw inalis na sa

kolehiyo ang asignaturang Filipino ay dahil inilapat ito sa ika-11 at ika-12 baitang sa senior high

school. Sa usaping pagmamahal sa wika, "Dapat ang importante diyan, maging bihasa ka,

mahalin mo, itaguyod at tangkilikin mo. Iyong pag-aaral kasi at pagtataguyod, nasa kahit anong

level kasi," paliwanag niya. Dagdag pa rito, gusto raw ng komisyon na pagtuonang-pansin ang

mga pangunahing asignatura ng kurso sa kolehiyo upang mas malinang ang mga estudyante

sa tatahakin nitong karera.

Nangunguna ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika sa

mga tumututol sa kautusang ito kaya naghain sila ng petisyon sa Korte Suprema upang ito’y

rebisahin. Dininig naman nila ang petisyong ito sa pamamagitan ng paglabas ng

pansamantalang pagpigil (temporary restraining order) sa kautusan ng komisyon. Hanggang

ngayon, hindi pa tapos ang pagtatalakay dito ng mga mahistrado kaya umaasa ang mga

makabayang Pilpino na panigan ng Korte Suprema ang inihaing petisyon ng Tanggol Wika.

Ang pag-aaral ng wikang Filipino ay nakadadagdag ng pagmakabayan ng bawat isa.

Habang patuloy itong inaalam at sinasaliksik, lumalawak ang kaalaman ng bawat mamamayan

patungkol dito na isa sa magiging dahilan upang maging intelektwalisado na ang pambansang

wika. Ngunit paano ito mangyayari kung aalisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo?

"Laging nakayuko ang ating mga ulo dahil pinatanggap sa atin na mas mababang klase

ang mga Filipino. Kailangang kilalanin na ang malaking dahilan bakit may [ganitong] problema,

ay ang ating kolonyal na pinanggalingan,” ani pambansang artist para sa literatura, Bienvenido

Lumbera.

Ikaw, pabor ka ba sa pag-alis ng asignaturang Filipino sa kolehiyo dahil sapat na raw ang

pag-aaral nito hanggang ika-12 baitang? O naniniwala ka na dapat ipagpatuloy ang pag-aaral

sa wika upang mas maging intelektwalisado ito?

Gawin Natin!

Suriin ito at tukuyin ang: paksa, pangunahing ideya, at mga sumusuportang ideya.

You might also like