You are on page 1of 2

PAGPILI NG KINABUKASAN

Pagbati sa inyong lahat! Isang magandang araw sa aking mga ginigiliw na


tagapakinig. Nalulugod akong humarap sa inyo ngayon at mabigyan ng
pagkakataong maipahayag ang aking sarili sa pamamagitan ng isang maikling
talumpati. Nawa’y ang desisyon niyong magpahiram ng inyong sandaling
atensyon sa akin ay makapag-iwan ng makabuluhang mensahe sa inyong buhay.
Bigyan natin ng ilang sandaling atensyon ang ating paligid.
Hindi na lingid sa ating kaalaman na ang buhay ng tao ay puno ng mga pagpipilian.
Tayo ay nasa gitna ng maabalang kalsadang napapaligiran ng mga
establisyimento na maaring puntahan ngunit hindi pa rin tanaw ang lahat.
Nagsama-sama ang sangkatauhan sa gitna nito at ang bawat isa ay may sariling
unipormeng suot. Sa bawat pagpipilian ay may nangungunang tanong. Sino?
Ano? Saan? Kailan? Bakit? Paano?
Sa bawat pagpili natin ay mayroon pang ibang kondisyon na kaakibat. Higit lalo pa
sa ating panahon ngayon na ang mga opsyon ay mas lumalawak sa pamamagitan
ng iba’t ibang pagsulong ng teknolohiya. Halimbawa ay sa ilang pindot lamang ay
marami nang iba’t ibang lalabas na resulta sa hinahanap na sagot kaya
nakadepende sa ating panlasa kung ano ang pipiliin mula sa mga sagot na ito.
Kaya naman isang hamon sa ating henerasyon ngayon ang pagpili dahil sa ating
mga desisyon nakasalaylay ang ating kakahinatnan.
Muli, hinihiling ko sa inyong obserbahan ang ating paligid. Ilan ba sa atin ang
sigurado na sa ating magiging kinabukasan?
Bago natin marating ang hinaharap, kailangan din nating harapin ang ating mga
sarili. Sa pagsilip sa ating mga sarili, maraming aspekto tayong kinokonsidera. Isa
sa pinakaimportanteng salik ng ating pamumuhay ang edukasyon. Para sa mga
tumatahak ng pormal na edukasyon, ang pagpili ng pag-aaralan ay isang
mahalagang elementong makakaapekto sa inaabot na pangarap. Kaya ang
hamon sa ating mga kapwa ko estudyante, isang tanong na naririnig mula nang
tayo ay unang tumuntong sa paaralan, “Anong gusto mo maging paglaki mo?”
At upang tayo ay maging ang tinutukoy natin, importanteng hakbang ang kursong
kukunin. Nandyan din ang pagpili ng strand dahil sa K to 12 curriculum. Mayroon
tayong iba’t ibang sagot. May mga ilang pinalad at natukoy na ang kanilang
minimithing kinabukasan kaya sila ay nagsusumikap upang maabot nito. Ngunit
may mga ilan pa ring nananatiling naghahanap pa ng kinabukasang para sa kanila.
May ilang nagpapalit-palit ng mga sagot at sa kabilang banda, may ilan pa ring
hindi talaga alam kung alin ang patutunguhan.
Kahit na sabihin na ang mga plano ay hindi naman laging nasusunod, mayroon pa
rin tayong kasalukuyan na binubuo para mapaghandaan ang kinabukasan.
Makabuluhan ang pundasyon kung ang kakayahan ay mapapaunlad. Sa dami ng
mapagpipiliang kurso at mga paaralang nag-aalok nito, para sa mga nagdududa,
maaaring pansamantala munang umatras at kilalanin muli ang mga tanong na
kailangang sagutin. Marami ang mga salik na dapat ikonsidera ngunit nangunguna
ang sariling interes na mag-uudyok sa isang larangan.
Kung may pagpipilian, pinakamainam pa rin na kilalanin ang pagpipilian. Kung
hindi sigurado sa sariling kagustuhan, maaring suriin ang bawat kurso at kanilang
maihahandog sa iyong personal na hangarin. Mga minamahal kong tagapakinig,
alalahanin natin na ang mga personal na hangarin ay hindi lamang sa pansarili
ngunit maaari ring tungkol sa mundong ating ginagalawan.
Para sa mga walang kasiguraduhan, nakakaligaw kung walang batayan. Kung
kaya, ang nakaraan at ang kasalukuyan ang matibay na sandalan. Ang pagbabase
sa mga naranasan kasama ang ibang tao, sa iba’t ibang lugar, na may hatid na
iba’t ibang kwento ay makakatulong upang maabot ito. Hayaan natin ang sarili na
making. Kung gugugulin ang oras sa madiskarteng paraan sa tulong ng mga
kasangkapan na nasa iyong mga kamay, ang mga impormasyon ukol dito ay
maisasaayos ayon sa pangangailangan. Huwag matakot na subukang sagutin ang
mga tanong kahit na maaring magbunga pa ng karagdagang tanong.
Paalalahanan ang sarili na may mga tanong na walang iisang tamang sagot. Kung
tayo ay nasa gitna ng magulo at punong-punong kalsada, ang pinakamatinding
kalaban ng sarili ay ang pag-aalinlangan. Sa pagpili ng ating kurso sa tersiyaryang
baiting ng edukasyon, huwag dapat maparalisa sa mga pagpipilian.
Bago matapos ang aking talumpati, inaanyayahan ko kayong pakiramdaman muli
ang ating kapaligiran.
Hindi ka nag-iisa sa kinabukasang walang kasiguraduhan, mga tanong na walang
katapusan, mga sagot na puno ng alinlangan. Tulad mo at tulad ko, tatahakin natin
ang landas ng buhay na walang tiyak na daraanan. Saan man patungo, kahit tayo
ay nasa gitna ng kalsada, marahil ay maari naman palang piliing tawirin. Tumingin
lang sa kaliwa at kanan at siguraduhing maingat sa pagtawid sa ating
kinabukasan, anuman ang kursong mapagpapasyahan.

Maraming salamat sa inyong pakikinig at mapagpalang araw sa ating lahat! Nawa


tayo ay makapamili nang may utak at puso.

You might also like