You are on page 1of 7

Kritikong Papel

REACTIVE (daloy ng kwento/plot)


Ang seryeng libro na isinulat ni Gwynette Jan Saludes ay pinamagatang “The
Rain in España”. Ito ay nailathala noong ika-2 ng Disyembre 2019 sa online library na
tinatawag na “Wattpad”. Ang genre ng kwentong ito ay umiikot sa pag-ibig at pagkamit
ng pangarap nila Luna at Kalix. Gayundin, tinalakay ang pagpapahalaga sa mga
prayoridad sa buhay. Nabigyang pansin rin ang kahalagahan ng pagkakaunawaan at
respeto sa loob ng pamilya.
Umiikot ang kwento sa mga kolehiyong mag-aaral na sila Kalix at Luna. Si Luna
ay isang mag-aaral ng arkitektura. Samantalang si Kalix naman ay nag-aaral ng
abogasya. Nahulog si Kalix sa kwelang personalidad ni Luna. Ngunit kalaunan, isang
hindi pagkakaintindihan ang naghiwalay sa landas ng dalawa. Matapos ang sampung
taon, muli silang nagkita at kalauna’y muling nagkabalikan hanggang sa magdalang-tao
si Luna. Nakasisiyang tunay ang daloy ng kwento. Ngunit, may ilang punto sa kwento
na hindi gaanong akma o kapani-paniwala na nagdudulot ng pagdududa sa isipan ng
mambabasa. Nakapagdududa ang bahagi ng kwento kung saan hindi nagkikita ang
dalawang karakter sa loob ng sampung taon kahit na nasa iisang lungsod lamang sila
at maraming pagkakataon na maaari silang magkita. Kaya’t kataka-taka ang bahaging
ito ng kwento. Ang pagkakalagay ng mga karakter mula sa iba pang serye ng awtor ay
nakamamangha sapagkat wasto at sakto ang pagkakadagdag ng mga eksena na
makikita rin sa iba pang mga serye. Mahalaga ang sapat na hindi pagbabagong ito o
consistency sa isang kwento. Ayon pa nga kay Mohr (2020), mahalaga na patuloy na
daloy ng kwento sapagkat mas magiging mas malinaw ito para unawain ng mga
mambabasa.
Sa pangkalahatan, isang positibong panghuhusga ang maihahatol sa daloy ng
kwento ng “The Rain in España”. Sunod-sunod at malinaw ang daloy ng kwento na
siyang nakapupukaw ng attensiyon ng mambabasa. Nakamamangha ang pagsulat ng
awtor sa mga kabanata sa seryeng ito na nakapupukaw sa atensiyon ng mambabasa
dahil sa iba’t ibang pokus ng bawat kabanata.
REACTIVE (tauhan)
Ang The Rain in España ay ang kwentong isinulat ni Gwy Saludes. Ang istorya
na ito ay patungkol kay Luna at Kalix na nagkakakilala sa kolehiyo at kalauna’y umibig
sa isa’t isa. Ipinakilala sa kwento ang mga ugali at personalidad ng mga karakter lalong
lalo na ang kanilang mga pinadaanang problema. Ang mga reaksiyon ng tauhan sa
hinarap na problema ng mga tauhan ay tinalakay din sa kwento.
Sa kwentong ito, makwela at palabiro ang personalidad ni Luna. Samantalang,
seryoso naman si Kalix na kilalang mahilig gumamit ng terminolohiyang may kinalaman
sa batas, kalayaan, at karapatan. Nakatutuwang makatotohanan ang ibinigay na
katangian sa mga karakter kung ihahango ito sa tunay na kwento. Halimbawa na
lamang ay ang pagiging sarado ng isip ni Luna noong sila ay nagkaroon ng hindi
pagkakaintindihan ni Kalix. Bagamat nakadididsmaya para sa mga mambabasa ang
kaniyang naging reaksyon, bilang isang awtor nabigyan niya ng isang makatotohanang
reaksyon ang sitwasyon kung ilalagay ang sarili sa posisyon ni Luna. Magdudulot man
ito ng pagkasorpresa mula sa mga mambabasa sapagkat kilala si Luna bilang
masayahin at maunawaing karakter kung titingnan ang mga naunang kabanata.
Sa kabilang banda, nagdulot ang pagpapahayag ng katangian ni Kalix sa kwento
ng pagtaas ng pamantayan ng kababaihang mambabasa pagdating sa pagpili ng
kabiyak. Sa kabila nito, nakamamangha na kahit kay rami na ng mga nobelang may
seryosong lalaking karakter, naging kakaiba pa rin si Kalix at tumatak ang kaniyang
karakter bilang isang pinapangarap na lalaki ng kababaihan. Ito ay dahil hindi gaya ng
ibang karakter sa ibang istorya na kung seryoso ang katangian ay may bahid ng
pagiging pilyo o pasaway, napanatili ng awtor ang pagiging iba ni Kalix sa pagbibigay
sa kaniya ng mabuting katangian gaya ng pagiging maunawain at pagpanig sa hustisya.
Dahil dito, mas madaling kilalanin si Kalix kumpara sa ibang mga karakter na may
seryosong awra.
Mahalaga na makatotohanan ang reaksiyon at pagharap ng karakter sa
problema. Ito ang magiging dahilan upang maakit ang mga mambabasa sapagkat mas
makakaugnay sila sa kwento kung ang karakter ay may makatotohanang reaksiyon at
paraan ng pagharap nila sa mga ito. Idagdag pa ang posibilidad na maaring pareho ang
karakter at ang mambabasa ng karanasan. Gayundin, mahalagang magkaroon ng
kakaibang katangian ang mga karakter mula sa kwento upang mas mabilis silang
makilala at matandaan ng mga mambabasa.
Sa pangkalahatan, nakasisiya ang naging paglapat ng awtor sa ugali at
katangian ng mga karakter at akma ang mga ito sa hinarap nilang mga sitwasyon kung
iuugnay sa tunay na karanasan at mas magiging makatotohanan ito.

DESCRIPTIVE (awtor)
Ang “The Rain in España” ay isinulat ni Gwynette Jan Saludes na kilala bilang
Gwy at sa kaniyang pen name na “4reuminct”. Naunang nagsulat si Gwy ng kwento sa
Wattpad ngunit mas umugong ang pangalan niya sa kaniyang mga serye sa social
networking platform na Twitter. Kalaunan sumikat si Gwy sa kaniyang mga serye mula
sa online library na Wattpad Sa kaniyang mga serye, mayroong iba’t ibang mga genre.
Isa ang The Rain in España sa nagpaugong ng pangalan ni Gwy sa larangan ng
literatura. Sa katunayan, ito ang kauna-unahang bersyon sa kaniyang Univeristy Series
na pumatok sa masa. Karamihan sa mga genre na kaniyang isinusulat ay nakafocus sa
mga aksyon at pag-ibig. Ngunit, ang The Rain in España ay nakatuon sa konsepto ng
pag-ibig, prioridad, at pangarap.
Kalimitang gumagamit si Gwy ng naratibo at deskriptibong estilo ng pagsulat.
Akma ito sa daloy ng kaniyang mga kwento lalo na kapag ipinapaliwanag ang mga
pangyayari at katangian ng mga tauhan. Sa librong The Rain in España, hindi tuwirang
ipinakita ni Gwy ang kaniyang sarili sa mambabasa gamit ang pagbibigay buhay sa
karakter ni Luna. Dito niya ipinakilala ang sarili sapagkat mas makatotohanan ang
seryeng ito kumpara sa mga naunang serye na kaniyang isinulat. Magandang taktika ito
upang bigyan ng buhay ang karakter ng unang kwento kung nahihirapan ang awtor na
mag-isip ng mga katangiang magpapakilala sa kaniya bilang manunulat. Mas mabilis rin
niyang maiisip ang posibleng personalidad ng iba pang karakter kung ihahalintulad sila
sa mga tunay na taong nakapaligid sa manunulat o sa kaniya mismong sarili. Mahusay
ang taktikang ginamit pagpapahayag ng daloy ng kwento at paglalapat ng mga detalye
dahil naging malinaw ang mga ito sa mambabasa at tuwirang naintindihan nila ang mga
pangyayari.
Bilang konklusyon, mainam ang mga estilong ginamit ng awtor sa pagsulat sa
librong ito. Malinaw ang deskripsiyon sa mga tauhan at pangyayari na nagpasigla sa
interes ng mambabasa. Gayundin, detalyado niyang ipinakita ang pangyayari sa istorya
kasama ang pagbibigay ng pagkakataon sa mambabasa na maiguhit sa kanilang
imahinasyon kung paano maging mag-aaral ng mga sikat na unibersidad sa Pilipinas.

DESCRIPTIVE (wika)
Sa librong The Rain in España ni Gwy Saludes, iba’t ibang uri ng wika ang
ginamit. Kalimitan sa mga terminolohiya ay pumapatok sa mga kabataan na mahilig
makipagbiruan. Ngunit, ang ilan sa mga terminolohiyang kaniyang ginamit ay maaaring
hindi alam ng ibang mambabasa dahil sa lalim ng kahulugan ng mga ito o di kaya’y
hindi sila eksperto pagdating sa paggamit ng mga salitang iyon. Ang buong libro ay
gumamit ng halong salitang balbal, Filipino, at English.
Mainam na naitawid ng awtor ang kwento sa paraang hindi mabuburyong ang
mga mamabasa sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang ginagamit nila sa mga
kaswal na usapan. Makikita ito kapag nagdidiyalogo ang mga karakter o di kaya naman
ay nagsasalaysay ng istorya gamit ang pananaw o point of view ng isang karakter.
Mahusay na istratehiya ito sapagkat mas mabilis na mauunawaan ng mambabasa ang
kwento dahil alam nila ang kahulugan ng mga ito. Ngunit, hindi gaanong mabisa ang
paggamit ng mga malalalim na salita sa kwento lalo na kapag ipinapahayag ang mga
diyalogo ni Kalix na may kinalaman sa abogasya o batas. Importante na alam ng
mamabasa ang kahulugan ng mga salitang kanilang binabasa. Idagdag pa na
mayroong mga batang mamababasa na nagmumula sa huling bahagi ng elementarya.
Siguradong hindi pa nila lubos na mauunawaan ang mga terminolohiyang may
kinalaman sa batas tulad ng ginamit ni Kalix sa kwento. Ang mga ganitong uri ng
audience ay kailangang isaalang alang.
Kung huhusgahan ang wikang ginamit sa kwento, mahusay ito at mabisa upang
mapukaw ang atensiyon at interes ng mambabasa. Mabilis na makauugnay ang mga
bumabasa sa kwento sapagkat sila rin ay gumagamit ng karamihan sa mga
terminolohiyang ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Mairerekomenda ko ang
librong ito kung ang audience ay naghahanap ng libro na balanse ang pakatutong
magsalita ng Ingles at pag-unawa sa daloy gamit ang kaswal na mga pahayag.

PRESCRIPTIVE (tema)
Nakatuon ang kritikong ito sa kwentong The Rain in España na isinulat ng
manunulat na may pen name na 4reuminct. Naging bantog ang kwentong ito sa mga
kabataan dahil sa mga nakapaloob nitong konsepto. Tumatalakay ang kwento sa
temang may kinalaman sa pag-ibig, pangarap, pagkakaibigan, at paghihintay.
Gayundin, mayroon itong mga temang para lamang sa mga nakatatanda. Pumukaw sa
atensiyon ng mga mambabasa ang paggamit ni 4reuminct ng iba’t ibang tema na
mataas ang tiyansang maiugnay ng mga mambabasa sa kanilang sariling karanasan.
Makikita ang mga kilalang tema na nabanggit sa ilang mga kabanata ng kwento.
Binanggit sa kwento ang matibay na pagkakaibigan sa pagitan nila Luna, Sevi, Sam,
Yanna, Kierra, Via, at Arkin. Ipinakita sa kwento na tunay ang pagkakaibigan nila at
pagdadamayan maging ano pa man ang problemang kanilang dinaranas. Bukod pa
roon, tinalakay rin sa kwento ang pagtupad sa pangarap ng dalawang pangunahing
tauhan na sila Luna at Kalix. Sa kabila ng pagiging iba sa pananaw at propesiyon ng
pamilya at sa pinagdaanang sakit nang maghiwalay sila ni Luna, ipinagpatuloy pa rin
niya na sikaping mag-aral hanggang sa maging isang mahusay na abogado kahit na
kaunting suporta lamang ang nakukuha niya mula sa magulang. Si Luna naman, sa
kabilang banda, nagsikap na maging arkitekto kahit na nahirapan siya sa pag-aaral
nang maospital ang pinsan na si Kierra na kaniyang tinulungan sa mga gawaing pang-
eskwela. Maiuugnay din ang temang “paghihintay” sa bahanging ito dahil naghintay sila
ng ilang taon hanggang sa maabot nila ng identidad na nais nilang mapunta sa kanila
na may kaugnayan sa kanilang pangarap. Matapos ang ilang taong paghihintay, muli
silang nagkita at nagkapatawaran hanggang sa mahanap ulit nila nag isa’t
Napakaganda ng pagkakagawa sa temang ito ngunit mas magiging makatotohanan ito
kung naipakita rin sa kwento kung paano nila nalagpasan ang hamong pilit lumalaban
sa pag-abot nila ng kanilang pangarap. Halimbawa, maaaring banggitin ng awtor sa
kwento na nagtrabaho habang nag-aaral si Kalix upang suportahan ang kaniyang pag-
aaral. Dahil ang parteng ito ng kwento ay nakatututok sa pananaw o point of view ni
Luna, hindi gaanong natalakay sa kwento ang paglutas ni Kalix sa problema niya. Sa
ganitong paraan, mas mabibigyang diin ang paglutas sa suliraning nakapaloob sa
temang kaugnay. Kung ganoon, mas magiging makatotohanan ang kwento at maaaring
mag-iwan ng aral o ideya sa mambabasa sakaling humaharap sila sa kaparehong
suliranin. Maganda ang istratehiyang ginamit ng awtor na hindi bulgarang ibinigay ang
detalye sa mga matured na tema at pangyayari upang ingatang makaapekto ito sa mga
hindi dapat makabasa tulad ng mga menor de edad sa bagong bersiyon.
Mabilis na maiuugnay ng mga mambabasa sa kwento ang kanilang sarili kung
pagbabasehan ang tema. Gayundin, maaari pa na mas maging makatotohanan ang
kwento kung mas detalyadong ipapakita ang mga paraang ginawa ng mga bida upang
lutasin ang kanilang mga suliranin. Maayos at matalinong pinili ang tema ng kwento.
Pagdating sa tema, maituturing na isang magandang rekomendasyon ang kwentong
The Rain in España sapagkat maaari silang makakuha ng kakaibang mga aral mula
rito.

PRESCRIPTIVE (wika)
Sa The Rain in España moderno ang mga salitang ginamit. Ngunit may ilang
suhestiyon na maibibigay sa mga ginamit na salita kung saan magpopokus ang kritikal
na pagtatalakay na ito. Kombinasyon ng Ingles, Filipino, at mga salitang balbal ang
ginamit na wika sa kwento. Sa mga kabanatang may magaang daloy ng pangyayari at
hindi gaanong masuliranin, kalimitang hinahaluan ng awtor ng salitang balbal. Ngunit
ang mga kabanatang may mabibigat na awra ay ginagamitan ng pormal at kaswal na
mga salita at wika. Mahalaga
Mabilis mang maintindahan ng mga mambabasa ang mga kaswal na anyo ng
wika at terminolohiyang ginamit sa wika, may mga bagay pa ring kailangan bigyang
pansin ng awtor. Halimbawa na lamang ay ang mga terminolohiyang ginamit ni Kalix na
may kinalaman sa batas at abogasya. Maaaring malinaw at nauunwaan ito ng ibang
mga mambabasa ngunit kung malayong industriya o larangan ang abogasya sa ibang
mambabasa, maaaring mahirap para sa kanilang intindihin ang mga terminolohiya.
Upang maiwasan ang suliraning ito, maaring gamitin ang wikang ginagamit ng
karamihan sa mambabasa o maging ng mga target audience sa pagpapahayag ng
masining na pahayag ng mga karakter sa mga diyalogo. Sa kabila nito, maayos na
inilarawan ang mga pangyayari gamit ang mga wikang ginamit.
Sa kabuuan, masining ang mga wika at salita na ginamit sa kwento. Subalit ilang
terminolohiya ang malalim ang kahulugan na dahilan kaya’t maaaring hindi ganoong
kadali para sa ilang mambabasa na intindihin. Ngunit, dahil hindi nakatutok sa iisang
wika ang kwento, nakapupukaw ito ng interes ng mambabasa.

COLLABORATIVE (pananaw o point of view)


Sa kritikal na analisis na ito, isa sa mga nakasama kong mag-ebalweyt ng
kwentong The Rain in España na isinulat ni Gwy Saludes si (pangalan ng peer or
classmate). Nakatuon ang analisis sa mga pananaw o point of view na ginamit sa
kwento. Obhetibong inobserbahan ang daloy ng pananaw sa kwento.
Sa kwento dalawang point of view ang ginamit. Ang una ay kay Luna at ang
pangalawa ay kay Kalix. Napansin naming dalawa na mas maraming kabanata ang
nakatuon sa pananaw ni Luna. Iilang kabanata lamang ang gumamit ng point of view ni
Kalix. Ayon kay (pangalan ng peer or classmate), magaling na taktika ito upang mas
makaugnay ang mga mambabasa sa kwento. Ang kaniyang basehan ay ang karamihan
sa mga nagbabasa ng kwentong ito ay mga kababaihan. Malimit na ginagamit ang
point of view ng mga kababaihan sa mga kwentong inilathala sa Wattpad. Ngunit
naging kakaiba ito kumpara sa iba pang mga kwento dahil dalawa hanggang tatlong
kabanata lamang ang gumagamit ng point of view ng lalaki sa mga serye ng awtor
kabilang na ang The Rain in España. Ito ay dahil ang ibang kwento ay nagsisingit ng
point of view ng mga lalaki sa tuwing may lilitaw na suliranin.
Ayon naman sa aking analisis, mabisa at mabilis makapagpataas ng interes ng
mambabasa na nasa dulong bahagi ng kwento lamang mababasa ang point of view ni
Kalix. Ito ay dahil mas makadaragdag sa pagka-sabik ng mambabasa na malaman ang
pananaw ni Kalix sa mga pangyayari at kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng
sampung taon. Kumpara sa ibang istorya na agarang ipinapakita ng awtor ang kwento
ayon sa pananaw ng lalaki, mas magkakaroon ng dahilan ang mambabasa na
ipagpatuloy pa ang kwento hanggang dulo dahil hindi pa nila natutukoy o nalalaman
ang totoong nangyari sa suliranin. Sa isang bahagi ng kwento kung saan
nakipaghiwalay si Luna kay Kalix dahil nakita ni Luna ang larawan ni Kalix at ni
Amethyst. Nagdulot ito ng paghihinuha sa isipan ng mambabasa kung ano kaya ang
tunay na nangyari sa larawan kung ang kwento ni Kalix ang pag-uusapan. Naiakma rin
ng awtor ang mga point of view ng mga tauhan sa pokus ng kwento dahil tanging ang
pananaw ng pangunahing tauhan lamang ang ipinakita sa kwento. Dahil dito,
mabibigyang daan ang kwento ng iba pang mga serye at mapatataas ang tiyansa na
maging interesado pa ang mga mambabasa sa iba pang mga kwento.
Bilang konklusyon naming nag-analisa ng kwento, mahusay na naiakma sa daloy
ng kwento ang point of view ng mga tauhan. Epektibo nitong napupukaw ang interes at
kuryosidad ng mga mambabasa.

COLLABORATIVE (suliranin)
Kasama si (pangalan ng peer or classmate), obhetibo naming inobserbahan
ang kwentong The Rain in España na isinulat ni Gwynette Jan Saludes. Nakapukaw ng
atensiyon namin ang paglabas ng sunod-sunod na suliranin sa kwento. Kapwa namin
naisip na karaniwan ang konsepto ng suliranin ng istorya. Ito ay dahil umiikot ito sa
konsepto ng hiwalayan dahil sa hindi pagkakaintindihan.
Sa kwentong ito, nagsimulang lumabas ang suliranin noong naospital si Kierra
kaya’t si Luna ang tumutulong sa kaniyang makahabol sa mga kailangang ipasa sa
eskwela. Kasunod nito, inakala ni Luna na nangaliwa si Kalix kaya’t agaran siyang
nakipaghiwalay. Ngunit isa lamang itong maling interpretasyon dahil naging sarado ang
isip ni Luna para maintindihan niya ang paliwanag ni Kalix. Sa kabila ng pagiging
matindi ng mga eksena nang lumabas ang suliranin, maituturing namin na karaniwan
ang konsepto nito. Ayon kay (pangalan ng peer or classmate) makikita na ito sa ibang
kwento kung kaya’t hindi na ito gaanong kakaiba. Para sa akin naman, maaari pang
maiba ang konsepto ng suliranin kung hindi ito tungkol sa hiwalayan dahil sa umanong
pangangaliwa. Maaaring magpokus ang suliranin sa kawalan ng oras ng dalawa sa isa’t
isa. Tulad ng obserbasyon ni (pangalan ng peer or classmate), hindi na bago para sa
akin ang konsepto ng suliranin sa kwentong ito.
Bilang pagsasama ng aming naging analisis, maganda ang daloy ng suliranin sa
kwento. Ngunit, mapapansin na hindi ito naiiba sa iba pang mga istorya. Maaari pang
dagdagan ang nakakapanabik na suliranin sa kwento bukod sa suliraning may
kinalaman sa hiwalayan dahil sa pangangaliwa.

You might also like