You are on page 1of 3

MGA TEORYA PARA SA EPEKETIBONG PAGDALUMAT

HISTORIKAL

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), na pinamagatang DalumatFil, ang historikal na pananaw ay isang uri
ng kritisismong pampanitikan na sumisiyasat sa pinagmulan ng isang sinaunang panitikan o teksto para
maunawaan ang “daigdig sa likod” ng tekstong ito.

Ang Historikal na pananaw ay ginagamit upang siyasatin ang mga pinagmulang historikal ng teksto gaya ng
panahon ng pagkakasulat nito, lugar kung saan ito isinulat, mga pinagkunan nito, mga pangyayaring
nakapaligid dito at mga petsa, mga taong sangkot dito, bagay, kultura na binabanggit o pinahihiwatig sa teksto.

Ang akdang pampanitikan na taglay ang historikal na pananaw ay naisulat sa pangyayari sa kasaysayan.
Layunin ng akdang ito na ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan at
bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng
mundo.

SOSYOLOHIKAL

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), na pinamagatang DalumatFil ang sosyolohikal na pananaw ay
tumitingin sa pangkalahatang pattern sa pag-uugali ng mga indibidwal na kasapi sa lipunan. Ang manunulat ay
produkto ng kanyang panahon, lugar, mga kaganapan, kultura, at institusyon sa kanyang kapaligiran kung saan
itinuturing sila bilang boses ng kanyang panahon. Ang pananaw na ito ay nagbibigay ng pangunahing halaga sa
tao, dahil dito ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatang bagay at panginoon ng kanyang kapalaran. Ang tao
at ang kanyang mga saloobin at damdamin ang naging pangunahing paksa rito.

Halimbawa, ang kagustuhan ng magulang na makapag-aral at makapagtapos ang kanilang anak. Ito ang
pangunahing kadahilanan nang marami nating kababayang sinusuong ang hirap sa ibang bansa. Ang indibidwal
na kaisipang itoy hinubog ng kaganapang panlipunan ng bansa – mga nakapagtapos lamang sa magagandang
paaralan ang madaling magkaroon ng magandang trabaho.

Laganap ang patalastas na may kaugnayan sa pagpapaputi, para sa straight hair at pampaseksi. Sa ganitong
kaisipan, parang walang lugar sa lipunan ang mga kulot, maitim at matataba. Mas madali para sa mga
mahihirap na makita ang tunay na kalagayan at pangangailangan ng tao kumpara sa mga mayayamang halos
lahat ay nasa kanila na.

FORMALISMO

Ayon sa aklat ni Villafuerte (2000), ang pagtuklas at pagpapaliwanag sa anumang anyo ng akda ang siyang
layunin ng teoryang ito at ang pisikal na katangian ng akda ang pinakabuod ng pagdulog na ang minamahalaga
ay ang (1) nilalaman, (2) kaanyuan o kayarian, (3) paraan ng pagkakasulat.

Sa sining na ito, mahalaga ang teksto para masuri ang tema o paksa sa akda, ang sensibilidad ng mga tauhan,
pag-uugnayan ng mga salita, istruktura ng wika, metapora, imahen, at iba pang elemento ng akda.

MARXISTANG PANANAW

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), na pinamagatang DalumatFil ito ay nakabatay sa mga naisulat ng mga
pilosopo, ekonomista na sina Karl Marx at Freidrich Engels. Ang Marxismo ay itinuturing na isang
pandaigdigang pananaw at pagsusuri ng lipunan na nakasentro sa ugnayan at hidwaan ng mga antas ng
lipunan.Binibigyang pansin ng pananaw na ito ang mga umiiral sa tunggalian ng: Tao laban sa sarili, Tao laban
sa ibang tao, Tao laban sa lipunan at Tao laban sa kalikasan

Ayon kay Reyes (1992), makabuluhan ang akda na may epekto sa nakararami – ang siyang tumatanggap ng
akda. Sa Marxismong pananaw, mananalo ang taong nasa laylayan ng lipunan, magkakapuwang sa bayan ang
mga dustang mamamayan, maiaangat ang mga aping sambayanan at magkakaboses ang mga binusalang bibig
upang muling umalingawngaw sa lipunang nakasandig sa tama na sinisimpatya ng nakararami.

SIKOLOHIKAL

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), na pinamagatang DalumatFil ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag
sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig (factor) sa pagbuo ng naturang behavior (pag-uugali, paniniwala,
pananaw, pagkatao) sa isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o
nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.
Samakatuwid, mas binigyang pokus ng pananaw na ito ang damdamin ng makata at ang kanyang katha. Ayon
sa dalawang higanteng sikolohista na sina Sigmund Freud at Carl Jung, sinusuri ng kritiko ang paglikha, ang
ugnayan ng makata at ng kanyang teksto.

POST-ISTRUKTURALISMO

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), na pinamagatang DalumatFil, para sa maraming iskolar ang Post-
istrukturalismo ay nagmula sa teoryang istrukturalismo na katatagpuan ng mga katangian na siyang
magbibigay-hugis sa Post-istrukturalismo. Ito ay batay sa teoryang istrukturalismo na ipinalaganap ni
Ferdinand de Saussure kung saan itinanghal niya na ang bisa ng pangangahulugan sa wika ay bunga ng
kumbensyong dulot ng tumbasan ng pagkakaiba.

Halimbawa: Ang lalake ay lalake dahil hindi babae, ang umaga ay umaga dahil hindi gabi.

Dahil sa pamamayani ng Post-istrukturalismo sa Europa at yaong naging malakas na kilusan sa Estados


Unidos, nabuo ang pagdulog na dekonstruksiyon. Ang dekonstruksiyon ay isang paraan ng pag-aanalisa ng
teksto na ipinakilala ni Jacques Derrida ng France noong dekada ‘60. Batay ito sa ideyang walang
permanenteng kahulugan ang isang teksto dahil ang wika ay di matatag at nagbabago. Dahil dito ang kahulugan
ng isang akda ay wala sa akda kundi nasa isipan ng mambabasa. Malinaw sa kahulugan ni Derrida na ang
teksto ay maaaring magbago at magkaroon ng maraming pagpapakahulugan. Binibigyan niya ng
kapangyarihan ang mambabasa upang buhayin muli ang isang akda. Naniniwala siyang ang kahulugan ng isang
akda ay nakasandig sa pang-unawa ng isang mambabasa.

Ayon kay Michel Foucault ang ideyang dekonstruksyon ay kumakasangkapan sa ideya na buwagin ang
katotohanang tila ipinagpalagay na likas na di matitinag. Ayon naman kay Barthes may kaugnayan pa rin ang
teksto sa awtor sapagkat repleksyon ito ng mga kaisipan at damdamin ng manunulat tungkol sa mga karanasan
sa daigdig.

Ayon sa akda ni Barthes na “The Death of the Author” noong 1968 kung saan kinuha niya sa author ang
karapatang maging autoridad ng kahulugan at inilipat sa mambabasa. Kaya naisulat niya na “the death of the
author is the birth of the reader.”

May dalawang uri ng texto ayon kay Barthes: ang “readerly” at “writerly” text. Ang “readerly” ay tumutukoy
sa textong “buo na” at hindi na nangangailangan ng partisipasyon ng mambabasa sa proseso ng paglikha ng
kahulugan. Ang “writerly” naman ay humihingi ng aktibong partisipasyon sa pagbuo ng akda at gayundin ng
paglikha ng kahulugan.

FEMINISMO

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), pinagtuunan ng pananaw Feminismo ang kalagayan o representasyon
ng kababaihan sa isang akda. Layunin nito na baguhin ang mga de kahong imahen o paglalarawan sa
kababaihan sa anumang uri ng panitikan.

Kapansin-pansin sa mga akdang mulat sa Feminismo, na ang tauhang babae ay aktibong nakikilahok sa
mahahalagang pangyayari sa kuwento, may sariling pananaw, at higit sa lahat, may paninindigan bilang tao.
Hindi tagasunod lamang, kundi tagapanguna ng isang pagbabago

Isang halimbawa ng feministang manunulat si Maria Milagros Geremia-Lachica. Ang kanyang mga tula ay
palagiang nakahulma sa kalagayan ng mga kababaihan. Ang pagsalungat sa ideya na mahihina, marupok,
pantahanan, masama, emosyonal, at tanga ang mga babae. Karamihan sa mga paksa ng kaniyang akda ay
tungkol sa pagtuligsa sa patriyarkal na lipunan, paglaganap ng Feminismo, maling pagtrato sa mga kababaihan,
pagkulang sa karapatan ng babae, diskriminasyon, “stereotypes” ng mga kababaihan. Ang pagkaka-akda ni
Lachica sa kanyang mga tula ay palagiang tema ang pagiging isang babae, nanay, asawa, at taong may puso’t
utak. Katulad ng tula niyang “When Eyes Meet Eyes”.

Sa isang panayam ni Noel Galon de Leon, binigyang kahulugan ni Lachica ang salitang feminista bilang isang
babaeng aakyat sa silya sa pagpalit ng pundidong bombilya sa kanyang kusina, hindi dahil sa kaya niya itong
gawin ngunit dahil kailangang palitan upang hindi siya magluluto sa dilim. Kung sakaling may lalaking mag-
alok ng tulong sa pagpalit ng sinabing bombilya, ang feminista ay hindi tatanggi. Magpapasalamat siya sabay
ang isang matamis na ngiti.
Sa pamamagitan ng panitikan, naihayag na ng mga kababaihan ang kalipunan ng kanilang paniniwala, lakas sa
mundo ng kalalakihan. Binasag na ang kanilang aping kalagayan na nagmumula sa ideolohiyang patriyarkal.
Ayon kay de Beauvoir “walang esensyal na kalikasan na tutukoy sa kababaihan. Ibig sabihin, “ang babae ay
hindi ipinanganak na babae, siya ay nagiging babae.”

KULTURAL

Ayon sa aklat nina Quijano et al. (2019), ang kultura ay salamin ng lipunan at mabilis itong sumasabay sa
pagbabago dahil sa globalisasyon. Nagsulputan ang mga gawaing may makabagong dulog at napalitan ang
dating nakasanayan. Nakapaloob sa kulturang ito ang musika, panoorin, kasuotan, inumin, at gadgets.

Ayon sa mga pag-aaral, ang wika ay daynamiko/nagbabago. Sa pagdaan ng mga panahon kung ano ang uso
sumusunod din sa paggamit ng wika.Nariyan ang jejemon, bekimon, at iba pang balbal na salita na naiimbento
sa kasalukuyan.

Sa isang pag-aaral ni Taylor (1990), na ama ng Antropolohiya winika niya na “ang kultura ay isang kabuuang
kompleks na may malawak na saklaw sapagkat kabilang dito ang kaalaman, paniniwala, sining, valyu, at
kaugalian ng tao bilang miyembro ng isang lipunan.”

Ayon kay Bakhtin, itinampok niya ang karnabal bilang isang pagtatanghal kung saan nakapaloob ang iba’t
ibang uri ng kultura. Ito ay isang daigdig na pinagbabalibaligtad subalit punong-puno ng sigla, buhay,
kabastusan na kung saan lahat ay nagkakahalu-halo, at paulit-ulit na pinupukol ng putik, pinarurumi, at
binabato, at lahat ng batas ay nilalabag.

Sa gayon, binibigyan ng buhay ng mga nagtatanghal ang isang akda sa pamamagitan ng kulturang pagtatanghal
na ang kuwento ng pagtatanghal ay kultura ng isang lipi, isang bansa o nasyon.

You might also like