You are on page 1of 1

Una: Pumili at Maglimita ng Paksa Ang

una mong dapat na pinag-uukulan ng panahon bilang isang nagsisimula sa pananaliksik ay ang pagpapasiya kung ano
ang paksang iyong sasaliksikin at kung hanggang saan ang magiging sakop nito. Kung ang paksa at limitasyon ng lyong
gagawing pananaliksik ay hindi malinaw para sa iyo, lalabas na mahina at magulo ang iyong sulatin.

Mahalagang sundin ang mga hakbang na ito:

1. Pumili ng isang paksang kawili-wili at kapaki-pakinabang upang magkaroon ng saysay ang kalalabasan nito.
Mainam kung napapanahon upang maging makabuluhan para sa nakararami at upang maihanay ang mga kaisipan
nang maayos, malinaw, at makatwiran.

2. Maghanda ng sapat na sangguniang babasahin sa napiling paksa sapagkat kailangang mapalawak ang mga
kaalaman ng paksang tatalakayin. Iwasan ang mga paksang walang sapat na katibayan, sa halip, ang piliin ay iyong
mga nalimbag na sa iba't ibang babasahin sa gayon ay magkaroon ng batayan at tuntungang impormasyon ang
gagawing pagtalakay.

3. Pumili ng paksang hindi magiging malawak at masaklaw. Kung ang sulatin ay pahihintulutang gumamit ng 5,000
salita lamang at ang paksang napili ay "Epekto ng Edukasyon sa Lipunang Pilipino" malaking suliranin ito sa
mananaliksik. Subalit kung lilimitahan at hahatiin sa maliit na bahagi ang paksa ay magiging malinaw. Halimbawa, sa
halip na epekto ng edukasyon sa kabuoan, higit na mainam kung limitado tulad ng "Epekto ng Edukasyong K to 12 sa
Unang Baitang ng Pag-aaral."

4. Pumili ng paksang maaaring bigyan ng kongklusyon o pasiya upang sa ganoon ay maipakita ng sumulat na siya ay
makapagbibigay ng kuro- kuro matapos ang masusing pagsusuri sa mga ebidensiya o katibayan. Nakatutulong ang
pagsasaalang-alang sa sumusunod na mga aspekto sa paghahanda sa unang hakbang ng panimulang pananaliksik.
Ang sumusunod ay ayon sa aklat nina Alejo, et al. (2005):

 Panahon- Dapat na maging malinaw sa mananaliksik ang saklaw ng panahon ng pag-aaral sa paksang napili.
Isaisip na ito'y matatapos sa loob ng isang semestre. Humingi ng payo sa guro o tagapayo kung nahihirapang
limitahan ang paksa.
 Edad- Isaalang-alang kung ano ang edad ng populasyon o tagatugon na gagamitin sa paksang pag-aaralan
upang magkaroon ng direksiyon at maging obhetibo ang resulta ng pananaliksik.
 Kasarian-Mahalaga ito dahil nakaaapekto sa resulta ng pananaliksik ang kasarian ng tagatugon kaya
kailangang matiyak ang mga kasarian populasyong gagamitin sa isasagawang pag-aaral.
 Pangkat na kinabibilangan-Tukuyin ang pangkat na kinabibilangan ng iyong populasyon kung sila ba ay
estudyante, propesyonal, bata, matanda, walang hanapbuhay, may hanapbuhay, at ang kalagayang
ekonomiko ng mga taong pagtutuonan ng pansin sa pag-aaral.
 Anyo o uri-Kung pananaliksik pampanitikan, kailangang tukuyin ang uri o genre ng susuriin sa pag-aaral,
maaari itong sanaysay, tula, dula, at iba pa. Para sa pananaliksik sa ibang disiplina, maaaring ito ang
kalagayang panlipunan, estruktura, at iba pa.
 Perspektiba- Ito ay tumutukoy sa iba't ibang pagtingin o pananaw sa paksang pag-aaralan. Tinitiyak dito kung
hanggang saan lamang ang punto o perspektiba ng pag-aaral na gagawin.
 Lugar-Binabanggit din ang lugar o pook na napiling gamitin sa pananaliksik. Halimbawa, maaaring pag-aralan
ang partikular na kultura ng isang pook. Dapat puntahan ang lugar na gagamitin sa pag-aaral upang
magmasid at mapatunayan ang konsepto o teoryang pinag-aaralan.

You might also like