You are on page 1of 2

MGA TALA SA BUHAY NI RIZAL

AT ANG KALIGIRANG
PANGKASAYSAYAN
NG NOLI ME TANGERE
Sa araling ito, mababasa mo ang mahahalagang tala tungkol sa buhay
ni Dr. Jose Rizal – ang kinikilalang pambansang bayani ng Pilipinas. Ang
kanyang buong pangalan ay Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda.
Ipinanganak siya sa lalawigan ng Laguna noong ika-19 ng Hunyo, 1861. Siya,
bagamat patay na ay masasabing ang kanyang kabayanihan at mga ginawa
para sa ating Inang Bayan ay buhay pa rin sa alaala ng bawat Pilipinong
nagmamahal sa kanyang simulain at ideyalismo.
Si Jose Rizal ay itinuturing na isang henyo. Siya rin ay isang dalubwika.
Siya rin ay isang makabayan. Siya ay nakipaglaban sa mga dayuhang
mananakop sa pamamagitan ng panulat. Ginamit niya ang kapangyarihan
ng pluma upang gisingin ang natutulog na damdaming makabayan ng mga
Pilipino. Dalawa sa pinakasikat na klasikong nobela na kanyang naisulat ay
ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Nag-aral din si Dr. Jose Rizal sa maraming bansa sa Europa. May
pagkakataong nilisan niya ang bansa upang makaiwas sa matinding galit sa
kanya ng mga Espanyol dahil sa nobela niyang Noli Me Tangere. Ipinatapon
din siya ng pamahalaang Espanyol sa Dapitan dahil sa bintang na siya ay
may kinalaman sa kilusang ukol sa paghihimagsik.
Isinulat din ni Dr. Jose Rizal ang “Mi Ultimo Adios” o Huling Paalam.
Ito ang huling isinulat ni Rizal bago siya binaril sa Bagumbayan o Rizal Park
o Luneta ngayon noong ika-30 ng Disyembre, 1896.
Sa aralin ding ito matutunan mo ang kaligirang pangkasaysayan ng Noli
Me Tangere. Ang pamagat ng nobelang ito ay hinango sa Ebanghelyo ni San
Lucas na ang ibig sabihin ay “huwag mo akong salingin.” Inilarawan ni Rizal
sa nobelang ito ang kahabag-habag na kalagayan ng mga Pilipino sa kamay ng
mga mananakop. Isiniwalat niya rin ang katiwalian at ang pagpapaimbabaw
na bumabalot sa balatkayong relihiyon na siyang nagpahirap at nagmalupit
sa mga Pilipino. Sa pamamagitan din ng nobelang ito, ipinakilala ni Rizal
ang pangangailangan ng malaking pagbabago ng kanyang bayan na tanging
makukuha sa pamamagitan ng karunungan at edukasyon.
Makikilala mo sa araling ito ang mga tauhan ng nobela na tulad nina Don
Crisostomo Ibarra, Maria Clara Delos Santos, Padre Damaso, Kapitan Tiago,
Pilosopong Tasyo, Don Rafael Ibarra, Sisa, Basilio, Crispin, Elias at marami
pang iba na sumasalamin at kumakatawan sa mga uri ng taong makikita sa
ating lipunan noon at maging hanggang sa kasalukuyan.

i
Tunay na hindi naging madali para sa ating pambansang bayani na
maisulat ang nobelang ito ngunit isa lang ang tiyak, ang nobelang ito ay
tunay na walang kamatayan – patuloy na mananatili ang diwa at mensahe
nito sa mga puso ng bawat Pilipinong nagmamahal sa ating Inang Bayan.

ii

You might also like